Skip to main content
SA KASALUKUYAN Ebola sa DRC: Doctors Without Borders, pinalalaki ang pagtugon sa mabilis na nagbabagong anyo ng outbreak Magbasa pa

    Sudan: Mga nawalan ng tirahan sa El Fasher, nasa bingit ng panganib isang buwan matapos sakupin ng RSF ang lugar

    MSF healthcare post in Tawila

    Nagtayo ang Doctors Without Borders ng isang healthcare post sa Tawila Umda upang gawing matatag ang kondisyon ng mga pasyenteng bagong dating, at gamitin ang ambulansya upang dalhin ang mga seryosong kaso, tulad ng mga sugatan o ng mga nangangailangan ng operasyon, sa Tawila Hospital. Sudan, 2025 © Natalia Romero Peñuela/MSF

    Matapos masaksihan ang pagkamatay ng kanyang asawa at anak na babae sa gitna ng mga pagbobomba sa El Fasher, sinimulan ni A.M.* ang kanyang apat na araw na nakakapagod na paglalakbay patungong Tawila noong Lunes, ika-27 ng Oktubre. Sa layo na 60 na kilometro, kinailangan nito ng apat na napakahirap na araw ng paglalakad, kung saan tiniis niya at ng kanyang mga natitirang kamag-anak ang mga karanasan ng pananakit, pambubugbog, at pagnanakaw. Habang nasa daan, kinailangan niyang ilibing sa barangay ng Garni ang kanyang pamangkin na babaeng namatay dahil sa pagod at gutom. “Hindi niya kinaya ang paglalakad nang malayo. Naging lubhang mahirap ang paglalakbay na ito, at kami ay nakaramdam ng matinding pagkabalisa,” sabi niya.  Gayunpaman, ipinagpatuloy pa rin niya ang paglalakbay patungong Tawila —kasama ang kanyang mga nakaligtas na anak, ang kanyang kapatid na lalaki, at pati ang ilang mga ulilang nakilala niya sa daan.

    Ngunit pagdating nila sa bayan, wala silang naabutan kundi kawalan ng pag-asa: walang sapat na tubig, pagkain, masisilungan, at mga palikuran.

    Halos isang buwan matapos sakupin ng RSF ang El Fasher, ang huling lungsod ng Darfur na hawak ng Sudanese Armed Forces (SAF) at ng Joint Forces, nananatiling kritikal pa rin ang sitwasyon sa North Darfur. Batay sa kanilang pagpaparehistro sa NRC, may humigit-kumulang 10,000 na taong gaya ni A.M. na nakaligtas mula sa maramihang pagmamalupit at tumakas patungong Tawila, kung saan sila’y nahaharap sa mga kahila-hilakbot na kondisyon sa mga siksikang kampo. Ang bilang na ito ay mababa kung ikukumpara sa tinatayang 260,000 na tao, na ayon sa UN ay nasa El Fasher pa rin noong huling bahagi ng Agosto.

    "Nagsimula kaming makatanggap ng mga tao mula sa El Fasher isang linggo bago masakop ang lungsod. Noong una, karamihan ay mga kababaihan at mga batang pagod na pagod, malnourished at kulang sa tubig, ang dumating lulan ng mga trak. Matapos bumagsak ang El Fasher, nakatanggap din kami ng mga kalalakihan. Dumating silang naglalakad lamang. Marami sa kanila ay may traumatikong kapinsalaan, mga sugat dahil sa pamamaril, at mga sugat na nagkaroon ng impeksyon,” paglalarawan ni Dr. Mouna Hanebali, medical team leader sa Tawila Hospital. "Ngayon, pakaunti nang pakaunti ang mga taong dumarating gamit ang rutang ito. Sa halip, may mga nanggaling sa Korma, ngunit kakaunti lamang sila.”

    Bagama’t ang Doctors Without Borders o kahit anong pandaigdig na organisasyong humanitarian ay hindi nakakapasok sa El Fasher, ang aming mga team ay patuloy na nagsisikap matukoy ang mga survivor na nangangailangan ng tulong medikal sa iba’t ibang lugar.

