Makabagong Teknolohiya: Ang paggamit ng AI sa pagpapabuti ng cervical cancer diagnosis
"Bago ako sinimulang gamutin, napakatindi ng sakit na nararamdaman ko, at di ako gaanong makakain at makatulog. Pero ngayong nagsimula na akong gamutin, bumuti na ang pakiramdam ko," sabi ng isang pasyente habang siya’y nasa isang chemotherapy session sa Queen Elizabeth Central Hospital. Malawi, December 2022. © Diego Menjibar
Ang cervical cancer ang ikalawa sa pinakanakamamatay na kanser sa mga bansang mahihirap, o sa mga low- at middle-income na bansa. Sa Malawi sa East Africa, kung saan kumikilos ang Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF), mahigit 4,000 na babaeng Malawian ang nagkakaroon ng cervical cancer taun-taon. Ang bansang ito’y pangalawa sa buong mundo sa pinakamaraming namamatay dahil sa cervical cancer; noong 2020, 2,905 ang nasawi doon dahil sa sakit na ito.
Paano natin maipapaliwanag ang mataas na mortality rate o ang dami ng nasasawi mula sa isang sakit na sa mayayamang bansa’y madaling pigilan at di nagiging sanhi ng kamatayan? Kabilang sa mga problema ang kakulangan ng prevention at screening, at ang mga diagnosis ay hindi laging tama.
Kababalik lang ni Clara Nordon, Director ng MSF Foundation, mula sa pagbisita sa Malawi at ikinuwento niya ang tungkol sa proyekto roon na nasa ilalim ng pamumuno ng Foundation. Code name: AI4CC
Clara, maari mo bang ipaliwanag ang code name na A14CC, at kung ano ang sinisimulang proyektong ito?
"Ah oo, tayong mga nasa MSF (Doctors Without Borders) ay mahilig sa mga acronym! Ang ibig sabihin ng AI4CC ay Artificial Intelligence for Cervical Cancer. Tatlong taon na ang nakalilipas mula noong sinimulan ang proyektong ito. Ang ideya rito ay ang makalikha ng bago at mas epektibong pamamaraan o sistema ng screening para sa cervical cancer.
Ang layunin dito’y ang pabutihin ang cervical cancer screening upang makita agad ang mga senyales at sintomas bago pa man ito maging kanser nang sa gayon ay madali itong magagamot. Kapag maagang natukoy ang sakit, agaran din itong mabibigyang-lunas sa health center. Ang paggamot na ito’y di masakit at madaling ibigay— tapos na sa loob ng ilang minuto lamang. Dapat ay hindi natin palalampasin ang mga ganitong pagkakataon.
May tatlong pamamaraan upang gawin ito: ang screening ng mas maraming babae, ang gawin ang screening nang mas maaga at ang pagtitiyak na tama ang mga resulta.
Gumagamit tayo ng kombinasyon ng isang maaasahang PCR test na hindi ganoon kamahal at maaaring palakihin, at ng Artificial Intelligence na makapagbibigay ng mas malinaw na visual assessment. Kapag tayo’y magtagumpay, may tunay na pag-asang makapagdulot ng pagbabago at makasagip ng maraming babae na naapektuhan ng sakit na ito.
Kailangan nating mailarawan sa ating mga isipan kung paano mabuhay nang may cervical cancer sa Malawi: ang kakulangan ng mga mapagpipiliang lunas, ang sakit na idinudulot nito, at ang pagtatakwil sa mga may sakit; apektado ang buong pamilya sa isang bansa kung saan halos 10% ng mga nakatatanda ay HIV-positive!"
Paano natin maipapaliwanag ang katotohanang maraming babae ang namamatay dahil sa kanser na ito sa Malawi at sa iba pang mahihirap na bansa, samantalang sa mayayamang bansa, ito’y madaling pigilan at hindi nakamamatay?
