Sa iba’t ibang bansa kung saan kami nagtatrabaho, ang aming mga medical humanitarian team ay tumutugon sa mga sitwasyon na nakaugnay o pinapalala ng mga pagbabago sa klima at sa kapaligiran. Kasama rito ang mga nakahahawang sakit na dala ng mga insekto tulad ng malaria, at ang mga dala ng tubig gaya ng diarrhoea. Ang mga ito’y naapektuhan ng pagbabago sa temperatura at sa pag-ulan. Kasama rin dito ang malnutrisyon, na maaaring bunga ng tagal na tagtuyot, at ng iba pang matinding kalamidad tulad ng mga bagyo at pagbaha na nagiging mas madalas at mas malala.
Tatlong babae ang bumalik sa kanilang barangay matapos tanggapin ang tubig mula sa isang pamamahagi na inorganisa ng mga team ng Doctors Without Borders sa barangay ng Fenoiva. Madagascar, 2022 © Lucille Guenier/MSF
Sa lahat ng rehiyon, ang matinding init ay nagiging sanhi ng pagdami ng mga taong namamatay at nagkakasakit. Dumarami na rin ang mga kaso ng vector-borne diseases, climate-related, food-borne at water-borne diseases.
Ang kawalan ng seguridad sa pagkain at ang malnutrisyon ay malamang na madagdagan sa mga partikular na lugar, gaya ng Africa, kung saan ito iniuugnay sa mga pagbabago sa klima at sa pagkasira ng kapaligiran.
Mga epekto sa kalusugan
Ang pagbabago sa temperatura, mga pagbaha ar tagtuyot ay maaaring makasagabal sa produksyon ng pagkain at makadagdag pa sa kawalan ng seguridad sa pagkain, na magiging sanhi naman ng malnutrisyon, pati na rin ang undernutrition, sobrang timbang at katabaan.
Sa buong mundo, 11.7% ng populasyon ay nagdurusa dahil sa matinding kawalan ng seguridad sa pagkain.
Sa hilagang kanlurang Nigeria, isang krisis ng malnutrisyon ang nagaganap mula pa noong 2022. Mula Enero hanggang Hulyo 2022, ang mga team ng Doctors Without Borders ay nakipagtulungan sa mga awtoridad pangkalusugan ng Nigeria sa limang estado sa hilagang kanluran, at nagbigay lunas sa mahigit 50,000 na batang may acute malnutrition. Kabilang rito ang 7,000 batang nangailangan ng pangangalaga sa ospital.
Sinusuri ng isang Doctors Without Border staff ang isang bata sa Kofar Marusa ATFC, Katsina State. Nigeria, June 2022. © George Osodi
Ang malaria at dengue ay mga sakit na vector-borne. Ang ibig sabihin nito ay ikinakalat sila ng mga vector—tulad ng mga lamok—sa mga tao. Ang mga pagbabago sa mga ecosystem (kung paano namumuhay nang magkakasama ang mga halaman, mga hayop, at iba pang mga organismo) ay nauuwi sa paglaki ng geographic spread at paghaba ng breeding season ng mga insekto at ng mga iba pang mikroorganismong nagkakalat ng sakit.
Sa South Sudan, malaria ang nangungunang dahilan ng pagkamatay sa bansa. Ayon sa pinakahuling datos, 4,064,662 na kaso ang nakumpirma doon noong 2019, at mahigit 4,800 na tao na ang naiulat na namatay dahil sa malaria noong taon ding iyon.
Noong 2021, ang Doctors Without Borders, sa pakikipagtulungan sa Ministry of Health, ay naglunsad ng programa kontra malaria sa Aweil, na kabisera ng estado ng Northern Bahr el Ghazal sa South Sudan. Ito’y tinatawag na seasonal malaria chemoprevention (SMC). Layunin nitong mapigilan ang pagkahawa at ang malubhang sakit sa mga batang edad 3 hanggang 59 na buwan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng antimalarial na gamot kada buwan sa panahon ng tag-ulan.
Makikita sa baba ang larawan ng isang batang may malaria, si Zara (hindi matukoy ang edad), kasama ang kanyang nag-aalalang ina na si Elizabeth Thom, 35 taong gulang, sa Aweil State Hospital, isang pasilidad na sinusuportahan ng Doctors Without Borders . South Sudan, October 2021. ©Photo credit: Adrienne Surprenant/Item
Sa Pakistan, ang ilang linggo ng pagbaha noong 2022 ay naging sanhi ng pagiging kontaminado ng mga mapagkukunan ng tubig, na nagdadala ng mas malaking posibilidad ng dengue, na dati nang suliranin sa bansa.
