Sudan: Pangmalawakang pagmamalupit sa mga sibilyan patuloy sa El Fasher, North Darfur
Mga taong nawalan ng tirahan sa Tawila. Sudan, 2025 © Jérôme Tubiana
Paris, Hulyo 3, 2025 – Sa rehiyon ng North Darfur sa Sudan, may mga nagaganap na pagmamalupit sa marami. Iyan ang babala ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) sa isang ulat na inilabas nila ngayong araw na ito. Inuudyukan din ng organisasyon ang mga partidong sangkot sa hidwaan na tigilan ang walang pinipiling karahasan at mga pagmamalupit na nakapuntirya batay sa etnisidad, at padaliin ang agarang malaking pagtugong humanitarian. Lubos na nag-aalala ang Doctors Without Borders sa mga pagbabanta ng isang sukdulang pagsalakay sa mga daan-daang libong mga tao sa kabisera, ang El Fasher, na maaaring mauwi sa karagdagang pagdanak ng dugo.
Habang tumitindi ang mga labanan mula pa noong Mayo 2024, ang mga sibilyan ay patuloy na nagiging pangunahing biktima. Binalangkas ng ulat na pinamagatang Besieged, Attacked, Starved, (Kinubkob, Sinalakay, Ginutom) ang desperadong sitwasyon ng mga sibilyan sa loob at sa paligid ng El Fasher na nangangailangan ng agarang atensyon at pagtugon. “Ang mga tao ay hindi lang naiipit sa walang patid na mga armadong labanan sa pagitan ng Rapid Support Forces (RSF) at ng Sudanese Armed Forces (SAF), pati na rin ang kani-kanilang mga kaalyado. Sila rin mismo ay pinupuntirya ng RSF at ng mga kaalyado nito, batay sa kanilang etnisidad,” sabi ni Michel Olivier Lacharité, ang Head of Emergencies ng Doctors Without Borders.
Ang ulat na ito, na nakabatay sa mga nakalap ng Doctors Without Borders na datos, mga tuwirang obserbasyon at mahigit sa 80 na panayam na ginawa sa pagitan ng Mayo 2024 at Mayo 2025 ng mga pasyente at mga taong pinaalis sa El Fasher at sa kalapit nitong kampo ng Zamzam, ay naglalantad ng mga sistematikong pagsasagawa ng karahasan, kabilang na ang mga pagnanakaw, mga malawakang pagpatay, karahasang sekswal, mga pagdukot, pagkagutom at mga pagsalakay sa mga pamilihan, mga pasilidad pangkalusugan at iba pang mga imprastrukturang sibilyan.
“Noong inilahad ng mga pasyente at ng mga komunidad ang kanilang mga kuwento sa aming mga team at hiniling na ipaabot sa iba (ang kanilang mga mensahe), kahit na wala naman sa pandaigdigang agenda ang kanilang pagdurusa, naramdaman namin ang halaga ng pagdokumento ng mga nangyayaring walang humpay na karahasan na nitong nakaraang taon ay dumurog sa hindi mabilang na buhay dahil sa kawalan ng pakikiramay at pagkilos," sabi ni Mathilde Simon, Doctors Without Borders Humanitarian Affairs Advisor.
Dinetalye rin ng ulat kung paanong isinagawa ng Rapid Support Forces at ng kanilang mga kaalyado ang isang malaking pagsalakay sa lupa noong Abril sa kampo ng Zamzam sa labas ng El Fasher, na naging dahilan ng paglikas ng itinatayang 400,000 na tao sa loob ng wala pang tatlong linggo sa gitna ng mga nakapanlulumong kondisyon. Ang mga taong nakatira sa kampo ay tumakas papuntang El Fasher, kung saan hindi na sila makaalis, hindi na sila maabot ng humanitarian aid, at sila’y nalalantad sa panganib ng mga pagsalakay at ng malawakang karahasan. Sampu-sampung libo pang karagdagang mga tao ang tumakas patungong Tawila, na mga 60 kilometro ang layo, at sa mga kampo sa hangganan ng Chad, kung saan daan-daang nakaligtas mula sa karahasan ang tumatanggap ng pangangalaga mula sa mga team ng Doctors Without Borders.
"Dahil sa nangyaring malawakang pagmamalupit na nakabatay sa etnisidad laban sa mga Masalit sa West Darfur noong Hunyo 2023, at ang mga malawakang pagpatay na ginawa sa kampo ng Zamzam sa North Darfur, nangangamba kaming mangyayari rin ito sa El Fasher. Kailangang tigilan na ang ganitong paghasik ng karahasan,” sabi ni Simon.
Ang mga ina lang na may mga anak na wala pang limang taong gulang ang pinapapasok nila. Hindi pinalampas ang ibang mga bata at ang mga kalalakihan. Ang mga lalaking higit na sa labinlimang taong gulang ay hindi na makatatawid sa hangganan ng Chad. Kinukuha sila at tinutulak sa isang tabi at pagkatapos ay makakarinig ka na lang ng mga putok ng baril. Ito’y indikasyon na patay na sila, sila’y pinatay na. 50 na pamilya ang kasama ko. Wala kahit isang lalaki na lampas sa edad na 15 ang kasama (pa rin) namin.Babaeng nawalan ng tirahan
May ilang mga saksi ang nag-ulat na ang mga sundalo ng RSF ay nag-uusap ukol sa mga plano na ‘linisin ang El Fasher’ ng mga miyembro ng komunidad na hindi Arabo. Mula Mayo 2024, kinubkob ng RSF at ng kanilang mga kaalyado ang El Fasher, ang kampo ng Zamzam at ang iba pang mga lokalidad sa paligid nito. Sa ganitong paraan, ang mga komunidad ay nawawalan ng pagkukunan ng pagkain, tubig, at pangangalagang medikal. Ito ay nagkaroon din ng papel sa paglaganap ng pagkagutom at pinahina rin nito ang pagtugong humanitarian.
