Skip to main content
SA KASALUKUYAN Ebola sa DRC: Doctors Without Borders, pinalalaki ang pagtugon sa mabilis na nagbabagong anyo ng outbreak Magbasa pa

    Sudan: Ang mga pinagsama-samang krisis matapos ang dalawang taon ng digmaan ay nag-iwan ng milyon-milyong taong nangangailangan ng tulong

    A displaced Sudanese family

    Isang pamilyang Sudanese na nawalan ng tirahan ang pansamantalang namamalagi sa isang displacement camp. Sudan, Nobyembre 2024. © Faiz Abubakr

    Sa pagpasok ng ikatlong taon ng digmaan sa Sudan sa pagitan ng Rapid Support Forces (RSF) at ng Sudanese Armed Forces (SAF), ang mga tao’y nananatiling binabalewala, binobomba, kinukubkob, pinupuwersang umalis sa kanilang mga tirahan, at pinagkakaitan ng pagkain, ng pangangalagang medikal at ng mga pangunahing makasagip-buhay na serbisyo. 60% ng kabuuang populasyon ng bansa na 50 milyon ang nangangailangan ng humanitarian assistance, ayon sa UN, at ang mga tao ay nahaharap sa sabay-sabay na mga krisis pangkalusugan at limitadong pagkukuhanan ng pangangalaga para sa pampublikong kalusugan.

    Inuulit ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières ang mga panawagan nito sa mga partido sa tunggalian, pati na rin sa kanilang mga kaalyado, na tiyaking ang lahat na mga sibilyan, humanitarian personnel, at mga medical team ay mapoprotektahan at na ang lahat ng paghihigpit sa paggalaw ng mga humanitarian supply at staff ay aalisin, lalo pa’t parating na ang tag-ulan.

    “Ang mga nagtutunggaliang partido ay hindi lang nabibigo sa pagprotekta sa mga sibilyan — sila ay aktibong nakadaragdag pa sa pagdurusa ng mga tao,” sabi ni Claire San Filippo. 

    Saan ka man tumingin sa Sudan, makakakita ka ng mga pangangailangan — nakapupuspos, kagyat, at hindi natutugunan. Milyon-milyon ang halos walang natatanggap na humanitarian assistance, ang mga pasilidad medikal at ang mga staff rito ay patuloy na sinasalakay, at nabibigo ang pandaigdigang sistemang humanitarian na makapaghatid ng kahit na maliit na bahagi lamang ng kinakailangang tulong.
    Claire San Filippo,Emergency Coordinator

    Susuportahan mo ba ang aming emergency response?

    Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.


    Sa paglipat-lipat ng mga frontline nitong buong digmaan, lalo na sa Khartoum at Darfur, pinangangambahan ng mga sibilyan ang gantihan ng magkatunggaling panig. Nitong nakaraang dalawang taon, paulit-ulit at walang pinipili ang pagbobomba ng RSF at SAF sa mga lugar na may malaking populasyon. Ang Rapid Support Forces at ang kanilang mga kaalyadong militia ay nagsimula ng kampanya ng kalupitan kung saan kasama ang sistematikong karahasang sekswal, mga pagdukot, maramihang pagpatay, pagnanakaw ng mga humanitarian aid, ang ganap na pagwasak sa mga sibilyang kapitbahayan at ang pag-okupa ng mga pasilidad medikal. Ang magkabilang panig ay parehong nagkubkob ng mga bayan, sumira ng mahahalagang imprastrukturang sibilyan, at humarang sa pagpasok ng humanitarian aid.

