Skip to main content

    Honduras: Paggamit ng lamok upang labanan ang dengue, isang bagong paraan upang protektahan ang mga tao mula sa nakamamatay na sakit

    The recommended spaces to place the bottles of mosquitos with Wolbachia are those where there is not sunlight and it is not within the reach of children or pets. Honduras, August 2023. © Martín Cálix

    Ang mga inirerekomendang lugar kung saan ilalagay ang bote ng mga lamok na may Wolbachia ay ang mga lugar na hindi naaarawan, at sa puwesto kung saan hindi ito maaabot ng mga bata o ng mga alagang hayop. Honduras, August 2023. © Martín Cálix

    Nakikipagtulungan ang Doctors Without Borders, ang Honduran Ministry of Health, ang World Mosquito Program, at ang National Autonomous University of Honduras sa mga lokal na komunidad upang maipatupad ang mga kakaibang estratehiya upang mabawasan ang mga nagkakasakit dahil sa mga arbovirus gaya ng dengue, zika at chikungunya.

    Ang dengue ay isang krisis ng pampublikong kalusugan sa Honduras, at sa mas malawak na rehiyon ng Amerika. Ito rin ay isang banta sa pandaigdigang kalusugan na mabilis nang kumakalat. Ayon sa mga ulat, nitong mga nakaraaang limampung taon ay tatlumpung ulit ang inakyat ng bilang ng mga kaso ng dengue. Sa ngayon, mahigit kalahati na ng populasyon ng mundo ang nanganganib mula sa sakit na ito. Inaasahang sa mga darating na dekada, isang bilyong tao pa ang malalantad sa banta ng dengue dahil sa pagbabago sa klima.

    Ang dengue ay isang viral infection na naipapasa sa ibang tao sa pamamagitan ng kagat ng lamok. Kadalasan itong makikita sa mga siyudad na may klimang tropikal. Ang mga sintomas nito ay lagnat, sakit ng ulo, pananakit ng katawan, at pakiramdam na parang maduduwal. Ang mga taong may malalang kaso ng dengue ay kinakailangang dalhin sa ospital, at maaari itong mauwi sa kamatayan. 

    Mosquitoes have four stages in their life cycle: egg, larvae, pupa, and adult. Here you can see hundreds of larvae that in the next few days will become adults to be released. Honduras, August 2023. © Martín Cálix

    Mayroong apat na yugto sa buhay ng isang lamok:  egg, larvae, pupa, at adult. Makikita rito ang daan-daang larvae na pagkalipas ng ilang araw ay magiging adults. Honduras, August 2023. © Martín Cálix

    Sa Honduras, ang mga outbreak ay palala nang palala. Taun-taon, mahigit 10,000 na kaso ng dengue ang iniuulat. “Ang mga emergency threshold ay umaabot na sa mga nakaaalarmang antas, at ang mga kasalukuyang paraan ng pagpigil nito ay hindi sapat upang maprotektahan ang mga tao mula sa dengue,” sabi ni Edgard Boquin, ang project coordinator ng Doctors Without Borders sa Honduras. 

    Sa kasalukuyan, wala pang partikular na gamot na magagamit at wala pang bakunang lumalabas na makapagbibigay ng sapat na proteksyon upang di mahawa ang isang tao. Hindi na rin epektibo ang paggamit ng mga dating pamamaraan ng pagkontrol ng pagdami ng mga lamok sapagkat sila’y di na tinatablan ng mga pesticide.

    Sa paglalayong makahanap ng mas mabisa at mas mapapanatiling solusyon, nagpasya ang Doctors Without Borders at ang mga katuwang ng organisasyon sa Honduras na sumubok ng mga pamamaraang kailanma’y di pa nagagamit dito, ngunit napatunayan nang epektibo sa ibang bansang may marami ring kaso ng dengue. Isa sa mga pamamaraang ito ang pagpapakawala ng mga Aedes aegypti na lamok na may dalang natural na Wolbachia bacteria, na nakababawas sa kanilang abilidad na magpasa ng mga arbovirus.

    Kapag may Wolbachia ang mga lamok, ang mga bacteria ay nakikipagkumpetensiya sa mga virus na gaya ng dengue. Dahil dito, nahihirapan ang virus na magparami sa loob ng mga lamok. Ibig sabihin, malamang ay hindi na maikakalat ng mga lamok ang mga virus sa mga tao, at bababa na ang mga insidente ng dengue sa mga lugar kung saan ang mga lamok ay may Wolbachia.
    Claire Dorion, Technical Adviser

    Ang Wolbachia method ng World Mosquito Program ay ligtas para sa mga tao at sa kapaligiran. Matagumpay na itong ginagamit sa mahigit labindalawang bansa, at napapakinabangan ng mahigit 10 milyong tao. May pagpapatunay na malaki ang ibinaba ng virus transmission o pagpasa ng virus sa mga lugar kung saan pinapanatiling mataas ang antas ng Wolbachia.

    Ang Doctors Without Borders ay nakikipagtulungan sa mga lokal na komunidad sa pagdidisenyo, paghahanda, at pagpapatupad ng mga aktibidad na isasagawa sa 50 na kapitbahayan sa  El Manchén health district ng Tegucigalpa, kung saan may mga pinakamaraming kaso ng mga sakit na dala ng mga lamok.  Kinonsulta ng mga team ng Doctors Without Borders ang mahigit sa sampung libong miyembro ng komunidad bago sinimulan ang mga aktibidad. 97% ng mga taong kinonsulta ay pabor sa mga plano, at marami sa kanila ang aktibong nakisangkot sa pagpapakawala ng mga lamok.

    A Doctors Without Borders health promoter talks to a neighbor from the community to inform her about the release of mosquitoes with Wolbachia that we plan to carry out in this area of Tegucigalpa. Honduras, August 2023. © MSF/Maria Chavarria

    Kinakausap ng isang health promoter ng Doctors Without Borders ang isang miyembro ng komunidad upang ipagbigay-alam ang tungkol sa pagpapakawala ng mga lamok na may Wolbachia na binabalak naming isagawa sa bahaging ito ng Tegucigalpa. Honduras, August 2023. © MSF/Maria Chavarria

    Magpapakawala kami ng mga lamok na may Wolbachia linggo-linggo sa loob ng anim na buwan. Pagkatapos noon ay tatlong taon kaming magsasagawa ng mga pag-aaral sa kabuuang populasyon ng lamok sa lugar  upang malaman ang porsyento ng mga lamok na may Wolbachia.  

    Sa taong 2024, magsasagawa ang Doctors Without Borders ng mga karagdagang aktibidad para sa vector control sa dalawa pang lugar sa kabisera upang mabawasan ang hawaan sa loob ng mga tahanan.

    “Ang unang layunin natin ay ang mabawasan ang mga namamatay at nagkakasakit dahil sa dengue at dahil sa iba pang mga arbovirus. Sa pangmatagalan, umaasa kaming ang mga bagong pamamaraang ito’y magiging  mga mapapanatiling solusyon upang mapigilan na ang pagdurusa ng mga tao  dahil sa mga sakit na ito,” sabi ni Boquin.

    “Kami mismo’y naging saksi sa mga hamon ng pagpapatupad ng mga pampublikong patakaran at ng mga gawain para sa vector control upang mabawasan ang paglaganap ng dengue sa Honduras,” sabi niya. “Panahon na para sa pagbabago.”

    Categories