Skip to main content

    Bangladesh: Dahil sa kakulangan ng wastong serbisyo para sa tubig at sanitasyon, nanganganib ang komunidad ng mga Rohingya sa mga sakit

    A Rohingya woman fills a pot with drinking water at a water point in Kutupalong-Balukhali camp in Cox’s Bazar district. Bangladesh, July 2022. © Elizabeth Costa/MSF

    Nag-iigib ng tubig ang isang babaeng Rohingya sa water point sa Kutupalong-Balukhali camp, Cox’s Bazar district, Bangladesh, Hulyo 2022. © Elizabeth Costa/MSF

    Sa 2022 water and sanitation community feedback study na natapos noong Hunyo, sinuri ang kalagayan ng tubig, sanitasyon, at mga serbisyong pangkalinisan sa mga kampo kung saan nakatira ang halos isang milyong Rohingya matapos nilang takasan ang nakatuong karahasan sa Myanmar. 

    Sa pag-aaral na ito, na nagbibigay-linaw sa mga nalaman sa isang pagtatasang ginawa rin ng Doctors Without Borders noong 2018, napag-alaman na kinakitaan ng pagbuti ng kalidad ng tubig sa mga kampo, at may indikasyon din na may napapatupad na sistema para sa pagkolekta ng basura. Ngunit, nakita rin sa naturang pag-aaral ang kakulangan ng imprastruktura para sa sanitasyon, at ang hindi sapat na supply ng tubig.

    Konteksto

    Upang mabigyan ang mga Rohingya ng emergency access sa tubig at sanitasyon, naghukay sila ng mga borehole, nagtalaga ng mga water point at naglagay ng mga palikuran.

    Bukod sa pagiging isa sa pangunahing tagapagbigay ng pangangalagang pangkalusugan sa mga kampo, ang Doctors Without Borders ay isa sa mga mahahalagang katuwang sa pagpapaunlad at pagpapanatili ng mga pasilidad para sa mga tubig at sanitasyon mula pa noong 2017. Noong 2020, isinaayos namin ang aming mga gawaing para sa tubig at sanitasyon upang matiyak na masusuportahan namin ang mga serbisyong ito nang pangmatagalan. Ito ang dahilan kung kaya’t ipinasa namin sa mga lokal na organisasyon ang karamihan sa aming mga ginagawa para sa tubig at sanitasyon, tulad ng isang malawakang water network na gumagamit ng solar energy para magkaroon ng malinis na inuming tubig. Patuloy kaming nakikipag-ugnayan sa mga nangangasiwa ng mga serbisyong para sa tubig at sanitasyon ng mga kampo, upang  matulungan sila sa mga suliraning hinaharap nila sa pagbibigay ng mga naturang serbisyo.

    Unang nagsagawa ang Doctors Without Borders ng community feedback study noong 2018 upang makilala kung anong mga serbisyo para sa tubig at sanitasyon ang mayroon sa mga kampo, masuri ang kalidad nito, at matukoy ang mga kakulangan. Noong 2022, matapos naming masaksihan ang pagdami ng mga pasyente na nangangailangan ng lunas para sa mga impeksyon sa balat tulad ng scabies, at mga sakit na dala ng maruming tubig tulad ng acute-watery diarrhea, nagpasya ang Doctors Without Borders na gumawa uli ng pag-aaral na tulad sa ginawa noong 2018 upang maintindihan kung paano nagbago ang mga serbisyo at kung ano pang mga kakulangan ang dapat punan.
     

    Access to clean water and toilet facilities are one of the most critical issues for the million Rohingya refugees living in Cox’s Bazar’s mega-refugee camp and more efforts are needed to improve access to clean water and toilet facilities.Bangladesh, June 2022. © Saikat Mojumder/MSF

    Bangladesh, Hunyo 2022. © Saikat Mojumder/MSF

    Ang pag-aaral 

    Ang 2022 water and sanitation community feedback study, na bahagi ng regular na monitoring, ay paraan upang makakuha ng mga puna at opinyon mula sa komunidad, partikular na sa mga serbisyong para sa tubig, kalinisan at sanitasyon sa mga refugee camp sa Cox’s Bazar. Ang pag-aaral noong 2018 ang nagsilbing basehan para sa pagsuri sa kalagayan ng tubig at sanitasyon. 

