Tumitindi ang karahasan ng mga puwersang Israeli at mga settler laban sa mga Palestino sa West Bank
Isang larawan ng nawasak na mosque sa Jenin refugee camp, na pinasabog ng isang airstrike noong Oktubre 22 at naging dahilan ng pagkamatay ng dalawang Palestino. Palestine, 25 Oktubre 2023. © Faris Al-Jawad/MSF
Alas dos y medya ng umaga. Ang mga doktor ay nagkukumpulan sa labas ng Jenin hospital sa West Bank sa mga okupadong teritoryong Palestino. Nang pansamantalang tumigil ang barilan, may mga nagsigawang mga kalalakihan. Biglang sumulpot ang isang tuktok o traysikel, humaharurot papunta sa ospital. Unti-unti nilang naaaninag ang mga patong-patong na duguang katawan sa likod ng sasakyan.
Pinahiga ang mga lalaking may mga tama ng bala sa kanilang mga tiyan at binti sa mga stretcher at ipinasok sa emergency room, kung saan sila’y sinuri, binendahan, at pagkatapos ay dinala sa operating theatre.
"Karamihan sa mga pasyente namin ay nabaril sa tiyan at sa mga binti. Ang iba sa kanila’y nasira ang atay at pali habang ang iba naman ay nagtamo ng malubhang vascular injuries. May isang napakalungkot na kaso ng isang lalaking dumadaan lang sa tapat ng ospital nang barilin siya sa ulo ng isang sniper. Patuloy ang karahasan at karamihan sa aming mga pasyenteng tinatanggap dito ay nagtamo ng mga pinsalang nagiging banta sa kanilang buhay."
-- Dr Pedro Serrano, Doctors Without Borders intensive care unit doctor
Mula noong nag-umpisa ang digmaan sa Gaza noong Oktubre 7, naapektuhan na rin ng karahasan ang West Bank. Sa Jenin, ang mga emergency doctor ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ay halos gabi-gabing ipinapatawag sa pampublikong ospital, dahil patuloy ang pagsalakay ng mga Israeling sundalo at ng kanilang mga tangke. Ayon sa Palestine Ministry of Health, sa Jenin City lang ay tatlumpu na ang napatay at di bababa sa 162 ang nasugatan ng mga puwersang Israeli doon nitong nakaraang buwan.
Kinailangang gamitin ng mga paramedic sa Jenin refugee camp ang isang tuk-tuk na donasyon ng Doctors Without Borders, upang makapasok sa makikitid na pasilyo ng kampo at makuha ang mga sugatan. Subali’t madalas na hinaharangan ng mga puwersang Israeli ang daan papasok sa kampo kung kaya’t halos imposibleng maglabas-pasok ang mga ambulansya.
Sa labas ng ospital, ang isang ambulansyang butas -butas na dahil sa mga balang tumama rito ay pinapalibutan ng mga paramedic na nakatingin sa kawalan. Ayon sa isa sa kanila, binaril sila noong sinusubukan nilang maabot ang mga sugatang nasa kampo, kung kaya’t napilitan silang iwan ang ambulansya at magkubli sa loob ng dalawampung minuto hanggang sa umalis na ang mga puwersang Israeli.
Ang landas ng pagkasira ay makikita hindi lang sa mga taong may tama ng baril at sugat mula sa shrapnel, kundi maging sa mismong siyudad, kung saan ang mga imprastruktura at mga makahulugang gusaling Palestino ay giniba na ng mga bulldozer at mga tangke.
Hindi ang Jenin lang ang nakararanas ng mga mararahas na insidente. Sa buong West Bank, 165 na mga Palestino ang napatay mula Oktubre 7 at mahigit 2,400 na ang mga nasaktan, ayon sa mga awtoridad na Palestino.
Dagdag pa rito, may mga 6,000 Gazan na nagtrabaho sa Israel bago ang digmaan, ngunit ang kanilang mga work permit ay kinansela, at ngayon sila’y nakatira sa mga displacement centre sa West Bank, ayon sa Palestinian Ministry of Labour.
Binibisita ng mga team ng Doctors Without Borders ang mga displacement centre na ito upang magbigay ng mga donasyong mga medical supply, kasama rito ang mga gamot para sa mga sakit na hindi nakahahawa. Sila’y nagbibigay rin ng suporta para sa kalusugang pangkaisipan. Sinabi ng ilang mga pasyente sa staff ng Doctors Without Borders na sila’y binugbog, pinahiya at inabuso nang sila’y ikinulong ng mga puwersang Israeli sa mga linggo pagkatapos noong Oktubre 7.
“May mga ginamot kaming mga pasyenteng nagpakita ng palatandaan na sila’y ginapos at binugbog, diumano ng mga puwersang Israeli. Ipinahayag nila na sila’y pinahirapan nang ilang oras bago sila iniwan sa West Bank border.”
