Ukraine: Sa Odessa, “Naghahanda ang lahat para sa pinakamalalang maaaring mangyari”
View of Odessa from a car driven by Doctors Without Borders staff. Ukraine, March 2022. © MSF
Kababalik lang ni Carla Melki, emergency coordinator ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF), mula sa port city ng Odessa sa timog na bahagi ng Ukraine. Kabilang siya sa isang Doctors Without Borders team na tinatasa ang sitwasyon upang matulungan kaming planuhin ang aming mga gagawin bilang tugon sa digmaang kasulukuyang nagaganap sa bansa
Mula sa Moldova, isang karatig-bansa kung saan lumilikas ang mga refugee, ipinaliwanag niya ang mga pangambang dulot ng pagsalakay ng Russia, at kung ano ang mga prayoridad ng Doctors Without Borders sa kanilang pagtulong.
Ano ang sitwasyon sa Odessa?
May bahagi ng populasyon na lumikas mula sa siyudad at nagpunta sa may Moldovan border. Ang mga naiwan ay di gaanong kumikilos. Ngunit kahit ganito, kumplikado ang paglalakbay dahil sa trapik sa paligid ng maraming security checkpoint sa siyudad. May curfew sa gabi at sa araw nama’y may sirena kang maririnig nang ilang beses sa isang araw. Noong naroon kami, may narinig kaming mga pagsabog sa di-kalayuan, ngunit di namin alam kung ano ang sanhi nito o kung saan ito nanggaling.
Karamihan sa mga tindahan ay sarado, ipinagbabawal ang pagbebenta ng alak, nirarasyon ang gasolina at nililimitahan ang perang puwedeng ilabas mula sa bangko.
Ang siyudad ay naghahanda para sa pagsalakay at pagkubkob. Sa populasyon nito na halos isang milyon, ang Odessa ang pangatlo sa pinakalamaking siyudad sa Ukraine. Nandito rin ang isa sa mga kritikal na pantalan ng bansa. Kaya’t walang nag-iilusyon sa susunod na posibleng mangyari. Ang lahat ay naghahanda para sa pinakamalalang puwedeng maganap.
Paano naghahanda ang sistemang pangkalusugan ng siyudad para sa pagsalakay ng Russia?
Binisita namin ang mga ospital na inatasang tumanggap ng mga sugatang sibilyan. Malalaki ang mga ospital na ito, de-kalidad, at may maaayos na kagamitan, ngunit di sila sanay na magbigay-lunas sa sobrang daming nasugatan dahil sa digmaan o mga taong natamaan ng shrapnel. Para mo na ring sinabing maghanda ang mga ospital ng France para sa panggagamot na pandigmaan. Mahirap na matutunan ang ganitong klaseng paggamot sa pamamagitan ng mga teoriya; kailangan mo ng karanasang praktikal.
Pero, ang karamihan sa mga health personnel ay naroon pa rin, at walang balak umalis. Lahat ay puspusan ang pagtatrabaho at determinadong gawin ang kanilang makakaya, anuman ang mangyari.
Dapat ba tayong mangamba na posibleng magkulang ng gamot?
Ang sistema ng pangangalagang pangkalusugan ay nabulabog na ng digmaan, at nakaapekto na ito sa mga supply chain. Halimbawa, dahil sa kaguluhan, hindi na nakakapaghatid ng pagkain para sa mga pasyente ng ospital. Hindi makapagdala ng pagkain mula sa siyudad ng Mykolaiv kung saan ito karaniwang inihahanda. Kaya ngayon, iniisip namin kung susuportahan namin ang mga ospital sa pamamagitan ng pagpapadala ng pagkaing luto na para sa mga pasyente.