    Ang layunin ng dalawang pagtatasa ay alamin kung ano ang serbisyong para sa tubig at sanitasyon na maaaring makuha ng mga Rohingya refugee, at para matukoy ang mga kakulangan sa mga serbisyo at ang mga epekto nito sa kalusugan. Ito’y nakabatay sa parehong lot quality assurance sampling (LQAS)[1] methodology, kung saan posibleng ikumpara ang mga napag-alaman noong 2018 at 2022, kilalanin ang mga aspeto ng sitwasyon na puwede pang pagbutihin, tukuyin kung saan lumala ang mga kondisyon, ipakita kung anong mga kakulangan ang paulit-ulit na nararanasan, at gumawa ng mga rekomendasyon na makakapagpabuti ng sitwasyon. 

    Noong 2018, 399 na sambahayan sa 21 na kampo ang hiningan ng puna sa loob ng 35 na araw noong Oktubre at Nobyembre. Noong 2022, kinonsulta ng Doctors Without Borders ang mga tao mula sa 361 na sambahayan sa 19 na kampo, sa loob ng 18 na araw noong Enero at Marso. 
     

    Ang kumpletong detalye ng pag-aaral ay mababasa rito.

    poster health impacts of inadequate water supply and sanitation in refugee camps in Bangladesh.

    Mga pangunahing napag-alaman

    Lumalabas sa pag-aaral na bumuti ang kalidad ng tubig noong 2022 kumpara sa 2018, at may pinapatupad na sistema sa pagkokolekta ng basura. Ngunit, napag-alaman din na bumaba ang bilang ng nagagamit na palikuran, at hindi regular ang pagkolekta ng basura. 

    Ayon sa tatlong kapat ng sambahayang kinapanayam, umaapaw ang mga palikuran. Mahigit sa kalahati ang nagsabi na kitang-kita nila ang mga naipong dumi ng tao, at na limitado ang kanilang supply ng tubig. Sangkapat ng mga sambahayan ay nagbigay rin ng indikasyon na kulang sila ng mapaglalagyan ng basura.

    • Kumpara sa 53% lang noong 2018, 99% ng mga tumugon ay nagbigay ng indikasyon na nakakakuha sila ng tubig na mas mabuti ang kalidad dahil sa mga water networks at sa  chlorination. Subali’t 56% ng mga taong kinapanayam ang nagsabing hindi laging may tubig.
    • Bagama’t dumami ang mga nakakandadong pinto at mga nakakabit na takip, 76% ang nagsabing umaapaw ang mga inidoro, samantalang 38% lang ang nagsabi nito noong 2018. Ayon sa mga kinapanayam, ang mga palikuran ay di nalilinisan o naisasaayos nang tama sa oras.
    • 24% naman ang nagsabing kulang sila sa mga mapaglalagyan ng basura mula sa kanilang mga bahay.

    Mga resultang may kaugnayan sa kalusugan

    Ayon sa pag-aaral, nagkaroon ng negatibong epekto sa kalusugan ng mga tao ang kakulangan sa sanitasyon sa mga kampo.

    • Sa mga nakapanayam, 31% ang nag-ulat ng pagkakaroon ng impeksyon sa balat (tumaas mula sa 7% lamang noong 2018).
    • 21% ng sambahayan ang nag-ulat ng mga kaso ng diarrhea sa mga batang wala pang limang taong gulang. 

    Napag-alaman na ang mga naipong kontaminadong tubig sa mga kampo ay pinamugaran ng mga lamok, na nagdadala ng mga sakit na malaria at dengue. Noong Hunyo at Hulyo 2022 lamang ay 248 na pasyenteng may dengue ang tinanggap namin sa aming mga pasilidad upang bigyang-lunas. Samantalang noong 2018, bihira ang kaso ng dengue sa distrito ng Cox‘s Bazar.