"Unang-una, limitado ang makakakuha ng bakuna laban sa HPV doon, kahit na ito ay isa sa mga bakunang nakakapigil ng kanser, mga seryosong kaso ng kanser. Pangalawa, ang kasalukuyang paraan ng screening na nakabatay sa visual evaluation ng cervix ay hindi maaasahan. Bagamat mura ang pamamaraang ito at madaling gawin agad sa isang health center, ito’y bukas na bukas sa interpretasyon at maaaring mauwi sa pagkakamali. Ibig sabihin, may mga babaeng sumailalim na sa screening at pinauwi dahil walang nakita, ngunit pagkatapos ng ilang taon ay babalik din pala sila nang may kanser na nasa puntong hindi na ito kayang gamutin.
Hindi matatawaran ang husay ng trabahong ginagawa ng mga team ng Doctors Without Borders sa mga lugar na aming tinutulungan. Madalas, kailangan din nilang alagaan ang mga babaeng hindi na magagamot. Napakabigat na pasanin iyon ng aming nursing staff.
Kailangan naming makahanap ng paraan upang mapabuti ang screening strategy at paliitin ang puwang. Ang kanser na ito ay sanhi ng isang virus, at kailangan nating harapin ang laban na ito tulad ng pakikipaglaban natin sa isang epidemya. Ang pagbabakuna at ang pagtukoy ng sakit ang ating mga pinakamahalagang kakampi."
Paano nagsimula ang proyektong ito?
"Ang Doctors Without Borders, tulad ng ibang mga sangkot sa pagpigil at paggamot sa kanser na ito, ay nakatuon sa pagpapabuti ng kalidad ng screening. Ngunit kapag kahit na ang mga pinakamagaling na eksperto ay hindi nagkakasundo, limitado ang nagagawang pagbabago rito. Noong simula ng 2020, ipinagbigay-alam sa amin ng medical division ang isang pag-aaral na inilathala ng Journal of the National Cancer Institute kung saan ipinakita ang potensyal ng artificial intelligence sa photo analysis para mapadali ang pagtuklas sa precancerous lesions. Batay sa aming karanasan sa Antibiogo, nagpasya kaming imbestigahan pa nang mas masinsinan ang potensyal ng AI. Sumama sa amin si Pauline Choné, isang consultant ng MSF Foundation, upang masimulan namin ang trabaho. Nakipag-ugnayan kami sa mga nagsulat nito, tulad ni Mark Schiffman, isang eksperto sa molecular epidemiology na mahigit 35 na taon nang pinag-aaralan ang HPV sa NCII. Pagkatapos pa lang ng aming unang pagpupulong, ako, si Pauline, at si Charlotte Ngo, oncology consultant ng Doctors Without Borders, ay naging determinadong siyasatin ang magagampanang papel ng Al. Nang tinalakay namin ang misyon sa Malawi, agad silang pumayag na tumulong. Kung wala sila’y kakaunti lang ang magagawa namin.
Bilang simula, napagkaisahan naming gawin muli ang algorithm, at pagkatapos ay ikumpara ang mga resulta. Upang magawa ito, ipinasya naming gamitin ang nakabangkong mga imahen ng cervix na kinolekta ng Doctors Without Borders at gumawa ng 'ideal' annotation tool mula sa pananaw ng mga clinician. Naging katuwang namin ang KTH (Royal Institute of Technology in Sweden), at trinabaho namin nang mahigit isang taon ang preliminary tool na ito para sa AI. Ang mahalagang yugto na ito ng proseso ay tinawag na annotation of the data set.
Nang matapos namin ang annotation tool, ipinagbigay-alam sa amin ng NCI na kumpleto na ang kanilang algorithm at ang mga resulta nito ay sapat at angkop na upang simulan ang isang validation study. Bahagi iyan ng innovation! Ilang buwan mong tatrabahuhin, ngunit di nangangahulugang gagamitin ang resulta. Ang magandang balita ay makakaya naming gawing mas mabilis ang pag-abante at maging mas makabuluhan sa lalong madaling panahon.
Ibinuhos namin ang aming pagsusumikap sa pormal na pagpapatibay ng ugnayan sa pagitan ng Doctors Without Borders sa Malawi at Epicentre sa malawakang pag-aaral na inihahanda ng NCI: ang PAVE study.
