Sudan: Walang ligtas na lugar para sa mga kababaihan sa Darfur, ayon sa ulat ng Doctors Without Borders
Isang babaeng naglalakad sa kampo ng Daba Naira para sa mga internally displaced people sa Tawila, North Darfur. Sudan, 2026 © Cindy Gonzalez/MSF
Nairobi, Marso 31, 2026—Ang mga kababaihan sa Darfur, Sudan, ay humihingi ng proteksyon, pangangalaga at katarungan habang patuloy ang karahasang sekswal sa buong rehiyon, sa mga lugar man ng hidwaan o malayo man sa mga frontline, ayon sa isang bagong ulat na inilabas ngayong araw na ito ng Médecins Sans Frontières / Doctors Without Borders (MSF).
Ang ulat na pinamagatang, “May gusto akong sabihin sa iyo…”: Pagbangon mula sa Krisis ng Karahasang Sekswal sa Darfur, ay naglalaman ng mga pinakakomprehensibong dokumentadong salaysay ng karahasang sekswal sa Sudan habang panahon ng digmaan. Kabilang rito ang mga patotoo ng mga survivor, at mga datos mula sa mga programang medikal ng Doctors Without Borders, na nagbibigay-diin sa mga malinaw na pagkakaulit-ulit ng malawakan at sistematikong pang-aabuso.
Sa pagitan ng Enero 2024 at Nobyembre 2025, hindi bababa sa 3,396 na mga survivor ng karahasang sekswal ang nagpagamot sa mga pasilidad na sinusuportahan ng MSF sa North at South Darfur. Ayon sa MSF, ito ay bahagi lamang ng kabuuang bilang, dahil marami sa mga survivor ang hindi ligtas na makakakuha ng pangangalaga.
97% ng mga survivor na ginamot sa mga programa ng MSF ay mga kababaihan.
Ang mga kababaihan ang pumapasan at nagdurusa sa bigat ng digmaang ito. Ang pagkawala ng kanilang mga tirahan, ang pagguho ng mga sistemang pangsuporta ng komunidad, ang kakulangan ng mapagkukunan ng pangangalagang pangkalusugan at ang mga hindi pagkakapantay-pantay ng mga kasarian ay nagpapahintulot sa pagpapatuloy ng mga pang-aabusong ito sa buong Sudan.Ruth Kauffman, emergency health manager
“Ang karahasang sekswal ay pangunahing katangian ng hidwaang ito — hindi lang sa mga frontline, kundi pati na rin sa mga komunidad,” sabi ni Ruth Kauffman, ang Emergency Health Manager ng Doctors Without Borders. “Ang mga kababaihan ang pumapasan at nagdurusa sa bigat ng digmaang ito. Ang pagkawala ng kanilang mga tirahan, ang pagguho ng mga sistemang pangsuporta ng komunidad, ang kakulangan ng mapagkukunan ng pangangalagang pangkalusugan at ang mga hindi pagkakapantay-pantay ng mga kasarian ay nagpapahintulot sa pagpapatuloy ng mga pang-aabusong ito sa buong Sudan.”
Makikita sa mga patotoo ng mga survivor at sa mga medikal na datos na mula sa MSF na ang mga sundalo ng RSF at ang mga kaalyadong milisya nito ay ang may pananagutan sa malawakan at sistematikong karahasang sekswal laban sa kababaihan.
Matapos makuha ng RSF ang El Fasher — ang kabisera ng North Darfur — noong Oktubre 26, 2025, ginamot ng Doctors Without Borders sang mahigit sa 140 na mga survivor na tumakas mula sa lungsod patungo sa Tawila noong Nobyembre, 94% sa kanila ay sinalakay ng mga armadong kalalakihan, at marami sa kanila ang nag-ulat ng mga panananamantala sa kanila sa mga ruta ng pagtakas. Malawakan ang mga pagsalakay, at kadalasa’y isinasagawa ng maraming mga salarin sa harap ng mga pamilya ng mga survivor. Sinasadyang puntiryahin ang mga komunidad ng mga hindi Arabo, bilang paraan ng pagpapahiya at pananakot, at muling pagpapaalala ng mga nakaraang pagmamalupit ng RSF, tulad ng pagkalag ng kampo ng Zamzam.
Sa loob lamang ng isang buwan, mula Disyembre 2025 hanggang Enero 2026, natukoy ng MSF ang 732 pa ng mga survivor sa kampo para sa mga nawalan ng tirahan sa paligid ng Tawila, kung saan ang mga kababaihan ay nag-ulat ng mga pananamantala sa kanila habang sila’y naglalakbay at nang sila’y nasa kampo na. Ang mga siksikang shelter, ang kakulangan ng pangunahing seguridad, at ang mga hindi ligtas na mga kondisyon — kabilang rito ang mga malalayong water point, mga paliguang walang seguridad at mga limitadong palikuran — ay lalong nakadagdag sa kanilang kahinaan.
