Skip to main content

    Gaza: Tila walang katapusan ang paulit-ulit na trauma na dulot ng pagkawala ng tirahan

    Destruction in Gaza.

    Dahil sa pag-alis ng mga puwersang Israeli, nakabalik ang ilang mga Palestino sa siyudad ng Khan Younis kung saan ang karamihan sa kanila ay naabutan ang kanilang mga bahay na tupok na. Palestinian Territories, Abril 2024. © Ben Milpas/MSF

    Sa iba’t ibang bahagi ng Gaza Strip, ang mga team ng Doctors Without Borders na nagsusumikap magbigay ng mahalaga at makasagip-buhay na pangangalaga sa mga nagtamo ng pinsala dahil sa walang patid na pagsalakay ng mga Israeli, ay napilitan na ring tumakas upang makaiwas sa kamatayan.

    Si Kamil*, isang emergency nurse at si Haider*, isang watchman, ay kabilang sa aming team na nangalaga sa mga pasyenteng matindi ang mga tinamong pinsala at ipinasok sa Al-Shifa Hospital sa siyudad ng Gaza habang nagaganap ang mga pagbomba mula Oktubre hanggang Nobyembre 2023. Kung pagsasamahin ang bilang ng kanilang paglipat-lipat ng tirahan, may mga 18 na beses na raw nilang kinailangang lumikas.

    “Noong kasisimula pa lang ng digmaan, apat na araw pa kaming namalagi sa aming tahanan,”sabi ni Kamil. “Madalas, nagigising ang mga anak ko at hihintayin nila akong pumunta sa kanila. Yayakapin ko sila at pakakalmahin o lilibangin. Sasabihin kong mga paputok lang iyon, at hindi mga bomba. Napakahirap ng sitwasyon noon.”

    The streets around Nasser Hospital are flooded with sewage.

    Ang mga kalye sa labas ng Nasser Hospital ay binaha ng duming galing sa mga imburnal. Ang buong drainage system ay nasira matapos ang ilang buwan ng matitinding labanan at pagbobomba ng mga puwersang Israeli. Palestinian Territories, Mayo 2024. © Ben Milpas/MSF

    Sa ika-limang araw ng digmaan, ang pinakataas na palapag ng gusaling tinitirhan nina Kamil ay tinamaan ng isang drone rocket. Lumipat siya at ang kanyang mga anak sa opisina ng Doctors Without Borders. Kasama nila ang ibang mga miyembro ng team ng Doctors Without Borders, pati si Haider. Ang asawa at mga anak ni Haider ay nanatili sa kanilang bahay, sa isang mas ligtas na lugar sa hilagang bahagi ng Gaza.

    Araw-araw, patuloy na nagtrabaho sina Kamil, Haider at iba pang staff ng Doctors Without Borders sa burns clinic ng organisasyon at sa Al-Shifa Hospital, na napuspos sa dami ng mga pasyenteng nagtamo ng malalang pinsala dahil sa pagkasunog at sa sugat mula sa mga shrapnel.

    “Iba ang mga pasyenteng nakita ko sa digmaang ito sa mga nakita ko sa mga nakaraang digmaan,” sabi ni Kamil. “Karamihan sa kanila ay may malalalim na sunog , na may kasamang shrapnel na bumaon. Marami ang naputulan ng mga bahagi ng kanilang katawan, at ang mga sugat nila ay nagkaroon ng impeksyon. Hindi ko malilimutan ang amoy ng mga impeksyon—amoy mabahong langis.” 

    “Araw-araw, tumatanggap kami ng 30 hanggang 40 na pasyente sa klinika, habang nagtatrabaho at gumagamot din ng dose-dosena pang mga pasyente sa Al-Shifa Hospital,” sabi ni Haider. “40 araw namin itong ipinagpatuloy, hanggang sa naging masyado nang mapanganib ang sitwasyon. Nagsimula nang umabante ang hukbong Israeli patungo sa Al-Shifa Hospital, papunta sa amin.”

    Noong simula ng Nobyembre, may mga 75 na tao – mga staff ng Doctors Without Borders at ang kanilang mga pamilya – ang tumira sa klinika at guesthouse ng Doctors Without Borders habang matindi ang labanan sa labas nito. “Malala talaga ang sitwasyon, at takot kaming lahat,” sabi ni Haider. “Kapag binubuksan namin ang pinto, kitang-kita namin ang sunog at naririnig namin ang mga putok ng baril. Binabaril nila ang mga tao sa kalye.”  

    Noong mga sumunod na linggo, ang kondisyon ng pamumuhay ng team ay mabilis na naging mahirap. “Noong mga linggong iyon, wala kaming sapat na tubig na pampaligo o maiinom,” sabi ni Haider. “Wala rin kaming sapat na pagkain. Pagkalipas ng dalawang linggo, wala na kaming ni isang patak ng tubig.”

