Skip to main content

    Sa Jenin at Tulkarem, ginagawa ng mga puwersang Israeli na imposibleng abutin ang pangangalagang pangkalusugan kung saan ito pinakakailangan

    View of a street in Jenin, West Bank. Palestinian Territories, May 2024. © Oday Alshobaki/MSF

    View of a street in Jenin, West Bank. Palestinian Territories, May 2024. © Oday Alshobaki/MSF
     

    "Nagsimula ang paglusob noong alas otso ng umaga, habang parating ang mga bata sa paaralan at ang mga nakatatanda ay papunta na sa kanilang pinagtatrabahuhan. Isa sa mga naunang biktima ay si Dr. Jabarin, isang surgeon na binaril sa likod at napatay habang naglalakad papunta sa trabaho niya sa Khalil Suleiman Hospital. Dumating siya nang naka-stretcher, at kinailangang pasanin ng kanyang mga kasamahan ang karagdagang pighati ng kanyang pagkawala. Sa kabuuan, ang mga puwersang Israeli ay nakapatay ng labindalawang Palestino sa pagsalakay na ito. 

    Ang mga paglusob sa Jenin ay nagiging mas madalas, at ang mga ito’y hindi mahulaan kung gaano katagal, maaaring ilang oras o maaaring ilang araw. Nakatuon ang mga ito sa kampo ng Jenin, kung saan namamalagi ang mahigit 23,000 na mga Palestinong refugee. May mga sniper na nakatalaga sa paligid ng kampo at siyudad. Ang mga puwersang militar na lulan ng mga malalaking armored vehicle ay nakaharang sa daan at hindi binibigyang-daan ang mga ambulansya.

    Bagama’t dalawang minuto lang na lakad ang layo ng Khalil Suleiman Hospital mula sa kampo ng Jenin, ngayo’y maaaring abutin ng ilang oras ang mga tao upang makarating rito. Dahil ang daan papunta sa ospital ay mapanganib, marami ang pinipiling manatili na lang sa bahay kahit na ang kanilang mga kondisyon ay karaniwang ikokonsulta nila sa doktor."

    Dito, ang pangangalagang pangkalusugan ay makukuha sa di kalayuan, ngunit kapag ito’y lubos na kinakailangan, ginagawa itong imposibleng maabot.

    "Sa karamihan ng mga proyekto ng Doctors Without Borders, pinapaliit namin ang puwang sa pangangalagang pangkalusugan. Dito, ang pangangalagang pangkalusugan ay makukuha sa di kalayuan, ngunit kapag ito’y lubos na kinakailangan, ginagawa itong imposibleng maabot. Sa pagsalakay sa Jenin at Tulkarem, nasaksihan namin ang patuloy at sistematikong pagsalakay sa mga healthcare worker, at ang paghaharang sa mga ambulansya. 

    Ang bawat paramedic na nakausap ko ay nagkuwento ng mga sitwasyon kung saan sila ay personal na niligalig, pisikal na sinaktan at hinadlangan sa pagbibigay ng emergency medical care. Ang ilan sa kanila’y binantaan, ikinulong, pisikal na sinaktan at mayroon pang binaril.

    Sa Jenin, nagsasagawa kami ng capacity building para sa mga doktor at nars sa emergency department ng Khalil Suleiman Hospital. Ginagawa rin namin ito sa Thabet Thabet Hospital sa Tulkarem. Dahil ang mga pasyente ay hinaharangan at di agad makarating sa ospital, binigyan din namin ng pagsasanay ang mga ambulance worker, pati na rin ang mga boluntaryong medical at paramedical sa kampo. Naglalayon kaming maturuan sila kung paano mapapanatiling buhay ang pasyente nang mas matagal. Kinailangan naming magkaroon ng mga panibagong hakbang na hindi lang para sa agarang pagsagip ng buhay, kundi upang mapanatiling buhay ang mga pasyente hanggang sa makakuha na sila ng angkop na pangangalaga. 

    Nagbigay din kami ng mga kagamitan sa mga stabilization point, mga simpleng silid na may dalawang kama at mga kinakailangang medical supply, sa kampo ng Jenin at Tulkarem. Ngunit dahil ang mga stabilization point na ito ay sinalakay at sinira ng mga puwersang Israeli sa kanilang mga paglusob, ang ibang boluntaryong medikal ay hindi na nagtitiwala na ligtas ang kanilang pagtatrabaho roon. Kaya naman, ang ginagawa na lang namin ay bigyan ng mga portable medical kit ang mga boluntaryo."

    Itta Helland-Hansen is Doctors Without Borders Project Coordinator in Jenin and Tulkarem, West Bank. Palestinian Territories, May 2024. © Oday Alshobaki/MSF

    Si Itta Helland-Hansen ang Doctors Without Borders Project Coordinator sa Jenin at Tulkarem, West Bank. Palestinian Territories, Mayo 2024. © Oday Alshobaki/MSF
     

    "Dagdag pa rito, nagsimula kami ng mga “stop the bleed” training sa mga kampo, kung saan tinuturuan namin ang mga non-medical resident kung paano pangalagaan ang mga sugat at gumamit ng tourniquet. Sa mga pagsasanay na ito, tinanong kami ng mga maybahay, kung kailangang tanggalin ang bala bago ito diinan, o kung gaano katagal maaaring naka-tourniquet ang braso bago umabot sa panganib ng amputation o pagputol nito. Ang mga tanong na ito ay indikasyon ng nakababahalang realidad sa Jenin at Tulkarem, kung saan ang paghahadlang sa pangangalagang pangkalusugan ay bahagi na ng pang-araw-araw na buhay na kailangang harapin ng mga tao. 

