Sa COP28, ang karagdagang kabiguan ay hindi maaaring payagang mangyari pa sa mga mahihinang komunidad
Ang mga taong apektado ng malawakang pagkawasak sanhi ng pagbaha at malakas na pag-ulan sa Pakistan, na nakatira sa mga toldang itinayo lang sa tabi ng kalsada, ay kumukuha ng tubig mula sa Doctors Without Borders water distribution tanker sa Khipro, sa probinsiya ng Sindh. Pakistan, Nobyembre 2022. © Hafeez for MSF
Geneva, 23 Nobyembre 2023 – Kulang na kulang ang ginagawa upang maprotektahan amg pinakamahihinang tao mula sa mga negatibong epekto ng pagbabago sa klima. Ito ang babalang ipinahayag ng pandaigdigang organisasyong medikal, ang Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF). Ang mga pinuno ng bansang magtitipon-tipon sa Dubai para sa COP28 ay dapat gumawa ng mga kagyat na hakbang upang maprotektahan ang kalusugan ng mga pinakaapektadong komunidad.
Pinagbabayaran ng pinakamahihinang tao sa mundo, sa pamamagitan ng kanilang kalusugan at buhay, ang isang problemang di naman sila ang lumikha. Isang trahedya na ang pinakawalang kasalanan sa climate emergency na ito ang siyang nagdurusa mulal sa epekto nito. Ito’y pagpapatunay na hindi lang ito isang krisis sa klima, ngunit isa ring krisis ng sangkatauhan at pagkakaisa.Dr Christos Christou, Intl. President
Ang climate emergency ay isang health at humanitarian emergency.
Ang matinding epekto sa kalusugan ng pagbabago sa klima ay nadarama na ng mga tao sa iba’t ibang bahagi ng mundo at inaasahang lalala pa ito habang painit nang painit ang ating planeta. Nagtatrabaho ang Doctors Without Borders sa marami sa mga lugar na pinakanagdurusa sa mga epekto ng klima sa kalusugan ng tao at doo’y ginagamot nila ang mga nakararanas ng mga epektong ito.
Nitong 2023, patuloy nating nasaksihan at tayo’y tumugon sa kinahinatnan ng mga kaganapang kaugnay ng mga pagbabago sa klima, gaya ng malawakang pagbaha sa South Sudan, malalakas na bagyo sa Myanmar, Madagascar at Mozambique, at ang walang humpay na init at mahabang tagtuyot na naging sanhi ng pagkagutom ng milyon-milyong tao sa buong Horn of Africa.
Ang pinagtrabahuhan ng Doctors Without Borders sa mga bansang pinakaapektado ng pagbabago sa klima noong 2023. Ang vulnerability level sa climate change ng mga bansa ay nakabatay sa ND-Gain Index (Notre Dame Global Adaptation Index). © MSF
Tumugon na rin kami sa magkakasabay na outbreak ng cholera sa ilang bansa at sa nakakaalarmang dami ng insidente ng dengue sa Amerika. Dahil sa nakamamatay na kumbinasyon ng malaria at malnutrisyon, nananatiling puno ang aming mga pediatric ward sa Sahel, kasama na roon ang silangang Chad, kung saan lumikas ang mga tao mula sa kakila-kilabot na alitan sa Sudan.
"Hindi ito isang problema sa hinaharap. Nangyayari na ito ngayon, nakikita namin ito sa aming mga waiting room."
“At nangyayari ito dahil hindi nagawa ng mga pulitikong namumuno sa mundo ang kanilang mga pangakong bawasan ang mga emisyon at tuparin ang kanilang mga pangakong susuportahan ang mga pinakanaapektuhang bansa upang makibagay,” sabi ni Dr. Christou.
Habang tinitingnan ng mga partido sa conference ang mga nagawa na upang maabot ang climate goals, malinaw na ang kakulangan ng ginagawa para sa klima ay nagdudulot na ng panganib sa kalusugan ng mga tao. Ang di matagumpay na paglimita ng global heating sa temperaturang 1.5 degrees Celsius ay banta sa buhay ng maraming mga tao sa mga konteksto kung saan nagtatrabaho ang Doctors Without Borders.
Ang mga pinakaapektadong komunidad at bansa ay paulit-ulit nang humihingi ng suportang kinakailangan nila upang harapin ang mga suliraning dala ng climate change,subali’t wala silang natatanggap. Kailangan nila ng maninidigan upang mabawasan ang greenhouse gas emissions, at kailangan din nila ng konkretong suportang pinansiyal at teknikal.kailangang makita ng mga komunidad na ang pagkilos ay sapat para sa laki ng climate emergency. Hindi maaaring ang mundo’y patuloy na magmasid lamang habang lumalala ang mga krisis, at hayaaang ang pinakamahihinang tao sa mundo ang papasan sa mga resulta ng ating kapabayaan.
“Hindi na natin kakayanin ang isa na namang kabiguan,” sabi ni Dr. Christou.” Ilang taon pa ang palilipasin, ilan pang COPs ang dadaan. Ilan pang mga buhay ang maaapektuhan – o mawawala – bago mapagdesisyunan at maisagawa ang mga konkretong panukala?