Skip to main content

    Kiribati: Ang liblib na islang bansa na humaharap ngayon sa tatlong banta sa kalusugan

    A passenger boat travelling between North and South Tarawa. Kiribati, March 2023. © MSF/Nicolette Jackson

    Isang pampasaherong bangka na bumibiyahe sa pagitan ng North at South Tarawa. Kiribati, Marso 2023. © MSF/Nicolette Jackson

    Ang Kiribati ay isa sa pinakaliblib na bansa sa mundo, at isa rin sa may pinakamagkakalayong islang bumubuo nito. Isa rin ito sa pinakananganganib mula sa mga epekto ng krisis sa klima. [1]

    Ang mga pagbabago sa klima at sa kapaligiran ay nakakadagdag pa sa tinatawag na burden of disease ng bansa.

    Nakararanas ang Kiribati ng pagtaas ng temperatura ng hangin at ng dagat, daluyong ng bagyo at malakas na hangin, pagguho ng lupa, tagtuyot at pagbaha. Ito ay nagdudulot ng mga tuwiran at di-tuwirang banta sa kalusugan ng tao, tulad ng mga pinsala sa katawan, mga pagkalat ng sakit, at malnutrisyon.

    Noong Hunyo 2022, nagdeklara ang pamahalaan ng Kiribati ng State of Emergency dahil sa mahabang tagtuyot. Ang water table ng Kiribati (na tinatawag ng mga taga-roon na ‘water lens’) ay nakaupo sa ibabaw ng tubig-dagat at nasa ilalim ng isang coral atoll island, kaya ito’y madaling mahantong sa salinisation. Nagkakaroon uli ng tubig ang water lens kapag tag-ulan, pero kapag ganitong tagtuyot, limitado ang access ng mga tao sa malinis na tubig.

    “Ang tubig mula sa mga balon ay nagiging mas maalat, at hindi na ito puwedeng inumin,” sabi ni Dr. Jo Clarke, isang pediatrician na nagtatrabaho para sa Doctors Without Borders. “Dahil sa kakulangan ng malinis na tubig, magiging mas mahirap ang sanitasyon sa komunidad, magkakaroon ng panganib ng mga sakit na tulad ng diarrhoea at impeksyon sa balat, at magiging mas mahirap din ang pagtatanim ng makakain.”

    On a beach in a village in South Tarawa, the piles of rubbish littering the beach are everywhere. Locals have constructed barriers (built out of rubbish, tyres and sometimes cars) to protect the banks from sea surges and king tides. Kiribati, March 2023. © MSF/Nicolette Jackson

    Sa isang barangay sa baybayin ng South Tarawa, maraming nakakalat na basura sa may tabing-dagat. Ang mga taga-roon ay gumawa ng mga pangharang (gamit ang mga basura, lumang gulong, at minsa’y kotse) bilang proteksyon mula sa daluyong ng dagat at malalaking alon. Kiribati, Marso 2023. © MSF/Nicolette Jackson 

    Ang seguridad ng pagkain at malinis na tubig ay mga talamak na suliranin 

    Mataas ang antas ng obesity ng mga taga-Kiribati (kilala sa tawag na i-Kiribati), ngunit ngayo’y parami nang parami ang nakikita ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) team na mga batang may malnutrisyon.  

    Iyon ang isang kapansin-pansing pagkakaiba nila sa ibang mga bansang napuntahan ko na mayroon ding malnutrisyon: karamihan sa mga nakatatanda rito ay overweight, o sobra sa timbang. Iyan kasi ang kabilang dulo ng maling nutrisyon; maraming taong may sakit na may kaugnayan sa kinakain, gaya ng type-two diabetes. Mahirap magpatubo ng mga prutas at gulay rito, kaya’t di madaling makakuha ng masustansyang pagkain. Karamihan sa pagkain dito’y inangkat, at mataas ang fat and sugar content ng mga ito.
    Dr Jo Clarke, Pediatrician

    Burden of disease

    Hindi simple ang sitwasyon sa Kiribati. Ang bilang ng mga may nakahahawang sakit gaya ng tuberculosis at ketong o leprosy ay ilan sa mga pinakamataas sa Pacific [2]; sa mga sakit na di nakahahawa naman, pumapangalawa ito sa mga low-middle income countries sa dami ng namamatay nang maaga sanhi ng type-two diabetes [3] at isa rin sila sa may pinakamataas na infant mortality rate sa rehiyon[4]

    "Para sa isang napakaliit na bansa, napakabigat ng tinatawag nating “burden of diseases” na aming pinapasan,” sabi ni Dr. Tinte Itinteang, ang Minister of Health and Medical Services ng Kiribati. “Ang maternal mortality dito ay isa sa pinakamalala sa rehiyon; ang infant mortality ay sampung ulit ng bilang sa Australia at New Zealand at isa rin sa pinakamalala sa rehiyon. Ang mga ito’y hindi basta na lang nangyari, at ang iba rito’y palala nang palala nitong nakaraang sampung taon."

    a Kiribati resident at Tebikenimwakina community in South Tarawa who have no land to live on, so they build on land that was part of the lagoon. They fortify it with tyres, cement walls and piles of rubbish and palm fronds in a vain attempt to limit damage from king tides.