Nilayon ng consortium na magtaguyod ng malawakang pag-aaral na kasasangkutan ng mahigit 100,000 na babae mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo upang masuri ang bagong pamamaraan ng cervical cancer screening.
Sa tulong ng mga Doctors Without Borders team sa Malawi na nangunguna sa proyektong ito, at pagkatapos ng pagpapatunay ng mga ethical committee ng Doctors Without Borders at ng mga awtoridad ng Malawi, nilayon naming magsali ng 10,000 na babae mula rito. Magiging makabuluhan ito, dahil bagama’t sa kasamaang-palad ay may mataas na bilang ng mga HIV-positive sa kanila, ang mga resulta ay maaari ring makatulong sa ating pagbutihin ang pangangalaga para sa apektadong populasyon."
Ano ang kasama sa bagong pamamaraang ito? Paano nito mapapalitan ang kasalukuyang nakapipinsalang sitwasyon kaugnay ng kanser?
"Ang pag-aaral na ito nakabatay sa dalawang pangunahing pagbabago:
- Systematic screening sa pamamagitan ng isang PCR test na mag-uuri sa mga babae at matutukoy kung sino sa kanila ang mga carrier ng high-risk HPV (na mataas ang posibilidad na maging kanser), na ginawang posible ng bago, mas mabilis at mas murang testing technology na pauunlarin ng Ministro ng Kalusugan
- Mas malinaw na visual evaluation, salamat sa AI
Upang magawa ito, habang nagaganap ang pag-aaral, gagawa kami ng VIA at magtatago ng mga larawan ng mga cervix para sa mga HPV positive na babae at iuugnay ang kanilang status sa pamamagitan ng biopsy. Ito ang dahilan kung bakit kailangan sa misyon ang isang full-scale anatomical pathology laboratory.
Ang magandang balita ay bago pa man makuha ang mga resulta ng pag-aaral, makapagbibigay na tayo ng mas epektibong screening dahil sa sistematikong PCR test."
Bakit hinaharap ng MSF Foundation ang isyung ito?
"Maaaring isipin ng iba na hindi marami ang 4,000 na babae o na hindi ito ganoon kalaking bilang para maituring na large-scale action. Ngunit kung alam mong noong 2020 ay halos 3000 na babae ang namatay gayong puwede naman itong pigilan, hindi na mahalaga ang mga numerong ito. At iyan din ang sinasabi ng mga tao na nasa mismong lugar: ang kitang-kitang hindi pagkakapantay-pantay ng mga babaeng nahaharap sa ganitong sakit na madali namang gamutin sa ibang lugar.
Ang ating papel ay ang maging tagapagsaliksik, upang suriin ang maidudulot ng teknolohiya sa isang simple at direktang paraan at sa mga kasanayang medikal sa delikadong sitwasyon, at upang balikan at iangkop ang mga kasanayan at kasangkapan. Ang ating pangunahing trabaho ay ang magtatag ng proyekto sa pamamagitan ng paggamit ng mga pinakamahusay na mapagkukunan sa loob man o sa labas ng bansa. Kailangang makipagtulungan sa iba’t ibang grupo na galing sa iba’t ibang lugar at kultura, lahat tungo sa iisang layunin. Iyon ang nakakapanabik at nakakapagpayaman sa atin."
Ano ang mga susunod na malalaking hakbang?
"Ang ating pag-aaral ay magsisimula sa Blantyre sa Mayo 2023. Ang pag-aaral na ito ay tatagal ng 12 na buwan at magbibigay ng datos para sa PAVE study. Sa pagtatapos ng 2024, ang mga resulta ng PAVE study ng buong consortium (sa 100,000 na babae) ay ibabahagi. Kung ang mga resulta ay maging depinitibo, magrerekomenda ang NCI ng bagong protokol na gagamitin ng lahat ng LMIC. Umaasa kaming mauuwi ito sa pagbabago sa screening protocol ng lahat ng LMIC, na makakaapekto sa antas na pandaigdigan."