“Ang digmaan sa Sudan: nasa atin ang desisyon”
Jean-Nicolas Dangelser. Sudan, 2020 © Gabriele François Casini/MSF
Makapangyarihang disyerto, makapangyarihang mga ilog,
Ang daloy ng buhay sa init ng mga damdamin
Mahirap abutin ang lalim ng mensahe
Nakatayo lang sa gitna ng mga pagkilos
Iisa ang wika ng buhangin at katubigan
Tayo’y nasa sangang-daan ng lugar at oras
Ang pinakamahirap ay ang pagharap sa anuman ang naroon
Ang mga luha ay dahil sa saya at lungkot
Parehong dapat maglaho sa hangin
Maaari nating piliin na maging isang butil ng buhangin sa Merowe
O isang patak ng tubig sa Nile
Hindi nito mababago kung anuman ang naroon
Mananatili tayong mga tagamasid
Ng buhay na naglalantad ng mga umuulit na anyo
Ang karahasan at pag-ibig ay sobra-sobrang enerhiya
Nasa atin ang desisyon
0Isinulat ko ang tulang ito sa Port Sudan noong Hunyo 2023, nang ako’y binigyang-inspirasyon ng nakabibighaning ganda ng Sudan. Ilang taon na ang nakararaan mula noong nahulog ang loob ko sa bansang ito, at lubos akong naaapektuhan ng lumalaganap na karahasan dito mula pa noong Abril 15. Mula noon, napakarami pang pagmamalupit ang tiniis ng mga tao sa Khartoum, sa Jazirah, sa Sennar, sa Kordofan, at sa Darfur.
Ang tumatak sa aking isipan sa buong panahon na ginugol ko sa krisis sa Sudan ay ang laki ng kasalukuyang nagaganap na trahedya. Wala pa akong nakikilaIang Sudanese sa loob man o sa labas ng bansa na hindi naapektuhan ng mga kinahihinatnan ng hidwaan, tuwiran man o hindi.
Naalala ko ang mga taong mula sa Khartoum na nasa isang siksikang dormitoryo para sa mga estudyante sa Port Sudan noong Mayo 2023. Ang imprastraktura ay hindi ginawang angkop para sa dose-dosenang pamilyang namamalagi roon, at sinabi nila sa amin na wala silang dala bukod sa mga suot nilang damit dahil sa biglaang pag-alis nila mula sa kabiserang lungsod noong pumutok ang labanan.
Naaalala ko ang mga refugee na tumakas mula sa malawakang pagpatay noong Hunyo at Nobyembre 2023 sa El Geneina na nakilala ko nang sinimulan ng Rapid Support Forces (RSF) ang pagkubkob sa El Fasher noong Mayo 2024. Binalikan nila ang kanilang mga sariling kuwento ng kanilang mga nasaksihan nitong nakaraang taon, nang libo-libong miyembro ng kanilang komunidad ang pinatay. Pinangangambahan nila na ang pagkubkob sa El Fasher ay hahantong rin sa ganoon.
Sinusuri ng medical staff ng Doctors Without Borders ang isang bata sa emergency room ng El Geneina Teaching Hospital. Sa isang rehiyong napupuspos ng mga hidwaan at pagkawala ng mga tirahan, ang ospital ay nananatiling isa sa mga iilang gumaganang pasilidad, kung saan ang mga team ng Doctors Without Borders ay puspusang nagtatrabaho upang gamutin ang mga nasugatan at magbigay ng makasagip-buhay na pangangalaga sa kabila ng kakulangan sa supplies at staff. Sudan, 2025 © Moises Saman/Magnum Photos
Naaalala ko ang mga taong-bayan na nagkuwento tungkol sa karahasang hinarap nila sa Jazirah State noong ang kanilang mga barangay ay brutal na sinalakay ng RSF at kinailangan nilang tumakas bilang isang grupo sa pagtatapos ng Oktubre 2024. Tumugon kaming muli matapos ang ilang buwan, nang lumaganap ang cholera dahil sa kakulangan ng malinis na tubig at tamang sanitasyon sa mga siksikang lugar na kanilang sinisilungan.
