Malawi: Tinutugunan namin ang mga kagyat na pangangailangang medikal matapos salantain ng bagyong Freddy ang timog na rehiyon ng bansa
Isang gumuhong bahay pagkatapos manalanta ng bagyong Freddy, na tumama sa timog na rehiyon ng Malawi noong ika-12 ng Marso 2023 at nagdala ng matinding pag-ulan at malakas na hangin. Malawi, 2023. © MSF/Yvonne Schmiedel
Hinagupit ng bagyong Freddy ang timog na rehiyon ng Malawi noong ika-12 ng Marso 2023. Nagdala ito ng matinding pag-ulan at malakas na hangin, na naging sanhi ng pagkasira ng mga imprastraktura tulad ng mga kalsada, gusali at linya ng kuryente. Pinakamalubha ang tinamong pinsala sa mga distrito ng Blantyre, Chikwawa, Chiradzulu, Mulanje, Mwanza, Neno, Nsanje, Thyolo, Phalombe, at Zomba. Nagdeklara na ang pangulo ng Malawi ng state of disaster.
Malala ang sitwasyon. Marami ang mga naging biktima—mga nasugatan, nawawala, o nasawi, at aakyat pa ang bilang ng mga ito sa mga susunod na araw. Napupuspos na ang Queen Elizabeth Central Hospital ng Blantyre sa dami ng mga dumadating na pasyente mula sa iba’t ibang outreach activity ugar kaya’t bumuo na kami ng team ng mga nars at mga clinical officers na makapagbibigay ng suportang medikal at logistic support. Magbibigay rin kami ng mga donasyon ng medical supplies at aalamin namin kung kailangan din ng pagkain para sa mga pasyente.Guilherme Botelho, Emerg. Project Coord.
Ayon sa mga opisyal na bilang, pinakamaraming naitalang namatay sa distrito ng Blantyre. Sa Queen Elizabeth Central Hospital pa lang ay 220 na ang naitalang nasawi. Kabilang rito ang 42 na matatanda at 43 na batang idineklarang dead on arrival.
"Ang ilan sa aming staff mula sa regular naming proyekto para cervical cancer ay inatasang tumulong muna sa Doctors Without Borders emergency team sa Queen Elizabeth Central Hospital. Ipinagpaliban din muna namin ang mga upang maprotektahan ang aming staff sa mga posibleng panganib na kaakibat ng mga biglaang pagbaha, pagguho ng lupa, o pagbagsak ng mga gusali," sabi ni Marion Pechayre, Head of Mission sa Malawi.
Kasabay pa nito ang patuloy na banta ng cholera. Kamakailan lang ay naranasan ng Malawi ang pinakamalaking cholera outbreak sa kasaysayan ng bansa, pagkatapos ng bagyong Ana nitong nakaraang taon.
"Inilipat namin ang mga cholera treatment centre malapit sa mga ospital upang matiyak ang kalusugan ng mga pasyente. Hindi pa rin tumitigil ang ulan, at marami na itong pinsalang nagawa, na aming ikinababahala sa maraming dahilan. Ang pagdami ng mga kaso ng cholera ay isa sa mga inaalala naming iiwan ng bagyo, lalo pa’t napakababa ng bilang ng mga nabakunahan sa Blantyre. Ngunit sa ngayo’y masyado pang maaga para masabi kung ano ang mangyayari," sabi ni Guilherme Botelho, ang Doctors Without Borders Emergency Project Coordinator sa Blantyre.
Sa mga darating na araw, patuloy na pag-aaralan ng mga Doctors Without Borders emergency team ang sitwasyon upang matukoy ang mga pangangailangan ng mga tao at ng mga pasilidad pangkalusugan sa mga pinakaapektadong distrito at nang sa gayo’y mabigyan sila ng suporta, gaya ng paggamot, malinis na tubig at sanitasyon.