    Sa kalagitnaan ng Nobyembre, hindi na mapakali ang aming team sa sitwasyon namin sa Gaza. Dahil napapaligiran ng mga labanan at pagbobomba ang Al-Shifa Hospital at ang klinika, opisina at guesthouse ng Doctors Without Borders, nagpasya kaming lumikas. 

    "Dalawampung miyembro ng aking pamilya ang pinatay noong linggong iyon. Sa sobrang lungkot ng lola ko, hindi natagalan at namatay rin siya. Noong nangyari ang lahat ng ito, sobra akong nalungkot, ngunit sinikap ko pa ring magpatuloy sa pagtatrabaho.”

    Noong Nobyembre 18, isang convoy ng Doctors Without Borders ang umalis patungo sa timog na bahagi ng Gaza. Ito’y inaprubahan ng mga opisyal na Israeli. Subalit, hinadlangan ito sa isang checkpoint ng mga Israeli sa daan papuntang timog, at napilitan ang convoy na bumalik sa pinanggalingan. 

    Lulan ng isang sasakyan na bahagi ng convoy sina Kamil at isa pang nars ng Doctors Without Borders na si Alaa Al-Shawaa, pati na rin ang kanilang mga pamilya. Noong pabalik na sila, mga 500 metro na lang bago ang klinika ng Doctors Without Borders, nakita nilang may dalawang tangke ng mga Israeli sa labas ng Al Shifa Hospital at may mga sniper sa ibabaw ng mga nakapalibot na gusali. 

    Sa puntong ito, pinaulanan ng bala ang kanilang sasakyan ng mga puwersang Israeli. Tinamaan si Alaa sa ulo. “Muntik na akong matamaan sa noo, samantalang tumagos sa ulo ni Alaa ang isang bala,” sabi ni Kamil.

    “Nakatungo siya, at ang ulo niya’y nasa may manibela at malapit sa aking mga bisig, kaya’t nahirapan akong magpatuloy sa pagmamaneho,” sabi ni Kamil. “Nagkalat ang dugo sa loob ng kotse. Pilit kong pumihit sa kaliwa papunta sa opisina ng Doctors Without Borders at sumunod sa naunang tatlong sasakyan, na nakalampas na bago nagsimula ang pamamaril.” 

    Nakatakas sina Kamil at ang iba pang mga kabilang sa convoy at nakarating sila sa kahit paano’y mas ligtas na klinika ng Doctors Without Borders. Pagkatapos nilang pumarada, binuhat nila si Alaa mula sa sasakyan at ipinasok sa klinika, ngunit wala na itong buhay. 

    “Noong nakita kong patay na siya, natulala ako,” sabi ni Haider. “Hindi ko nakontrol ang sarili ko, ang gulo ng isip ko. Hanggang sa hinimatay ako sa tabi ng daan.”  

    Noong mga sumunod na araw, ang team ng Doctors Without Borders at ang kanilang mga pamilya ay nanatili sa loob ng klinika at ng guesthouse. Habang nasa loob sila, dumating ang mga puwersang Israeli nang may dalang bulldozer na ginamit nila upang itulak ang mga sasakyan ng Doctors Without Borders. Noong magkakasama na ang mga sasakyan, sinunog nila ang mga ito. 

    Matapos ang ilan pang mala-impyernong araw kung kailan napaligiran sila ng mga putok ng baril, nagkaroon ng pansamantalang ceasefire sa pagitan ng Israel at Hamas sa Gaza Strip noong Nobyembre 24. Umalis na ang mga puwersang Israeli mula sa lugar na iyon kung kaya’t nakapag-organisa muli ang Doctors Without Borders ng isa uling convoy. Pinahintulutan ng mga opisyal na Israeli ang team at ang kanilang mga pamilya na lumipat sa timog. Sa pagkakataong ito, naging matagumpay na sila.

    Noong dumating ang team ng Doctors Without Borders sa timog na bahagi ng Gaza, namalagi sila sa Lotus shelter ng Doctors Without Borders sa siyudad ng Khan Younis at nagpatuloy sa pagtatrabaho. Araw-araw nasa European Gaza Hospital si Kamil, kung saan nagbigay siya ng pangangalaga para sa trauma ng mga sugatan. Samantala, patuloy si Haider sa pagmamaneho upang ihatid ang mga medical team sa Indonesian Hospital at bantayan ang kanilang seguridad. 

    Makalipas ng isang linggo, nakatanggap si Haider ng nakapanlulumong balita. 

    “Simula naman ito ng ibang klaseng pagdurusa,” sabi ni Haider. “Natanggap ko ang balita na napatay ang aking kapatid na babae at ang kanyang mga anak sa Gaza. Nakaramdam ako ng matinding kalungkutan. Pagkatapos noon, ang pamangkin kong babae at ang kanyang mga anak naman ang napatay. Sa timog naman, ang pamangkin kong lalaki, ang kanyang asawa at ang kanyang mga anak ay namatay nang binangga ng isang bulldozer ang kanilang bahay," sabi ni Haider.

