Sudan: Sa tumatagal na krisis, nahaharap ang mga tao sa matinding malnutrisyon
Karga ni Touma ang kanyang sanggol habang naglalakad siya sa kampo upang bisitahin ang kanyang kapitbahay. Sudan, 2025 © Mohamed Najib/MSF
Port Sudan 11 Nobyembre 2025 – Habang ang mga nagugutom na tao ay patuloy na sumusubok na matakasan ang mga pagmamalupit ng Rapid Support Forces (RSF) sa El Fasher, ang mga team ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ay nagbibigay ng kagyat na pangangalaga sa mga nakarating na sa bayan ng Tawila. Dito, nasasaksihan ng Doctors Without Borders ang mga malulubhang antas ng acute malnutrition. Sa ngayon, ito ang pinakamalalang krisis ng malnutrisyon na sumaklot sa Sudan mula noong nag-umpisa ang digmaan.
Ang mga team ng Doctors Without Borders sa Tawila ay ilang taon nang naggagamot ng mga kaso ng malnutrisyon sa mga pasyenteng tumakas mula sa El Fasher, ngunit ang antas ng malnutrisyon ngayon ay nakapangingilabot na. Sa mga batang wala pang limang taong gulang na nakarating sa Tawila noong pagitan ng Oktubre 27, nang napasailalim ang El Fasher sa kapangyarihan ng RSF, at Nobyembre 3, mahigit 70% sa kanila ang may acute malnutrition, at 35% naman ang nagdurusa dahil sa severe acute malnutrition. Kasabay nito, 60% ng 1,130 ng mga nakatatanda na dumaan sa screening ng Doctors Without Borders ay mga acutely malnourished, 37% sa kanila ay severely acutely malnourished. Ang antas ng malnutrisyon ay mas lalong mataas sa mga nagdadalang tao at nagpapasusong kababaihan.
Ang mga napag-alaman ng Doctors Without Borders ay naaayon sa mga pangamba na dahil sa taggutom ay marami ang binawian ng buhay sa El Fasher, na kinukubkob nang mahigit sa 500 na araw. Ito rin ay tumutugma sa kalalabas lang na ulat ng IPC kung saan sila’y nakahanap ng dalawang lugar na sinaklot ng taggutom, sa El Fasher at sa Kadugli.
Sa sobrang gutom namin, nagsimula kaming kumain ng ambaz (pagkain para sa hayop). Noong una, nakukuha lang namin ito nang libre. Ngunit hindi nagtagal at kinailangan na naming bayaran ito. Kailangan naming bilhin ito sa halagang SDG 20,000 kada 1.5 kg nito (USD 8), at nitong Hunyo ay tumaas ang presyo nito hanggang sa SDG 50,000 (USD 20).Babae nawalan ng tirahan sa North Darfur
Inilarawan ng mga survivor na dumadating sa Tawila sa mga team ng Doctors Without Borders kung paanong naging hindi na makakayanan ang buhay sa El Fasher. Kuwento nila, wala silang mapagkukunan ng pagkain dahil nagsara ang mga community kitchen, hinarangan ang pagpasok ng humanitarian aid, at ang mga pamilihan ay nilimas at pinasabog. Noong Setyembre, ang 7 kg ng dawa ay nagkakahalagang SDG 500,000 (USD 208) at ang 1 kg ng asukal naman ay SDG 130,000 (USD 54).
Ang desperadong mga tao ay wala nang magagawa kundi ang kumain na lang ng mga pagkain para sa hayop. “Sa sobrang gutom namin, nagsimula kaming kumain ng ambaz (pagkain para sa hayop). Noong una, nakukuha lang namin ito nang libre. Ngunit hindi nagtagal at kinailangan na naming bayaran ito. Kailangan naming bilhin ito sa halagang SDG 20,000 kada 1.5 kg. (USD 8), at nitong Hunyo ay tumaas ang presyo nito hanggang sa SDG 50,000 (USD 20),” sabi ng isang babaeng nawalan ng tirahan sa North Darfur.
Ang mga sumubok na magdala ng pagkain sa El Fasher ay pinagbabaril ng RSF. Dose-dosenang mga survivor ang nagawang makarating sa Tawila, kung saan sila’y ginagamot ng Doctors Without Borders.
“Naglaho ang pinsan ko noong Hunyo nang sinubukan niyang magdala ng pagkain sa kauna-unahang pagkakataon. Simula noo’y wala na kaming balita tungkol sa kanya. Sa labasan ng El Fasher, hinarap nila ang mga RSF na mandirigmang nakamotorsiklo. Pinagbabaril sila ng mga ito,” sabi ng isang babaeng tumakas mula sa lungsod noong Oktubre.
