Sa pagdami ng pangangailangang medikal sa mga kampo, kailangang dagdagan ang mga pondo para sa mga Rohingya
Naglalakad ang mga Rohingya pabalik sa kanilang mga tinutuluyan, bitbit ang mga supply na kanilang natanggap. Ang pangangalagang pangkalusugan ay mararating lamang nila sa pamamagitan ng paglalakad o ng pagsakay sa mga pampublikong transportasyon. Limitado ang kanilang access sa mga sasakyang magagamit kapag may mga emergency. Ang mga kampo, kung saan isang milyong tao ang nakatira, ay malayo sa mga pasilidad. Makikita mo sa paligid ang kabundukan ng Myanmar, isang paalala sa mga Rohingya ng kanilang iniwang tahanan. © Victor Caringal/MSF
Anim na taon na ang nakalipas mula nang lumikas ng mga Rohingya, ang pinakamalaking populasyon ng mga taong walang estado, mula sa Myanmar patungong Bangladesh. Ngunit ang mga pangangailangang medikal sa pinakamalaking kampo ng mga refugee sa mundo ay nananatiling kritikal, at ang pangangalaga ay kulang na kulang.
Sa pandaigdigang konteksto, kung saan napakaraming malawakang krisis na humanitarian ang hinaharap, ang pondo para sa pagtugon sa mga pangangailangan ng isang milyong Rohingya ay nanganganib taun-taon. Nakababahala ito dahil sila’y nakasalalay lamang sa humanitarian aid upang mabuhay: wala silang legal na estado, at hindi rin sila pinahihintulutang maghanapbuhay upang maitaguyod ang kanilang mga sarili at ang kanilang mga pamilya.
Bagama’t isa kami sa pinakamalaking tagapagbigay ng pangangalagang pangkalusugan sa mga kampo, sagad na rin ang kapasidad ng Doctors Without Borders/ Médecins Sans Frontières sa ilang mga lugar, kung kaya’t kinailangan na naming magtakda ng mas istriktong pamantayan para sa pagtanggap ng pasyente upang makaagapay sa napakaraming mga pangangailangang medikal ng mga dumadating sa aming pasilidad.
Kinakailangang lakihan ng mga pandaigdigang donor ang kanilang mga donasyon upang makapagbigay ng sapat na suporta at mapigilan ang patuloy na pagkasira ng pisikal na kalagayan at kalusugang pangkaisipan ng mga Rohingya.
Anim na taon pagkatapos ng paglikas
Sa loob lang ng ilang linggo noong Agosto 2017, mahigit 700,000 na Rohingya ang tumakas mula sa malawakang karahasan na isinagawa ng mga militar ng Myanmar sa estado ng Rakhine sa Northwestern Myanmar. Nakahanap sila ng matatakbuhan sa Bangladesh, sa mga burol ng distrito ng Cox’s Bazar.
Nag-organisa ang mga Bangladeshi ng pagtanggap sa kanilang mga karatig-bansa, tulad ng dati na nilang nakagawian. Ngunit pagkalipas ng anim na taon, ang pansamantalang solusyon para matulungan ang mga taong tumatakas sa karahasan ay naging pangmatagalang krisis kung saan walang natatanaw na solusyon.
Kung ikukumpara ang sitwasyon ngayon sa mga kondisyon noong kasagsagan ng emergency, may mga pag-unlad naman sa mga kampo. Mas maaayos na ang mga kalsada, mas marami nang palikuran, at mayroon nang mapagkukunan ng inuming tubig. Kaya lang, ang mga tao ay nagsisiksikan pa rin sa mga pansamantalang masisilungan, at ang pagtatayo ng mga permanenteng istruktura ay patuloy pa ring pinagbabawalan. Natupok ng apoy ang daan-daang libo ng mga masisilungan, at ang sunog ay maituturing pa ring nakaambang panganib sa mga residente ng kampo, na maaari naman sanang mapigilan o maiwasan.
Dahil ang lugar ay madalas na nasasalanta ng mga natural na kalamidad, ang mga masisilungang gawa lamang sa kawayan at plastic sheeting ay kadalasang nasisira ng malalakas na hangin, pag-ulan, at pagguho ng lupa. Dagdag pa rito ang kahirapang ilikas ang mga tao mula sa mga kampo tungo sa mga mas ligtas na lugar, tulad noong nangyari nang humagupit ang bagyong Mocha nitong Mayo. Karamihan sa aming mga ospital ay kinailangang isara ng dalawang araw, dahil sa panganib na dala ng mga istrukturang nagbabanta nang gumuho.
Ang mga masisilungan sa kampo ng Cox's Bazar, kung saan ang kakulangan ng access sa ligtas na inuming tubig at tamang sanitasyon ay nakapagpapalala ng mga banta sa kalusugan at nagbibigay-daan sa mga outbreak ng mga sakit, gaya ng scabies. Bangladesh, 26 Hunyo 2023. © VICTOR CARINGAL/MSF
Paunti nang paunti ang pondong nakakarating sa pinakamalaking kampo ng refugees sa buong mundo
Sa ngayon, nananatiling pangarap lang ang pagbalik ng mga Rohingya sa Myanmar. Kailangan munang magarantiyahan ang kanilang mga karapatan, pati na rin ang pagkilala sa kanilang pagkamamamayan, at matiyak na makakabalik sila sa kanilang mga tahanan sa sarili nilang lupain.
