Skip to main content
SA KASALUKUYAN Ebola sa DRC: Doctors Without Borders, pinalalaki ang pagtugon sa mabilis na nagbabagong anyo ng outbreak Magbasa pa

    Sudan: Ang unang kampanya ng pagbabakuna laban sa tigdas sa El Geneina mula noong 2021

    A child celebrates with a smile after receiving her measles and rubella vaccine in El Geneina

    Si Reem, sampung taong gulang ay nagdiriwang nang nakangiti matapos mabakunahan laban sa tigdas at rubella sa Alsafa, El Geneina. Pagkatapos ipakita sa kanyang mga nakababatang kapatid na ang turok ay hindi masakit at parang kurot lang, tumayo siya nang matuwid at pinalakas ang loob ng kanyang pamilya.  Sudan, Enero 2026. © Cindy Gonzalez/MSF

    "Ito ay isang kagyat na pagtugon sa biglang pagdami ng kaso ng tigdas sa El Geneina. Bago namin sinimulan  ang kampanya sa pagbabakuna, nakatatanggap kami ng mga 130 na kaso kada linggo sa measles isolation ward ng El Geneina Teaching Hospital. Mula Nobyembre 2025 hanggang katapusan ng Enero 2026, gumamot kami ng kabuuang bilang ng 778 na mga kaso ng tigdas.” 

    Ito ang ipinahayag ni Dr. Ali Daoud, ang deputy medical coordinator ng Doctors Without Borders sa huling araw ng kampanya ng pagbabakuna laban sa tigdas sa El Geneina, ang kabisera ng estado ng West Darfur. Ang kampanya, na isinagawa sa pakikipagtulungan sa Ministry of Health at iba pang mga katuwang sa kalusugan, ay tumakbo mula Enero 25-30. Sa loob ng anim na araw na ito, mahigit 174,000 na mga bata na may edad siyam na buwan hanggang 15 na taon ang binakunahan, at bumuo ng 94% ng mga nilalayon naming bakunahan. 

    Ito ang kauna-unahang kampanya ng pagbabakuna laban sa tigdas sa lokalidad ng El Geneina mula noong 2021. Ang tigdas ay lubhang nakahahawa at maaaring nakamamatay kapag ito’y hindi mapigil o magamot nang maaga, kaya’t mahalagang magkaroon ng mapapanatiling access sa regular na pagbabakuna.  

    Mahalaga sa mga bata ang mabakunahan upang maprotektahan sila mula sa sakit na ito. Hindi naman masakit ang iniksyon, e. Pagkatapos, puwede na akong umuwi, magdasal, at mag-aral. Ang tigdas ay maaaring makamatay, lalo na sa mga bata.
    Khalid, 14 na taong gulang

    "Mahalaga sa mga bata ang mabakunahan upang maprotektahan sila mula sa sakit na ito. Hindi naman masakit ang iniksyon, e. Pagkatapos, puwede na akong umuwi, magdasal, at mag-aral. Ang tigdas ay maaaring makamatay, lalo na sa mga bata,” sabi ni Khalid, 14. Hinikayat ni Khalid ang kanyang pinsan na sumama sa kanya at sa kanyang mga kapatid sa isa sa mga lugar ng pagbabakuna. 

    Mobilisasyon ng komunidad, nasa sentro ng kampanya 

    Malaki ang naitulong ng mobilisasyon ng komunidad upang marami ang maabot ng kampanyang ito. Mahigit sa 1,400 na mga boluntaryo mula sa komunidad ang kumilos, sinanay, at itinalaga ng Doctors Without Borders sa iba’t ibang mga aktibidad kaugnay ng kampanya sa mahigit 200 na mga lugar ng pagbabakuna sa El Geneina. Ang mga mobile team at mga public address system na nakakabit sa mga sasakyan ay ginamit upang iangat ang kamalayan ukol sa mga iskedyul ng pagbabakuna, at upang hikayatin ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak. 

    Ang paghahatid ng mahalagang kampanyang ito ay nangailangan ng suporta ng komunidad, pati na rin ng makabuluhang suporta at koordinasyong lohistiko.
    Abdalhalim Ishag, Logistician
     A medical staff vaccinated a child at the vaccination site in El Geneina

    Si Mawa, 10, sa lugar ng pagbabakuna sa Alsafa, El Geneina. Pagkatapos sabihin ng kanilang mga guro na ang lahat ng mga bata ay dapat mabakunahan, pumunta siya sa isang lugar ng pagbabakuna kasama ang kanyang apat na kapatid na lalaki. Doo’y nakita niya ang dalawa sa kanyang mga kaibigan mula sa paaralan. 

