Skip to main content

    Ukraine: Pangangalaga para sa mga mahihinang taong naiwan noong digmaan

    Drawings at a metro station in Kharkiv. Ukraine, April 2022. © MSF

    Mga ginuhit sa isang istasyon ng tren sa Kharkiv. Ukraine, Abril 2022. © MSF

    Ang una kong nasaksihan sa rehiyon ng Kyiv ay ang paglilikas ng mga tao. Simula pa lang ng Marso noon, at kami’y nasa daan mula sa kanluran papunta sa kapitolyo. Papunta sa kasalungat na direksyon ang mahahabang linya ng mga kotse. Karamihan sa kanila ay may nakasulat na “may mga bata” sa kanilang windscreen dahil umaasa silang ito ay makapipigil sa pamamaril ng mga sundalong Ruso. Ang bawat sasakyan ay may lamang mga tao, ari-arian, at mga alagang hayop. Kung walang mga sirena ng air raid, mga checkpoint, at ang niyebe, maaaring maisip mo na sila ay mga pamilyang magbabakasyon lamang.

    Naisip ko na ang mga taong ito ay ang mga mapalad. Sila ang mga taong may sasakyan at pera, at may kakayahang tumakas patungo sa western Ukraine o sa mga karatig-bansa.

    Samantala, ang mga matatanda, may kapansanan, may problema sa pag-iisip, at may pabalik-balik na karamdaman ay hindi makaalis. Sila ang mga “iniwan” ng digmaan.
    A market destroyed by a fire caused by Russian bombing in Kharkiv.

    Isang palengkeng natupok ng apoy na sanhi ng pagbomba ng Russia sa Kharkiv. Ukraine, Abril 2022. © Adrienne Surprenant/MYOP 

    Ito ang dahilan kung bakit marami pa rin ang mga naiwang residente kahit sa mga lugar na kontrolado ng mga puwersang Ruso tulad ng Makariv, Borodianka, Irpin at Bucha. 

    Nagulantang ang mundo sa mga nakitang imahen ng mga sibilyang pinatay sa mga kalye ng Bucha, ngunit panahon na para bigyan naman ng espesyal na atensyon ang mga nabuhay. Isang buwang walang makapasok sa lugar na iyon at napakahirap makalabas. Ang mga matatandang walang kasama, at ang mga may sakit at kapansanan ay walang oportunidad na tumakas.

    May mga taong nagtago sa kanilang mga silong, pero may mga ibang kulang sa lakas para lumayo mula sa kanilang kinaroroonan. Lahat sila ay hindi makaalpas mula sa sitwasyon ng matinding karahasan.

    Ang mga nangahas na lumabas mula sa kanilang mga tahanan ay nalagay sa panganib na mabaril ng mga sundalong Ruso o ng kanilang mga tangke. Pinutulan sila ng kuryente, tubig at supply ng gas. Ang mga ospital at pasilidad pangkalusugan ay nasira o natupok, at ang mga staff ay nagsitakas, kung kaya’t walang makapagbibigay ng pangangalagang pangkalusugan. Dahil sa hypothermia, stress, at kawalan ng pangangalaga, may mga inatake sa puso at meron ding nakaranas ng stroke. Iniisip ng marami sa mga health worker na ang mga namamatay dahil sa mga sakit na ito ay mas marami pa kaysa mga namamatay nang dahil sa karahasan.

    Sa mga lugar na ngayon ay nasa pamamahala na uli ng Ukraine, tulad ng Makariv, Borodianka at ang mga bayan sa hilaga ng Fastiv, ang mga Doctors Without Borders team ay nagsimula nang magbigay ng suporta sa mga lokal na doktor at awtoridad sa pagbibigay ng pangangalagang medikal. Nagsusumikap silang matukoy at palakasin ang mga may sakit bago sila ilipat sa ospital sa Fastiv. Tinutulungan din ng Doctors Without Borders ang ospital na tumugon sa mga dumadaming pangangailangan sa pamamagitan ng pagbigay ng mga donasyong gamot at kagamitan, at pagtatakda ng pagbisita ng physiotherapist at sikolohista. Balak naming gawin din ang mga aktibidad na ito sa mga lugar sa bandang hilaga ng Kyiv hanggang sa Chernihiv, na maaari nang puntahan ngayon.