Kasunod ng pagdami ng mga kaso ng dengue at malaria pagkatapos ng pagbaha ay namahagi ang Doctors Without Borders ng mga kulambo. Dadu district, Sindh, Pakistan. 2022 © Asim Hafeez
- Kiribati
Ang bansang Kiribati ay binubuo ng 32 atolls (at isang nakaangat na isla ng coral) na nasa pagitan ng Australia at Hawaii. Sakop ng bansa ang 811 square kilometres ng lupain sa isang malawak na ocean area na 3.5 million square km.
Ang kalahati ng populasyon ng Kiribati (na tinatayang 120,000) ay nakatira sa kabisera nito, ang South Tarawa. Ang pangunahing isla na binubuo ng mga makikipot na lupain na hugis boomerang ay halos sapat lang para sa mga tao. Ang overcrowding o pagsisiksikan ng napakaraming tao sa maliit na lugar na resulta ng brisk birth rate (26 na panganganak kada 1,000 na tao), at ng urbanisasyon ng South Tarawa dahil sa mga lumilikas mula sa ibang isla, ay nakapagpalala ng mga problema sa kalusugan, mga suliraning panlipunan at mga isyung pangkapaligiran.
Ang bahagi ng barangay na ito na nasa may baybayin ay inabandona ng mga residente nang pinasok ang kanilang mga bahay ng tubig-dagat. Ngayon, ang mga mababang bahagi ay puno na ng tubig-dagat at sumasapaw sa mga tirahan. Ang mga tyre retaining wall ay hindi sapat para mapigilan ang pagdaloy ng tubig-dagat.
Kasabay ng banta ng umaakyat na tubig-dagat at ng pagbaha, ang mga tao ay naapektuhan ng kakulangan ng malinis na tubig. Sa Tarawa, Kiribati, ang mga balon ay nasasaid na at ang tubig nito ay kontaminado na ng tubig-dagat, mga basura, at ng mga dumi ng tao o hayop. Nakadadagdag din sa problema ang mga nag-aalaga ng baboy sa tabi ng kanilang tirahan, at ang nakagawiang paglilibing ng mga nasawing kamag-anak malapit sa bahay ng namatayan. hoto credit: Joanne Lillie/MSF
Ang Kiribati ay isa sa may pinakamataas na burdens of disease sa buong mundo. Kabilang rito ang pinakamataas na bilang ng mga may ketong, at isa sa pinakamataas pagdating sa TB at diabetes. Sila rin ay isa sa mga may pinakamababang access sa pangunahing pangangalagang pangkalusugan.
Papasok si Thomas Hing, logistics coordinator ng Doctors Without Borders, sa klinika ng Tekabwibwi. Sa kanyang kaliwa ay isang timbangang gawa lamang sa isang sako. Ito’y ginagamit nila upang masubaybayan ang mga pagbabago sa timbang ng mga sanggol.
Ang mga NCDs ang sanhi nf 75% ng mga kamatayan sa Pacific region , at ito rin ang pangunahing sanhi ng mga suliraning pangkalusugan sa Kiribati. Ang mga kaso ng diabetes sa Kiribati ay marami na at dumarami pa.
“Ang diabetes sa mga nagdadalang tao ay hindi maaaring ipagwalang-bahala dahil parehong manganganib ang buhay ng ina at ng sanggol. Kailangan nila ng access sa secondary (specialist) care for management bago manganak, habang nanganganak, at pagkatapos manganak,” sabi ng komadronang si Sandra Sedlmaier-Ouattara, ang Doctors Without Borders project medical referent sa Kiribati.
Ang trabaho ng Doctors Without Borders sa Kiribati ay naglalayong paunlarin ang diabetes detection and management, at ang paggamot ng hypertension kaugnay ng maternal health sa Southern Gilbert Islands, na nakabase sa Tabiteuea North. Photo credit: Manja Leban/MSF
Ang bansa na dati nang nanganganib ay nahaharap ngayon sa banta ng pagbabago sa klima. Karamihan sa mga kabahayan ay nag-ulat kung paano sila naapektuhan ng klima noong 2016 pa lamang, kung kailan 81% na sa kanila ang direktang naapektuhan ng pagtaas ng sea level.
