“Naglaho ang lahat, pati ang kinabukasan.”
Kasali ang mga batang ito sa isang play therapy session sa Al-Nasser Hospital sa Khan Younis. Ang mga mental health team ng Doctors Without Borders ay gumagamit ng play therapy upang tulungan ang mga batang harapin ang sakit na kanilang nararanasan, at pati na rin ang kanilang mga nararamdaman. Palestinian Territories, Hunyo 2024. © MSF
Habang patuloy ang mga kahindik-hindik na pangyayari sa Gaza, Palestine, nakakita ang aming mga team sa Rafah at sa Middle Area ng iba’t ibang isyu sa kalusugang pangkaisipan, sa bata man o matanda. Mula noong umpisa ng taong ito, ang Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ay nakapagdaos na ng mahigit sa 8,800 na psychosocial support sessions para sa mga tao sa Gaza.
Si Davide Musard ay isa sa mga psychologist ng Doctors Without Borders. Kakaalis lang niya mula sa Gaza kung saan tinulungan niya ang mga taga-roon kung paano nila haharapin ang mga banta sa kanilang kalusugang pangkaisipan, habang nabubuhay sila sa gitna ng mga kahindik-hindik na resulta ng walang patid na pagbobomba. Narito ang kanyang mga pagmumuni-muni sa mga alaalang nakatatak sa kanyang isipan—mga alaala ng mga taong nabubuhay sa di mabatang realidad,
"Sa ilan sa aming mga session, kailangan naming sumigaw upang kami’y madinig at upang mapangibabawan ang ingay ng mga drone at pagsabog ng mga bomba. At kapag wala namang mga labanang nagaganap, ang aming naririnig ay mga pag-iyak ng mga batang nasa ospital—mga batang naging baldado, mga nasunog, mga naulila. Ang mga batang ito ay nakararanas ng mga panic attack, dahil ang pisikal na sakit ay nakaugnay sa mga sikolohikal na sugat. Pinapaalala ng sakit ang bombang sa isang iglap ay binago ang kanilang buhay, habambuhay. Ang mga batang mas kalmado ay gumuguhit ng mga drone at mga miliitary jet. Kitang-kita ang mga palatandaan ng digmaan sa bawat sulok ng ospital; ang amoy ng dugo ay hindi mabata. Ito ang mga larawan ng Gaza na dala ko sa aking isipan.
Wala pa akong nakitang katulad ng mga nakita ko sa Gaza. Ang mga pasyente roon ay may mga magkakaparehong katangian. Maitim ang kanilang balat dahil buong araw silang nakabilad sa araw, nangangayayat dahil sa kakulangan ng pagkain, at puti na ang kanilang mga buhok dahil sa stress na idinulot ng ilang buwan ng digmaan. At ang mga mukha nila ay blangko, ngunit mababakas din sa mga ito ang pagkawala ng kanilang mga pinahahalagahan at ang matinding kalungkutan. Ito ang mga mukha ng mga taong nawalan ng lahat.
'Hinahanap-hanap ko ang mga maliliit na bagay: ang mga larawan ng ina kong ilang taon nang patay, ang tasang ginagamit ko para sa kape. Mas hindi ko maiwaksi sa aking isipan ang mga dati kong ginagawa kaysa ang nasira kong tirahan,’ sabi ng isang pasyente sa akin."
"Bilang mga tao, tila di natin maiwasang balikan ang mga pasakit at pagdurusang ating pinagdaanan. Ngunit paano mo ibabahagi ang isang kuwento ng pighati sa mga taong may kaparehong pinagdadaanan? Kaya’t isa sa aming binibigyan ng prayoridad ay ang pagkakaroon ng ligtas na lugar para lamang sa pakikinig sa aming mga pasyente,at sa mga doktor at nars na Palestino na mahigit walong buwan nang walang pahinga sa katatrabaho.
Dito sa Italy, binubura namin mula sa aming mga telepono ang mga malalabong larawan o mga imaheng walang pagagamitan. Sa Gaza, binubura nila ang mga larawan ng mga kapamilyang namatay sa pambobomba, dahil kung di na raw nila makikita ang mga ito’y maiiibsan ang kanilang pagdadalamhati.
Nakasaksi na ako ng mga taong bigla na lamang napapaiyak kapag nalaman nilang inuutusan na naman silang lumikas. May mga taong labindalawang beses nang lumioat sa loob lamang ng walong buwan. ‘Hindi ko na ililipat ang tolda ko, mas mamatamisin ko pang mamatay,’ sabi ng iba."
"Naglaho ang lahat, pati ang kinabukasan.Para sa mga tao, ang pinakanakababahala ay hindi ang kasalukuyan—ang mga bomba, ang mga labanan, ang pagdadalamhati—kundi ang kasunod nito. Kakaunti ang nagtitiwalang magkakaroon ng kapayapaan at muling pagbangon. Ang mga batang nakasalamuha ko sa ospital ay nagpapakita ng mga malinaw na sintomas ng regression.
Bagama’t wala na ako sa Gaza, pakiramdam ko ay naroon pa rin ako. Naririnig ko pa rin ang mga paghiyaw ng mga batang nasunog. Kailangan ng agaran at pananatiliing ceasefire. Kung wala noon, imposibleng maghilom ng mga malalim na sugat sa kaisipan at kalooban."
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.