    'Nakakakaba, pero hindi naman masakit (ang maturukan). Hindi pa ako nakakakita ng mayroong tigdas, pero alam kong hindi ka maaaring maglaro kapag may sakit ka. Mapoprotektahan ako at ang aking pamilya ng pagpapabakuna,' sabi niya. Si Mawa at ang kanyang mga kapatid ay kabilang sa mga batang natulungan ng 6 na araw na kampanya ng Doctors Without Borders at MoH sa West Darfur. Sudan, Enero 2026. © Cindy Gonzalez/MSF

    "Ang paghahatid ng mahalagang kampanyang ito ay nangailangan ng suporta ng komunidad pati na rin ng makabuluhang suporta at koordinasyong lohistiko," sabi ni Abdalhalim Ishag, ang logistics base ng Doctors Without Borders sa El Geneina Teaching Hospital. "Upang makaabot sa mahigit 200 na mga lugar ng pagbabakuna sa El Geneina, kinailangan naming gamitin ang aming mga mapagkukunang-yaman para sa mga liblib at mahirap mapuntahang lugar." 

    "'Nakakakaba, pero hindi naman masakit (ang maturukan). Hindi pa ako nakakakita ng mayroong tigdas, pero alam kong hindi ka maaaring maglaro kapag may sakit ka. Mapoprotektahan ako at ang aking pamilya ng pagpapabakuna,” sabi ni Mawa, sampung taong gulang. Pumunta siya sa isang lugar ng pagbabakuna kasama ang kanyang apat na kapatid na lalaki. 

    Hindi ito ang kauna-unahang pagkakataon na ang aming mga team ay sumuporta sa Ministry of Health ng estado sa pagtugon sa dumaraming kaso ng tigdas sa West Darfur. Noong kalagitnaan ng 2025, isang malawakang kampanya ang ginawa para sa lokalidad ng Foro Baranga, isang lugar sa timog ng estadong ito.  

    A collaborative team of MSF and Ministry of Health (MoH) staff working alongside community members during the measles and rubella vaccination campaign.

    Nakikipagtulungan ang team ng Doctors Without Borders at staff ng Ministry of Health (MoH)  sa mga miyembro ng komunidad sa isang kampanya ng pagbabakuna laban sa tigdas at rubella. Sa malawakang interbensyong ito, nagbigay ang Doctors Without Borders ng masinsinang pagsasanay at mobilisasyon ng 1,400 na mga boluntaryo mula sa komunidad.  Suportado ng 138 na mga health promoter na nakatanggap ng pagsasanay mula sa Doctors Without Borders, ang mga team na ito ay itinalaga sa 237 na lugar ng pagbabakuna sa limang lokalidad. Sudan, Enero 2026. © Cindy Gonzalez/MSF

    "Sustained vaccination services are essential to prevent recurrent of measles cases and protecting children, not only in West Darfur but also in all of Sudan."

    Para sa maraming tao, ang pagiging ligtas sa buhay ay hindi lang nangangahulugan ng pagtakas sa karahasan. Ito rin ay tungkol sa pagiging ligtas mula sa sakit tulad ng tigdas, na ang pagkalat ay sanhi ng maraming bagay, tulad ng pagkawala ng sariling tirahan, pagsisiksikan, limitadong mapagkukunan ng pangangalagang pangkalusugan, mga puwang sa regular na pagbabakuna, at mga marupok na sistema ng pagbabantay sa sakit. 

    "Sa ating pagsulong, patuloy na mananawagan ang Doctors Without Borders sa Ministry of Health at sa mga kumikilos para sa kalusugan na itaguyod pa ang pagkakaroon ng mapagkukunan ng regular na serbisyo ng pagbabakuna sa buong Darfur," sabi ni Dr. Ali.  

    "Ang pagpapanatili ng mga serbisyo ng pagbabakuna ay mahalaga sa pagpigil ng pag-uulit ng  mga kaso ng tigdas, at upang maprotektahan ang mga bata, hindi lang sa West Darfur, kundi sa buong Sudan." 

     


    Susuportahan mo ba ang aming emergency response?

    Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.