Ang krisis sa klima ay isang krisis sa kalusugan, lalo na sa Asya-Pasipiko
Isang bayan na binaha, malapit sa Old Fangak, South Sudan. Apat na taong sunod-sunod na pagbabaha ang sumira sa lugar na ito. 2022 © Florence Miettaux
Nitong taong ito, hinagupit ng malakas na bagyong Mocha ang Myanmar at Bangladesh, at ito’y naging sanhi ng pagkasira hindi lang ng mga komunidad, kundi pati ng mga kampo ng refugee. Noong mga nakaraang taon, nasaksihan din natin ang mga malalakas na bagyo tulad ng Haiyan noong 2013. Ito’y nanalanta sa sentrong bahagi ng Pilipinas at nagdulot ng malawakang pagbaha sa Indonesia, na naging sanhi ng pagkalubog sa tubig ng maraming tirahan at pagkawasak ng mga ari-arian.
Ngunit hindi lang mga cyclone at super typhoon ang iniinda natin. Ang Hulyo 2023 ay iniulat bilang pinakamainit na buwan sa daigdig nitong nakaraang 174 na taon. Ang mga resulta nito’y ang mga wildfire sa Canada, mga matitinding heatwave sa France, Spain, Germany, Poland at Italy, at mga marine heatwave sa mga baybayin mula Florida hanggang Australia.
Sa madaling sabi, ang mga kaganapang ito na kaugnay ng lagay ng panahon ay mas madalas nang nangyayari sa iba’t ibang bahagi ng mundo, at nagdadala ng mga mas malalang suliranin. May iba pang hatid ang pagbabago ng klima kaugnay ng kalusugan, partikular na sa mga sakit. Sa ngayon, ang Doctors Without Borders ay humaharap na sa mataas na antas ng mga sakit na vector-borne (dala ng mga insektong gaya ng lamok, pulgas at garapata), food-borne (nakukuha sa pagkain), at water-borne (dala ng tubig). Ito ay nakakaalarma sapagkat alam naming aakyat pa ang bilang ng mga kaso nito habang lumalala ang krisis sa klima. Tinatantiyang magkaroon ng 15 milyong karagdagang kaso ng malaria taun-taon, at ito’y mauuwi sa pagkamatay ng 30,000 na tao. Ang mga bilang na ito ay bukod pa sa mga kasong nakikita natin ngayon. Isang bilyon pang karagdagang mga tao ang inaasahang malalantad sa sakit na dengue, hindi lang sa Asya-Pasipiko, kung saan ito pinakalaganap, kundi sa buong mundo. Kamakailan lang ay nagbigay din ng babala ang mga opisyal ng European Union tungkol sa tumitinding panganib ng mga sakit na dala ng mga lamok, gaya ng dengue at chikungunya, sa Europa dahil sa pagbabago ng klima. Nasaksihan na rin natin ang mga outbreak ng cholera sa hindi bababa sa tatlumpung bansa. Bagama’t maraming posibleng kadahilanan ang mga pangyayaring ito, nakatitiyak tayo na may kinalaman dito ang pagbabago ng klima.
Ang pagbabago ng klima ay iniuugnay rin sa kawalan ng katiyakan sa pagkain at sa malnutrisyon. Kasabay ng mga matinding kaganapan kaugnay ng lagay ng panahon gaya ng mga heatwave at malakas na pag-ulan ay ang mga kalamidad na tulad ng tagtuyot at pagbaha, na nakakaapekto sa mga magsasaka at mangingisda. Naapektuhan nito ang dami ng naaani, ang kondisyon ng mga hayop na tumutulong sa kanilang pagsasaka, ang dami ng mga isdang nahuhuli, at iba pa.
Sa isang exploration mission matapos dumaan ang bagyong Freddy, sinusuri ng staff ng Doctors Without Borders ang pinsalang dulot ng pagguho ng isang tulay. Ang rehiyon ng Nkhulambe na nasa distrito ng Phalombe sa baba ng mga kabundukan ng Mulanje, ay nagtamo ng matinding pinsala dahil sa pagguho ng lupa at pagdaloy ng putik mula sa mga gilid ng bundok. Ang mga kalsada, tulay at mga imprastraktura para sa kuryente at sanitasyon ay nagtamo ng matinding pinsala.
"May mga buong barangay na nilamon ng pagguho ng lupa at pagdaloy ng putik. Ang walang tigil na malakas na pag-ulan ay nagdulot ng mga flash flood, at tinangay nito ang mga bahay, kalsada at tulay. Libo-libong taong nakatira sa mga distrito sa timog ng bansa ang nawalan ng access sa mga pasilidad pangkalusugan , dahil ang iba’y nawasak at ang iba nama’y hindi na marating dahil sa mga pinsala sa mga daan patungo sa mga ito." - Rasmane Kabore, Emergency Coordinator
2023 © MSF/Pascale Antonie
Ang bagyong Mocha, na ang dalang hangin ay may bilis na hanggang 280kmh, ay humagupit sa estado ng Rakhine at sa hilagang kanluran ng Myanmar noong ika-14 ng Mayo. Ang mga taong nakatira rito ay lubha nang mahihina. Karamihan sa kanila’y nakatira sa mga bahay na gawa lamang sa kawayan. May mga anim na milyong tao sa Rakhine na umaasa lamang sa humanitarian assistance. 26,500 ng mga taong internally displaced ay nakatira sa mga kampo roon. Malaking porsiyento sa kanila ay mga Rohingya.