-- Yanis Anagnostou, Doctors Without Borders mental health activity manager sa Jenin
Ang mga damit na may mga bahid ng dugo at ang isang pahina ng takdang aralin ay inilatag sa lugar kung saan diumano’y nangyari ang isang airstrike na pumatay ng dalawang bata at dalawang nakatatanda, at nagdulot din ng pinsala sa mga dalawang dosenang taong nakatira sa Jenin refugee camp. Palestine, 25 Oktubre 2023 © MSF/Faris Al-Jawad
Karahasan at puwersadong paglikas
Sa governorate ng Hebron, sa timog ng West Bank, ang karahasang dala ng mga puwersang Israeli at ng settlers, ang puwersadong paglikas, at ang mga pagpipigil sa mga paggalaw ng tao ay nakaapekto sa bawat aspeto ng pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Palestino. Sinabi ng mga taga-roon sa mga team ng Doctors Without Borders, na nagtatrabaho doon mula pa noong 2001, kung paano sila nangangamba para sa kanilang kaligtasan kahit na naglalakad lang sa kanilang mga sariling kalye at kung paanong ang kanilang access para sa mga pangunahing serbisyo, pati ang mga bilihan ng pagkain at mga pangangalagang pangkalusugan, ay ipinagbabawal.
Mula noong Oktubre 7, hindi bababa sa 111 na pamilyang Palestino, na ang katumbas ay mga 905 na tao, ang walang nagawa kundi umalis sa kanilang mga tahanan sa West Bank dahil sa karahasan at pananakot ng mga puwersang Israeli at mga settler, ayon sa UN.
Sa South Hebron Hills, kabilang sa dose-dosenang pamilyang nawalan ng tirahan ay dalawang pamilya na napilitang umalis matapos sunugin ng mga settler ang kanilang bahay. Ninakaw ang kanilang mga solar panel at mga bariles ng tubig, at pinutol din ang kanilang mga tubo ng tubig. Tumugon ang aming mga team sa pamamagitan ng pagbibigay ng pangangalaga para sa kalusugang pangkaisipan at displacement kits para sa mga apektado.
Ang mga Doctors Without Borders team na nasa Hebron ay nagbibigay din sa mga pamilya ng mga kinakailangang relief item, gaya ng mga kumot, kutson at mga heater. Nagbigay din sila ng suporta para sa kalusugang pangkaisipan ng mga taong nalantad sa karahasan at napilitang umalis sa kanilang mga tahanan.
"Sinabi sa akin ng isang babaeng nasunugan ng bahay na nangangamba pa rin siya para sa kanyang kaligtasan. Sabi niya sa akin: ‘Kailanma’y hindi ko naisip na iiwan ko ang aking lupain o ang aking tahanan, pero hindi ko puwedeng ilagay sa panganib ang aking mga anak at ang aking pamilya. Hindi ko makita ang hinaharap; pakiramdam ko’y walang makatutulong sa akin at wala akong lakas.’ Ang mga ito ay normal na reaksyon lamang sa isang napakaabnormal na sitwasyon, kung saan ang mga tao ay nahaharap sa matitinding karahasan at kawalan ng katiyakan. One woman, whose home was burned to the ground, told me how unsafe, afraid and insecure she still feels."
-- Mariam Qabas, Doctors Without Borders health promotion supervisor sa Hebron
Inuudyukan ng Doctors Without Borders ang mga awtoridad na Israeli na pairalin ang pagiging mahinahon sa West Bank, wakasan ang karahasan at ang puwersadong pagpapalikas sa mga Palestino, at tigilan na ang pagpapatupad ng mga hakbang na naghihigpit at nakasasagabal sa mga Palestino upang sila’y makakuha ng mga pangunahing serbisyo, gaya ng pangagalagang medikal.
Habang nagpapatuloy ang mga pagbobomba at ang pangkalahatang pagpaparusa sa mga tao sa Gaza, at ang kawalan ng paggalang sa batas at ang pagdanak ng dugo ay umaapaw na maging sa West Bank, ang pangangailangan para sa isang ceasefire at humanitarian truce ay lalong nagiging mahalaga.
Si Zouhir, gaya ng madaming ibang Gazan na nawalan ng tahanan sa West Bank, ay sumusubaybay sa mga pangyayari sa Gaza mula sa isang siksikang sports hall sa Jenin, kung saan siya at daan-daang nawalan ng tirahan ay pansamantalang namamalagi.
"Ngayon, ang ating pinagdurusa ay ang malayo sa ating mga anak at mga pamilya. Kinakausap namin ang aming mga anak na nasa Gaza, nag-iiyakan kami. Gusto ko sana na ibalik nila ako sa Gaza, kung saan naroon ang aming mga anak at apo. Ngunit nagdurusa pa rin kami dahil wala kaming kapangyarihan, wala kaming magawa."
-- Si Zouhir, isang Gazan na nawalan ng tirahan sa West Bank