    Makeshift beds lining the platform in one of Kharkiv's Metro stations. Ukraine, April 2022. © Lisa Searle/MSF

    Mga pansamantalang higaan na nakahilera sa plataporma sa isang istasyon ng Kharkiv Metro. Ukraine, Abril 2022. © Lisa Searle/MSF 

    Sa timog ng Kyiv, sa Bila Tserkva, Hrebinky at Ksaverivka, marami sa mga tao ang nagsilikas na dahil sa takot na maabutan ng mga sundalong Ruso. Ang mga pinakamahina na naman, ang mga matatanda at mga may sakit, ang naiwan. Ang mga ospital at pasilidad pangkalusugan ay inutusang huwag nang magbigay ng non-emergency care at maghanda na lamang na bigyang lunas ang mga sugatan sa digmaan.

    Ang pagkuha ng pangangalagang pangkalusugan, kasama na rito ang pangunahing pangangalaga ay naging napakahirap. Ang mga parmasya, kung hindi sarado, ay  walang mga pangunahing gamot. Ang pagbebenta ng alak ay pinagbawalan din kung kaya’t ang mga alcoholic ay nahirapan dahil sa acute withdrawal, isang sitwasyon na maaaring mauwi sa kamatayan. Dahil wala silang pagkukunan ng gasolina, ang mga social worker ay nagbibisikleta na lang, ngunit ang madalas na curfew, paghihigpit sa paggalaw at ang pagkakaroon ng mga checkpoint ay nakapipigil sa kanila upang bisitahin ang mga may sakit na hindi makalabas ng kanilang bahay o hindi makabangon mula sa kanilang higaan.

    May mga tao ring nananatili sa mga lugar na ito dahil sa mga sakit na tulad ng kidney failure o cancer, na nangangailangan ng regular na dialysis o chemotherapy. Dahil walang katiyakan na maaari silang makakuha ng ganitong serbisyo kapag sila’y pumunta sa kanluran ng Ukraine o sa ibang bansa, hindi sila makaalis at ganoon din ang kanilang mga kamag-anak.

    Medecine is ready to be given to patients at an MSF mobile clinic in a metro station where people hide form bombings and now live, in Kharkiv.

    Handa na ang mga gamot na ibibigay sa mga pasyente sa isang Doctors Without Borders mobile clinic sa istasyon ng tren kung saan nagtago ang mga tao mula sa pagbomba at ngayo’y naging tirahan na nila, sa Kharkiv. Ukraine, Abril 2022. © Adrienne Surprenant/MYOP 

    Ayon sa direktor ng Nezabutni, isang Ukrainian charitable foundation na sumusuporta sa mga matatanda at sa kanilang mga tagapangalaga, kahit sa mga lugar na nakararanas ng matinding pagbobomba, ang mga taong may kapamilyang may dementia ay hindi sumisilong kapag tumunog ang mga alarm dahil sa disorientation at pagkabalisa dala ng pagkakakulong sa isang mataong bunker. Ang mga ganitong pangyayari ay nagdudulot ng trauma sa mga dati nang mahina. Pero, mas gugustuhin pa nilang mabuhay nang ganito kaysa harapin ang posibilidad ng  paglala ng kondisyon ng kanilang mahal sa buhay. 