Naaalala ko ang emergency room ng Al Nao Hospital sa Omdurman noong Pebrero 1, 2025, nang pinasabog ng RSF ang isang pamilihan sa kasagsagan ng tao, ilang kilometro lang ang layo mula sa ospital. Ang emergency room ay umapaw sa dami ng mga pasyenteng patay at buhay, at ang staff ng Ministry of Health ay ginawa ang lahat ng kanilang makakaya upang sumagip ng mga buhay at matanggal ang dugo mula sa sahig.
Naaalala ko ang matinding pagkagulat at kalungkutan sa mukha ng mga taong bumalik sa Khartoum pagkatapos ng Ramadan. Ang naabutan nila ay mga buong kapitbahayan na winasak ng ilang buwan ng walang patid na mga labanan sa kalye at mga kampanya ng walang pinipiling pagsalakay ng mga mabibigat na armas at mga airstrike. Ang malubhang pagkasira ay isang indikasyon ng layunin ng mga armadong grupo na puksain ang kalaban at panatiliin ang kanilang kapangyarihan nang walang pagsasaalang-alang sa pagpapanatili ng buhay ng tao at ng kanilang dignidad.
Naaalala ko ang mga ina sa neonatology ward ng El Geneina Teaching Hospital, na nagbibilang kung ilang mga bagong panganak na sanggol ang namatay noong nakaraang linggo lamang dahil sa mga malalaking puwang sa paghahatid ng serbisyo para sa pangangalagang pangkalusugan sa West Darfur.
Ang Al Nao hospital ay sinusuportahan ng Doctors Without Borders sa Omdurman, Khartoum state. Sudan, 2025 © MSF
Ang laki ng pinsala sa Sudan ay nakapanlulumo.
Winawasak ang buong lipunan at ang mga tao ay itinutulak na pumili ng panig na kakampihan dahil sa puwersa ng mga pangyayari. Masyadong kumplikado ang sitwasyon para maipaliwanag sa iilang kataga lamang, ngunit ang pinaka-importanteng puntong dapat maunawaan ay kung gaano kalalim ang nilikha nitong sugat sa mga taga-Sudan at kung paano ito patuloy na lumalalim sa nakaaalarmang bilis, sa ritmo ng mga kahindik-hindik na balita araw-araw. Ang mga puwersang kumikilos ay galing sa mga hidwaan sa pagitan ng mga etnikong grupo na ginagamit ng mga partidong sangkot sa digmaan para sa kanilang sariling kapakinabangan, gaya ng ginawa ng mga mananakop noon. Ang mga sanhi ng mga suliranin sa lipunan ay nakaugat sa nakaraan at ang mga epekto ng mga kasalukuyang nangyayari ay mararamdaman pa rin ng mga susunod na henerasyon.
Hindi ko masasabing ang nasasaksihan natin sa Sudan ay hindi makatao, sapagka’t ito ang unang hakbang sa proseso ng othering, o paghihiwalay na nasa pinakaugat ng kasalukuyang sitwasyon. Ito ang pinakamadilim na bahagi ng sangkatauhan na nailalantad ng mga ginawa laban sa populasyong sibilyan ng Sudan nitong nakaraang 30 na buwan. Sa kasamaang-palad, ito’y nagpapaalala sa atin ng pagpatay sa lahi noong unang bahagi ng mga taong 2000. Ang karahasang pinakawalan noong panahong iyon ay kagagawan ng pareho rin sa mga kumikilos ngayon, kahit na marami nang mga naging pagbabago sa mga ugnayan at alyansa. Sa masyadong mahabang panahon na patuloy pa rin hanggang ngayon, binubura ng mga armadong kumikilos sa Sudan ang pagkatao ng mga buong komunidad sa pamamagitan ng kanilang mga isinusulat at ipinahahayag sa kanilang mga talumpati upang mabigyang-katwiran ang pisikal at kultural na pagpuksa sa mga tao.
Ngunit hindi lang karahasan at kadiliman ang nanunumbalik mula sa nakaraan. Pinapalawig din ng pagiging mapagbigay, matapang at mapangahas ng mga Sudanese ang mga dating tradisyon ng pagkakaisa sa iba’t ibang anyo. Nariyan ang mga community kitchen na nakapagpakain na ng milyon-milyong tao sa loob ng ilang buwan o taon, at patuloy pa ring ginagawa ito. Isa pa ang mga network ng mga doktor at ang mga Emergency Response Room na gumagamot ng daan-daang libong mga pasyente at nakasagip na ng di-mabilang na buhay. Dalawa lamang ito sa mga halimbawa ng mutual aid ecosystem na umiiral sa Sudan. Hindi lang sila nagbibigay ng kamangha-manghang serbisyo, sila rin ang kumakatawan sa pagtulong na natatanggap ng mga taga-Sudan, partikular na sa mga lugar kung saan ilang buwan nang hindi pinapapasok ang mga pandaigdigang organisasyon at mga institusyon ng Estado.
