Skip to main content

    Sudan: Karahasang sumisira sa buhay ng mga tao, at nagbabanta sa mahalagang ospital

    Patients treated in the Doctors Without Borders-supported Al Nao hospital in Omdurman, to the northwest of Khartoum, where intense fighting is taking place. Sudan, August 2023. © MSF

    Ang mga pasyenteng ginagamot sa ospital na sinusuportahan ng Doctors Without Borders, ang Al Nao sa Omdurman, sa hilagang kanluran ng Khartoum, kung saan may matinding labanang nagaganap. Sudan, Agosto 2023. © MSF

    Naging lalong matindi ang mga labanan sa Omdurman nitong mga nakaraang linggo. Nagkaroon ng mga airstrikes, barilan at pagbobomba, na nagdulot ng matinding pasakit, pagdurusa at kamatayan. Daan-daang lalaki, babae at mga bata ang nasaktan, at dahil sa walang humpay na karahasan, delikado at mahirap para sa mga taong desperadong makakuha ng pangangalagang pangkalusugan na makarating sa mga pasilidad medikal. 

     

     

     

    Nitong nakaraang linggo, isang pamilyang nahagip ng mga bomba ang dumating sa ospital. Namatay ang ina, at ang isa sa kanyang mga anak na babae, samantalang ang isa pang anak na babae ay naputulan ng binti at ang anak na lalaki naman ay nagtamo ng malubhang pinsala. Samantala, tatlong batang mula sa isang pamilya ang ipinasok din sa ospital dahil sila’y naging biktima ng pamamaril. Ang pinakamatanda, na siyam na taong gulang, ay binaril sa kanyang likod, at ang sumunod sa kanya na anim na taong gulang naman ay binaril sa mata. Pareho silang nabuhay, ngunit ang kapatid nilang apat na taong gulang pa lamang ay namatay.
    Omer, medic

    Sa loob ng dalawang linggo mula Hulyo 29 hanggang Agosto 11, ang staff ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) na nagtatrabaho sa Al Nao ay nakipagtulungan sa mga team ng Sudanese Ministry of Health sa pagbibigay ng emergency trauma care sa 808 na pasyente. 447 sa kanila ay nagtamo ng mga pinsala dahil sa pamamaril, pagsabog ng mga bomba at mga pananaksak. Noong panahon ding iyon, 787 na pasyente naman ang ginamot sa ospital para sa ibang mga kondisyon na hindi kaugnay ng trauma. Kabilang rito ang mga may sakit na diabetes, respiratory infections, altapresyon, sakit sa puso, at iba pa. Araw-araw, ang medical staff ng Al Nao ay karaniwang nagbibigay ng lunas sa humigit-kumulang 34 na pasyenteng nakaranas ng trauma mula sa karahasan, at mga 77 na pasyenteng may ibang kondisyong medikal. 

    Ang ospital ng Al Nao ay nananatiling isa sa mga huling pasilidad pangkalusugan na bukas pa rin sa Omdurman, kaya naman napakaraming pasyente rito. Ang Al Nao ang tanging ospital sa hilagang Omdurman na may trauma emergency room at kapasidad para sa pagsasagawa ng operasyon, kaya naman dito dinadala ang lahat ng sugatang pasyente. 
     

    Doctors Without Borders-supported Al Nao hospital in Omdurman. Sudan, August 2023. © MSF

    Ang Al Nao hospital, na suportado ng Doctors Without Borders, sa Omdurman. Sudan, Agosto 2023. © MSF

    Noong Hulyo 4, isang miyembro ng Ministry of Health staff sa Al Saudi Maternity Hospital, isa pang ospital na sinusuportahan ng Doctors Without Borders sa Omdurman, ang namatay matapos siyang barilin sa loob ng compound ng ospital. Dahil dito, napilitang magsara ang pasilidad. Inilipat ng hospital staff ang lahat ng kanilang mga gawain sa Al Nao upang ang mga nagdadalang-tao sa lugar na iyon ay mayroon pa ring ligtas na mapupuntahan para sa kanilang panganganak. 

    Malaki ang epekto sa mga tao ng matitinding labanan sa kanilang paligid. Sa bawat tatlong pasyenteng nasugatan dahil sa digmaan, dalawa sa kanila ay malamang na naging biktima ng pamamaril – kabilang rito ang mga babae, lalaki, matatanda, mga bata at mga sanggol. Ang iba naman ay may mga saksak o nasaktan dahil sa mga pagsabog. Sa gitna man ng digmaan, kailangan pa ring bigyan ng atensyon ang mga pinsalang hindi sinasadya. 

