Kagyat na panawagan para sa mga tao sa El Fasher: Tinuligsa ng Doctors Without Borders ang mga pagmamalupit sa karamihan
Ihinahanda ng nars si Eman Ahmed para sa surgery, para operahan ang sugat na may impeksyon. Natamo ni Eman ang mga sugat mula sa tama ng bala at shrapnel nung nakaraang anim na buwan. Naoperahan na ang kanyang mga sugat sa El Fasher. Tawila MSF Hospital, Tawila, North Darfur, Sudan, 2025 © Aurélie Lécrivain/MSF
Paris, 31 Oktubre 2025 – Tinuligsa ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ang mga kahindik-hindik na pagmamalupit sa karamihan at mga pagpaslang, na kapwa walang pinipili at nakapuntirya sa etnisidad. Bagama’t nagwakas na ito ngayong linggo sa loob at sa paligid ng El Fasher, Sudan, muli kaming magpapahayag ng pangamba na malalaking bilang ng mga tao ang nananatiling nasa bingit ng matinding panganib. Pinipigilan sila ng Rapid Support Forces at ng mga kaalyado nito na makarating sa mga ligtas na lugar, gaya ng Tawila kung saan kami nagtatrabaho.
Ang aming mga team sa Tawila ay naghanda upang harapin ang bugso ng mga taong nawalan ng tirahan at nagtamo ng pinsala nang ang El Fasher, ang kabisera ng estado ng North Darfur na 60 na kilometro ang layo, ay kinubkob ng Rapid Support Forces noong Oktubre 26 matapos ang 17 na buwan ng mga nakasasakal na pananalakay. Nitong mga nakaraang buwan, dagsa-dagsang mga tao ang tumatakas papuntang Tawila tuwing nagkakaroon ng pagtindi ng karahasan sa El Fasher, na ayon sa UN ay nananatiling tahanan para sa 260,000 na tao noong huling bahagi ng Agosto1. Subali’t nitong nakaraang limang araw, mahigit sa limang libong tao ang nakarating sa Tawila, ayon sa mga aid agency na nasa mismong lugar.2 Inilarawan nila ang mga masaker at naglahad ng mga kuwento ukol sa mga taong hindi makaalis sa kanilang kinaroroonan at nakararanas ng pagpapahirap, pagdukot para sa ransom, karahasang sekswal at mga pagpatay nang walang paglilitis sa El Fasher, sa mga karatig-bayan nito, at sa mga dadaanan sa pagtakas.
“Ang bilang ng mga dumadating ay hindi tulad ng inaasahan, habang dumarami naman ang naglalahad ukol sa mga nagaganap na malawakang kalupitan. Nasaan ang mga taong nawala matapos silang makaligtas mula sa taggutom at karahasan sa El Fasher?”, tanong ni Michel Olivier Lacharité, ang head of emergencies ng Doctors Without Borders.
“Batay sa mga pahayag ng mga pasyente, ang pinakaposibleng kasagutan dito, nakakatakot mang isipin, ay na sila ay pinapatay, hinaharangan at tinutunton kapag sinusubukan nilang makatakas. Kagyat kaming nananawagan sa RSF at sa mga kaalyado nitong mga armadong grupo na hayaan lang ang mga sibilyan at pahintulutan silang maabot ang kaligtasan. Inuudyukan namin ang lahat ng diplomatikong may nakataya—kabilang rito ang ‘Quad’ na binubuo ng US, Saudi Arabia, UAE at Egypt – na gamitin ang kanilang impluwensiya upang pigilan ang pagdanak ng dugo”, dagdag ni Lacharité.
“Kung titingnan natin ang kalagayan ng mga taong nakatakas at nakarating nang buhay sa Tawila, malinaw na mayroon silang kagyat na pangangailangan para sa pangangalagang medikal at nutrisyonal, psychosocial assistance, masisilungan, tubig, at pangkalahatang humanitarian assistanceDeputy Head of Emergencies
Sa pagitan ng Oktubre 26 at 28, hinatid ng isang trak ang mga bagong dating mula sa El Fasher. Ang karamihan ay mga kababaihan, mga bata, at mga matatandang may nakapipinsalang antas ng malnutrisyon. Ang iba naman, tulad ng mga biktima ng pamamaril, ay naglakad na lamang. Nagtatago sila kapag araw at ipinagpapatuloy ang kanilang paglalakad sa gabi upang makaiwas sa mga armadong kalalakihan sa mga pangunahing daan.