"Pagkatapos ng bagyo, wala akong mahagilap para makibalita dahil bagsak ang mga linya ng kuryente at ng komunikasyon. Dalawang araw pagkatapos ng bagyo, sinubukan kong bumalik sa Sin Tat Maw, kung saan nakatira ang aking pamilya. Kung anu-anong malalagim na eksena ang sumagi sa isip ko. Pagdating ko sa Sin Tat Maw, nadurog ang puso ko nang nakita ko ang aming bahay na hati sa dalawa. Hindi ko alam kung paano ko aaluin ang aking pamilya. Umulan nang bahagya at wala kaming masilungan. Sinikap kong itago ang aking naramdamang kalungkutan.” - Ei Ngoon Phyo, Mental Health Counsellor Educator sa Myanmar
2023 © MSF
Isang bata ang napag-alamang may severe acute malnutrition sa mga konsultasyong isinagawa ng team sa isang mobile clinic sa Qarn Al Asad sa Rada’a, Al Bayda Governorate, Yemen. Ang mga batang malnourished ay mas madaling kapitan ng tigdas.
2023 © Majd Aljunaid/MSF
Ang mga kababaihan ay nag-iigib ng tubig sa isa sa mga mabababaw na balon sa may tuyong ilog sa Illeret.
Ang matinding tagtuyot ay naging sanhi ng kakulangan ng tubig sa rehiyon. Dahil dito, napilitan ang mga residenteng maghanap ng mga alternatibong mapagkukunan ng tubig, kahit ito’y hindi ligtas inumin ng tao.
Kenya, 2022 © MSF/Lucy Makori
At hindi lang iyan. May iba pang mga epekto ang pagbabago ng klima gaya ng paglaganap ng mga hindi nakahahawang sakit, puwersadong paglikas, ang pagkakaroon ng mga alitan, at iba pa.
Ang lahat ng ito ay inaasahang lalala pa sa pagdaan ng panahon–kung tayo’y hindi agad kikilos.
Nakikita na ng mga organisasyong humanitarian tulad ng Doctors Without Borders ang mga epektong ito, kaya’t sinisikap na naming pag-ibayuhin ang paggamot sa mga pinakamahihinang komunidad. Ngunit may hangganan din ang aming kapasidad. Nakita namin ang dami ng mga pangangailangan saan man kami magpunta, sa Asya-Pasipiko, Middle East, at maging sa mga bansa sa Africa. Ang mga bansang limitado ang mapagkukunang-yaman ang pinakanaaapektuhan ng krisis sa klima. Ang mga pasyenteng Rohingya sa Cox’s Bazar, Bangladesh na ilang dekada nang nagtitiis ng pang-uusig at nahihirapan sa pagkabukod nila sa pinakamalaking kampo ng mga refugee sa mundo,ay paulit-ulit na humaharap sa banta ng mga pagbaha at pananalanta ng bagyo. Ang aming mga pasyente sa isla ng Kiribati ay nakararanas din ng pagbabago ng klima at kapaligiran na may dalang panganib sa kanilang kabuhayan at sa kanilang kalusugan.
Matagal na kaming nagbibigay ng babala. Kitang-kita namin ang mga pangangailangang dala ng pagababago ng klima, at nangangamba kaming hindi sapat ang aming kapasidad upang matugunan ang mga pangangailangang ito.
Kailangang tumulong ang mga bansang pinakamalaki ang kontribusyon sa global warming (1.2 degrees ang taas sa pre-industrial levels) sa mga pinakaapektado. Kailangan nilang akuin ang responsibilidad at magbigay ng suportang pinansyal at teknikal sa mga pinakamahihinang bansa. Dapat puwersahin ng mga pamahalaan ng mga pinakaapektadong bansa, tulad ng mga nasa Asya-Pasipiko, ang mga bansang top polluter na tulungan silang pagaanin at pangasiwaan ang mga epekto ng pagbabago ng klima. Kailangan din ng mga patakaran at pagkilos upang tugunan at pigilan ang mga negatibong epekto ng mga isyung ito.
Sa ngayon ay mayroon nang mga ilang namumunomg naninindigang kikilos kaugnay ng usaping ito. Ang mga bansang kabilang sa G20 ay nangangakomg magtataguyod ng sistemang pangkalusugan na mas nagsasaalang-alang sa kapaligiran at higit na climate-resilient. Ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)—kung saan kabilang ang lima sa pinakananganganib na bansa sa buong mundo ay nag-anunsiyo ng estratehiya para sa carbon neutrality. Ang COP28 agenda sa Nobyembre ay magtutuon sa kalusugan, relief at disaster response.
Mahalaga at kritikal ang panahong ito. Makahulugan ang mga ipinapangako ng mga estadong miyembro ng mga regional blocs, ngunit kailangan nila itong panindigan at aksyunan. Sa ngayon, wala pa tayo sa tamang landas at kailangan nating kumilos agad.
Ang krisis sa klima ay nangangailangan ng tulong ng buong komunidad, o gamitan ng whole-of-society approach. Dapat maintindihan ng mga tao at ng mga organisasyon na ang ating mga ginagawa ay bahagi ng problema. Kailangan nating magkapit-bisig sa pagtugon at magkaisa para sa kalusugan ng lahat.
Si Dr. Maria Guevara ay kasalukuyang Medikal na Sekretarya para sa Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF).
Ang kanyang trabaho sa sektor ng humanitarian ay nagsimula sa mga Doctors Without Borders sa Liberia noong 2004. Mula noon, nagtrabaho siya sa Guatemala, Haiti, DRC, Nigeria, Myanmar, Pilipinas, Indonesia, Malaysia, South Sudan at kamakailan-lamang sa US para sa COVID, sa iba-iba'ng kontexto. Ang kanyang mga espesyal na interes ay Global Health, Emergency Response at Planetary Health.