    “Nakadudurog ng pusong makita na ang mga inosente at pinakawalang laban ang nagdurusa dahil sa digmaan.”

    Tumitindi ang karahasan sa paligid ng Al Nao, kung kaya’t nalalagay sa panganib ang mga pasyente at staff. Noong Agosto 16, bumagsak ang mga bomba sa hilaga at timog kanluran ng ospital. Sa mga araw kung kailan pinakamatindi ang mga labanan, marami sa mga pasyenteng tinatanggap ng Al Nao ay mga biktima ng karahasan, bagama’t ito’y maaari pa ring magbigay-lunas sa mga pasyenteng may mga ibang medical emergency. Ang mga pasyenteng nakaranas ng stroke, atake sa puso, o kaya’y may gastro-intestinal emergency, ay maaaring umiwas sa panganib ng paglalakbay at ipagpapaliban ang pagpapagamot dahil sa takot na madamay sila sa karahasan. Kaya naman may mga pasyenteng dumadating sa ospital kung kailan huli ng lahat. Ang kawalan ng seguridad ay nakakaapekto rin sa hospital staff. Isang halimbawa’y may mga kailangang magdoble ng shift kapag hindi makapasok ang kanilang mga kasama dahil sa panganib sa paglalakbay. 

    Ang karahasan ay may epekto kahit sa mga taga-Omdurman na walang kagyat na pangangailangang pangkalusugan. Naabala ang kanilang pang-araw-araw na pamumuhay dahil sa paputol-putol na supply ng tubig at kuryente, kakulangan ng gas na pangluto, at kawalan ng kita para sa ibang mga pangangailangan. Malaki ang epekto ng kawalan ng pag-asa sa kalusugang pangkaisipan. 

    A patient treated in the Doctors Without Borders supported Al Nao hospital in Omdurman, to the northwest of Khartoum, where intense fighting is taking place. Sudan, August 2023. © MSF

    Isang pasyenteng ginagamot sa ospital na sinusuportahan ng Doctors Without Borders, ang Al Nao sa Omdurman, sa hilagang kanluran ng Khartoum, kung saan may matinding labanang nagaganap. Sudan, Agosto 2023. © MSF

    Tulad ng ibang lugar kung saan kumikilos ang Doctors Without Borders, ang ospital sa Al Nao ay nagbibigay ng pangangalagang medikal sa mga tao ayon sa kanilang mga pangangailangan lamang. Hindi ito nakasalalay sa kung saan sila nakapanig, o kung sila’y mga sibilyan lamang na nadamay sa alitan. Sinusuportahan ng Doctors Without Borders ang walong ospital sa estado ng Khartoum, at natatrabaho ang Doctors Without Borders staff sa apat na ospital sa siyudad ng Khartoum at sa Omdurman, sa magkabilang panig ng alitan. Bukod sa Al Nao, nagbibigay rin ng pangangalaga ang Doctors Without Borders sa mga sugatang pasyente sa Bashair Teaching Hospital at sa Turkish Hospital sa timog Khartoum. Noong Hulyo1, 770 na sugatan dahil sa digmaan ang tumanggap ng pangangalaga para sa trauma sa tatlong ospital. 

    ¨Nahaharap ang mga tao sa mga trahedya dahil sa ubod ng tinding karahasan,” sabi ni Frauke Ossig, ang Doctors Without Borders Emergency Coordinator sa Sudan. “Nakadudurog ng puso ang makita na ang mga inosente at pinakawalang laban ang nagdurusa dahil sa digmaan.” 

    "Habang puspusang nagtatrabaho ang mga medic sa Al Nao, bumabagsak ang mga bomba sa di kalayuan. Ito’y nagdadala ng karagdagang katatakutan at binabantaan ang makasagip-buhay naming mga gawain. Nananawagan kami sa lahat ng sangkot sa alitan na huwag nang idamay ang mga sibilyan sa hindi katanggap-tanggap na karahasan, at bigyan ng proteksyon ang mga ospital at healthcare workers. Kung hindi magagampanan ng mga ospital ang mga tungkulin nito, mas lalo pang sisidhi ang sakit at pagdurusa.” 

    Categories