Sa mga bagong dating noong Oktubre 27, ang bawat isa sa 70 na bata na wala pang limang taong gulang ay may acute malnutrition at 57% sa kanila ang may malubhang acute malnutrition. Nang sumunod na araw, nagsagawa ang aming team ng screening ng 120 na mga lalaking galing sa El Fasher. 20% sa kanila ay nagdurusa sa malubhang acute malnutrition. Ang mga kagulat-gulat na palatandaang ito ay nagpapakita ng matinding pagdurusa na tiniis ng mga tao sa El Fasher at sa mga kampo sa paligid nito. Mahigit isang taon na ang nakalipas mula noong idineklara ang lugar na ito bilang nasa kalagayan ng taggutom, at mula noon ay wala silang nakukuhang pagkain at makasagip-buhay na supplies, kung kaya’t ang mga tao ay napilitang umasa sa mga pakain sa hayop upang mabuhay.
Ayon sa ilang saksing nakausap ng Doctors Without Borders, may isang grupo ng 500 na mga sibilyan at mga sundalong kabilang sa Sudanese Armed Forces at Joint Forces, na nagtangkang tumakas noong Oktubre 26, ngunit ang karamihan sa kanila ay pinatay o dinakip ng RSF at ng mga kaalyado nito. Sa ulat ng mga survivor, ang mga tao ay pinaghiwa-hiwalay ayon sa kasarian, edad o nakikitang pagkakakilanlang etniko. Ang karamihan sa kanila’y hindi pinakakawalan kung walang magtutubos, ang karaniwang halagang kailangang bayaran ay mula sa 5 milyon hanggang sa 30 milyon na Sudanese pound (7,000€ to 43,000€). Kuwento ng isang survivor, nagbayad siya ng 24 milyon na Sudanese pound (34,000€) sa mga dumakip sa kanya upang makatakas siya at mailigtas ang kanyang sarili. May isa namang nagkuwento ng kahindik-hindik na mga pangyayari kung saan inipit ang ilang mga dinakip sa mga sasakyan ng mga dumukot sa kanila.
Si Giulia Chiopris, pediatrician ng Doctors Without Borders sa Tawila Hospital, at ang team ng Doctors Without Borders ay nakikipagtulungan para magbigay ng emergency care sa isang batang babae na may severe malnutrition sa intensive care unit ng ospital. Dumating siya sa ospital na walang malay. Tawila MSF Hospital, Tawila, North Darfur, Sudan, 2025 © Aurélie Lécrivain/MSF
“Sa pagitan ng Oktubre 26 at 29, nakatanggap kami ng 396 na mga taong nagtamo ng pinsala at gumamot ng mahigit sa 700 na mga bagong dating mula sa El Fasher sa isang silid sa ospital para sa emergency. Ang mga pangunahing pinsalang tinamo ng mga pasyenteng kasalukuyang ginagamot sa ospital ay mga tama ng bala, pilay at iba pang mga pinsalang kaugnay ng pambubugbog at pagpapahirap. Ang iba’y may mga sugat na nagkaroon ng impeksyon, o nakararanas ng mga kumplikasyon mula sa mga operasyong isinagawa sa El Fasher kahit sila’y gipit dahil sa kawalan ng medical supplies at mga gamot”, sabi ni Dr. Livia Tampellini, deputy head of emergencies ng Doctors Without Borders.
Nagtayo ang Doctors Without Borders ng isang health post sa bungad ng Tawila, habang pinalalawak ang pagbibigay ng emergency care, surgical care at iba pang mga serbisyong medikal sa ospital. Karamihan sa aming mga Sudanese staff sa Tawila ay may mga kamag-anak na pinatay sa El Fasher noong nakaraang linggo. Sinasalubong ng mga taong nasa bayan na ang mga bagong dating na gutom at dumaan sa traumatikong karanasan, sa pag-asang mayroon silang kakilala na maaari nilang tulungan o di kaya’y hingan ng balita tungkol sa kanilang mga naiwang kamag-anak.
“Kung titingnan natin ang kalagayan ng mga taong nakatakas at nakarating nang buhay sa Tawila, malinaw na mayroon silang kagyat na pangangailangan para sa pangangalagang medikal at nutrisyonal, psychosocial assistance, masisilungan, tubig, at pangkalahatang humanitarian assistance”, sabi ni Tampellini. Kailangang tulungan na ang ibang mga survivor sa lalong madaling panahon. Kailangan silang pahintulutan nang lumikas sa mga mas ligtas na lugar at makakuha ng makasagip-buhay na tulong.
1 Source : https://news.un.org/en/story/2025/08/1165731
2 Source : https://www.rescue.org/eu/press-release/darfur-irc-warns-civilians-trapped-or-fleeing-el-fasher-risk-being-killed-arrivals
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.