    Sa panahong nasa Ukraine ako, bumilib ako sa ipinakitang lakas ng mga tagapangalagang tumangging iwan ang mga taong kanilang inaalagaan. Madalas kong marinig ang paliwanag ng mga taong maaari namang umalis pero pinili nilang maiwan kasama ang mga pinakamahina. Ang mayor at ang mga residente ng Fastiv na, dahil sa kahanga-hangang pagkilos ngmga boluntaryo, ay nagbibigay na ng masisilungan sa mga nawalan ng tahanan sa mga karatig-bayan ng Makariv at Borodianka, ay naghahanap din ng paraan upang mapalikas ang mga natitirang tao sa mga lugar na ito.

    Ang mga social worker, na kadalasa’y mga babaeng may mga sariling pamilya na rin, ay nagtatrabaho buong araw at buong gabi upang matukoy at makipag-ugnay sa bawat isang taong naiwan. May mga boluntaryo ring nagsusumikap na makakuha ng mga gamot, pagkain, at mga pangunahing pangngailangan na hinahatid  nila sa mga di makaalis ng bahay. Ang mga staff kung saan namamalagi ang mga matatanda ay hindi iniiwan ang kanilang tungkulin, kahit noong takot na takot na sila sa papalapit na digmaan.

    Ang pagpapakilos ng sambayanan na nasaksihan ko sa rehiyon ng Kyiv ay ginagawa rin sa ibang mga lugar tulad ng Chernihiv, Kharkiv at iba pang mga lugar sa silangan.

    MSF’s third medical train referral in Ukraine: arrival in Lviv. Ukraine, 7 April 2022. © Maurizio Debanne/MSF

    Ang ikatlong medical train referral ng Doctors Without Borders sa Ukraine: pagdating sa Lviv. Ukraine, Abril 2022. © Maurizio Debanne/MSF 

    Ano ang maaaring gawin ng mga organisasyong tulad ng Doctors Without Borders sa ganitong klaseng sitwasyon? Siyam na milyong tao sa Ukraine ang lampas na sa edad 60, at marami sa kanila ang naiwang mag-isa mula noong pumutok ang digmaan. Kailangan natin silang bigyan ng espesyal na atensyon, pati na rin ang kanilang mga tagapangalaga.

    Maaari nating suportahan ang paglikas ng mga matatanda at may kapansanan na nakatira malapit sa  tunggalian,  tungo sa isang pasilidad sa mas ligtas na lugar. Ang pasilidad na iyon ay maaari ring gamitin ng mga taong nakararanas ng catastrophic trauma sa mga lugar tulad ng Bucha. Mahalaga ang papel na ginagampanan ng Doctors Without Borders sa pakikipag-ugnayan sa Ukrainian social services upang maitaguyod at masuportahan ang mga istruktura at makatulong sa paglilipat sa mga pasyente. Maaari ring suportahan ang mga parmasya na pinapatakbo ng mga boluntaryo para matiyak na mayroon silang sapat na supply ng gamot, tulad ng mga para sa mga chronic na sakit.

    MSF’s fifth medical train referral arrived Lviv. Ukraine, April 2022. © Avril Benoit/MSF

    Ang ikalimang medical train referral ng Doctors Without Borders na dumating sa Lviv. Ukraine, Abril 2022. © Avril Benoit/MSF 

    Dagdag pa rito, may plano ang Doctors Without Borders na magbigay ng pinansiyal at teknikal na  suporta para sa digital platform na binubuo ng Nezabutni. Ito  ay makakatulong sa mga matatanda at sa kanilang mga pamilya na makinabang  mula sa mga teleconsultation at sa impormasyon ukol sa mga maaari nilang magawa, kahit sa loob ng kontekstong walang katiyakan.

    Sa pamamagitan ng pagiging maagap at malikhain, ang isang emergency medical organisation tulad ng Doctors Without Borders ay maaaring maging kapaki-pakinabang sa mabilis na nagbabagong konteksto ng digmaan. Ang mga pangmatagalang pangangailangan ay nagsisimula nang lumitaw, kaya’t kailangang simulan na ang pakikipag-ugnayan ngayon upang suportahan ang  mga mahihinang taong naiwan.

    Categories