Jenin: Nakagugulat na pagdami ng pagsalakay sa mga sibilyan at sa pangangalagang pangkalusugan
Noong Nobyembre 28, 2023, binisita ng international president ng Doctors Without Borders na si Dr. Christos Christou ang Jenin refugee camp at ang Khalil Suleiman Hospital, na sinusuportahan din ng organisasyon. Palestinian Territories, Nobyembre 2023. © MSF/Tetiana Gaviuk
Madilim ang kuwarto sa ospital kung saan nakaratay si Amin, 17, matapos siyang barilin sa parehong binti ng mga puwersang Israeli noong Nobyembre 19, sa isang ground and air assault sa Jenin refugee camp sa hilagang bahagi ng West Bank.
Bago mag-Oktubre 7, 2023, 234 na Palestino na ang napatay ng mga puwersang Israeli sa West Bank, habang siyam naman ang pinatay ng mga dayo. Sa Jenin lang ay 52 ang pinatay.
Noong Hunyo 19, nagsagawa ang mga puwersang Israeli ng mga air strike sa West Bank, isang kaganapan na di pa nangyayari uli mula noong ikalawang intifada noong simula ng dekada 2000. At di ito isang beses lang nangyari, naging madalas ito. Noong Hulyo 3, sa isang 48-oras na military operation sa siksikang Jenin refugee camp, naghulog ng mga bomba ang mga fighter jet at nagsagawa ang mga air strike gamit ang mga drone.
Samantala, sa lupa, patuloy ang pag-akyat ng antas ng karahasan. Sa Khalil Suleiman hospital emergency room na sinusuportahan ng MSF, ang mga puwersang Israeli ay naghagis ng granada ng tear gas sa loob ng emergency room, na nagpahirap pa lalo sa dati nang kritikal na sitwasyon ng napakaraming nagdadatingang pasyente. Sa buong pagkilos ng militar, nasaksihan ng MSF ang pagharang sa mga ambulansya at pagpuntirya sa mga pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan, mga pangyayaring naging karaniwan na sa mga sumunod na buwan.
Jenin, West Bank, Palestinian Territories, Nobyembre 2023. © MSF/Tetiana Gaviuk
Noong nagsimula ang raid noong Nobyembre 19, naglalakad si Amin pauwi nang binaril ng isang sundalong Israeli ang dalawang binti niya. Bagama’t may ospital sa tabi ng kampo, mahigit dalawang oras siyang di mapuntahan ng ambulansya dahil hinahadlangan ang mga ito ng mga puwersang Israeli. Pinalibutan nila ang ospital at wala nang makapasok sa pasilidad dahil sa inilagay nilang barikada ng mga nakabaluting sasakyan sa pangunahing daan.
Dumudugo na nang husto ang mga binti ni Amin nang sinundo siya ng isang medical volunteer. Dinala siya sa isa sa ilang trauma stabilization points sa kampo—isang simpleng silid na may kakaunting gamit tulad ng kama at ilang medical supplies. Ang layunin dito ay patigilin man lang ang pagdugo.
Sa loob ng kampo, ang mga trauma stabilization point na itinayo at pinapatakbo ng mga lokal na boluntaryong medikal ang tanging mga lugar kung saan ang mga residente ng kampo ay maaaring makatanggap ng makasagip-buhay na tulong medikal. Ang mga stabilization point na ito ay paulit-ulit na pinupuntirya ng mga drone strike o winawasak at nilalapastangan sa pamamagitan ng bandalismo ng mga miyembro ng ground troop. Ngayon, pinipigilan ng mga puwersang Israeli ang mga boluntaryo na muling itayo ang mga winasak na trauma points o gumawa ng mga bago.
“Kahindik-hindik ang sitwasyon dito,” sabi ng isa sa mga nars sa Khalil Suleiman, isang ospital sa tabi ng refugee camp sa siyudad ng Jenin. Ang naturang ospital ay sinusuportahan ng Doctors Without Borders.
“Dati, may football team kami sa kampo. Sa 20 na manlalaro ng koponang iyon, 7 na lang ang buhay pa. Marami sa kanila ay pinaslang mula noong Hulyo 2023. Bata pa sila, mga 17 hanggang 22 na taong gulang,” dagdag ng nars.
“Ang kasalukuyang sitwasyon sa West Bank, partikular na sa Jenin, ay malala na talaga. Nakasasaksi kami ng karahasan laban sa mga sibilyan, at mabilis na dumadami ang mga ganitong insidente mula noong Oktubre 7. Ang paninira sa pangangalagang pangkalusugan ay tumindi at naging sistematiko. Nakakaalarma na rin ang pagkawasak ng mga kalsada at imprastraktura tulad ng mga tubo ng tubig at mga sewage system,” sabi ni Luz Saavedra, ang coordinator ng MSF sa Jenin.Luz Saavedra, coordinator sa Jenin
Ang watermelon roundabout, simbolo ng kapurihan ng mga Palestino sa Jenin, ay nawasak nang sinalakay ng mga militar ang siyudad. Ang mararahas na pagsalakay ng mga Israeli sa Jenin ay naging pangkaraniwan na mula Oktubre 7. Jenin, West Bank, Palestine, Nobyembre 2023. © Fariz Al-Jawad/MSF
Nitong mga nakaraang linggo, sinalakay ng mga puwersang Israeli ang ilang mga ospital sa Jenin, na lumikha ng hadlang sa pangangalagang pangkalusugan. May binaril pa sila at pinatay na kabataang lalaki sa Khalil Suleiman hospital compound. Sa kasamaang palad, ang paghadlang sa pangangalagang pangkalusugan ay nagiging kalakaran na. Sa bawat pagsalakay, ang ilang mga ospital, pati ang pampubliko, ay pinaliligiran ng mga puwersang Israeli.
“Nakabibigla ang kawalan ng respeto para sa mga ospital. Mula Oktubre, nasaksihan namin ang pagbaril at pagpatay ng isang 14 na taong gulang na batang lalaki sa loob ng hospital compound, ang paulit-ulit na pamamaril ng mga sundalo at paghagis nila ng tear gas sa ospital, ang pagpuwersa sa mga paramedic na maghubad at lumuhod sa kalsada."
"Bukod sa tuwirang karahasan, ang palagiang pagharang sa mga nangangailangan ng pangangalagang pangkalusugan ay naglalagay rin ng buhay ng mga residente ng kampo sa panganib. Ito’y nagiging kalakaran na para sa mga puwersang militar habang at pagkatapos ng mga military raid sa Jenin. Hindi na siguro kailangang ipaliwanag pa na di namin magagamot ang mga pasyenteng di nakararating sa ospital. Dapat bigyang-daan ang mga nangangailangan upang ligtas silang makakuha ng mga serbisyong medikal, at kinakailangan ding protektahan ang mga pasilidad pangkalusugan.”
2023 ang taon ng pinakamalaking trahedya para sa mga Palestino sa West Bank. Nalampasan man ni Amir ang ginawa sa kanya, ang kanyang kinabukasan ay walang kasiguruhan. “Kahit sino ay puwedeng puntiryahin kahit kailan dito. Di namin alam kung sinong susunod,” sabi ni Amir. Palalabasin na siya sa ospital, at uuwi na sa kanyang tahanan sa kampo, na malamang ay nasa isang kalyeng wasak na.