    Nagdadala rin ang mga pagsalakay ng malawakang pagkasira. Ang mga bahay ay binomba o giniba, ang mga kalsada ay nawasak, ang mga water at sanitation system ay hindi na gumagana, at naputol na rin ang mga kuryente. Nagbigay kami ng donasyon ng dalawang tuk-tuk, na kasinlaki lang ng maliit na golf cart, pero maaaring gamitin bilang maliit na ambulansya sa loob ng kampo ng Jenin. Ang mga makasagip-buhay na mga tuk-tuk na ito ay de-baterya, kung kaya’t kailangang pagplanuhan ng mga boluntaryo ang paggamit nito dahil hindi nila alam kung gaano katagal ang raid at kung kailan nila maaari itong i-charge muli. Hindi kami makadagdag ng generator o mga solar panel, dahil magkakaroon lang sila ng bagong pupuntiryahin.

    Sa kabila ng panliligalig at pangamba para sa kanilang sariling buhay, ang mga boluntaryong paramedic ay patuloy na nagtatrabaho at nangangalaga para sa sugatan. Ikinuwento sa akin ni Mohammed, isa sa mga boluntaryo sa kampo ng Jenin, kung paano siya natamaan sa galanggalangan ng isang sniper noong unang oras ng pinakahuling pagsalakay. Nagawa niyang makarating sa ospital, kung saan siya’y ginamot, at agad din siyang bumalik sa pagtatrabaho. Ayon sa ibang mga boluntaryo, mas ligtas ang pakiramdam nila kapag hindi nila suot ang kanilang paramedic vest. Ang kanilang hinaharap ay ang hayagang pagwawalangbahala para sa medical mission na ito at sa buhay ng tao. Hindi naman namin naiisip na hindi tatablan ng bala ang mga medical vest na ito, pero sana naman ay hindi ito gawing target."

    A Doctors Without Borders team is doing an assessment round in Jenin camp with the camp committee members and volunteer paramedics to evaluate the damages and needs following the brutal Israeli military incursion on 21-23 May 2024. Palestinian Territories, May 2024. © Oday Alshobaki/MSF

    Isang team ng Doctors Without Borders ay nagsasagawa ng pagtatasa sa kampo ng Jenin kasama ang mga miyembro ng camp committee at mga boluntaryong paramedic upang suriin ang mga napinsala at alamin ang mga pangangailangan ng komunidad matapos ang malupit na pagsalakay ng mga hukbong Israeli noong Mayo 21-23, 2024. Palestinian Territories, Mayo 2024. © Oday Alshobaki/MSF

    "Sa isang pagsalakay kamakailan lang, sa kampo ng Nur Shams sa Tulkarem, isang boluntaryong Palestinian Red Crescent Society paramedic na dumaan sa pagsasanay ng Doctors Without Borders ay binaril sa binti habang tumatakbo siya papunta sa isang pasyente. Suot-suot niya ang kanyang vest, isang malinaw na indikasyon ng kanyang estadong medikal. Mahigit pitong oras ang nakalipas bago siya pinayagang pumunta sa ospital at kumuha ng pangangalagang medikal. Sa kabutihang palad, nailigtas siya. Noong tinanong namin siya kung mayroon siyang mensahe para sa mundo, ang sagot niya ay wala, dahil wala rin naman daw nakikinig. Dito, ang pakiramdam ng mga tao ay hindi sila nakikita, wala silang halaga, hindi sila karapat-dapat bigyan ng atensyon, at sila’y inabandona na ng mundo.

    Sa lamay ni Dr. Jabarin, tinanong ko si Dr. Abu Baker, ang direktor ng Khalil Suleiman Hospital, kung ano ang magagawa ng Doctors Without Borders upang mapabuti ang kanilang sitwasyon. ‘Ang pinakamahalagang magagawa ninyo’, sabi niya, ‘ay ang ipagbigay-alam sa mundo kung ano ang nangyayari rito."

    Ang sitwasyon sa West Bank

    Ang kasalukuyang digmaan sa Gaza ay dumadagdag at nagpapalala sa karahasan at mga paghihigpit na pinapataw ng mga awtoridad na Israeli sa mga Palestinong nakatira sa West Bank. Sa pagitan ng Oktubre 7, 2023 at Hunyo 10, 2024, 521 na Palestino, kasama ang 126 na bata, ang napatay sa West Bank, karamihan sa kanila ay biktima ng mga puwersang Israeli. Halos 74% ng pagpatay (sa mahigit 380 na mga Palestino) ang naganap noong mga pagkilos ng mga puwersang Israeli sa mga siyudad, mga barangay at mga kampo ng refugee, partikular na sa mga governorate ng Jenin at Tulkarem. Dagdag pa rito, mula noong Oktubre 2023, ay mahigit 480 na pagsalakay sa pangangalagang pangkalusugan ang naiulat sa West Bank.  

    Categories