    Ang mga taong nakaligtas mula sa malubhang karahasan ay nananatiling nasa matinding panganib sa loob at sa paligid ng El Fasher. Ang pagtulong na humanitarian ay hinahadlangan, ang mga taong buhay pa ay hindi pinapalabas, habang ang impormasyong tungkol sa kasalukuyang sitwasyon sa loob at sa paligid ng lungsod ay napakalimitado.
    Myriam Laaroussi, Emergency Coordinator

    Sa North Darfur, binisita namin ang Um Jalbak, Shangil Tobay, Dar el Salam at Korma. Doo’y wala kaming nakitang maramihang pagdating. Ilang daang tao lang ang dumating mula sa El Fasher nitong nakaraang tatlong linggo, at isinangguni namin ang ilang pasyenteng nasa kritikal na kondisyon sa ospital sa Tawila. Nagsagawa rin kami ng mga medikal na aktibidad sa Umbaru, Mazbet, Karnoy, at Tina, mga lokalidad sa daan papunta sa Chad, kung saan wala ring malaking pagdagsa ng tao. Ganoon din ang sitwasyon sa Belliseraf sa South Darfur, at sa Golo at Fanga sa Central Darfur, kung saan ang aming mga team ay nagtatasa ng mga pangangailangan at naghahandang mamahagi ng mga kit sa mga bagong dating.

    Bagama’t tinatantiya ng IOM na mahigit sa 100,000 na indibidwal na ang nawalan ng tirahan sa El Fasher pagdating ng Nobyembre 17, isinasaad din sa mga ulat na ang karamihan sa kanila ay nananatili sa lokalidad ng El Fasher, sa mga rural na mga barangay sa kanluran at hilaga ng lungsod. Ang aming mga obserbasyon, ang mga patotoo ng mga survivor at ang mga panlabas na impormasyon tulad ng satellite analysis na ginawa ng Humanitarian Research Lab (HRL) ng Yale School of Public Health ay nagpakita ng isang mapaminsalang sitwasyon kung saan marami sa mga sibilyan na buhay pa sa El Fasher bago mag-Oktubre 26 ay pinaslang, namatay, ikinulong, hindi makalabas, at hindi makatanggap ng mahalagang tulong upang makapunta sa isang mas ligtas na lugar.

    People standing by jerrycans

    Bitbit ang kanilang mga jerry can, hinihintay ng mga taong nawalan ng tirahan sa El Fasher ang pagdating ng mga trak upang makakuha sila ng tubig. Ang ipinamamahaging inuming tubig ay hindi sapat. Ayon sa pagtatasa ng Doctors Without Borders, 1.5 na litro lang sa bawat tao, ang naibibigay sa bawat araw. Malayo ito sa humanitarian minimum na 15 na litro kada tao araw-araw. Sudan, 2025 © Natalia Romero Peñuela/MSF

    Mga hindi angkop na kondisyon sa mga kampo sa Tawila

    Ang nadadatnan ng mga survivor na nakararating sa Tawila ay mga kampo kung saan ang mga serbisyong umiiral ay napuspos na ng mahigit 650,000 na internally displaced people (IDP) mula sa El Fasher nitong nakaraang dalawang taon. Kabilang rito ang halos 380,000 na mga bagong dating mula Abril 2025, noong sinalakay ng RSF ang kampo ng Zamzam.

    “Ang mga kondisyon ng pamumuhay sa mga kampo sa Tawila ay lubhang delikado,” sabi ni Myriam Laaroussi, ang emergency coordinator ng Doctors Without Borders sa Darfur. “Nanlulumo ang mga taong dumarating sa isang lugar kung saan hindi sapat ang mga mapagkukunang-yaman upang tugunan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan. Natutulog sila sa mga pansamantalang masisilungan na gawa sa kahoy at mga tarpaulin. Ang tulong na natatanggap nila ay sapat lamang para sa isang kainan kada araw ng mga taong binibigyan ng prayoridad."

    Sa isang pagtatasa ng Doctors Without Borders sa mga kampo ng Daba Naira at Tawila Umda, napag-alaman namin na ang karaniwang nakukuhang tubig ng isang tao ay 1.5 na litro lamang sa bawat araw. Ito ay higit na kaunti kaysa humanitarian standard threshold na hindi bababa sa 15 na litro.

    Si IO*, na mga 30 na taong gulang na, ay nakaupo kasama ang kanyang dalawang anak sa ilalim ng isa sa mga pansamantalang masisilungan na gawa sa tarpaulin. Tatlong araw silang naglakad papuntang Daba Naira.  210,000 na mga tao ang nakatira rito, at ito ang pinakamalaking kampo sa kasalukuyan para sa mga nawalan ng tirahan sa Tawila. Sanhi ng shelling sa El Fasher, namatay ang asawa ni IO habang naghahahanap ito ng pagkain. Nagpasya si IO na tumakas kasama ang kanyang dalawang anak noong Oktubre 25, at natagpuan nila ang bangkay ng kanyang asawa na nakahandusay sa daan.

