Sa gitna ng digmaan: Kung paanong ang aming mga kasamahang Sudanese ay nagpatuloy sa pagsagip ng mga buhay
Si Sondos ay isang medical interpreter sa El Geneina Teaching Hospital sa West Darfur. Naantala ang kanyang edukasyon dahil sa digmaang kumitil sa buhay ng ilang mga miyembro ng kanyang pamilya, ngunit nakahanap siya ng lakas sa pagiging boluntaryo at tumulong siya sa muling pagbubukas ng emergency room ng isang ospital habang nagaganap ang digmaan. Sa kalaunan, sumapi siya sa Doctors Without Borders upang makapagbigay ng mahalagang pangangalaga. Sudan, 2025 © Natalia Romero Peñuela/MSF
Nitong 2026, ikatlong taon na ng digmaan sa Sudan na naging sanhi ng pagkawasak ng mga lungsod, nagpabagsak ng mga mahahalagang serbisyo, at nagpuwersa ng mga milyon-milyong tao na tumakas. Kabilang rito ang aming mga kasamahan sa Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF), na nagsisikap araw-araw upang mapanatili ang pag-asa.
Ang bawat isa sa aming mga kasamahang Sudanese ay nakaranas mawalan dahil sa digmaan. Mula sa mga kapansin-pansing kawalan katulad ng kanilang mga mahal sa buhay, mga kamag-anak, mga kaibigan, at lahat ng kanilang mga itinayo sa pamamagitan ng buong buhay ng pagtitiyaga; at hanggang sa mga bagay na maaaring simple sa unang tingin—ang kanilang mga pang-araw-araw na aktibidad, ang kanilang pakiramdam ng tagumpay tuwing may natatapos silang gawain, at ang kanilang natatamong katiwasayan ng pag-iisip.
Gayunpaman, araw-araw ay bumabangon sila upang lumabas sa kanilang mga tahanan at pumunta sa mga pasilidad at opisina ng Doctors Without Borders. Ginagawa nila ito upang makatulong sa ibang mga tao na nawalan ng halos lahat ng mahahalaga sa kanila. Ang aming mga kasamahang Sudanese — 1,470 na lokal na staff at 5,500 na staff ng Ministry of Health na sinusuportahan ng Doctors Without Borders1—ay ang mga haliging nagtataguyod ng mga ginagawa ng Doctors Without Borders sa bansa.
Mula Abril 2023, tiniis ng Sudan ang brutal na hidwaan sa pagitan ng Sudanese Armed Forces (SAF) at ng Rapid Support Forces (RSF). Dahil sa labanan, napilitan ang mahigit sa 13 milyong tao na lisanin ang kanilang mga tahanan at naging sanhi ng pagbagsak ng mahahalagang serbisyo. Tinatayang may mga 25 milyong tao ang walang seguridad ngayon sa pagkain ayon sa UN, at marami ang nagdurusa dahil sa malnutrisyon. Ang mga sibilyan, kabilang ang mga bata, ay naging biktima ng pagsalakay, mga pagmamalupit na sanhi ng etnisidad, pandurukot, pananakit, at karahasang sekswal.
Tinanong namin ang aming mga kasamahan kung ano ang mga kinuha sa kanila ng digmaan, at kung ano ang nagbibigay sa kanila ng lakas na magpatuloy sa pagtatrabaho sa kabila ng mga nawala sa kanila. Ipinakikita ng kanilang mga kuwento kung paano nakaaapekto ang hidwaan hindi lamang sa mga nangangailangan ng pangangalaga, ngunit maging sa mga tagapagbigay nito.
Si Dr. Altayeb ay isang orthopedic surgeon ng Tawila Hospital sa North Darfur. Matapos niyang lisanin ang El Fasher dahil sa mapangwasak na karahasan, siya ngayo’y nagbibigay ng mahalagang pangangalaga, bunga ng kanyang dedikasyon sa kanyang mga pasyente at sa kanilang pangangailangan para sa kaligtasan. Sudan, 2025 © Natalia Romero Peñuela/MSF
Altayeb, isang surgeon sa Tawila
Si Dr. Altayeb, isang orthopaedic surgeon sa North Darfur, ay tumakas mula sa El Fasher at dumating sa Tawila Hospital isang linggo bago ang lungsod ay tuluyang nakubkob ng RSF. Iniwan niya at ng kanyang asawa ang kanilang komportableng buhay sa maayos na bahagi ng lungsod. Ilang buwan bago sila tumakas, naging napakahirap nang tiisin ng kanilang buhay. “Laging may nakaambang panganib dahil maaaring magkaroon ng shelling sa kahit anong sandali,” sabi niya.