Dahil sa maliit na land mass ng Kiribati, ito ay nanganganib sa pagtaas ng sea level. Ang pinakamataas na lugar sa Tarawa ay tatlong metro lamang above sea level. Kitang-kita rin ang mga ebidensya ng land shrinkage dahil sa pagguho ng lupa. Ang ilang mga lugar na karaniwang pinapasyalan tulad ng picnic spots at tabing dagat ay di na malakaran dahil sa mga nagsitumbang puno. Ang mga tirahan ay inabandona habang palapit nang palapit ang tubig. May mga sako ng buhangin na nakahilera sa gilid ng baybayin na para bang mga tanikalang nagpapatibay. Sa kabilugan ng buwan at high tide, ang mga alon ay humahampas sa pangunahing daanan at nagiging sanhi ng pagbaha sa loob ng mga bahay.
- Madagascar
Ang Madagascar, na nasa silangang baybayin ng Africa ay madalas makaranas ng mga bagyo.
Noong Pebrero 2022, nanalanta ang bagyong Batsirai at Emnati sa silangang baybayin ng Madagascar. Dahil dito, nasira ang maraming healthcare centres. Mahigit 300,000 na tao ang naapektuhan, pati na rin ang halos lahat ng agrikultural na lupain sa ilang rehiyon, kasama rito ang mahigit sa kalahati ng mga inaning pagkain. Noong panahong iyon, ang mga tao sa timog na bahagi ng bansa ay nagsisimula pa lamang bumangon mula sa isang matinding panahon ng tagtuyot, na nagdulot ng nakaaalarmang antas ng malnutrisyon.
Ang mga bahay at isang health center sa siyudad ng Mananjary na napinsala ng bagyong Batsirai, na humagupit sa Madagascar noong Pebrero 5. © Ahmed Takiddine Sadouly/MSF
Ngunit nakararanas din ang Madagascar ng iba pang matitinding weather phenomena, tulad ng ilang taong tagtuyot. Ang pagkatuyo ng mga ilog at bukal ay nakakaapekto sa mga pag-ani at maaaring magdala ng malaking krisis sa nutrisyon. Naging mas mahirap ang pangingisda at ang mga kinikita ng mga mangingisda ay nabawasan ng halos 90%. Dahil sa pabago-bago ang klima—minsa’y tuyo, minsay maulan— nagiging mahirap din ang pagsasaka.
Namamahagi ang Doctors Without Borders ng tubig sa barangay ng Fenoiva. 2022 © Lucille Guenier/MSF
- Bangladesh
Ilang henerasyon na ng mga Bangladeshi ang humarap sa mga bagyo, pagbaha , at mga iba pang kalamidad ngunit ang bago rito ay ang dalas at tindi ng mga pangyayari. Lahat ng mga lugar na nasa baybayin at sa mga katabi nitong mga inland area sa Bangladesh ay nanganganib mula sa mga tropical cyclones. Ilan sa mga epekto nito ay ang matinding pagbaha sa mga siyudad na nasa tabing dagat at ang pagkasira ng mga mahahalagang imprastruktura. Bukod sa mga epekto nito sa mga baybayin, ang tropical cyclones ay maaari ring maging sanhi ng heavy precipitation, mga pagguho ng lupa at malalakas na hangin.
Bagama’t ang buong bansa ay nanganganib, ang pinakamatinding epekto nito ay mararamdaman ng mga pinakamahina, tulad ng mga Rohingya refugee at ng host population sa Cox’s Bazar. Ang mga kampo ay nagdurusa dahil sa mga kakulangan sa mga imprastruktura para sa sanitasyon at kakulangan ng malinis na tubig. Ang naiipong kontaminadong tubig sa mga kampo ay nagiging pugad ng mga lamok na nagdadala ng malaria at dengue.
Isang amang Rohingya ang nakaupo sa tabi ng kama ng kanyang anak na dalawampu’t isang taong gulang na lalaki, na kasalukuyang nasa Doctors Without Borders Kutupalong Hospital dahil sa dengue. Bangladesh 2022 © Saikat Mojumder/MSF
Madalas nagkakaroon dito ng mga outbreak ng scabies, dengue fever at cholera. Marami sa mga refugee sa mga kampo ay nagdurusa rin dahil sa mga talamak na sakit gaya ng sakit sa puso, altapresyon, at type II diabetes, na maaaring palalain ng mga salik sa kapaligiran tulad ng matinding init at polusyon sa hangin.
