Skip to main content

    Gaza: Kailangang wakasan na ng Israel ang kampanya nito para sa kamatayan at pagkawasak

    People stand in front of a bombed out building in Rafah

    Nakatayo ang mga tao sa harap ng isang binombang gusali sa Rafah. Palestine, 10 Mayo 2024.

    Jerusalem, Paris, Brussels, Barcelona - Kasabay ng pagpupulong ng United Nations Security Council ngayong araw na ito matapos lusubin ng Israel ang mga tent camp kung saan naninirahan ang mga taong nawalan ng tirahan sa mga itinalagang humanitarian zone sa timog na bahagi ng Gaza, ang Médecins Sans Frontières/Doctors Without Borders (MSF) ay nananawagan para sa agarang pagtigil ng mga pagsalakay sa Rafah at mga kasalukuyang nagaganap na kalupitan sa iba’t ibang bahagi ng Gaza Strip. Ang stratehiyang militar ng Israel, ang paulit-ulit na paglulunsad ng pagsalakay sa mga napakamataong lugar ay nauuwi sa maramihang pagpatay sa mga sibilyan.

    Ang mga sibilyan ay walang awang pinapatay. Itinutulak sila sa mga lugar na sabi sa kanila’y ligtas, ngunit pagdating roon ay hindi sila tatantanan ng walang patid na mga airstrike at matitinding labanan. Ang malalaking pamilya, na kinabibilangan ng dose-dosenang tao, ay nagsisiksikan sa mga tolda at nahaharap sa mga napakahirap na kondisyon ng pamumuhay. Mahigit 900,000 na tao ang nawalan na naman ng tirahan nang pinatindi ng mga puwersang Israeli ang kanilang pananalakay sa Rafah noong mga unang araw ng Mayo.
    Chris Lockyear, Secretary General

    Ayon sa mga lokal na awtoridad pangkalusugan, ngayong araw na ito, 21 na Palestino ang napatay at  64 naman ang nasugatan matapos bombahin ng mga puwersang Israeli ang isa na namang kampo para sa mga nawalan ng tirahan sa Al-Mawasi,na nasa kanluran ng Rafah sa timog na bahagi ng Gaza.

    Noong gabi ng Mayo 27, napilitan din ang mga medical staff at mga pasyente ng isang trauma stabilisation point na suportado ng MSF na lisanin ang pasilidad na ito sa Tal Al-Sultan sa Rafah nang tumindi ang mga labanan sa lugar at nahinto ang lahat ng mga gawaing medikal. Ang sapilitang paglikas mula sa isa na namang pasilidad pangkalusugan ay nangyari 24 oras makalipas ang isang air strike ng mga puwersang Israeli sa isang lugar na kanilang itinalaga bilang safe zone, kung saan hindi bababa sa 49 na tao ang napatay at mahigit 250 naman ang nasugatan. 

    Nakapagtala ang staff sa stabilisation point ng mass casualty influx ng mga 180 na taong nasugatan at 31 na nasawi. Ang mga pasyente ay nagtamo ng mga pinsala mula sa matinding pagkasunog, mga sugat na bunga ng mga tama ng shrapnel, mga bali, at iba pang pinsalang nakadudulot ng trauma. Nang nasa maayos na kalagayan na ang mga pasyente, isinangguni sila sa mga field hospital sa mga lugar papuntang Al-Mawasi, palayo papuntang kanluran, dahil wala nang natirang gumaganang trauma hospital na kayang harapin ang isang pangyayari kung saan marami ang nasaktan.  

    “Kagabi, buong magdamag kaming nakarinig ng mga nagtutunggalian, mga pagbobomba, at pagpapaputok ng mga rocket. Walang nakakaalam kung ano talaga ang nangyayari,” sabi ni Dr Safa Jaber, isang gynaecologist ng Doctors Without Borders na nakatira sa kampo ng Tal Al-Sultan kasama ng kanyang pamilya. 

