Skip to main content

    Ukraine: Naglalakbay upang mabuhay – ang mga ambulansya ng Doctors Without Borders at ang mga nasugatan dahil sa digmaan

    MSF ambulance with a patient in Donetsk region

    Ihahatid ng isang ambulansya ng Doctors Without Borders ang isang pasyenteng nasa kritikal na kondisyon mula sa Druzhkivka sa rehiyon ng Donetsk, papunta sa ospital sa Dnipro, sa rehiyon ng Dnipropetrovsk. Ukraine, Agosto 2024. © Olexandr Glyadyelov

    “Hindi ko makaya ang sakit. Lahat masakit. Ang hirap huminga; pakiramdam ko, nasusunog ang buong katawan ko.”

    Ibinubulong ito ng isang lalaking 45 na taong gulang nang halos di iginagalaw ang kanyang mga labi, habang hinihintay niya ang sasakyang magdadala sa kanya mula sa isang ospital sa frontline ng rehiyon ng Donetsk. Malubha ang mga tinamo niyang pinsala dahil sa shelling, at nasunog ang 90% ng kanyang katawan, pati ang kanyang mga lamang-loob. Nangangailangan siya ng pangangalagang medikal ng mga espesyalista na kadalasa’y makukuha lang sa mga ospital na malalayo sa mga lugar ng alitan. Siya’y dadalhin ng isang ambulansya ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) sa Dnipro, isang medical hub kung saan ginagamot ang mga pasyenteng galing sa mga pinakamapanganib na rehiyon.

    Ang mga ambulansya ng Doctors Without Borders ay kadalasang nagdadala ng mga pasyente mula sa mga ospital sa frontline pagkatapos nilang sumailalim sa operasyon at mabigyan ng pangunahing pangangalagang medikal, ngunit hindi magagarantiyahan na walang mangyayari sa kanila habang inililipat.
    Dmytro Bilous, Paramedic

    “Maaaring sila’y duguin, at ang kondisyon ng pasyente ay maaaring mabilis na lumala mula sa maayos na kondisyon hanggang sa delikadong kondisyon. Dala namin ang mga kinakailangang gamot upang gawing maayos ang lagay ng pasyente, o maglagay ng tourniquet at magbigay ng haemostatic na gamot kung kinakailangan,” paliwanag ng paramedic ng Doctors Without Borders na si Dmytro Bilous, na nagtatrabaho malapit sa frontline kasama ng ambulance team ng Doctors Without Borders.

    MSF feldsher is standing next to MSF ambulance in Donetsk region

    Si Dmytro Bilous, ang feldsher ng Doctors Without Borders ay nakatayo sa tabi ng ambulansya ng Doctors Without Borders sa labas ng ospital para sa mga bata sa Slovyansk, na kasalukuyang himpilan ng mga ambulansya.

    “Nakatalaga kami sa ospital para sa mga bata sa Slovyansk, kung saan naroon ang aming emergency room at may mga palikuran sa ilang mga hospital ward. Habang naghihintay para sa aming mga gagawin, nag-uusap kami, nagkukuwentuhan tungkol sa aming mga karanasan, at minsa’y naglalaro ng mga palaisipan. Ngunit karamihan sa aming mga araw ay ginugugol namin sa daan. Ukraine, Agosto 2024. © Olexandr Glyadyelov

    Ang mga pagsunog at iba pang pinsalang kaugnay ng digmaan—head trauma, mga pinsala sa katawan at mga kamay at paa, soft tissue damage, at mga napakalaking haemorrhage—ay mahigit 60% ng mga kaso na tinitingnan ng aming mga doktor kapag nagdadala ng mga pasyente ang mga ambulansya ng Doctors Without Borders. Hanggang noong Hulyo 31, 2024, ang ambulance team ng Doctors Without Borders ay nakakumpleto ng 8,000 na mga patient referral. Ang 15% sa mga pasyenteng ito ay nangangailangan ng mga intensive care unit (ICU) na ambulansya. Mahigit kalahati ng mga pinsalang ito ay direktang resulta ng kasalukuyang digmaan.