Si Abdullah ay isang 4 na taong gulang na Rohingya refugee na nakatira sa kampo ng Jamtoli. Siya ay may scabies mula pa noong Disyembre 2022. Ang buong pamilya niya ay may scabies din. Bangladesh, 2023 © Farah Tanjee/MSF
Mga Bansang Nakararanas ng Krisis sa Klima
Ang mga epekto sa kapaligiran
Karahasan at mga Alitan
Sa Sahel, sa sub-Saharan Africa, ang pagbabago sa klima ay may epekto sa di pantay na hatian ng lupa ng mga nag-aalaga ng hayop at mga magsasaka. Ang kumpetisyon para sa mga mapagkukunang-yaman at ang di pagkilos ng mga awtoridad upang makipagnegosasyon para sa access sa lupa ay nagdulot ng alitan sa pagitan ng dalawang grupo, na nakadagdag sa karahasan at kawalan ng seguridad sa rehiyon. Tumugon kami sa mga kinahinatnan nito sa pamamagitan ng pagbibigay ng pangangalagang medikal. Dahil sa mga alitan, maraming tao ang nawalan ng tirahan.
Si Edward Nyam at ang kanyang pamilya ay nakatira sa kampo ng Mbawa sa Benue, Nigeria, mula noong Enero 2018, nang napilitan silang lisanin ang kanilang tirahan sa Guma dahil sa karahasan. Bago sila umalis, napatay ang isang anak ni Edward sa gitna ng karahasan.
Ang mga estado ng Nigeria na tinatawag na ‘middle belt’ ang siyang pinupuntahan ng karamihan sa mga internally displaced persons (IDPs) ng bansa, sa labas ng timog silangan. Marami sa kanila ay napaalis dahil sa tinatawag na ‘farmer-herdsmen’ conflict. Sa estado ng Benue, kung saan may mga 160,000 na tao (IOM 2019) ang nakakalat, mga taong walang tirahan na namamalagi sa isa sa walong kampo; sa mga di-pormal na kampo o mga pamayanan—gaya ng mga palengke o paaralan, – o di kaya’y kasama ng ‘host’ community.
Benue, Nigeria, 2020 © MSF/Scott Hamilton
Sina Seidi Bore, 45, Mariam Hamadou, 35, Harouna, 1, at Younoussa, 13, ay nakaupo sa tabi ng kanilang tahanan sa Élevage IDP site, sa may bandang labas ng Bambari, Ouaka, sa Central African Republic. Mahigit 15,000 na tao ang nakatira sa kampong ito sa may bandang labas ng Bambari.
Ang bawat miyembro ng pamilyang ito, maliban sa pinakabata, ay may sakit mula noong umalis sila ng Boyo, 120 kilometro ang layo mula sa kanilang tirahan, sa kalagitnaan ng alitan.
Lumala ang kondisyon ng kalusugan ni Mariam noong nanganak siya sa Harouna. Mula sa health centre sa Élevage, isinangguni namin siya upang ilipat sa Bambari Hospital, isang pasilidad na aming sinusuportahan.
Ang mga pangangailangang medikal at ang mga pang-araw-araw na pakikibaka ng mga tao ng Ouaka ay halos hindi nakikita ng pandaigdigang komunidad at ang CAR ay nananatiling isang tumatagal at “nakakalimutang” krisis. Ang sitwasyon sa Ouaka ay sumasalamin sa mga sitwasyong may pagkakapareho sa ibang mga prefecture sa bansa. Ang mga komunidad sa CAR ay nahaharap sa maraming hadlang sa pagkuha nila ng pangangalagang medikal sa panahong kinakailangan ito. Ang mga pinakaseryosong balakid ay ang pagkakawala ng kanilang mga tirahan dahil sa paulit-ulit na karahasan, at ang katotohanan na para sa karamihan ng mga tao, ang de-kalidad na pangangalagang pangkalusugan ay nananatiling hindi abot-kaya at hindi madaling makuha. Ang iilang pasilidad pangkalusugan na gumagana ay kulang na kulang sa kagamitan, sa mga dalubhasa sa larangang medikal, at sa supplies, o di kaya nama’y mahihirap lang itong puntahan.