    Ang matinding pagkagutom ay malawakan na, ayon sa UN — ang Sudan ay ang tanging lugar sa buong mundo kung saan opisyal na idineklara ang taggutom sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Ito ay idineklara sa kampo ng Zamzam para sa mga internally displaced people (IDP), noong Agosto at mula noo’y kumalat na ito sa sampu pang lugar. Labimpitong karagdagang rehiyon ang ngayo’y nasa bingit na ng taggutom. Kapag ito’y hindi agad matugunan, daan-daang libong buhay ang malalagay sa panganib.

    a staff measure a child with MUAC

    Isang staff member ang nagsasagawa ng screening para sa malnutrisyon sa mobile clinic sa Al Tadamon gathering site, sa estado ng Al Gedaref. Sudan, Nobyembre 2024. © Faiz Abubakr

    Noong Marso, sinuportahan ng Doctors Without Borders ang multi-antigen catch up na mga kampanya para sa pagbabakuna ng mga batang wala pang dalawang taong gulang sa South Darfur.  Mahigit 17,000 na bata mula sa 11 sa 14 na mga lokalidad, na nakatanggap ng mga bakuna ay sumailalim din sa screening para sa malnutrisyon.  Nakita rito na 7% ng mga sumailalim sa screening ay mayroong severe acute malnutrition, habang 30% naman ang may global acute malnutrition. Noong Disyembre 2024, kasabay ng therapeutic food distribution sa lokalidad ng Tawila, North Darfur, ang mga team ng Doctors Without Borders ay nagbigay ng screening sa mahigit 9,500 na mga batang wala pang limang taong gulang. Nakagugulantang ang napag-alaman nilang 35.5% global acute malnutrition rate, kung saan 7% ng mga bata ang may severe acute malnutrition.  

    Kasabay nito, nahaharap ang Sudan sa marami at patong-patong na mga health emergency. Ginamot ng mga team ng Doctors Without Borders ang mahigit sa 12,000 na mga pasyente — kabilang roon ang mga kababaihan at mga bata —para sa mga trauma injury na resulta ng mga marahas na pagsalakay. Noong unang linggo ng Pebrero 2025, ginamot ng mga team ng Doctors Without Borders sa tatlong bahagi ng Sudan – sa mga estado ng Khartoum, North Darfur, at South Darfur – ang maraming mga pasyenteng nasugatan dahil sa digmaan. Ang Sudan ay nakararanas din ng isa sa pinakamalalang krisis sa kalusugan ng mga ina at mga bata sa buong mundo. Noong Oktubre 2024, sa dalawa sa mga pasilidad na sinusuportahan ng Doctors Without Borders sa Nyala, ang kabisera ng South Darfur, 26% na mga nagdadalang tao at nagpapasusong mga kababaihan na kumukuha ng pangangalaga ay mayroong acute malnutrition

    Lumalaganap ang mga outbreak ng tigdas, cholera at diphtheria, dahil sa mga kondisyon ng pamumuhay at ang pagkaantala sa mga pagbabakuna. Napakalimitado ng suporta sa kalusugang pangkaisipan at pangangalaga para sa mga survivor ng sekswal na karahasan. Ang mga pinagsama-samang krisis na ito ay hindi lang indikasyon ng kalupitan ng digmaan, kundi pati na rin ng mga kahila-hilakbot na kahihinatnan ng isang gumuguhong sistema para sa pampublikong pangangalagang pangkalusugan at ng mga nabibigong pagtugong humanitarian. - Marta Cazorla
    Marta Cazorla, Emergency Coordinator

    Mula noong Abril 2023, mahigit 1.7 milyong tao na ang kumuha ng mga konsultasyong medikal sa mga ospital, mga pasilidad pangkalusugan at mga mobile clinic kung saan sumusuporta o nagtatrabaho ang mga taga-Doctors Without Borders, at mahigit 320,000 na tao na ang tinanggap namin sa aming mga emergency ward

    Ayon sa UN, mahigit 13 milyong tao na ang nawalan ng tirahan dahil sa digmaan— karamihan sa kanila ay ilang ulit nang napilitang lumipat. 8.9 milyon sa kanila ay nasa loob pa rin ng Sudan, habang 3.9 milyon naman ang tumawid na sa mga karatig-bansa. Marami ang mga nakatira sa mga nagsiksikang kampo o mga pansamantalang masisilungan nang walang mapagkukuhanan ng pagkain, tubig, pangangalagang pangkalusugan, o ng pangako ng kinabukasan. Ang mga tao ay nakaasa lamang sa mga organisasyong humanitarian — sa mga lugar kung saan tumutugon ang mga organisasyong ito.

