Ano ang Emergency sa Klima?
Nagtatrabaho kami sa climate-vulnerable na mga lugar kung saan kami’y tumutugon sa iba’t ibang klaseng krisis– mga alitan, natural na sakuna, outbreak ng mga sakit, at displacement o pagkawala ng tirahan. Marami sa mga epekto ng pagbabago sa klima – pagbaha, tagtuyot, at malalakas na bagyo – ay hindi mga bagong problema. Ngunit ang emergency sa klima ay nagiging dahilan ng pagtindi at pagdalas ng mga pangyayaring ito.
Ang emergency na ito ay may negatibong epekto sa mga komunidad sa iba’t ibang bahagi ng mundo, at kung hindi pa tayo kikilos ngayon , titindi ang mga ito sa katagalan.
Bakit kailangang mag-alala tungkol sa pagbabago sa klima?
Ang mundo ay literal na nagbabago. Ang temperatura ng ating planeta ay tumataas taun-taon. Ang mga lamok na may dalang sakit ay nakapaglalakbay na nang malayo at nakakaabot sa mas maraming tao. Sa ilang mga lugar, ang mga sea level ay umaakyat at ang mga anyong lupa ay lumiliit.
Lahat ng mga ito ay may epekto sa kalusugan ng tao—mula sa mga sakit na maaari nating makuha hanggang sa mga kinakain natin, mula sa kakaibang init ng tag-araw hanggang sa mga lugar kung saan maaari tayong magtayo ng ating mga tirahan.
"Nakita namin ang pagtumba ng dalawang puno ng mangga sa aming kalye. Nakita namin ang paglipad ng mga bubong ng bahay, at ang kasunod nitong pagbagsak sa lupa. Tila binabalatan ng bagyo ang mga bubong ng bahay. Sa lakas ng hangin, pakiramdam namin ay tatangayin kami nito habang kami’y naglalakad. Sa simbahan, nakita namin ang isang taong nasugatan. Natamaan siya ng isang yero na nilipad mula sa bubong ng isang kapitbahay. Noong titingnan sana namin ang aming bahay, nakita ng aking asawa na wala na ito. Winasak na ng bagyo. Tiningnan ko rin ang iba pang bahay sa paligid namin at wala na rin ang mga ito."Pagbabalik-tanaw ni Marie Kris Yurtes tungkol sa kanyang nakita ng sinalanta ng bagyong Rai ang kanyang komunidad sa Barangay Catadman, Surigao City, sa Pilipinas.
Ang naiwan na lang sa Catadman barangay health center ay ilang pader, isang kinakalawang na timbangan at isang sirang examination bed. Tinangay na ng bagyong Rai ang bubong nito. Surigao City, Philippines. 22 January, 2022. © Regina Layug Rosero/MSF
Nakakaapekto sa iyo ang emergency sa klima.
Nagtatrabaho kami sa ilan sa pinaka-climate-vulnerable na lugar sa mundo, at ang aming mga medical humanitarian team ay tumutugon sa mga sitwasyon na nauugnay o pinapalala ng pagbabago sa klima at sa kapaligiran.
Ang mga sitwasyong ito ay nangyayari sa isang mundong umaakyat ang temperatura. Ang karagdagang global warming ay magiging sanhi ng nakapanlulumong kahihinatnan para sa maraming tao sa buong mundo— hindi lang sa mga komunidad kung saan kami nagtatrabaho.