Sinusuri ng isang miyembro ng Doctors Without Borders staff ang kalusugan ng isang bata sa may pasukan ng Doctors Without Borders hospital sa Ulang, sa northeastern South Sudan.
Ang Ulang ay isang liblib na lugar malapit sa hangganan ng Ethiopia. Ang mga tao rito’y nakaranas na ng ilang taong digmaan at hanggang ngayon ay madalas pa rin ang di-pagkakaunawaan sa pagitan ng mga komunidad dito. South Sudan, 2019 © Igor Barbero
Napakasamang lagay ng panahon
Ang mga bansa sa iba’t ibang bahagi ng mundo ay nakararanas ng napakasamang lagay ng panahon, at lubhang nagdurusa dahil sa mga naging epekto nito. Noong Pebrero 2023, ang bagyong Freddy, isang category 5 Cyclone, ay humampas sa Madagascar sa bilis na 130mph. Mahigit 85,000 na tao ang naapektuhan nito.
Bagama’t hindi kasingmapanira ang bagyong ito kung ikukumpara sa mga dumaan noong nakaraang taon, ito’y dumating sa panahon kung kailan ang populasyon ng mga Malagasy, na dati nang mahina dahil ang 75% sa kanila ay namumuhay sa ilalim ng hangganan ng kahirapan, ay nahaharap din sa peak season ng malaria, at lean season naman para sa pagkain. Naubos na ang mga nakaimbak, at ang mga presyo ng mga pagkain ay umaabot na sa pinakamataas nito.
Sa South Sudan, ang pag-aalaga ng mga baka ang ikinabubuhay ng mga tao. Ngunit noong bumaha noong 2022, daan-daan libong baka ang namatay at ang mga tao ay naiwang walang tiyak na mapagkukunan ng pagkain.
Sa ibaba ay ang larawan ng mga namatay na baka dahil sa pagbaha at kakulangan ng makakain sa mga lugar kung saan dinala sila ng kanilang mga may-ari sa Pagwir, Fangak County. Photo credit: Florence Miettaux
- Mga Bagyo sa Pilipinas
Noong 2013, ang bagyong Haiyan—isa sa pinakamalakas na super typhoon na naitala sa kasaysayan—ay naging sanhi ng pagkamatay ng mahigit 6,300 na tao, at ng pagkawala ng matitirhan ng apat na milyong tao sa Pilipinas. May mga nasira rin at may mga nawasak na mahahalagang imprastruktura, at tinangay naman ng baha ang maraming emergency supplies. Photo credit: Julie Remy/MSF
Noon namang Disyembre 2021, hinampas ng bagyong Rai ang timog na bahagi ng bansa. Ang pinakanaapektuhan nito ay ang probinsiya ng Dinagat Island at ang mga malalayong isla ng Surigao City. Ayon sa mga taga-roon, noon lang sila nakaranas ng ganoon kalakas na bagyo at nakadama ng ganoon kalakas na hangin. Natanggalan ng bubong ang mga bahay, paaralan, at mga health center. May mga puno ring natumba dahil sa lakas ng hangin. Photo credit: Chenery Ann Lim
- Taon ng mga Sakuna sa Indonesia
Noong taong 2018, sunod-sunod ang mga natural na sakunang dinanas ng Indonesia. Noong mga buwan ng Hulyo at Agosto, niyanig ang Lombok Island ng mga paglindol. Pagdating ng Setyembre, tatlong klase ng sakuna naman ang nagpahirap sa mga nakatira sa Palu, Central Sulawesi: lindol, tsunami, at liquefaction. Photo credit: Sri Harjanti Wahyuningsih/MSF
At noong Disyembre ng taon ding iyon, pagkatapos ng pagsabog ng bulkang Krakatoa \, hinampas naman ng tsunami ang baybayin ng Sunda Strait. Photo credit: Muhamad Suryandi/MSF
Bagama’t hindi na bago para sa Asya ang malalakas na bagyo, marami pa rin sa mga bansa kung saan kami nagtatrabaho ay nakararanas ng ubod ng samang panahon na nakakasakit o nakapagtataboy ng mga lokal na populasyon, na mangangailangan naman ng emergency humanitarian aid.