Isang nars ng Doctors Without Borders ang naglalakad sa Inpatient Therapeutic Feeding Centre (ITFC), isang ward kung saan ginagamot ang mga batang may malubhang malnutrisyon sa Rokero Hospital sa Central Darfur. Sudan, 2025 © Aurélie Lécrivain/MSF
Nangangamba ang Doctors Without Borders na maraming mga tao sa loob at sa paligid ng El Fasher ang nasa iisang lugar kung saan sila ay sapilitang pinananatili hanggang di sila tinutubos, at di naman sila makatakas. Kailangang wakasan na ng RSF at ng mga kaalyado nito ang mga malawakang kalupitan at bigyan ng daan ang mga survivor tungo sa kaligtasan.
Ang mga paghihirap ng mga tao ay hindi natatapos pagdating nila sa Tawila. Mula noong nag-umpisa ang taon, kalahati ng 6,500 na nagdadalang taong kababaihan na sinuri ng Doctors Without Borders para sa prenatal care ay mga acutely malnourished, 15% ang may severe malnutrition at 35% naman ang may moderate malnutrition. Dahil dito, maging ang kanilang mga magiging anak ay nanganganib na isisilang na masyadong mababa ang timbang o malnourished.
Bukod sa El Fasher, nakita rin ng mga team ng Doctors Without Borders sa iba’t ibang bahagi ng Sudan ang malawakang pagkasira ng kondisyong nutrisyonal ng mga bata nitong nakaraang mga buwan. Ang krisis ay pinalalala ng patong-patong na mga salik, tulad ng kakulangan ng pagkain, paglaganap ng sakit, kawalan ng seguridad, kawalan ng hanapbuhay, at mga di-ligtas na kondisyon ng pamumuhay.
"Marami pang maaaring gawin upang maibsan ang pagdurusang dulot ng malnutrisyon. Nananawagan kami sa lahat ng mga partidong naglalaban-laban na pahintulutan ang mga organisasyong humanitarian na dagdagan ang kanilang mga serbisyo nang ligtas at hindi hahadlangan upang makatulong sa pagpigil sa krisis na ito,” sabi ni Myriam Laaroussi, ang emergency coordinator ng Doctors Without Borders.
Sinusuri ng isang doktor ng Doctors Without Borders ang isang batang may severe malnutrition sa loob ng Inpatient ITFC sa Al Damazin Hospital. Sudan, 2025 © Mohamed Najib/MSF
Ang displacement, o ang pagkawala ng tirahan ng mga tao, sa Sudan man o sa labas nito, ay isa rin sa mga nagtutulak sa pagkakaroon ng malnutrisyon. Sa estado ng Blue Nile sa Eastern Sudan, nasasagad ang mga dati nang nanganganib na mga mapagkukunang-yaman dahil sa pagdating ng mga Sudanese returnee mula sa South Sudan mula noong Hunyo. Libo-libong mga pamilya ang nakatira sa mga pansamantalang kampo kung saan wala silang gaanong makuhang malinis na tubig, pagkain, o mga serbisyong pangkalinisan. Ito ay humantong sa isang kasalukuyang nagaganap na outbreak ng cholera at sa biglang pagtaas ng bilang ng mga maiiwasang pagkamatay ng mga bata. Sa pagitan ng Hulyo at Setyembre, ang Doctors Without Borders ay nakagamot ng 1,950 severely malnourished na bata sa Damazin teaching hospital; 100 na bata ang namatay, marami ay dahil sa pinagsamang mga sakit na cholera at acute malnutrition.
Kahit na makabalik sa kanilang mga tahanan ang mga taong napilitang umalis, kadalasa’y nahaharap sila sa mga hamong tulad ng paghahanap o pagbili ng pagkain, o di kaya’y pagkuha ng mga serbisyo, tulad ng pangangalagang medikal. Sa estado ng Khartoum, lumala ang malnutrisyon mula noong Hunyo, nang mahigit sa 700,000 na mga returnee ang bumalik sa mga kapitbahayang napinsala ng digmaan kung saan limitado ang makukuhang tubig at pangangalagang pangkalusugan. Tumanggap ang Al Buluk Hospital sa Omdurman sa estado ng Khartoum ng 351 na malnourished na pasyente noong Setyembre, habang napag-alaman naman ng Al Banjadeed Hospital sa lungsod ng Khartoum na 46% na mga batang sumailalim sa screening habang nasa konsultasyon ay mga malnourished. Ang mga pagtugong humanitarian sa Khartoum ay kulang na kulang pa para sa kinakailangan, at kakaunti ang mga organisasyong naroon kung kaya’t may malalaking puwang sa emergency aid at sa pangmatagalang pagsisikap sa pagbangon.
At hindi lang iyon, ang totoong laki ng krisis ay malamang na mas malala kaysa iniulat. Kailangang pahintulutan ng mga partidong sangkot sa labanan ang ligtas at hindi hahadlangang pag-abot ng tulong sa mga taong nanganganib, nang may karagdagang pagpopondo at suportang humanitarian mula sa mga pandagdig na organisasyon. Kung hindi, mas maraming mga bata ang malalagay sa panganib na sanhi ng tumatagal na krisis ng malnutrisyon sa Sudan.
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.