Tatlong tanong: Ang paggamot sa cervical cancer sa harap ng mga limitasyon sa Malawi
Tinitingnan ng isang pasyente ang isang leaflet na ginawa ng Doctors Without Borders upang magbahagi ng impormasyon tungkol sa cervical cancer at sa chemotherapy. Malawi, Disyembre 2022. © Diego Menjibar
37% ng mga bagong kaso ng cancer sa mga kababaihan ng Malawi ay cervical cancer. Mula 2018, nagsusumikap na ang Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) na pababain ang bilang ng mga nagkakaroon ng cervical cancer at ng ng mga namamatay sa sakit na ito sa mga distrito ng Blantyre at Chiradzulu. Sinagot ni Marion Pechayre, head of mission ng Doctors Without Borders, ang tatlong tanong tungkol dito.
Bakit pinagtuunan ng atensyon ng Doctors Without Borders ang mga pasyenteng may kanser?
"Ang interes ng Doctors Without Borders sa kanser ay resulta ng kumbinasyon ng mga dahilan. Sa epidemiological projections sa mga mahihirap na bansa, may nakikitang pagbaba ng mga kaso ng nakahahawang mga sakit, ngunit kasabay naman nito ang pagdami ng mga may chronic diseases tulad ng kanser. Ang kakulangan ng mapagkukunang yaman at ang tagal ng pagtukoy sa sakit na kanser sa sub-Saharan Africa, halimbawa, ay indikasyon na sa kalaunan, mas marami na ang magiging biktima nito kaysa mga nakahahawang sakit, tulad ng nangyayari ngayon sa mayayamang bansa. Ayon sa World Health Organization (WHO), sa taong 2040, maaaring dumoble na ang bilang ng mga namamatay sanhi ng kanser sa Africa.
Sa Malawi, kung saan ilang taon na kaming nagbibigay ng pangangalaga para sa HIV/AIDS, napag-alaman naming karamihan sa aming mga pasyente ay may cervical cancer din. Ang posibilidad ng pagkakaroon ng cervical cancer ay anim na beses na mas malamang para sa mga babaeng may HIV kaysa sa mga babaeng walang HIV. Ito ang nagbunsod sa aming magsagawa ng komprehensibong pagtatasa ng problema ng cervical cancer sa Malawi, na sa buong mundo’y pumapangalawa sa mga bansang may pinakamaraming kaso ng, at pinakamataas na bilang ng mga namamatay dahil sa cervical cancer. Noong 2020, 4,145 na bagong kaso ng cervical cancer ang natukoy at 2,905 na babae ang nasawi dahil dito. Pabago-bago ang access sa mga gamot laban sa kanser, walang radiotherapy sa bansa, at hindi pa sila gaanong bihasa sa surgery. Interesado kami sa pagsuporta ng pagbabakuna laban sa cervical cancer kung saan ito posibleng gawin, gayon din sa pagsagawa ng mga screening programme at pagbubuo ng mga solusyon sa paggamot.”
Paano gagamutin ang kanser kung walang radiotherapy?
“Ang radiation therapy ay kadalasang unang lunas para sa cervical cancer, ngunit sa kasalukuyan ay wala nito sa Malawi. Nitong nakaraang dalawang taon, nakabuo ang Doctors Without Borders ng paraan ng pangangalaga na kombinasyon ng chemotherapy at surgery. Pagkatapos ng tatlo hanggang anim na chemotherapy cycles, nagiging maliit na ang mga tumor at maaari nang tanggalin sa pamamagitan ng pag-opera o surgery, na siyang sasagip ng buhay ng pasyente. Wala pang mga datos para makita ang two-year survival rate ng mga dumaan sa ganitong pamamaraan, pero maganda naman ang mga naging resulta nito, at inaasahan naming mapapahaba nito ang buhay ng pasyente nang halos kasinghaba rin ng makukuha niya kung siya’y sumailalim sa radiotherapy.