May mga gamot na nagsisimula nang maubos, at hindi posibleng bilhin ang mga ito sa karaniwang mga pinagkukunan dahil di na kaya ng central level na magbigay ng supply sa buong bansa. Sinusubukan na ng bawat rehiyon o malaking siyudad na humanap ng mga alternatibo. Tumutulong kami rito; dumating ang unang donasyon namin ng mga gamot at kagamitang medikal kahapon (Linggo, 6 Marso) sa Odessa mula sa Romania at gusto naming maibigay din ang ilan sa mga ito sa mga ospital sa Mykolaiv. Pero malinaw naman na sa buong bansa, malaking problema na ang kakulangan ng gamot at kagamitan, at lalo lang lalala ang sitwasyon.
Bukod sa mga tuwirang negatibong epekto ng digmaan, malamang ay malubha rin ang maidudulot nito sa mga pasyenteng may chronic disease – tulad ng cancer o diabetes.
Ano ang sitwasyon sa Moldovan border?
Ayon sa mga awtoridad ng Moldova, tinatayang may 120,000 na refugee mula sa Ukraine na dumating na sa bansa. Para sa mga residente ng rehiyon ng Odessa, ang pinakamalapit na border crossing ay ang Palanca na mga dalawang oras ang layo mula sa siyudad kung nakakakotse ka. Ngunit sa kasalukuyan, minsa’y inaabot ng mahigit sa 24 oras para tumawid sa border. Sa border post, hinihiwalay ng mga awtoridad ng Moldova ang kanilang mga mamamayan mula sa mga dayuhan, pero lahat naman ay pinapadaan.
Ang pinakamayayaman na tao ay lulan ng kanilang mga sariling sasakyan, habang ang karamihan ay sumasakay lang ng bus o tren. Karamihan dito ay mga kababaihan at mga bata. Sa may border, ilang kilometro na ang haba ng trapik. Maraming mga taong nilalakad na lang ang mga ilang huling kilometro. Sobrang lamig dito. Bukod sa pagkapagod at pagkabalisa, ang mga tao ay nahihirapan dahil sa mga epekto ng hindi nagagamot na mga chronic illness.
Pagdating nila sa border, kadalasa’y kailangan ng mga tao ng kagyat na pangangalaga. Balak naming magtayo ng isang health post sa pakikipagtulungan sa Moldovan Ministry of Health, upang makapagbigay ng first aid sa isang ligtas at komportableng kapaligiran. Sa panig ng Moldova sa border, nagtayo ang mga awtoridad ng mga reception area, dahil karaniwa’y ilang oras na naghihintay ang mga refugee na makahanap ng masasakyan papunta sa kabisera ng Chișinău, at sa iba pang mga lugar na mas malayo pa roon. Dito rin namin balak magtayo ng shelter na magbibigay ng psychological at social assistance, lalo na para sa mahihina ang kalusugan.
Paano binabalak tulungan ng Doctors Without Borders ang mga mamamayan ng Odessa?
Sa Odessa, nakatuon kami sa dalawang bagay. Una, tutulong kami sa paghahanda sa mga ospital na alagaan ang mga nasugatan. Naniniwala kaming kaya naming magbigay ng pagsasanay, suporta para sa triage, at patient stabilisation. Iniisip din naming tumulong sa pagtayo ng mga advanced medical post – mga maliit na emergency room na kayang magbigay ng first aid sa mga nasugatan bago pa man sila dalhin sa ospital.
Ikalawa, balak naming tumulong sa pagbibigay ng supply ng mga gamot para hindi magkulang ito. Pagkatapos naming matanggap ang unang donasyon ng mga gamot kahapon, may mga iba pang donasyon na dadating sa mga susunod na araw. Ito’y salamat sa pakikipagtulungan namin sa Zidebine, isang Romanian NGO na tumutulong sa aming bilhin at ihatid ang mga gamot para sa Ukraine.
Hindi namin alam kung gaano katagal pa bago ang susunod na pagsalakay. Kaya hangga’t maaari, isinasaayos namin ang mga bagay na posible pang ayusin. Wala na kaming gaanong panahon.