Ang tatlong banta ng pagbabago ng klima, mga alitan, at mga health emergency: Isang nakamamatay na kombinasyon para sa mga mahihinang populasyon na nasa delikadong sitwasyon
Ang daan papunta sa mga lugar na di mapuntahan dahil sa mga baha sa Johi town. Pakistan, Setyembre 2022. © Zahra Shoukat/MSF
Geneva (MSF/ICRC) – Ang pagbabago sa klima ay hindi isang bantang malayo pa sa atin. Ngayon pa lang ay lubha nang naaapektuhan ang mga mahihinang tao sa iba’t ibang bahagi ng daigdig. Partikular na rito ang pagbabago sa klima na nagdudulot ng mga pinsala sa buhay ng mga taong nahaharap sa mga alitan at ang mga walang paraang makakuha ng pangunahing pangangalagang pangkalusugan.
Nakikipag-ugnayan ang Médecins Sans Frontières/Doctors Without Borders (MSF), ang International Committee of the Red Cross (ICRC), at ang Red Cross at Red Crescent Movement sa mga komunidad ng mga bansang sabay-sabay na nakararanas ng pagbabago sa klima, mga armadong labanan at health emergencies. Karamihan sa 25 na bansang pinakananganganib at di handang umakma sa pagbabago ng klima ay nasa gitna rin ng mga marahas na armadong labanan. Sa marami sa mga lugar na ito, walang paraan ang mga taong makakuha ng pangunahing pangangalagang pangkalusugan. Para sa mga bansang limitado ang pagkain, tubig at iba pang mga pangunahing pangangailangan, ang pagkakaroon ng suliranin dahil sa klima ay malinaw na pagbabanta sa kanilang buhay, kalusugan, at kabuhayan.
Ang bansang Somalia ay nagdurusa dahil sa pabago-bagong siklo ng tagtuyot at baha nitong mga nakaraang taon. Ito’y nagpapalala sa kanilang dati nang maselang sitwasyon at ginawa pang mas kumplikado ng tatlong dekada ng armadong tunggalian. Walang pagkakataon ang mga taong umangkop sa kanilang sitwasyon dahil sa dalas at tindi ng mga dagok sa kanilang mga buhay.
Ang mga organisasyong humanitarian ay tumutugon din sa mga pagbaha sa South Sudan at sa Sahel; sa mga nakapipinsalang bagyo sa Madagascar at Mozambique; at sa matinding tagtuyot sa Horn of Africa. Ang krisis sa klima ang nagpapalala sa mga krisis pangkalusugan at humanitarian.
Bilang mga humanitarian, nababahala kami sa kasalukuyang realidad at sa mga inaasahang mangyayari sa hinaharap. Nasasaksihan namin ang mga tagtuyot, pagbaha, pagsalakay ng mga peste at ang pabago-bagong rainfall pattern na maaaring makaapekto sa produksyon ng pagkain at sa kanilang paraan ng pamumuhay. Nakikita naming kung paanong tumitindi at lumalakas ang mga trahedyang tulad ng mga bagyo na sumisira sa mga kinakailangang imprastrukturang pangkalusugan. Nakikita rin namin ang pagbabago sa mga nakamamatay na sakit tulad ng malaria, dengue at cholera. Ang pagdami ng mga tunggalian at insidente ng karahasan ay nakadadagdag sa pangangailangan para sa emergency health assistance at naglilimita sa mga maaaring mabigyan ng lunas ng mga pasilidad pangkalusugan.
Ang lahat ng mga ito’y nangyayari sa mundong tumaas ang temperatura ng 1.2 degrees above pre-industrial level, habang ating nasasaksihan kung paanong pinakamahina sa mundo ang siyang nagbabayad para sa problemang nilikha ng mga mayayamang bansa. Kapag hindi napigilan ang pag-init ng mundo, ang pinsalang kahihinatnan natin ay maiiwasan lamang sa pamamagitan ng mga kagyat at mapag-adhikang hakbang at sapat na suporta para sa mga pinakaapektadong tao at bansa upang sila’y makaagapay sa mga panganib na dala ng pagbabago ng klima.
Dapat makarating ang pinansiyal at teknikal na suporta sa mga taong pinakanangangailangan nito, ngunit ito’y hindi nagagawa nang sapat. May pagkukulang ang Paris Agreement, na nangangakong dadagdagan ang suporta para sa mga least developed countries – hindi nito kinikilala na karamihan sa mga bansang ito’y apektado rin ng mga alitan at kinakailangang bigyan ng prayoridad. Sa ngayon, hindi pa natutupad ang mga pangakong babawasan ang carbon emissions at susuportahan ang mga bansang nakararanas ng pinakamatinding epekto ng pagbabago sa klima.
“Nakikita natin ang matinding epekto ng dumadaming climate risks at mga armadong tunggalian mula Afghanistan hanggang Somalia, mula Mali hanggang Yemen. Ang aming mga pagkilos sa mga lugar na ito ay nakatutulong sa mga taong makaagapay sa krisis ng klima. Ngunit hindi kakayanin ng mga humanitarian na mag-isang harapin ang maraming hamon. Kung walang maibibigay na makabuluhang pinansiyal at politikal na suporta para sa mga pinakamahinang bansa, lalo lamang lalala ang pagdurusa,” sabi ni Robert Mardini, director-general ng ICRC.
Nananawagan kami sa mga namumuno na manindigan sa ilalim ng Paris Agreement at Agenda 2030 at tiyaking ang mga mahihina at mga taong apektado ng mga armadong tunggalian ay mabigyan ng sapat na suporta upang kanilang maharap ang mga hamon ng nagbabagong klima. Kailangan tayong magtulungan sa paghanap ng mga solusyon at tiyaking mayroon tayong sapat na climate finance sa gitna ng mga hamon ng ating kapaligiran. Walang maiiwan, sama-sama nating haharapin ito.