Bangladesh: Daan-daang libong refugees sa mga kampo sa Cox’s Bazar, apektado ng scabies outbreak
Nagbibigay ng mga health promotion session ang isang boluntaryo ng Doctors Without Borders sa mga pasyente na pumunta sa klinika sa Jamtoli upang magpakonsulta. Bangladesh, Marso 2023. © Farah Tanjee/MSF
Daan-daang libong Rohingyang nakatira sa mga kampo para sa mga refugee sa distrito ng Cox’s Bazar sa Bangladesh ang naaapektuhan ng isang outbreak ng scabies, isang sakit sa balat. Ito’y nangangailangan ng kagyat na pagtugon, ayon sa Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF), isang pandaigdigang organisasyong medikal. Upang pigilan ang pagkalat ng sakit, kailangan ng maagap at komprehensibong pagtugon dito at kailangang kasabay nito ang pagpapaunlad ng water and sanitation at ng kalinisan sa loob ng kampo, sabi ng Doctors Without Borders.
Madaling gamutin ang scabies pero kung ito’y hindi gagamutin agad, maaari itong magdulot ng malubhang epekto sa katawan at isipan. Ang lunas dito ay karaniwang mga gamot na ilalagay sa balat ng pasyente, sa kanyang mga damit, at sa kanilang tahanan upang matanggal ang parasito na nagdadala ng sakit. Ngunit, nagbibigay ng babala ang Doctors Without Borders na maaaring sa pagkakataong ito ay hindi sapat ang mga pangkaraniwang gamot, at sa halip ay kailangang matukoy ang pinanggalingan ng outbreak.
“Napapag-usapan kamakailan lang ang pamamahagi ng gamot sa loob ng mga kampo upang tugunan ang kasalukuyang outbreak, ngunit ang gamot lamang ay hindi sapat upang makapigil sa pagbabalik-balik ng impeksiyon kung ito’y hindi sasabayan ng mga paraan upang masolusyunan ang mga kondisyong naging sanhi ng outbreak,” sabi ni Karsten Noko, ang Head of Mission of Doctors Without Borders sa Bangladesh.
Ang mga team ng Doctors Without Borders na nasa mga kampo ay gumagamot na rin ng mga pasyenteng may mga sakit sa balat nitong mga nakaraang taon. Noong Marso 2022, nakita nila ang malaking bilang ng mga pasyenteng may scabies, at mula noon ay nakita nila kung paano ito mabilis na umakyat. Mula Enero hanggang Mayo nitong taong ito, ang mga team ng Doctors Without Borders sa mga kampo ay gumamot ng halos 70,000 na pasyente para sa scabies – halos doble ng bilang noong ganoon ding mga buwan noong 2022.
Nanatili ang ganitong sitwasyon hanggang Enero 2023, at patuloy kami sa pag-aalerto tungkol dito habang nadadagdadan ang aming trabaho upang matugunan ang pagtaas na ito. Dahil sa patuloy na pagdami ng pasyente, nagdesisyon ang aming team na mula noong Pebrero 2023 ay papupuntahin na ang mga pasyente sa mga pasilidad pangkalusugan malapit sa kanilang mga kampo. "Sa ngayon, hindi namin magagamot ang lahat ng pumupunta rito dahil sa scabies. Wala kaming kapasidad para rito,” sabi ni Paul.
“Ang apat na taong gulang naming anak ay may scabies na mula pa noong Disyembre,” sabi ni Ajmot Ullah, isang miyembro ng komunidad ng Rohingya na nakatira sa mga kampo. “Nagsimula siyang magkaroon ng mga pantal sa kanyang mga kamay, at pagkatapos ay kumalat iyon sa buong katawan. Gumastos kami sa mga doktor at pagpapagamot at di kalaunan ay bumuti na ang kondisyon niya, ngunit mabilis din siyang nahawaang muli. Hindi na siya gaanong nakakatulog, nangangati ang buo niyang katawan lalo na kapag gabi, at naiiyak siya dahil sa sakit. Ang dalawa ko pang anak ay may scabies din, at ako at ang aking asawa ay may mga sintomas na rin. Ito’y naging isang bangungot na para sa aking pamilya.”