    Naobserbahan ng mga medical team ng Doctors Without Borders na ang mga pasilidad medikal na 20 hanggang 30 na kilometro ang layo mula sa mga lugar ng labanan sa silangan at timog na bahagi ng Ukraine ay ganap na nawasak ng walang humpay na shelling nitong nakaraang dalawang taon, o di kaya’y napinsala ang ilang bahagi ng mga ito. Ang mga nananatiling gumaganang pasilidad ay nahaharap sa kritikal na kakulangan ng medical personnel. Mula noong nag-umpisa ang mga pagsalakay noong Pebrero 2022, maraming mga espesyalista ang pumunta sa mga mas ligtas na siyudad o sa ibang bansa. Ang mga ospital ay nagkukulang rin sa mga kama, hindi lang dahil sa mga pasyenteng nasugatan sanhi ng digmaan, ngunit pati na rin ang mga pasyenteng may mga talamak na sakit, mga inatake sa puso, mga nakaranas ng stroke, at mga naaksidente sa daan. Sinusuportahan ng Doctors Without Borders ang mga ospital na ito sa pamamagitan ng pagpapagaan ng kanilang mga pasanin. Ang pangangailangan para sa transportasyong medikal gamit ang ambulansya ay nagiging matindi lalo na kapag nagkakaroon ng mga missile attack, o kapag napupuspos ang mga ospital ng mga mass casualty.

    A patient with severe burns in MSF ambulance

    Nasunog ang 90% ng katawan at ang upper respiratory tract ng pasyenteng ito na ihahatid ng ambulansya ng Doctors Without Borders mula sa ospital ng Druzhkivka, isang siyudad sa frontline ng rehiyon ng Donetsk, papunta sa Dnipro. Ukraine, Agosto 2024. © Olexandr Glyadyelov

    “Bilang resulta ng pagsalakay sa Kostiantynivka sa rehiyon ng Donetsk noong Agosto 9, 14 na tao ang napatay, at mahigit 40 ang nasaktan. Isang pamilihan at isang post office sa sentro ng siyudad, kung saan maraming mga sibilyan, ang tinamaan ng paglusob. Dose-dosena ang nasugatan. Ang mga doktor ng Doctors Without Borders ay tumulong sa pangangalaga ng mga sugatan at sa suturing. Dinala rin namin ang dalawang pasyenteng lubhang nasaktan sa Dnipro gamit ang mga ambulansya ng Doctors Without Borders. Dahil sa walang patid ang pagdating ng mga pasyenteng may trauma na nangangailangan ng referral, tiniyak ng mga ambulance team ng Doctors Without Borders na ang mga pasyente ay inililipat sa mga ospital kung saan makatatanggap sila ng espesyal na pangangalagang kinakailangan nila,” sabi ni Christopher Stokes, ang Emergency Coordinator ng Doctors Without Borders sa Ukraine.

    Ipinapakita ng sitwasyong ito kung paanong hindi matatantiya ang bilang ng mga intensive care o surgical bed na kakailanganin sa isang ospital sa susunod na araw. Kahit kailan ay maaaring maganap ang shelling, at ang aming mga team ay kumikilos nang nasa estado ng palagiang emergency. May mga pagkakataon na ang mga pasyenteng nasugatan dahil sa digmaan ay kinakailangang ilikas habang umaatikabo pa ang labanan, ngunit patuloy pa rin ang mga medic sa pagtupad ng kanilang tungkulin.

    “Mayroon akong anak. Nababalisa siya kapag aalis ako, at tinatanong niya kung babalik pa ako. Sinasagot ko siya ng, ‘Oo naman, babalik ako.’ Kinakailangan kong magtrabaho upang sa paglaki niya ay hindi na niya masasaksihan ang lahat ng ito,” sabi ni Bilous.

    Ang mga ambulansya ng Doctors Without Borders ay nagsimulang magsagawa ng mga medical referral sa Ukraine noong Abril 2022. Ngayon, mayroon nang 17 na sasakyang medikal sa Ukraine na sinusuportahan ng 36 na paramedic, 8 na doktor, at 26 na drayber. Lahat sila’y walang kapagurang magtatrabaho upang matiyak na ang mga pasyente ay makakakuha ng tamang pangangalaga. Dagdag pa rito, may mga logistician, mga parmasyutiko, at mga coordinator na sinisiguradong epektibo ang pagpapatakbo ng proyekto.

    Ikinuwento ni Bilous na madalas, tinatanong nila ang mga sibilyan kung bakit sa kabila ng panganib ay patuloy silang naninirahan malapit sa frontline. Ang pinakakaraniwang tugon ay: “Wala kaming sapat na panahon para lumikas.” Ayon sa mga mamamahayag, tinatayang isang milyong tao sa Ukraine ang patuloy na naninirahan malapit sa mga lugar ng labanan. Ayaw nilang pakawalan ang mga tirahang pinagtiyagaan nilang itayo, pati na rin ang mga pamilyar na kalye, mga hardin, mga bulaklak, at mga puno, na sa kabila ng digmaan, ay namumunga pa rin. Ayaw pakawalan ng mga taong ito ang kanilang pag-asa para sa kapayapaan.


    Susuportahan mo ba ang aming emergency response?

    Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.

    Categories