    “Ninakaw ang lahat ng aming pag-aari.  Ang tanging naiwan sa akin ay ang damit kong ito na nilalatag namin at hinihigaan kapag oras na ng pagtulog,” sabi niya. “Kailangan ko ng mga damit para sa aking mga anak. Isang pares ng sapatos lang ang mayroon kami, at ginagamit iyon ng sinumang kailangang pumunta sa palikuran. Ang dami pa naming kailangang mga pangunahing kagamitan”.

    Ayon sa Sudanese American Physicians Association (SAPA), mga 74% ng mga taong nawalan ng tirahan sa Tawila ay nakatira ngayon sa mga hindi pormal na lugar ng mga pagtitipon na walang sapat na imprastraktura, at mas mababa sa 10% lang ng mga kabahayan ang may mapagkukunan ng tubig o magagamit na palikuran. Sa buong kampo ng Daba Naira, karaniwan nang makakita ng dumudumi sa labas, at ito’y dumadagdag sa panganib ng paglaganap ng mga sakit tulad ng cholera. Dahil papalapit na ang taglamig, inaalala rin ng mga pamilyang nawalan ng tirahan ang kawalan nila ng mga kasuotang panglamig at mga kumot.

    A displaced family in Tawila sits under a tent

    Si IO at ang kanyang dalawang anak ay tumakas mula sa El Fasher noong Biyernes bago ito sinakop ng RSF. Sa daan, nasaksihan nila ang pagkamatay ng maraming tao dahil sa heavy shelling, at naging biktima sila ng pambubugbog at racist verbal abuse. Ang asawa ni IO ay namatay sanhi ng shelling habang nagsisikap makahanap ng pagkain para sa kanilang pamilya. Sudan, 2025 © Natalia Romero Peñuela/MSF

    “Ang mga taong nawawala ay nasa likod pa rin namin, at hindi sila pakakawalan.”

    Si IA* ay dating watchman sa isang unibersidad sa El Fasher. Isang araw bago ang pagbagsak ng lungsod, binaril siya sa binti at nadurog ang iba’t ibang bahagi ng kanyang tibia. “Dumudugo ang sugat ko kaya’t gumawa ang kapatid ko ng tourniquet. Tapos sinakay niya ako sa isang kariton na hila-hila ng isang asno at dinala niya ako rito. Isipin mo na lang kung gaano kasakit iyon. Hirap na hirap ako,” sabi niya. Tatlong araw siyang nasa daan. Sa kabila ng kanilang mga pagsisikap, kinailangan pa ring putulin ang isang bahagi ng kanyang binti sa Tawila Hospital.

    Gaya ng patotoo ni IA, ang mga kuwento ng aming mga pasyenteng nagawang tumakas ay nakapanlulumo. Ang lahat ng mga survivor ay naglahad tungkol sa kanilang pagtakas sa gitna ng mga shelling at pamamaril, at kung paano sila naglakad sa loob ng tatlo hanggang limang araw. Kadalasan, sila’y nagtatago kapag araw at naglalakbay sa gabi upang maiwasan ang mga pagpigil at pagsalakay. Inilarawan nila ang matinding karahasan, kabilang rito ang maramihang pagpatay at mga kalupitang batay sa etnisidad. Sa kanilang paglalakbay, marami silang nakitang mga bangkay, at nakaranas din sila ng pananakit, mga pagdukot para sa pantubos, karahasang sekswal, pagpapahiya, at ang pagnakaw sa lahat ng kanilang mga pag-aari. Binanggit din ng mga pasyente ang mga maramihang pag-aaresto kung saan ang mga kalalakihan, lalo na ang mga bata pa, ay ikinukulong at ibinubukod sa mga kababaihan at mga bata sa mga lugar gaya ng Garni, sa hilagang-kanluran ng El Fasher.

    Kitang-kita kay FI*, isang 50 na taong gulang na lalaki ang kanyang kapaguran. Sampung araw siyang ikinulong, binugbog, at nagdusa dahil sa karahasan, tulad ng pagtali ng lubid sa kanyang leeg. Ang mga dumakip sa kanya ay humingi ng 10 million Sudanese pounds [4,000 USD] kapalit ng kanyang paglaya.

    “Nalasing sila at dinala kami sa disyerto. Pinahiga kami sa mga palumpong, binugbog kami at sobra kaming pinahiya. Papatayin daw nila kami. Pagkatapos, pinagbabaril nila kami nang maraming beses,” sabi niya. Pinakawalan siya ng mga nambihag sa kanya pagkatapos niyang magbayad ng 500,000 Sudanese pounds [200 USD] at dahil ang kanyang mga sugat ay nagka-impeksyon.

