Skip to main content

    Sudan: Pagkatapos nilang matakasan ang alitan, daan-daang libong tao ang nahaharap sa paghihirap at mga banta sa kalusugan sa mga siksikang kampo sa estado ng White Nile

    View of Ajwal Refugees Camp in White Nile State. Sudan, July 2023. © Ahmad Mahmoud/MSF

    Ang Ajwal Refugees Camp sa White Nile State. Sudan, Hulyo 2023. © Ahmad Mahmoud/MSF

    “Araw-araw, may mga tao pang dumarating. Palaki nang palaki ang bilang nila. Ang resulta nito ay umaakyat din ang mga pangangailangan para sa mas mahusay na serbisyong pangkalusugan, karagdagang pagkain, at masisilungan,” sabi ni Ali Mohammi ni Dawoud, ang medical activity manager ng Doctors Without Borders. 

    Noong Hunyo, sinimulang suportahan ng mga team ng Doctors Without Borders ang tatlong klinikang pinatatakbo ng Ministry of Health (MoH) sa pagbibigay ng pangunahing pangangalagang pangkalusugan sa mga kampo para sa mga refugee sa Um Sangour at Al Alagaya, pati na rin sa Khor Ajwal, kung saan namamalagi ang populasyong Sudanese na nawalan ng tirahan sa estado ng Blue Nile. Kamakailan lang, sinimulan na rin ng Doctors Without Borders ang pagsuporta sa inpatient therapeutic feeding centre sa ospital sa refugee camp ng Al Kashafa, kung saan may mga 50 na batang may severely acute malnutrition, na ang ilan ay isinangguni mula sa ibang mga kampo ng refugee. 

    Patients wait for medical checkup at Doctors Without Borders clinic in Ajwal Refugees Camp. Sudan, July 2023. © Ahmad Mahmoud/MSF

    Naghihintay ang mga pasyente para sa kanilang medical checkup sa Doctors Without Borders clinic sa Ajwal Refugees Camp. Sudan, Hulyo 2023. © Ahmad Mahmoud/MSF 

    Ang Um Sangour, isang kampong may kapasidad para lang sa 30,000 na tao, ay kasalukuyang tinitirhan ngayon ng mahigit 70,000. Ang mga pangangailangan sa mga siksikang kampong ito ay napakalaki at patuloy pang nadaragdagan. “Ang pinakakaraniwang sakit sa mga komunidad dito, lalo na ng mga batang wala pang limang taong gulang, ay tigdas, pulmonya, at malnutrisyon,” sabi ni Ali. 

    “Kadarating pa lang nami’y mataas na ang bilang  ng mga namamatay. Araw-araw, nakakatanggap kami ng 15 hanggang 20 na pinaghihinalaang kaso ng tigdas. Anim ang itinalang namatay noong unang linggo. Isang trahedya na karamihan sa mga ito ay mga batang wala pa sa edad na lima. Nakikipagtulungan kami sa Ministry of Health, na nagbigay sa amin ng mga kinakailangan upang makapagpatayo ng isolation centre kung saan mabibigyan ang mga batang ito ng kanilang kinakailangang pangangalaga," pagpapatuloy ni Ali. 

    Ngayon, nagsasagawa kami ng mga 300 hanggang 350 na konsultasyon araw-araw. Kabilang rito ang 30 hanggang 40 na kaso ng pinaghihinalaang tigdas. Mayroon din kaming delivery room para sa mga buntis, at umaalalay kami sa isa hanggang dalawang panganganak kada araw at nagsasagawa ng 20 hanggang 30 na mga follow-up (serbisyo para sa antenatal care) para sa mga buntis. Regular kaming nagbabakuna ng 30 hanggang 40 na bata kada araw.
    Ali Mohammed Dawoud

    Ilang linggo nang isinusulong ng Doctors Without Borders at ng mga lokal na awtoridad pangkalusugan ang paggamit ng mga bakuna para sa tigdas na nasa bansa na para sa maramihang pagbabakuna ng mga bata sa White Nile. Kasabay nito, upang mas marami ang maabot ng aming mga medical and relief activities, kailangan namin ng mas maraming staff, kasama na ang karagdagang mga espesyalista, dahil ang mga team na nagtatrabaho sa mga lugar na nabanggit ay nasasagad na at ginugupo na ng pagod. 

    Dahil sa kasalukuyang alitan, ang Sudan ay naiwan nang walang kapasidad upang matukoy ang mga disease outbreak. Sa pagtawid mula sa hangganan ng Renk at Malakal sa South Sudan, isang outbreak ng tigdas ang nakumpirma sa mga taong tumakas mula sa kaguluhan. Mahigit 100,000 na tao na ang itinatayang tumawid na mula sa hangganan ng Sudan patungo sa South Sudan.    