Gusto kong bigyan ng espesyal na parangal ang aming mga kasamahang Sudanese na hinahangaan ko dahil sa kanilang paninindigan, pagmamahal at determinasyon. Walang sawa nilang patuloy na itinataguyod ang pinakamaliwanag sa sangkatauhan sa kabila ng takot, kawalan ng pag-asa at pagkawasak sa pinakamadilim na panahon. Ipinagmamalaki ko at itinuturing kong isang karangalan ang makatrabaho sila.
Ang pagtutulungan ay yumabong, hindi lang mula sa tradisyon at paninindigan kundi pati na rin dahil sa pangangailangan. Habang patuloy ang hidwaan, patuloy ring dumarami ang mga pangangailangan sa lumalaking mga bahagi ng bansa. Patuloy pa rin ang pagdating ng mga sandata mula sa mga dayuhang kapangyarihan sa kabila ng embargo na lagi namang nilalabag. Dapat ay pinalawak ang embargo mula sa Darfur upang saklawan ang buong bansa. Samantala, patuloy pa rin ang pagbawas sa pandaigdigang pondo.
Larawan nina Majda Rizq at Mohamed Koko. Si Majda Rizq, isang Sudanese parmasyutika at humanitarian worker, ay 30 na taon nang nagtatrabaho sa Doctors Without Borders. Napilitang tumakas mula sa Khartoum noong 2023, si Majda at ang kanyang asawang si Mohamed Koko, na nagtatrabaho rin sa Doctors Without Borders bilang logistics manager, ay patuloy na nagtatrabaho sa El Gedaref sa gitna ng digmaan at mga personal na pagkawala. Sudan, 2024 © Faiz Abubakr/MSF
Binigo ng pandaigdigang komunidad na humanitarian ang mga Sudanese nang inabandona sila ng ang mga international staff ng lahat ng mga institusyon noong kasisimula pa lang ng digmaan. Dahil sa kakulangan ng pamumuno at pagkakaisa, patuloy rin ang pagkabigo nila sa paghatid ng aid kung saan ito pinakakailangan at ayon sa laking hinihingi.
Binigo rin ang mga Sudanese ng mga mekanismong pandaigdig tulad ng United Nations Security Council (UNSC), mga organisasyong pandaigdig at ang mga dayuhang kapangyarihan na sangkot nang tuwiran at hindi tuwiran. Sa kabila ng UNSC resolution 2736 na hinihingi na wakasan ng RSF ang pagkubkob sa El Fasher, walang ginawang mga konkreto o makahulugang pagkilos.
Sa post-truth era kung kailan tayo nabubuhay, ang bawat agresibong tao ay nagpapanggap na tagapagtanggol ng mga tao at itinataguyod ang pandaigdig na humanitarian law, habang ang mga gumagawa ng desisyon ay iginigiit na wala silang impluwensya upang baguhin ang takbo ng mga pangyayari. Ang mga hungkag na deklarasyon ay walang kabuluhang pagkilos; hindi pa nakikita ng mga Sudanese ang tunay na kagustuhang pampulitika na isakatuparan ang pagbabago sa kanilang buhay.
Sa kabila ng mga paulit-ulit na babala mula sa kasaysayan, mga dalubhasa, mga field worker, at mga Sudanese, ang mga taong may kapangyarihang kumilos sa pamamagitan ng mga sistemang pandaigdig, ay nabigo sa pagpigil ng pagkawala ng daan-daang libong buhay.
Ang digmaang ito ay hindi sinasadyang kalimutan, kundi sinasadyang balewalain. Ang mga kaganapang nangyari ngayon ay mahuhulaan, ngunit hindi maiiwasan.
Nasa atin ang desisyon.
Will you support our emergency response work?
Help us provide lifesaving medical care during emergencies by making a donation today.