    Nangangamba kami para sa aming mga anak, nangangamba para sa aming sarili. Hindi namin inaasahang biglang mangyayari ito. Saan kami pupunta? Nahihirapan kaming makakuha ng mga panimulang pangangailangan ng isang tao upang manatiling buhay.
    Dr. Safa Jaber, Gynaecologist

    Pananalakay sa Rafah, tumindi sa kabila ng utos ng ICJ na magkaroon ng ceasefire

    Nitong nakaraang linggo, iniutos ng International Court of Justice (ICJ) sa Israel na agad nitong itigil ang pananalakay sa Rafah, papasukin ang lubos na kinakailangang humanitarian aid, at tiyaking makararating ang tulong sa mga nangangailangan. Ngunit lalo pang tumindi ang mga pananalakay ng Israel sa timog na bahagi ng Gaza, wala pa ring nakapapasok na makabuluhang dami ng aid sa enclave mula noong Mayo 6, at patuloy pa rin ang mga sistematikong pagsalakay sa mga pasilidad pangkalusugan.

    Lahat ng mga bansang sumusuporta sa mga pagkilos ng hukbong militar ng Israel sa ganitong pagkakataon ay mga moral at pulitikal na kasabwat. Nananawagan kami sa mga ibang bansa, partikular na ang Estados Unidos, ang United Kingdom, at ang mga estadong miyembro ng allied European Union,na magsumikap sa abot ng kanilang makakaya na maimpluwensiyahan ang Israel na tigilan na ang kasalukuyang pagkubkob at ang patuloy na pagsalakay sa mga sibilyan at sa mga sibilyang imprastruktura sa Gaza.

    Ngayong halos walong buwan na ang digmaang ito, wala nang pasilidad pangkalusugan sa Gaza na may kapasidad na harapin ang isang kaganapan kung saan marami ang nasaktan tulad ng nangyari noong Mayo 27. Ang pagsasara ng sinusuportahan ng MSF na trauma point sa Tal Al-Sultan ay kasunod ng isang air strike noong araw ding iyon sa Kuwaiti Hospital sa Rafah, na naging sanhi ng pagkamatay ng dalawang staff at ng pagsasara ng ospital. Ang staff ng halos lahat ng mga ospital sa Rafah ay sapilitang pinalikas, kaya’t ang mga pasilidad na ito’y nagsara na, o di kaya’t kakaunti na lang ang naibibigay na serbisyo. Walang posibilidad na mabigyan ang mga tao ng access sa pangangalagang medikal.  

    Daan-daang libong sibilyan ang binibigyan ng malupit at walang awang pagpapakita ng kolektibong pagpaparusa. Dahil sa mga pagbobomba at pagharang sa pagpasok ng aid, nagiging imposible para sa amin ang makatulong sa isang makahulugang paraan. May mga namamatay dahil hinahadlangan ang mga humanitarian worker sa kanilang mga trabaho.
    Karin Huster, Project Medical Referent

    Dahil sa mga pagbobomba ng mga puwersang Israeli at sa mga matinding labanan, patuloy rin ang panghihina ng kalooban ng mga nasa hilaga ng enclave, ang bahaging halos di na mapasok ng mga humanitarian worker. Ang mga ospital sa hilaga ay nawasak nang husto. Kabilang rito ang ospital ng Al-Awda, at ang Kamal Adwan Hospital na binomba ng mga puwersang Israeli kanina lang. Ang ibang mga ospital, gaya ng Al-Aqsa Hospital sa Deir al Balah at Nasser Hospital sa Khan Younis, ay nag-ulat na ng kakulangan ng gasolina. Hindi magtatagal at mapipilitan na ring magsara ang  mga ito.

    Nananawagan kami sa lahat ng partidong sangkot sa digmaan na respetuhin at protektahan ang mga pasilidad  medikal, ang staff nito at ang kanilang mga pasyente. 

    Nananawagan kami sa israel  na tigilan na ang kanilang pananalakay sa Rafah, at buksan nila ang Rafah crossing point upang makapasok ang humanitarian at medical aid.

    Nanawagan kami para sa agaran at pananatiliing ceasefire sa buong Strip. 

    Susuportahan mo ba ang aming emergency response?

    Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.

    Categories