    Doctors looking after children inside measles isolation unit at Um Sangour Refugees Camp, White Nile State. Sudan, July 2023. © Ahmad Mahmoud/MSF

    Isang doktor ng Doctors Without Borders ang tumitingin sa mga basa sa loob ng measles isolation unit sa Um Sangour Refugees Camp, White Nile State. Sudan, Hulyo 2023. © Ahmad Mahmoud/MSF

    Sa mga pasyenteng may tigdas na ginagamot ng Doctors Without Borders sa Malakal, mahigit 90% ang hindi nabakunahan, isang indikasyon na naapektuhan na rin ng mga kaguluhan ang mga regular na programa para sa pagbabakuna sa Sudan. 

    “Ang aking pamangking babae ay hirap na hirap ngayon dahil sa lagnat at diarrhoea, at siya’y sumusuka rin,” sabi ni Philip (hindi niya tunay na pangalan), isang kabataang naghihintay kasama ng kanyang kapatid at pamangkin sa isa sa mga klinika sa White Nile. “Bagama’t binigyan siya ng reseta para sa gamot na dapat niyang inumin, hindi naman namin mahanap ito sa parmasya. Sa kasamaang palad, may malalang kakulangan ng gamot dito. Ang tigdas ay mabilis na nakamamatay. Ang kasama nitong lagnat ay nakamamatay. Kung may magkasakit sa umaga, malamang ay hindi na sila aabutin ng gabi.”  

    Sa ibang bahagi ng klinika, inilalarawan ni Hamida, (hindi niya tunay na pangalan), isang buntis na naghihintay kasama ang kanyang may sakit na anak, ang mga hamong hinarap ng mga tao. 

    May matinding pagbobombang naganap sa lugar namin. Dalawang buwan na ang nakalilipas mula noong tumakas ako at ang aking pamilya mula sa Khartoum. Ang aming sitwasyon dito’y mapanghamon dahil kami’y bagong dating lamang, at hindi pa kami nakatatanggap ng kahit anong tulong. Mahirap para sa aming makakuha ng pagkain. Sa ngayon, ang aming natatanggap pa lamang ay mga plastic sheet. Maraming mga tao ang naghihintay ng kagamitan upang makagawa ng masisilungan, pero wala namang sapat na lugar para rito. Napakahirap ng mga kondisyon dito. Marumi ang tubig kaya’t nagkakasakit ang mga residente. Kapag ininom mo ang tubig dito, magkakaroon ka ng diarrhoea at susuka ka.
    Hamida, isang pasyente

    Nagsimula na ang panahon ng tag-ulan, na maaaring maging sanhi ng pagdami ng kaso ng cholera at malaria, mga karaniwang sakit sa lugar na ito.   

    Sa mga siksikang kampo, kakaunti ang pagkakataong makapaghanapbuhay at kumita para sa kanilang mga pamilya, kung kaya’t umaasa lang sila sa mga pagtulong. Ang ilan sa kanila ay nakatatanggap ng pagkain mula sa mga ibang refugee at sa ilang kamag-anak na dati nang nakatira sa kampo bago pa man lumala ang alitan.  

    Doctors looking after children inside measles isolation unit at Um Sangour Refugees Camp, White Nile State. Sudan, July 2023. © Ahmad Mahmoud/MSF

    Isang doktor ng Doctors Without Borders ang tumitingin sa mga basa sa loob ng measles isolation unit sa Um Sangour Refugees Camp, White Nile State. Sudan, Hulyo 2023. © Ahmad Mahmoud/MSF

    Sa pagdating ng mas marami pang tao, nagiging kagyat ang pangangailangan na lakihan ang pagtulong, gaya ng pagsuporta sa nutrisyon at pagbibigay ng masisilungan, pagkain, malinis na tubig, sanitasyon at pagbabakuna kontra tigdas upang maiwasang magkaroon ng outbreak. Kailangang-kailangan dito ang karagdagang staff lalo na ang mga may karanasan sa pangangasiwa ng mga ganitong krisis at emergency. Kailangan din ng mga mas mabilis na supply routes na dididretso sa estado ng White Nile mula sa ibang bansa.  

    Sa loob ng mahigit tatlong buwan ng matinding labanan sa Sudan, mahigit tatlong milyong tao na ang napilitang lisanin ang kanilang mga tirahan upang sagipin ang kanilang mga sarili at ang kanilang pamilya (UNOCHA). Mahigit 2.1 milyon ang nawalan ng tirahan dahil sa mga alitan, at napilitang maghanap ng kaligtasan sa Sudan. Ayon sa International Organization for Migration, ang ilan sa mga pinakamataas na bilang ng mga taong nawalan ng tirahan ay namamalagi sa estado ng White Nile, pati na rin sa West Darfur, River Nile at sa mga estado sa hilaga.