    "Dalawampung miyembro ng aking pamilya ang pinatay noong linggong iyon. Sa sobrang lungkot ng lola ko, hindi natagalan at namatay rin siya. Noong nangyari ang lahat ng ito, sobra akong nalungkot, ngunit sinikap ko pa ring magpatuloy sa pagtatrabaho.”

    View of the inside of Nasser Hospital in Gaza, Palestine, after a siege by the Israeli forces.

    Kinuha ang larawang ito sa loob ng Nasser Hospital, pagkatapos ng isang pagsalakay ng mga puwersang Israeli. Palestinian Territories, Mayo 2024. © Ben Milpas/MSF

    Noong Enero 8, mga dalawang buwan pagkatapos dumating sina Kamil at Haider sa timog na bahagi ng Gaza, isang shell mula sa tangkeng Israeli ang tumama sa Lotus shelter, na naging sanhi ng pagkamatay ng limang taong gulang na anak na babae ng isang staff member ng Doctors Without Borders at ng pagtamo ng pinsala ng tatlo pang tao. Pagkatapos ng pagsalakay na ito, mahigit 125 na staff ng Doctors Without Borders at ang kanilang mga pamilya ay inilipat sa ACAS University sa Rafah, isang kilometro ang layo mula sa hangganan ng Ehipto. Doon sila namalagi noong sumunod na dalawang buwan.

    “Lagi kaming takot, pero wala kaming magawa,” sabi ni Haider. “Panay pagbobomba at pamamaril ang nasa paligid namin. Binomba ang gusaling katabi namin at tumama ang shrapnel sa unibersidad kung saan kami namamalagi. Ganoon ang naging buhay namin, hanggang sa ibinalita ang paglusob sa Rafah.”  

    Mula noong nilusob ang Rafah, sina Kamil at Haider, tulad ng libo-libong iba pang mga Palestino, ay walang tigil sa paglipat ng tirahan dahil sa walang patid na pagbobomba at pagsalakay sa South at Middle Area ng Gaza. 

    “Maaari mong itayong muli ang iyong tirahan; kahit ano naman, maaari mong itayong muli. Ngunit ang hindi mo maibabalik ay ang mga taong nawala. Hindi na sila makababalik pa.”

    Sa loob lang ng isang tolda nakatira si Haider, habang palipat-lipat siya sa iba’t ibang lugar sa Al-Mawasi. “Napilitan akong lumipat ng walong beses, isang beses kada buwan,” sabi niya. “Noong kamakalawa, napilitan na naman akong lumipat. 24 na oras akong walang tulog habang lumilipat kami dahil sa mga pagsabog. Lagi kong iniisip ang aking asawa’t mga anak sa Northern Gaza, at araw-araw akong nagdurusa.”

    Desperado ang pamumuhay ni Haider at ng iba pang libo-libong taong palipat-lipat ng tirahan.

    Mula noong napilitan silang umalis sa Rafah, si Kamil at ang kanyang mga anak ay ilang beses na ring lumipat sa loob at labas ng kampo ng Al-Mawasi at Al-Bureij sa Middle Area. Kasalukuyan silang nasa Al-Bureij, ngunit idinidiin niya na walang lugar na ligtas sa pagbobomba. 

    “Walang ligtas na lugar at terible ang kondisyon ng pamumuhay,” sabi ni Kamil. “Wala kaming sapat na pagkain, tubig, gamot o mga damit. Wala kaming mga sapatos. Wala kaming kahit ano. Mahirap para sa aking makita ang mga anak kong ganito ang kalagayan.”

    Hindi maisip ni Kamil kung gaano katindi ang mental trauma na pinagdaanan ng kanyang mga anak dahil sa kanilang mga naranasan. “Ito’y traumatiko,” sabi ni Kamil. “Tulad kahapon, noong naglalaro ang mga bata at ang aking mga pamangkin narinig kong kinukuwento nila ang nangyari kay Alaa, lagi nilang kinukuwento iyon. Hindi nawawala ang trauma sa kanila.” 

    Ayon sa UN, 90% ng mga Gazan ang nawalan ng tirahan ng isang beses o higit pa mula noong nag-umpisa ang digmaan sa pagitan ng Israel at Hamas. Ang karamihan sa kanila ay napilitang mamuhay sa mga kalunos-lunos na kondisyon. Para kay Haider, ang tanging hiling niya ay makasamang muli ang kanyang pamilya sa Gaza at matigil na ang pagdanak ng dugo.

    “Tama na. Sobra na ang pagpatay, pagbobomba at pamamaril,” sabi ni Haider. “Maaari mong itayong muli ang iyong tirahan; kahit ano naman, maaari mong itayong muli. Ngunit ang hindi mo maibabalik ay ang mga taong nawala. Hindi na sila makababalik pa.” 

    *Pinalitan ang kanilang mga pangalan para sa kanilang proteksyon.

    Will you support our emergency response work?

    Help us provide lifesaving medical care during emergencies by making a donation today.

    Categories