Tila hindi lumilipas ang panahon dito. Ang buhay sa kampo ay parang isang walang katapusang araw. Simula noong nagkaroon ng outbreak ng COVID-19, ang mga kampo ay pinalibutan na ng mga bakod na may alambre. Hindi pinahihintulutan ang mga Rohingyang magtrabaho, o kahit lumabas man lang sa kampo. Isang milyong taong walang estado ang umaasa lang sa international humanitarian aid para sa kanilang pagkain, tubig, at pangangalagang pangkalusugan.
Ngunit paunti na nang paunti ang pondong nanggagaling sa mga donor mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Nitong nakaraang dalawang taon, ang pagtugon ng mga miyembro ng UN sa humanitarian funding appeal ay pabawas nang pabawas: mula 70% noong 2021, ito’y naging 60% noong 2022, at mga 30% pa lang ngayong kasalukuyang taon. Noong Marso, ang rasyon ng pagkain mula sa World Food Programme ay bumaba: mula US$12 para sa bawat tao kada buwan, ito’y naging US$10, at bumaba uli sa US$8 na lang nitong Hunyo.
Saksi ang aming mga team sa mga dinadaanang paghihirap ng mga health centre na pinatatakbo ng iba’t ibang organisasyong nakasalalay lamang sa pondong ito para sa human resources, mga gamot, at sa pagtiyak ng patient follow-up. Ang regular na pagsasaayos ng mga istruktura para sa water and sanitation ay isa ring hamon, kung kaya’t ang kalinisan at ang access sa ligtas na inuming tubig ay mga suliranin sa maraming kampo.
Nasasagad ang mga serbisyo ng dumaraming pangangailangang medikal
Lalong nagiging kumplikado ang sitwasyon ng kanilang kalusugan at nagkakaroon ng mga isyu dahil sa di malinis na kondisyon ng pamumuhay. Nitong nakaraang taon, dumami ng sampung ulit ang mga pasyenteng may dengue kung ikukumpara sa taong 2021. At noong simula ng 2023, naitala ang pinakamataas na pag-akyat ng bilang ng mga pasyenteng may cholera mula noong 2017.
40% ng mga taong nakatira sa kampo ay may scabies, ayon sa mga resulta ng survey na ginawa ng health sector ng kampo noong Mayo. Ito ay higit na mataas kaysa 10% na inirerekomendang pamantayan upang magsimula ng mass drug administration para sa outbreak ng scabies.
Dahil dito, nasagad ang mga serbisyo ng Doctors Without Borders nitong nakaraang dalawang taon. Tinutugunan ng aming mga team ang mga kinahihinatnan ng mahihirap na kondisyon ng pamumuhay mula pa noong pagdating pa lang ng mga tao sa kampo. Kasama sa mga tinutugunan nila ang mga nakahahawang sakit, at mga respiratory, intestinal at skin infections. Ngunit sa paglipas ng mga taon, nakakita rin tayo ng lumalaking pangangailangan upang gamutin ang mga talamak na sakit tulad ng diabetes, altapresyon, at hepatitis C na nakaugnay sa kawalan ng access ng mga Rohingya sa Myanmar sa pangangalagang pangkalusugan.
Binibigyan ng gamot si Soyed Ullah para sa scabies ng medical staff ng Doctors Without Borders, pagkatapos ng outbreak nito sa Cox's Bazar. Bangladesh, Marso 2023.
Ang bilang ng mga pasyenteng dumadating sa outpatient department ng tinaguriang “hospital on the hill” (ospital sa burol), na itinayo ng Doctors Without Borders sa gitna ng mga kampo noong 2017, ay umakyat ng 50% noong 2022. Ang sitwasyong ito ay kasabay ng pagsasara ng ilang mga health centre nitong nakaraang taon dahil sa kakulangan ng pondo at dahil sa pagkalat ng epidemya ng scabies.
Sa ospital na ito at maging sa mother-and-child hospital sa Goyalmara, nakita namin ang kakaibang pagtaas ng bilang ng mga batang pasyente mula Enero hanggang Hunyo 2023, kumpara sa parehong panahon nitong nakaraang taon. Noong Hulyo, habang nagsisimula pa lamang ang taunang peak season ng mga pangangailangang medikal, ang aming mga natanggap na batang pasyente ay sagad sa aming kapasidad.
Paano ito makakayanan ng mga pasyente?
Bagama’t ang Doctors Without Borders ay hindi direktang naapektuhan ng krisis sa pagbibigay ng pondo ng mga international donor, umaabot na rin sa sukdulan ang aming kapasidad para sa pagtugon sa patuloy na pagtaas ng pangangailangan para sa pangangalagang pangkalusugan. Ang umaakyat na bilang ng mga konsultasyon ay nagiging mahirap para sa aming human resources, hospital bed management at mga supply ng gamot.
Hangga’t ang mga Rohingya sa Bangladesh ay di makalabas ng kampo at umaasa lamang sa humanitarian aid, mahalagang lakihan ng international donors ang kanilang kontribusyong pinansyal upang makapagbigay ng sapat na suporta at mapigilan ang mga di-malulunasang epekto sa kanilang pisikal na kalagayan at kalusugang pangkaisipan.