Doctors Without Borders sa COP28: Talumpati tungkol sa mga kampeon na nangunguna sa pag-unlad ng klima at kalusugan
Dr. Christos Christou sa COP 28. United Arab Emirates, 2 Disyembre 2023. © MSF
Ito ang mga sinabi ng aking kasamahan na si Adamo. Ang malungkot dito, ang kanyang inilarawan ay realidad sa maraming lugar.
Bilang isang organisasyong medical at humanitarian na nagtatrabaho sa ilan sa mga lugar sa mundo na pinakaapektado ng klima, ginagamot ng mga team mula sa Médecins Sans Frontières ang mga pasyenteng nakararanas ng epekto ng climate emergency sa kalusugan.
Ang krisis na ito ay pinakamahirap para sa mahihina. Alam namin ito dahil nakikita namin sila sa aming mga waiting room.
Mula Niger hanggang Mozambique, mula Honduras hanggang Bangladesh, ginagamot namin ang mga pasyente para sa mga nakahahawang sakit tulad ng malaria at dengue; para sa malnutrisyon; at para sa mga isyu ng pangkalusugan na konektado sa matitinding kalagayan ng panahon.
Mula noong COP27, tumugon kami sa malawakang pagbaha sa South Sudan at Kenya, sa matitinding bagyo sa Myanmar at Madagascar, at sa walang humpay na init at tagtuyot na naging sanhi ng pagkagutom ng milyon-milyong tao sa Horn of Africa. Tumugon na rin kami sa mga outbreak ng cholera sa ilang mga bansa, at sa nakaaalarmang pagtaas ng bilang ng mga may dengue sa America. Pinananatili ng nakamamatay na kombinasyon ng malaria at malnutrisyon na puno ang aming mga paediatric ward sa Sahel, kung saan, sa Chad, ang aming mga team ay tumutulong sa pagpigil at paggamot para sa malnutrisyon sa buong taon.
Napakakaunti lang ng ginagawa upang maprotektahan ang mahihinang tao laban sa mga negatibong epekto ng pagbabago ng klima. Maraming komunidad ang humaharap sa dumarami at tumitinding mga krisis.
Pinagbabayaran ng mga tao sa pamamagitan ng kanilang kalusugan at kanilang mga buhay ang problemang hindi naman sila ang lumikha.
Isang trahedya na ang pinakawalang kasalanan sa climate emergency na ito ang siyang nagdurusa dahil sa epekto nito.
Dito sa Global Stocktake, malinaw na ang mga ginagawa ay hindi nagtatagumpay sa pagtugon sa mga pangangailangan ngayon, at lalo pa sa hinaharap. Ang mga namumuno sa pulitika ay bigo sa paghatid ng kanilang mga pangako upang mabawasan ang mga emission at matulungan ang mga pinakaapektadong bansa.
Kailangan itong baguhin.
Kailangang makita ng mga komunidad na ang ikinikilos para sa klima ay naaayon sa laki ng climate emergency. Kailangang may manindigang gagawa ng kagyat at mahalagang pagkilos na dapat ay noon pa ginawa upang mabawasan ang mga emission. Kailangan ng konkretong pinansyal at teknikal na suporta na angkop at makatutulong sa pagharap sa mga kahihinatnan.
Lumalaki ang pangangailangan na gawing prayoridad ang kalusugan pagdating sa usapin ng mga patakaran ukol sa klima, mga negosasyon, at mga pagkilos.
Hindi maaaring magpatuloy ang mundo sa pagmamasid lamang habang ang mga krisis na humanitarian ay lumalala.
Ilang taon pa ang lilipas, at marami pang COPs ang dadaan.
Ilan pang mga buhay ang maaapektuhan – o mawawala – bago mapagdesisyunan at maisagawa ang mga konkretong panukala?
Hindi na natin kakayanin kung madagdagan pa ang napakatinding kabiguang ito.