    Pagkawasak ng mga pasilidad pangkalusugan 

    Ayon sa World Health Organization (WHO), mahigit 70% ng mga pasilidad pangkalusugan sa mga lugar na apektado ng digmaan ay hindi halos gumagana o di kaya’y tuluyan nang nagsara, kung kaya’t milyon-milyon ang walang mapagkukunan ng kritikal na pangangalaga sa gitna ng isa sa mga pinakamalalang krisis humanitarian sa kamakailang kasaysayan. Mula noong nag-umpisa ang digmaan, nakapagtala ang Doctors Without Borders ng mahigit sa 80 na insidente ng karahasan na nakapuntirya sa aming mga staff, imprastruktura, mga sasakyan at supplies. Ang aming mga klinika ay nilooban at winasak, ninakaw ang aming mga gamot, at ang aming mga healthcare worker ay sinalakay, pinagbantaan o pinatay. 

    “Winasak ang mga gusali, kahit ang mga kama ay ninakaw, at ang mga gamot ay sinunog. Mukha pa rin itong ospital sa kalayuan, ngunit paglapit mo, ito’y isa na lang silungan para sa mga ahas at damo,” sabi ni Muhammad Yusuf Ishaq Abdullah, ang Health Promotion Officer ng Doctors Without Borders sa Tawila, North Darfur, ukol sa kondisyon ng ospital sa estado ng Tawila matapos itong salakayin at pagnakawan noong Hunyo 2023. 

    Dapat nang tigilan ang mga pagsalakay na ito — ang mga medical personnel at mga pasilidad ay hindi dapat ginagawang mga target.

    Emergency room at Al Nao hospital, supported by MSF in Omdurman, Khartoum state.

    Ang emergency room sa Al Nao Hospital, na sinusuportahan ng Doctors Without Borders sa Omdurman, sa estado ng Khartoum. Sudan, Marso 2025. © Tom Casey/MSF

    Ang paparating na tag-ulan 

    Ang paparating na tag-ulan ay nagbabantang palalalain ang dati nang nakapanghihinang sitwasyon — sa pamamagitan ng pagputol nito sa mga supply route, mga pagbaha sa buong rehiyon, at ang pagkawala ng mga daan patungo sa mga tao, kasabay ng pagtindi ng hunger gap, ng malnutrisyon, at ng malaria

    Ipinapaalala ng Doctors Without Borders ang pangangailangang maghanda bago pa man dumating ang tag-ulan. Dapat buksan ang mas maraming tawiran sa mga hangganan. Kailangan ding ayusin at tiyaking madadaanan ang mga mahahalagang kalsada at tulay, lalo na sa Darfur, kung saan ang ilang mga komunidad ay ibinubukod ng pagbabaha taon-taon. 

    Ang mga paghihigpit sa pagpasok ng humanitarian aid ay dapat alisin, at tiyaking hindi mahahadlangan ang mga tutulong. Inuudyukan ng Doctors Without Borders ang lahat ng nais tumulong — kabilang rito ang mga donor, mga pamahalaan, at mga ahensya ng UN — na bigyang-daan at unahin ang paghahatid ng tulong, at tiyaking hindi lamang makapapasok ito sa bansa kundi mabilis at ligtas ding makararating sa mga pinakanasalanta at pinakaliblib na komunidad. Kung hindi paninindigan ang paglampas sa mga hadlang na pulitikal, pinansyal, lohistiko at mga balakid sa seguridad na nakasasagabal sa paghahatid ng tulong, maraming mga buhay ang mananatiling nasa panganib.   

    Dalawang taon nang tiniis ng mga taga-Sudan ang kahila-hilakbot na sitwasyong ito, hindi na ito dapat patagalin pa. 


    Susuportahan mo ba ang aming emergency response?

    Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.


    Categories