    Water and sanitation facilities built by MSF in Jamtoli camp for Rohingya refugees, Cox’s Bazar, Bangladesh. © Anthony Kwan/MSF

    Gamit para sa sa tubig at sanitasyon, gawa ng Doctors Without Borders sa Jamtoli camp para sa mga Rohingya refugees, Cox’s Bazar. Bangladesh, 2019. © Anthony Kwan/MSF 

    Mga Konklusyon at Rekomendasyon

    • Napag-alaman sa feedback study na bagama’t napabuti ang kalidad ng tubig ay kulang pa rin ang nakukuha nilang supply.
    • Ang pangkalahatang kalagayan ng sanitasyon sa mga kampo ay lumala nitong nakaraang apat na taon. Ito’y nagdadala ng panganib sa kalusugan ng mga refugee at nakakaapekto sa kanilang kakayahang mamuhay nang may dignidad.
    • Ang hindi tamang pagtatapon ng basura mula sa mga tirahan nila ay maaring maging sanhi ng pagkakaroon ng mga pesteng tulad ng daga at mga lamok, na maaaring magdala ng mga sakit gaya ng dengue.

    Ang kagyat na pagkilos ay kinakailangan upang masolusyonan ang mga bago at mga nagbabalik na panganib na nakaugat sa mga kakulangan sa tubig, sa kalinisan, at sa mga serbisyong may kinalaman sa sanitasyon.

     

    Inirerekomenda ng Doctors Without Borders ang mga sumusunod:

    • Kinakailangang ang mga organisasyong humanitarian na nagbibigay ng tubig at serbisyong kaugnay ng sanitasyon ay  magkaroon din ng regular at sistematikong pagpapanatili ng mga pasilidad upang matiyak na magagamit ang mga ito. Bukod sa pagkakaroon ng tubig at pagpapabuti ng kalidad nito,  at pagkakaroon ng tubig, kinakailangan din nilang garantiyahan na gumagana ang mga ibinibigay nila. Ang clinical treatment ay di sapat upang  masolusyonan ang sakit na tulad ng dengue. Kailangang magsagawa ng fumigation at larval source management.
    • Ang mga nagbibigay ng donasyon ay maaaring makibahagi sa pagbibigay ng   sapat at epektibong serbisyo para sa tubig at sanitasyon sa  komunidad ng mga Rohingya sa  pamamagitan ng pagsama ng operational standards at facility maintenance sa mga kinakailangang ipasa bago mabigyan ng pondo ang isang proyekto. Kaugnay na rin nito ang accountability.
    • Ang mga nangangasiwa ng mga kampo ay maaaring mas maging aktibo sa koordinasyon at pagpapatupad ng tugon sa mga suliraning kaugnay  ng tubig at sanitasyon. Iminumungkahi rin naming tanggalin ang mga pagpigil sa pagbibigay ng tubig sa mga kampo, at sa halip ay tiyaking ang lahat ng komunidad ay may paraang makakuha ng sapat na tubig. 

    Ang Doctors Without Borders ay nakikipagtulungan sa mga tagapagbigay ng tubig, at mga serbisyong kaugnay ng kalinisan at sanitasyon sa Cox’s Bazar, pati na rin sa mga nagbibigay ng donasyon, upang magkaroon ng sapat na tubig at mapabuti ang kalidad nito, at mapaunlad din ang mga serbisyong pangkalinisan at pangsanitasyon. Naniniwala ang Doctors Without Borders na dapat magtulungan ang lahat ng mga stakeholder sa pagbuo ng mga solusyon para sa sitwasyong ito.  

    Ibinahagi namin ang mga mahahalagang kaalaman na aming nakalap, at ang aming mga rekomendasyon sa mga ahensiya at organisasyong nangunguna sa pagtugon sa mga suliranin sa tubig at sanitasyon, at maging sa aming mga katuwang na tagapaghatid ng serbisyo. Dagdag pa rito, nakipag-ugnayan ang Doctors Without Borders sa mga nagbibigay ng donasyon, at sa mga tagapangasiwa ng mga kampo, upang pag-usapan ang aming mga nalaman, at ibigay ang aming mga mungkahi kung paano nila mapapadali ang implementasyon at koordinasyon para sa mga dapat gawin.  

    Sa panahong ito, kung kailan ang mga kabilang sa pagtugon sa Cox’s Bazar ay bumubuo ng kanilang mga stratehiya para sa mga susunod nilang hakbang, lalong mahalaga na manindigan ang Doctors Without Borders at ang ibang mga organisasyon na bibigyan ng atensyon at panahon ang pagpapabuti ng mga serbisyong kaugnay ng tubig, kalinisan at sanitasyon, upang ang kalusugan ng mga Rohingya sa Bangladesh ay hindi na lumala pa.