Ukraine: Ospital sa Kherson, dalawang beses binomba sa loob lamang ng 72 oras
Habang sinusulat namin ito, binomba na naman ang ospital sa rehiyon ng Kherson sa Ukraine. Ang unang insidente ng pagbomba rito ay naganap noong Martes, at naging sanhi ng pagkamatay ng isang doktor at pag-iwang sugatan sa limang miyembro ng medical staff. Bagama’t maraming ulat ang lumabas at mariing kinokondena ang unang pagsalakay, tila walang nabago sa sitwasyon. Paulit-ulit nananawagan ang Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) na protektahan ang mga ospital at imprastrukturang sibilyan sa Ukraine, at muli rin nitong kinokondena ang walang puntong pagsalakay sa isang pasilidad medikal.
Nang tumunog ang mga sirena bilang babala sa papalapit na pagsalakay, nagtatrabaho ang isang miyembro ng staff ng Doctors Without Borders sa bunker ng ospital, na patuloy pa ring isinasaayos ng mga logistical team ng organisasyon.
“Naramdaman ko ang matinding pagsabog nang bumagsak ang bomba sa paligid ng pasilidad medikal kung saan nagtatrabaho ang Doctors Without Borders. Noong mga oras na iyon, nasa loob ako ng bomb shelter, at nangangasiwa sa mga inaayos namin doon para sa mga staff at mga pasyente ng Ministry of Health," sabi ni Andrii Dobravskyi, ang Operational Adviser ng Doctors Without Borders.
“Pagkatapos ng insidenteng iyon, umakyat na ako at nakita kong napuruhan ang morge, at nasira ang mga konkretong istruktura at mga tubo para sa gas. May mga 150 na staff at mga pasyenteng nasa loob ng pasilidad medikal noong binomba ito. Mabuti na lang at walang nasaktan sa kanila. Gusto ko lang bigyang-diin na ang ospital na ito ay nasa isang residential area, kung saan ito’y may kalapit na paaralan at mga apartment (kung saan may mga pamilyang nakatira)," pagpapatuloy niya.
Ilang kilometro lang mula sa frontline, sa isang teritoryong muling nakuha ng mga puwersang Ukrainian nitong nakaraang taon, ang ospital ay dalawang beses nang binomba sa loob lamang ng 72 oras. Mula noong Pebrero 24, 2022, paulit-ulit nang nanawagan ang Doctors Without Borders para sa proteksyon ng mga pasilidad medikal matapos masaksihan ang pagkasira ng mga ganitong lugar sa mga oblast ng Kherson, Donetsk, Dnipropetrovsk, Kharkiv at Mikolaiv.
Ang pinakahuling pagsalakay sa ospital na ito ay naaayon sa mga napansin ng Doctors Without Borders tungkol sa digmaang ito – partikular na sa patuloy na pagbobomba ng mga puwersang Ruso sa mga imprastrukturang sibilyan, mga lugar kung saan maraming naninirahan, at mga istrukturang medikal.
Ilang beses ba naming masasaksihan ang ganito? Ano ba ang kahulugan ng pagiging tagapangalaga o pasyente sa digmaang ito? Ano ang kailangan upang ang mga may hawak ng sandata ay magpakita ng paggalang para sa buhay ng isang tao? Anuman ang kanilang layunin, paulit-ulit naming nasasaksihan kung paanong nagdurusa ang mga medical staff at mga sibilyan sa gitna ng digmaang ito. Simple lang ang aming mensahe: tigilan na ang pagbomba sa mga ospital.Cyril Cappai, Head of Mission