Dalawang linggo matapos okupahin ang El Fasher, ang kanyang unang ginawa bilang surgeon sa ospital ng Doctors Without Borders sa Tawila ay ang linisin at tahiin ang sugat ng isang pasyenteng naputulan ng binti noong kinubkob ang lungsod. Sa di sinasadyang pagkakataon, ang pasyenteng ito ay isang malayong kamag-anak ni Dr. Altayeb. Kinailangan nitong maglakbay ng tatlong araw habang may bukas na sugat mula sa isang ligaw na bala. Sumakay lamang siya sa isang kariton na hila-hila ng isang asno upang makarating sa ospital.
Ang unang dahilan ni Dr. Altayeb sa pag-alis ay upang makahanap ng ligtas na lugar para sa panganganak ng kanyang nagdadalang taong asawa. Ang kanyang motibasyon sa pagpapatuloy ng pagbibigay ng pangangalaga ay galing naman sa kanyang mga pasyente. “Ang ilan sa aking mga pasyenteng taga-roon ay narito na ngayon,” sabi niya.
Sondos at Hagwa, staff ng maternity ward ng West Darfur
Sa El Geneina, West Darfur, ang unang kinuha ng digmaan mula kay Sondos ay ang pagkakataong makapagtapos siya sa pag-aaral. “Nang nagsimula ang digmaan, nasa huli na akong taon ng aking kurso, ngunit nagsara ang aking unibersidad at di na muling nagbukas,” sabi niya. “Kinuha ng digmaan ang pinakamalaki kong tagumpay.”
Dahil sa kawalan ng sertipiko, hindi siya maaaring magtrabaho bilang nars, kaya’t nagtatrabaho na lang siya bilang isang medical interpreter sa El Geneina Teaching Hospital. Dahil din sa hidwaan, napilitan ang ilang mga miyembro ng kanyang pamilya na lisanin ang lungsod nang tatlong buwan. Pagbalik nila, natuklasan ni Sondos na namatay ang kanyang kapatid na lalaki, ang kanyang tiyahin, at ang ilan sa kanyang mga kamag-anak.
“Iyon ang napakahirap na taon ng aking buhay,” sabi niya. Gayunpaman, ginamit niya ang natitira niyang lakas upang makipagtulungan sa isang grupo ng mga boluntaryo sa muling pagbubukas ng emergency room ng ospital. “Gusto lang naming matulungan ang aming komunidad dahil nagdurusa sila at wala silang mga pasilidad. Nagtrabaho kami hanggang nakabalik ang Doctors Without Borders sa ospital, at pagkatapos ay ipinagpatuloy namin ang aming pakikipagtulungan sa kanila upang makapagbigay ng mga serbisyo”, paliwanag niya.
Sa maternity ward, katrabaho ni Sondos si Hagwa, isang nars ng Ministry of Health na binibigyan ng insentibo ng Doctors Without Borders. Ayon kay Hagwa, isa sa pangunahing negatibong epekto ng hidwaan ay ang pagkawala ng tiwala sa komunidad.
“Bago ang digmaan, lahat ng Sudanese ay pare-pareho - mabait, mapagmahal, at mapagkalinga sa isa’t isa. Ngunit ngayon, dahil sa digmaan, nakikita namin ang masamang inaasal ng isa’t isa,” sabi niya. “Ang mga pamilya ay nagkahiwa-hiwalay at natatakot. Ang aming tahanan ay hindi na ligtas,” sabi niya.
Si Hagwa ay isang nars sa maternity ward ng El Geneina. Nawalan siya ng tirahan dahil sa digmaan, subali’t ipinagmamalaki pa rin niya ang pagsuporta sa kanyang komunidad. Ipinagdadalamhati niya ang nawalang pagkakaisa at pagtitiwala na dating nagbibigkis sa mga tao ng Sudan. 2025 © Natalia Romero Peñuela/MSF
Al Douri, isang epidemiologist sa Khartoum
Noong pumutok ang digmaan, napilitan si Dr. Al Douri na lisanin ang Khartoum, ang kanyang tinitirhang lungsod. Pagbalik niya, naabutan niyang wasak na ang kanyang tahanan, at isa na siya sa milyon-milyong Sudanese na nawala ang lahat. Ngayon, sa Bashair Teaching Hospital, nakikita niya ang “sakit at kawalan ng pag-asa” sa bawat pasyente.
Sa kanyang pagtatrabaho rin sa mga kampo, may mga nakikila siyang mga pamilya na ilang araw nang naglalakbay sa paghahanap ng kaligtasan. “Marami sa kanila ang dumarating ng may malalang malnutrisyon at sakit,” sabi niya. Inilarawan niya ang kasalukuyang krisis bilang isang nakagugulantang na hampas sa isang ‘mapayapa at napakamagiliw' na mga tao.
“Bigla na lang kaming nasa isang digmaang kinuha ang lahat sa amin,” pagninilay niya.
