Skip to main content

    Gaza: Ang mga pinakahuling massacre sa Middle Area ay nagpapakita ng ganap na dehumanisation ng mga Palestino

    Main access road to Khan Younis. The area has been completely destroyed by intense bombing and artillery fire by the Israeli forces. Palestine, April 2024. © Ben Milpas/MSF

    Ang pangunahing access road papuntang Khan Younis. Winasak nang husto ang lugar na ito ng matinding pagbobomba at pagpapaulan ng bala ng mga puwersang Israeli. Palestine, Abril 2024. © Ben Milpas/MSF

    Jerusalem, Barcelona, Brussels, Paris – Pagpasok ng Hunyo, mahigit 800 na tao na ang napatay at mahigit 2,400 na ang nasaktan dahil sa matinding pagbobomba at pananalakay ng mg puwersang Israeli sa Gaza Strip, ayon sa mga awtoridad pangkalusugan. Ang mga kahila-hilakbot na pagsalakay na ito ay naging sanhi ng hindi katanggap-tanggap na sakit at pagdurusa, at nagpapakita ng malinaw na pagwawalang-bahala para sa buhay ng mga Palestino, pahayag ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF).

    Nitong mga nakaraang linggo, dahil sa maraming pagsalakay ng mga hukbong militar, nagkaroon ng paulit-ulit na mass casualty influx sa mga pasilidad medikal na sinusuportahan ng Doctors Without Borders sa Rafah at sa Middle Area ng Gaza. Nananawagan ang Doctors Without Borders sa Israel na itigil ang mga massacre na ito. Nananawagan din kami sa mga kakampi ng Israel, tulad ng Estados Unidos, United Kingdom, at ang mga miyembrong estado ng European Union, na gawin ang kanilang makakaya upang impluwensyahan ang Israel na tigilan ang pananalakay sa mga sibilyan at sa mga imprastrukturang sibilyan sa Gaza.

    Ayon sa mga awtoridad pangkalusugan ng bansa, 274 na tao ang napatay noong Hunyo 8 lang. Noong araw na iyon, mahigit 60 na pasyenteng malala ang natamong pinsala, kabilang rito ang mga batang nawalan ng malay, ay isinangguni sa Nasser Hospital na sinusuportahan ng Doctors Without Borders. Samantala, sa Al-Aqsa Hospital, sinuportahan namin ang mga medical team na tumanggap ng 420 na sugatan at 190 na namatay. Gaya ng dati, karamihan sa mga casualty ay mga bata. Ang mga pasyenteng tinanggap sa ospital ay kinakitaan ng mga epekto ng karahasan ng digmaan: dismemberment, matinding trauma, pagkasunog at mga pagkabali ng buto.

    Paanong maituturing ang pagpatay ng mahigit sa 800 na tao sa loob ng isang linggo, pati mga maliliit na bata, at ang pananakit ng daan-daan pa, bilang isang operasyong militar na sumusunod sa international humanitarian law? Hindi na namin matatanggap ang pahayag na lubos na nag-iingat ang Israel – ito’y propaganda lamang.
    Brice de le Vingne, Emergency Unit Head

    Noong linggo ring iyon, paulit-ulit na binomba ng Israel ang mga tinatawag na safe zone, mga kampo ng refugee, isang paaralan at maraming bodega para sa mga humanitarian aid, na pormal na inirehistro bilang deconflicted na mga gusali ng mga puwersang Israeli. Ang mga matitinding strike noong Hunyo 4 sa Middle Area ay nagresulta sa hindi bababa sa 70 na namatay at mahigit 300 na Palestinong nasugatan. Karamihan ay mga babae at bata. Ang mga karaniwang natamong pinsala ay bunga ng pagkasunog, sugat mula sa mga shrapnel, at pagkabali ng buto. Dinala ang mga pasyente sa Al-Aqsa Hospital na sinusuportahan ng Doctors Without Borders.

    “Mula noong Oktubre (at sigurado, bago pa noon), ang dehumanisation ng mga Palestino ay palatandaan ng digmaang ito,” sabi ni de le Vingne. “Ang mga katagang tulad ng ‘war is ugly’ (pangit ang digmaan) ay nagsisilbing dibersiyon mula sa katotohanan na ang mga batang ni hindi pa nakakalakad ay pinuputulan ng mga bahagi ng kanilang katawan at pinapatay.”

    Ang mga pagsalakay na ito ay ang pinakahuli sa listahan ng mga kasamaan at naglalarawan ng uri ng pakikidigma na pinapakita ng Israel. Paulit-ulit na ipinapakita ng Israel at ng mga kakampi nito na walang pagbabago sa kanilang pananaw, at walang linyang hindi tatawirin ng karahasan. Ang mga pagsalakay na ito ay kilala bilang flour massacre, at tent massacre. Ang pagpatay ng mga aid worker at ang kanilang mga pamilya, ang pagpuksa sa mga ospital at sa sistemang pangkalusugan ay nauuwi lamang sa mapagkunwaring diplomasya, mga hungkag na salita, at ang nakabibiglang kawalan ng aksyon.

    A view of Khan Younis from the roof of Nasser Hospital, formerly the largest hospital in southern Gaza. Palestine, April 2024. © Ben Milpas/MSF

    Natatanaw ang Khan Younis mula sa bubong ng Nasser Hospital, na dating pinakamalaking ospital sa timog na bahagi ng Gaza. Palestine, April 2024. © Ben Milpas/MSF

    Noong Hunyo 10, ang pagboto ng United Nations Security Council na dala ng Estados Unidos na nagtatalaga ng ceasefire at pagpapahintulot ng paghahatid ng humanitarian aid ay pinagtibay. Ang ceasefire na ito at ang kasabay nitong pagpasok ng supply ng aid ay dapat mapabilis. Kailangan itong mapatupad agad, hindi katulad ng mga dating kapareho nitong resolusyon. Kapag hindi ito magawa, maraming buhay ang mawawala at dadagdag pa ito sa mga pasanin ng ating kolektibong budhi.

    Salungat sa paulit-ulit na inaanunsiyo ng mga awtoridad na Israeli, ang humanitarian aid ay ipinagkakait o hinahadlangan mula pa noong Oktubre. Ang kakulangan ng kinakailangang medical supplies at kagamitan, at ang mga pagkaantala dahil sa burukrasya ng Israel sa pagbibigay ng mga permiso na magtayo ng mga field hospital, ay nagiging dahilan kung kaya’t halos imposible nang makapagbigay ng kahit man lang pangunahing pangangalagang pangkalusugan. Ang mga field hospital ay kinakailangan lang dahil ang sistema para sa pangangalagang pangkalusugan sa Gaza ay sistematikong nalalansag – hindi nito maaaring mapalitan ang isang masigla at gumaganang sistema para sa pangangalagang pangkalusugan.

    Mahigit 37,000 na mga lalaki, mga babae, at mga bata ang napatay sa Gaza at mahigit 84,000 ang sugatan ayon sa Ministry of Health. Ang resolusyon ng Security Council noong Hunyo 10 ay kinakailangang maipatupad sa lalong madaling panahon. Walang mga safe zone sa Gaza, hindi sinusunod ang mga prinsipyong nakapaloob sa International Humanitarian Law at sistematikong hinahadlangan ang paghahatid ng humanitarian aid. Dapat magkaroon ng agaran at pananatiliing ceasefire, at dapat pahintulutan ang pagpasok ng humanitarian aid sa Gaza.

     

    Susuportahan mo ba ang aming emergency response?

    Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.

    Categories