Ukraine: Pagsalakay sa Okhmatdyt Children's Hospital sa Kyiv
Pinatamaan ng mga missile ang Okhmatdyt Children's Hospital. Ukraine, Hulyo 2024. © MSF
Naghihintay ang mga batang may seryosong kondisyong medikal—ang ilan sa kanila’y nangangailangan ng critical life support— na mailikas o maipasok muli sa ibang bahagi ng Okhmatdyt Children's Hospital malapit sa nawasak na gusali sa Kyiv, ayon sa Minister of Health ng Ukraine. Ito ang pinakamalaking pasilidad para sa pagsuri at paggamot ng mga bata sa bansa. Pinakamalala ang pinsala sa dialysis department ng pasilidad.
“Dumarami ang mga nasasaksihan ng aming mga team na pagsalakay sa mga imprastukturang sibilyan at medikal ng mga puwersang Ruso sa buong Ukraine, sa mga bayan at barangay na malapit sa mga lugar ng labanan, at maging sa mga mas looban. Winawasak ang mga ospital, at ang mga pasyente at mga medical staff ng mga ito ay pinagpapapatay. Ang sinalakay ngayong araw na ito, ang Okhmatdyt Hospital sa Kyiv, ay kilalang-kilala ng aming mga team. Noong kasisimula pa lamang ng digmaan, tumulong ang aming mga doktor sa medical staff sa mga surgical ward at nagbigay ng pagsasanay sa mga physical therapist sa naturang ospital. Hindi katanggap-tanggap na sa loob ng isang ospital, pakiramdam ng mga pasyente’y di sila ligtas at di sila makakakuha ng pangangalagang medikal,” sabi ni Christopher Stokes, ang emergency coordinator ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières sa Ukraine.
Ayon sa ulat ng Ministry of Internal Affairs of Ukraine, ang missile strike sa Okhmatdyt Hospital ay naging sanhi ng pagkamatay ng dalawang nakatatanda. 16 ang nasugatan, kabilang roon ang pitong bata. Sa ngayo’y patuloy na isinasagawa ang search and rescue operations. Maaring may mga buhay pa ngunit naipit o nakulong sa mga gumuhong bahagi ng pasilidad. Ang mga rescuer at mga boluntaryo ay masigasig sa kanilang pagsusumikap na marating ang silong ng gusali ng ospital na gumuho nang tamaan ito ng missile. Doon kasi pumunta ang mga medical personnel kasama ang mga batang pasyente noong kasisimula pa lamang ng pagsalakay.
Isang team ng Doctors Without Borders ang bumisita sa ospital ngayong araw na ito upang pag-aralan ang sitwasyon at mag-abot ng tulong kung kinakailangan.
Ang Doctors Without Borders ay tumutugon sa mga hinihiling ng Ministry of Health. Sinusuportahan namin ang mga ospital na malalapit sa mga lugar ng labanan at ang mga kagawaran ng mga institusyong medikal na nagbibigay ng maagang rehabilitasyong pisikal sa nga pasyenteng nagtamo ng pinsala sa digmaan. Patuloy rin ang aming mga team sa pagtulong sa mga pasilidad medikal sa pamamagitan ng pagpapagamit ng aming mga ambulansiya sa pagdadala ng mga pasyente sa ibang mga ospital o mga siyudad.