Ang Doctors Without Borders sa Bangladesh ay nagsagawa ng pag-aaral tungkol sa mga kondisyon ng water and sanitation sa mga refugee camp ng mga Rohingya nitong nakaraang taon at nakita nila na nakababahala ang sitwasyon. Nakita namin na kulang sa tamang sanitasyon at hindi sapat ang supply ng tubig. Bagama’t nakakita kami ng makabuluhang pagbabago sa mga imprastrukturang para sa water and sanitation nitong nakaraang dalawang taon (halimbawa, ang pagkabit ng mga water network, chlorination), hindi ito napapanatiling maayos. Kung ikukumpara sa dati, naging mas kaunti ang mga nagagamit na palikuran.
Isang batang pasyente mula sa Rohingya refugee camp ang bumisita sa pasilidad ng Doctors Without Borders sa Jamtoli upang ipagamot ang kanyang scabies. Bangladesh, Hunyo 2023. © MSF/Malvoisin
Sa waiting area ng klinika, ang isang boluntaryo ng Doctors Without Borders na nakabase sa komunidad ay namamahagi ng impormasyon upang iangat ang kamalayan ukol sa scabies. 1 Hunyo 2023, Jamtoli Clinic, Ukhiya, Cox’s Bazar, Bangladesh.
Isang pasyenteng may scabies ay umiinom ng gamot at nakikinig sa mga patnubay kung kailan at paano iinumin ang mga gamot sa scabies outpatient department ng klinika ng Doctors Without Borders sa Jamtoli. Bangladesh, Marso 2023. © Farah Tanjee/MSF
Sa ilang mga lugar, ang mga tao ay may access lang sa tubig ng dalawang oras sa isang araw. Ito’y dahil sa di maayos na sistema ng tubig at iniuugnay din sa pagrarasyon ng tubig dahil sa maling akala na nauubos ang groundwater resources ng populasyon ng mga refugee, kahit na ito’y sinalungat na ng specialised monitoring at modelling ng mga mapagkukunan ng tubig na mga ito. Nitong nakaraang buwan, ang rasyon ng sabon ng mga refugee ay binawasan at ginawang isa na lang sa halip na dalawa kada buwan.
“Wala kaming sapat na espasyo,” sabi ni Taher, isang 18 taong gulang na refugee na nakatira sa kampo ng Jamtoli. “Ginawa ko naman ang abot ng aking makakaya upang mapanatili ang kalinisan, pero mahirap talaga. Kasi naman, pare-pareho kami ng mga kagamitang pantulog, mga damit, at lahat-lahat na. Ngayon, ay pare-pareho na kaming may scabies.”
Ang hindi mapigilang scabies outbreak na ito ay nangyayari sa konteksto ng bumabang pondo para sa mga refugee na Rohingya sa Bangladesh, kasama na rito ang pagbawas sa kanilang mga rasyon ng pagkain. Bago pa man binawasan ang pondo, ang antas ng serbisyo na binibigay ng mga aid agency sa mga kampo ay hindi sapat para sa mga pangangailangan ng mga refugee. Ang isang partikular na nakababahala sa Doctors Without Borders ay ang kakulangan ng access ng mga tao sa pasilidad pangkalusugan sa kampo, na kumpleto pa naman sa staff at supply ng gamot.
“Ang 40% positivity rate para sa scabies ang maagang indikasyon ng panganib. Ito ang nagsasabi sa atin na ang pagtugong kaugnay ng health and sanitation sa mga kampo ay hindi gumagana, at bagkus ay nagdadala pa ito ng banta sa kalusugan ng mga Rohingya at ng lokal na komunidad sa Cox’s Bazar,” dagdag ni Noko.