Sa mga bansang limitado ang mapagkukunang-yaman, ang ganitong paggamot ay itinututuring na mabuting alternatibo sa radiotherapy, basta’t may mga bihasang surgeon na makakagawa ng operasyon. Kaya naman binigyan namin ng partikular na atensyon ang pagsasanay ng mga surgeon sa mga advanced surgical procedure tulad ng hysterectomy, kung saan tinatanggal ang isang bahagi ng matris, o ang kabuuan nito. Dito sa aming proyekto, buwan-buwan ay nagsasagawa ang bawat surgeon ng humigit-kumulang 14 na hysterectomy, at sa kabuuan, 40 na iba’t ibang surgery. Ang resulta nito’y nagiging highly specialized ang kaalaman ng mga surgeon na ito, at nagiging mas magaling na sila sa larangan ng onco-gynaecological surgery kaysa sa mga katulad nilang doktor sa Europa, kung saan bihirang kinakailangan ang ganitong klase ng operasyon. Dagdag pa rito, natitiyak namin ang kalidad ng paggamot sa pamamagitan ng iba’t ibang disiplina—may anatomopathologist, oncologist, surgeon at mga supportive care team na nagbibigay ng social at psychological support, physiotherapy o palliative care.
Ang lugar na ito ay tinatawag na Ward 4B at pinangangasiwaan ng Malawi Ministry of Health. Ito ngayo’y may 50 na upuan kung saan ang mga pasyenteng may kanser, kahit anong klaseng kanser, ay tumatanggap ng chemotherapy. Kadalasan, ang mga pasyenteng may cervical cancer na tumatanggap ng paggamot na ito ay nasa ospital ng dalawa o tatlong araw. Malawi, Disyembre 2022. © Diego Menjibar
May isa pang kategorya ng mga pasyenteng may cervical cancer, at ito iyong mga nasa advanced stage na bago natukoy ang kanilang sakit. Isinasangguni namin sila at binibigyan ng pondo para makapunta sila sa Kenya kung saan maaari silang sumailalim sa radiotherapy. Pero ang ganitong pagsangguni ay nangangailangan ng maraming pondo at hindi kayang maibigay sa maraming mga pasyente. Sa pagtatapos ng 2023, layunin naming magkaroon na ng radiotherapy sa Malawi upang mapadali ang paggamot ng mga babaeng may advanced cervical cancer.”
Ano ang magagawa ng pagbabakuna?
“Mahalaga ang pagbabakuna dahil ang cervical cancer ay madaling pigilan. Ito ay isa sa mga iilang kanser na may kaugnayan sa isang virus, ang human papillomavirus (HPV), at mayroong epektibong bakuna laban sa ilang HPV. Ang isa pang paraan upang maprotektahan ang isang tao laban sa kanser ay ang screening, na hindi lang paraan ng paghadlang kundi unang yugto rin ng paggamot, dahil ang pre-cancerous lesions ay maaari ring gamutin sa puntong ito. Ang bakuna para sa HPV ay makukuha sa pamamagitan ng mga pandaigdigang mekanismo tulad ng GAVI, pero ang mga routine vaccination sa mga health centre ay hindi madaling makakaabot sa pinupuntirya nitong populasyon sa Malawi – mga batang babaeng edad 9 hanggang 13. Hindi sila pumupunta sa mga health centre dahil hindi naman sila nagkakasakit, kaya’t kailangan silang bakunahan sa kanilang mga paaralan, o di kaya’y sa mga barangay para sa mga hindi nakakapag-aral. Ang mga ganitong sistematikong programa sa mga paaralan at komunidad ay nangangailangan ng karagdagang pondo. Patuloy naming susuportahan ang mga programa ng pagbabakuna, katuwang ang Malawian Ministry of Health, na ginawa rin namin noong Enero, nang binakunahan namin ang 17,000 na kabataang babae sa distrito ng Phalombe.”