Dahil sa mga paulit-ulit na pagsalakay sa mga pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan, napilitan ang Doctors Without Borders na wakasan ang aming mga medikal na aktibidad sa El Fasher noong Agosto 2024 at sa kampo ng Zamzam noong Pebrero 2025. Noong Mayo 2024 lamang, ang mga pasilidad na sinusuportahan ng Doctors Without Borders sa El Fasher ay nagtiis ng hindi bababa sa pitong insidente ng shelling, pagbobomba, o pamamaril ng lahat ng mga nagdidigmaang partido. Ang mga airstrike na ginawa ng SAF ay nagdulot ng mga nakapanlulumong kinahihinatnan. Tulad ng sinabi ng isang 50-taong gulang na babae, “Nagkamali ang SAF (sa pagtukoy ng bobombahing lugar), kaya’t binomba nila ang aming kapitbahayan, pagkatapos ay pumunta sila rito upang humingi ng paumanhin. Minsan ay binobomba ng mga eroplano ng SAF ang mga lugar kung saan may mga sibilyan kahit na wala naman doon ang RSF. Nasaksihan ko iyon sa iba’t ibang lugar”.
Ang nakapanlulumong karahasan sa mga kalsadang palabas mula sa El Fasher at Zamzam ay indikasyon na maraming mga taong hindi makaalis o nanganganib na mapatay kapag nagtangka silang tumakas. Ang mga lalaki, bata man o matanda, ay nanganganib na mapatay o madukot, habang ang mga kababaihan ay nakararanas ng malawakang karahasang sekswal. Marami sa mga saksi ay nag-ulat ng pagtindi ng mga panganib para sa mga komunidad ng mga Zaghawa. “Walang makalalabas (mula sa El Fasher) kung sabihin nilang sila’y mga Zaghawa,” sabi ng isang babae na pinaalis. Sabi naman ng isang lalaki, ang mga RSF at ang kanilang mga kaalyado ay “nagtatanong sa mga tao kung kabilang sila sa mga Zaghawa, at kung sila’y umamin (na sila’y mga Zaghawa), papatayin sila.”
“Ang mga ina lang na may mga anak na wala pang limang taong gulang ang pinapapasok nila,” kuwento ng isang babae tungkol sa kanyang paglalakbay patungo sa silangang bahagi ng Chad. “Hindi pinalampas ang ibang mga bata at ang mga kalalakihan. Ang mga lalaking higit na sa labinlimang taong gulang ay hindi na makatatawid sa hangganan ng Chad. Kinukuha sila at tinutulak sa isang tabi at pagkatapos ay makakarinig ka na lang ng mga putok ng baril. Ito’y indikasyon na patay na sila, sila’y pinatay na. 50 na pamilya ang kasama ko. Wala kahit isang lalaki na lampas sa edad na 15 ang kasama (pa rin) namin.”
Sinusuri ng isang nars ng Doctors Without Borders ang kondisyon ng isang matandang babae habang siya’y nagpapagaling sa aming health post sa Tawila Umda. Sudan, 2025 © Thibault Fendler/MSF
Ang sitwasyon sa nutrisyon ay patuloy na lumalala habang humihigpit ang pagkubkob. “(Tatlong buwan na ang nakalilipas) sa Zamzam, kung saan kung minsan ay may tatlong araw sa isang linggo nang hindi kami nakakakain,” sabi ng isang lalaki sa aming mga team. “May mga batang namatay dahil sa malnutrisyon. Ang kinakain lang namin ay ambaz (ang mga natira mula sa mga maning giniling para sa langis), gaya ng lahat, kahit na ito’y karaniwang pinapakain lamang sa mga hayop,” sabi ng isang babae. “Ang buong Zamzam ay hinarangan,” sabi ng isa pa naming nakapanayam. “Nakasalalay ang mga water well sa gasolina, kaya’t nang wala na kaming makuhang gasolina, hindi na gumagana ang mga water well. Napakalimitado ng tubig at napakamahal.”
Hinihimok ng Doctors Without Borders ang mga partidong sangkot sa digmaan na huwag nang idamay ang mga sibilyan at gampanan ang kanilang mga obligasyon sa ilalim ng International Humanitarian Law. Dapat nang tigilan ng RSF at ng kanilang mga kaalyado ang mga karahasang ginagawa nila laban sa mga komunidad ng mga hindi Arabo, wakasan na ang pagkubkob ng El Fasher, at garantiyahan ang mga ligtas na dadaanan ng mga sibilyang tumatakas mula sa karahasan. Dapat silang magbigay ng ligtas at walang hadlang na daan patungo sa El Fasher at sa paligid nito upang makapaghatid ang mga ahensyang humanitarian ng lubos na kinakailangang pagtulong. Ang mga kumikilos sa pandaigdigang komunidad, kabilang ang mga institusyon ng UN at mga miyembrong estado, at ang mga bansang nagbibigay ng suporta sa mga naglalabanang partido ay kinakailangang kumilos agad at pagsumikapang impluwensyahan ang mga nasa digmaan upang mapigilan ang karagdagang malawakang karahasan at pahintulutan ang paghahatid ng emergency aid. Ang mga anunsiyo kamakailan lang ng isang posibleng lokal na ceasefire ay hindi pa rin nagbubunga ng konkretong pagbabago sa mga mismong lugar ng hidwaan, at nauubusan na tayo ng oras.
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.