Inilarawan ng mga survivor ang mga paglapastangang naganap hindi lang habang nangyayari ang mga labanan, kundi pati na rin sa araw-araw nilang pamumuhay — sa mga kalsadang ginagamit para makatakas mula sa karahasan, sa mga bukirin kung saan nagtatanim ang mga pamilya ng pagkain, sa mga palengke at sa mga kampo para sa mga nawalan ng tirahan. Ang lahat ng ito’y nagpapakita kung paanong ang karahasang sekswal ay lumalampas sa mga frontline.
Gumagamit ang Doctors Without Borders ng mga pamamaraang nakabase sa komunidad sa Tawila upang matukoy ang mga survivor ng karahasang sekswal sa kampo ng mga nawalan ng tirahan sa Daba Naira, sa estado ng North Darfur, Western Sudan. Subali't, ang mga balakid na sistemiko, panlipunan at may kaugnayan sa seguridad ay nakapipigil pa rin sa maraming mga survivor na makakuha o makakumpleto ng mahahalagang pangangalagang medikal at sikolohikal. Sudan, 2026. © Cindy Gonzalez/MSF
Sa South Darfur, daan-daang kilometro mula sa mga lugar ng labanan, 34% ng mga survivor ang sinalakay habang sila’y nagsasaka o bumibiyahe papunta sa kanilang taniman, at 22% ang habang sila’y nangunguha ng panggatong, tubig o pagkain. Ito’y nagbibigay-diin kung paanong ang karahasan ay maaaring mangyari kahit sa araw-araw na pamumuhay.
Kabilang ang mga bata sa mga survivor. Sa South Darfur, isa sa kada limang survivor ay wala pang 18 na taong gulang, kasama rito ang 41 na batang wala pang limang taong gulang.
Ipinakikita rin ng mga datos ng Doctors Without Borders ang mga pagkakaulit-ulit ng sistematikong pang-aabuso, kung saan ang mga armadong kalalakihan ang dapat managutan sa karamihan sa mga pagsalakay — mahigit 95% sa North Darfur, habang halos 60% naman sa South Darfur ang kinasangkutan ng mahigit sa isang salarin.
Inilarawan ng isang survivor ang karahasan na kanyang naranasan habang tumatakas mula sa kanyang tirahan: “Dinala nila kami sa isang malawak na lugar. Ginahasa ako ng isang lalaki nang dalawang beses, muli akong ginahasa ng isa pang lalaki, at apat na beses akong nilapastangan ng ikatlong lalaki. Bukod sa mga panggagahasa, pinaghahataw kami ng mga patpat at tinutukan ako ng mga baril sa ulo.”
Para sa marami, ang banta ng karahasan ay bahagi na ng kanilang pang-araw-araw na pamumuhay: “Araw-araw kapag pumupunta ang mga tao sa palengke, may mga insidente ng panggagahasa. Kapag pumupunta kami sa bukid, nangyayari rin ito,” sabi ng isang 40 na taong gulang na babae sa South Darfur.
Ang mga survivor ay nahaharap din sa mga balakid sa pangangalaga — tulad ng kawalan ng seguridad, pagkakaroon ng stigma at limitadong serbisyo para sa proteksyon. Ang karahasang sekswal ay ginagamit bilang sandata para sa digmaan at isang sistematikong paraan upang kontrolin ang mga sibilyan, na isang paglabag sa pandaigdigang batas na humanitarian, sabi ng Doctors Without Borders.
Ang mga pinuno ng komunidad, mga komadrona, mga aktibista at mga survivor sa mga focus group na inorganisa ng MSF ay nanawagan para sa agad na pagtatapos ng karahasang sekswal sa buong Sudan. Humingi sila ng proteksyon, mapagkukunan ng pangangalaga at dignidad — at pati na rin ng katarungan at pananagutan.
Nananawagan ang Doctors Without Borders sa lahat ng partidong sangkot sa hidwaan — kabilang rito ang RSF at ang kanilang mga tagasuporta — na tigilan at pigilan ang karahasang sekswal at panagutin ang mga salarin.
Nananawagan din ang Doctors Without Borders sa United Nations, mga donor at mga kumikilos na humanitarian upang agad na palakihin ang mga serbisyo para sa proteksyon at kalusugan ng mga nasa Darfur at buong Sudan.