Gayunpaman, ayaw niyang sumuko sa sama ng loob. Ito ang kanyang mensahe para sa kanyang mga kapwa Sudanese: “Huwag kayong mawawalan ng pag-asa. Balang araw, magkakasama-sama tayong muli sa ating lupang tinubuan.”
Ngunit upang ito’y maisakatuparan, kinakailangang hindi magsawalang-kibo ang mundo. “Huwag kayong tumigil sa pag-uusap tungkol sa Sudan at tungkol sa pagdurusa ng mga Sudanese.”
Hanan, isang community mental health worker sa Tawila
Sa Tawila, si Hanan ay isang saksi araw-araw sa isang trahedya na hindi kayang ilarawan ng mga salita. Mula noong nagsimula ang displacement, nakita niya ang pagtatak ng matinding takot sa mga katawan at isipan. Nasasaksihan din niya ang mga trauma na nagaganap sa mga kababaihan, ‘sa salita man o sa gawa’, at ang malalim na trauma ng sekswal na panghahalay.
Ngunit sa gitna ng kaguluhang ito, isa pang krisis ang bumabagabag sa kanya: ang mga batang naiwan. “Kadalasa’y nakakakita kami ng mga batang inabandona,” paliwanag niya. Ang mga batang ito ang isa sa kanyang pinakamalaking motibasyon. Hindi makakalimutan ni Hanan ang isang grupo ng apat na batang nakilala niya sa kampo. Namatay na ang kanilang ina, at ang kanilang ama naman ay nawala sa kaguluhan ng El Fasher. Ang pinakamatanda sa kanila, na12 na taong gulang lamang, ay nagsisikap na mapakain ang kanyang tatlong nakababatang kapatid. Lahat sila’y nagdurusa na mula sa matinding malnutrisyon.
“Ang mga batang ito ay hindi mabubuhay kung walang tulong ng mga NGO,” sabi ni Hanan. Sa ospital na sinusuportahan ng Doctors Without Borders sa Tawila, sila’y nakatatanggap ng pangangalagang kinakailangan nila.
[sa kaliwa] Si Zoubeida ay isang komadrona sa Tawila, North Darfur. Pagkatapos tumakas mula sa digmaan sa El Fasher, tumutulong siya ngayon sa mga nagdadalang tao at sa mga bagong panganak na sanggol. [sa kanan] Si Hanan ay isang community mental health worker sa Tawila, North Darfur. Sinusuportahan niya ang mga survivor ng karahasan at trauma. Ang kanyang pangunahing inaalala ay ang mga batang inabandona. Sudan, 2025 © Marwan Taher/MSF
Si Zoubeida, isang komadrona sa North Darfur
Para kay Zoubeida, ang digmaan sa Sudan ay isang paglalakbay tungo sa kaligtasan. Napilitan siyang iwan ang kanyang bayan ng Zamzam nang ito’y nasama sa kaguluhan. “Kung hindi kinakailangan, hindi ako aalis ng El Fasher,” sabi niya. Ang mahabang paglalakad papuntang Darfur ay nakapapagod at masakit sa katawan. Pagdating roon, siya ay isang nangangailangang refugee, na nakakuha ng tulong mula sa mga NGO na nagbigay ng pagkain at tubig.
Ngunit ang kuwento ni Zoubeida ay hindi nagtapos sa kanyang pagtanggap ng aid. Dahil sa kanyang kaugnayan sa larangan ng medisina, sumapi siya sa Doctors Without Borders bilang komadrona. Ngayon, tumutulong siya sa mga nagdadalang tao at mga bagong panganak na sanggol. Sa isang displacement camp, nagdadala siya ng panibagong buhay sa mundong kasalukuyang dumaranas ng matinding pagsubok. Ang kanyang mga panalangin ay laging para sa mga nawawala sa digmaan at para sa ‘mabilis na paggaling ng mga nasugatan’.
Doctors Without Borders sa Sudan
Salamat sa aming mga katrabahong Sudanese, noong 2025, nagsagawa ang Doctors Without Borders ng mahigit 720,000 na mga outpatient consultation, dumalo sa halos 200,000 na mga emergency consultation, gumawa ng mahigit 1,800 na operasyon, tumulong sa halos 24,000 na pagpapaanak, nagbigay ng mahigit sa 3,100 na konsultasyon para sa sekswal na karahasan, at mahigit 8,500 para sa kalusugang pangkaisipan. Ang aming mga team ay kasalukuyang nagtatrabaho sa walong estado sa Sudan, nagbibigay ng emergency medical care nang nakabatay lamang sa mga pangangailangan ng mga tao.
1 Ang hidwaan sa Sudan ay nakagambala sa sistemang pangkalusugan ng bansa, at naging sanhi ng pagsuspinde ng buwanang suweldo ng staff ng Ministry of Health. Bilang pagkilala sa kanilang pagsisikap, binibigyan sila ng Doctors Without Borders ng insentibong pinansyal.