    Ayon sa mga pasyenteng ginagamot namin, maraming mga sibilyan ang hindi pa rin pinahihintulutang umalis sa Garni at sa ibang mga bayan sa paligid ng El Fasher para sila’y tubusin. Ang iba nama’y pinipigilan ng RSF at ng mga kaalyado nito na makarating sa mga ligtas na lugar gaya ng Tawila. “Ang mga taong nawawala ay nasa likod pa rin namin, at hindi sila pakakawalan,” babala ni FI.

    "Ang mga taong nakaligtas mula sa malubhang karahasan ay nananatiling nasa matinding panganib sa loob at sa paligid ng El Fasher. Ang pagtulong na humanitarian ay hinahadlangan, ang mga taong buhay pa ay hindi pinapalabas, habang ang impormasyong tungkol sa kasalukuyang sitwasyon sa loob at sa paligid ng lungsod ay napakalimitado,” sabi ni Laaroussi.

    MSF surgeons operating on patient

    Si Dr. Altayeb, orthopedic surgeon ng Doctors Without Borders, ay nagsagawa ng follow-up surgery sa binti ni IA. Kinailangang putulin ang bahagi ng binti ni IA matapos siyang mabaril sa El Fasher. Sudan, 2025 © Natalia Romero Peñuela/MSF

    Ang tugon ng Doctors Without Borders

    Pinalawak ng Doctors Without Borders ang kanilang kapasidad sa Tawila upang tumugon sa dumaraming pangangailangan ng populasyon. Ang aming mga team ay nagtayo ng health post sa may pasukan ng Tawila Umda, isa sa mga pangunahing arrival point para sa mga taong nawalan ng tirahan sa El Fasher. Doon, nagbibigay ang Doctors Without Borders ng mga injury dressing at mga serbisyo para sa mga outpatient, ginagawang matatag ang kondisyon ng mga kritikal na kaso, at hinahatid sa ospital ang mga pasyenteng may malalang kondisyon gamit ang mga ambulansya. Kinikilala rin ng Doctors Without Borders ang kagyat na pangangailangan para sa pangangalaga ng kalusugang pangkaisipan, na magiging prayoridad ng aming mga team sa mga darating na linggo.

    Sa Tawila Hospital ay nagtayo kami ng isang emergency area para sa mga dumarating galing sa El Fasher mula pa noong kalagitnaan ng Agosto. Dinagdagan namin ang aming kapasidad para sa mga sugatan at pasyenteng may trauma – mula sa 24, ngayo’y mahigit sa 100 na ang aming mga kama. "Dumarami ang aming mga operasyong isinasagawa— mula sa 7 na kaso kada araw noong nakaraang buwan, ngayo’y 20 na kada araw," sabi ni Mouna Hanebali. Patuloy rin ang aming mga team sa paggamot ng mga taong dumarating nang may nakaaalarmang malnutrisyon, sanhi ng pagkubkob na kanilang pinagdaanan sa El Fasher. Kamakailan lang, ang aming mga team ay nagsimulang mamahagi ng tubig at nagtayo ng mga palikuran sa kampo ng Daba Naira.

    Sinimulan na rin ng mga team ng Doctors Without Borders ang isang interbensyon upang ibalik at paunlarin ang access sa pangangalagang pangkalusgan sa Tine at Kornoi, North Darfur, malapit sa hangganan ng Chad, at pati na rin sa Chad.

    Nananawagan ang Doctors Without Borders sa RSF at sa mga kaalyado nito na bigyan agad ng ligtas at libreng pagtawid ang mga may sakit, napinsala at lahat ng mga sibilyang nagsisikap na makarating sa mas ligtas na lugar, at bigyang-daan ang pagpasok ng tulong na humanitarian sa Garni, El Fasher, at ibang mga lugar kung saan may mga survivor. Nananawagan din kami sa mga donor at sa iba pang mga kumikilos bilang mga humanitarian na dagdagan ang kanilang pagtugon sa dumaraming mga pangangailangan para sa kalusugan, proteksyon, pagkain, tubig at sanitasyon ng mga tao sa Tawila.

    *Ang mga pangalan ay pinalitan upang maprotektahan ang pagkakakilanlan ng mga kinapanayam.



    Susuportahan mo ba ang aming emergency response?

    Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.


    Categories