    Si Teokea ay nakatira sa isla ng Nikenau. Mayroon siyang gestational diabetes at isinangguni siya sa Tungaru Central Hospital sa South Tarawa, at doon siya manganganak. Mataas ang bilang ng mga may diabetes sa Kiribati, at patuloy pa itong umaakyat. Kiribati, Marso 2023. © MSF/Nicolette Jackson

    Ang paniniil ng sukat 

    Ang populasyon ng Kiribati ay 120,000 lamang. Kalahati rito ay nakatira sa iisang isla, ang South Tarawa, kung saan naroon din ang Tarawa, ang kabisera ng bansa. Ang kalahati pa ay nakatira sa mga isla sa paligid—33 na isla lahat-lahat.

    Ang liit ng Kiribati at ang liblib na lokasyon nito ay may epekto sa kakayahan ng pamahalaan nito na makapagbigay ng komprehensibong pangangalagang pangkalusugan. Isa sa pinakamalaking balakid dito ay ang kakulangan ng kuwalipikadong medical personnel.  

    Nawalan ang Kiribati ng 30 sa mga pinakabihasang nars nila dahil sa labour mobility schemes ng Australia at New Zealand nitong nakaraang labindalawang buwan. Marami rin sa mga doktor nila ang nangingibang-bansa para sa mas magagandang oportunidad sa kanilang propesyon, paglalahad ni Dr. Revite Kirition, Director General of Health. “May mga doktor kaming di na bumalik dito pagkatapos ng kanilang mga pagsasanay; noong natapos na nila ang kanilang post-graduate training, nagpasya silang iwan na ang Kiribati.” 

    Ang Doctors Without Borders ay nagtatrabaho na sa Kiribati mula Oktubre 2022, sa pakikipagtulungan sa Ministry of Health and Medical Services, upang paunlarin ang maternal at paediatric care. 

    Isang paediatrician, obstetrician, komadrona at paediatric nurse mula sa Doctors without Borders ang tumutulong sa Ministry of Health staff ng Kiribati sa pagbibigay ng pangangalagang pangkalusugan sa pangunahing ospital ng bansa upang paunlarin ang kapasidad ng local health staff. Isa pang Doctors Without Borders team ang nagtrabaho naman sa mga islang nasa labas ng South Tarawa. Nagbigay sila ng mga pagsasanay sa mga nars ukol sa neonatal care, at nagsagawa ng screening ng mga babaeng lubhang mapanganib ang pagbuntis dahil sa gestational diabetes. 

    Inside the paediatric ward, Tungaru Central Hospital South Tarawa, where MSF paediatrician Dr Joanne Clarke is working alongside i-Kiribati colleagues from the Ministry of Health and Medical Services. Kiribati, March 2023. © MSF/Nicolette Jackson

    Sa paediatric ward sa Tungaru Central Hospital South Tarawa, ang paediatrician ng Doctors Without Borders na si Dr Joanne Clarke ay kasama ng kanyang mga katrabahong i-Kiribati mula sa Ministry of Health and Medical Services.  Kiribati, March 2023. © MSF/Nicolette Jackson

    May epekto ang pagiging liblib ng lokasyon sa access para sa mga kinakailangang medical supplies

    Nakita ni Dr. Clarke kung gaano kahirap para sa Ministry of Health and Medical Services na makuha ang mga kinakailangang medical supplies at mga gamot.

    “May mga problema sa pagkuha ng supplies ng mga gamot at gamit. Nasa liblib na lugar kami, at matagal makarating ang kahit ano rito, lulan man ng bangka o eroplano. Kamakailan lang ay namroblema kami sa kakulangan ng therapeutic food para sa mga malnourished na bata rito.”

    Ayon kay Moannara Benete, na namumuno sa mga tindahang medikal ng bansa, malaking hamon para sa Kiribati ang makakuha ng kinakailangan at makasagip-buhay na mga gamot kung kailan ito gagamitin at sa makatarungang halaga. “Noong dumating ang F75 at F100 therapeutic milk na ibinibigay namin sa mga malnourished na sanggol dito sa Kiribati, expired na ang mga ito, dahil inabot ng walong buwan bago ito makarating mula sa Europa."

    "Sa tingin ko, wala kaming procurement power o kapangyarihang makipag-negosasyon. Kailangan kaming tulungan ng aming mga karatig-bansa sa Pacific upang makuha namin ang mga kinakailangan naming medical supplies bilang isang rehiyon. Kritikal ang sitwasyong hinaharap namin, at kailangan namin ng agarang tulong.”

     

    [1] World Health Organization 

    [2] TB & Leprosy in the Pacific 

    [3] International Fund for Agricultural Development 

    [4] UNICEF