Skip to main content

    Gaza: Ang mga pag-uutos na lumikas at matinding pagbobomba sa paligid ng mga ospital ay nag-iiwan ng kakaunting mapagpipilian para sa pangangalagang pangkalusugan ng mga sibilyan

    In south Gaza, Doctors Without Borders (MSF) set up a clinic inside the Rafah Indonesian Field Hospital in December 2023. With its outpatient department and 30 beds, it provides post-operative care to patients displaced from all parts of the enclave to free up beds in emergency rooms in other hospitals. Palestinian Territories, December 2023. © MSF

    Sa timog na bahagi ng Gaza, nagtayo ang Doctors Without Borders ng klinika sa loob ng Rafah Indonesian Field Hospital noong Disyembre 2023. Sa pamamagitan ng outpatient department nito na may kapasidad na 30 na kama, nakapagbibigay rito ng post-operative care sa mga pasyenteng nawalan ng lugar upang magagamit ng iba ang mga kama sa mga emergency room sa ibang mga ospital. Palestinian Territories, Disyembre 2023. © MSF

    “Unti-unti kaming nasusukol sa maliit na bahagi ng timog Gaza sa Rafah, kung saan kakaunti ang aming maibibigay na tulong medikal, habang patuloy na lumalaki ang mga pangangailangan para rito,” sabi ni Thomas Lauvin, Doctors Without Borders Project Coordinator sa Gaza.

    Dahil sa lumalala na ang pagsalakay sa Gaza, kinailangan na naming lisanin ang ilang pasilidad pangkalusugan sa hilaga ng Gaza, at pagkatapos ay sa Middle Area. Ngayon, limitado na ang aming pagkilos sa timog, hindi na kami puwedeng magtrabaho sa ibang bahagi ng Gaza. Sa madaling sabi, nauubusan na kami ng mga ospital. Napipilitan kaming iwan ang aming mga pasyente.
    Thomas Lauvin, Project Coordinator

    Ang sistema ng pangangalagang pangkalusugan sa Gaza ay bumagsak na. Ayon sa ulat ng World Health Organization, labingtatlo na lang sa 36 na mga ospital sa Gaza ang tumatakbo pa: siyam sa timog at apat sa hilaga. Ang dalawang pangunahing ospital sa timog Gaza ay may mga pasyenteng ang bilang ay tatlong ulit ng kanilang kapasidad at ngayo’y nauubusan na ng pangunahing mga supply at gas.

    Noong Enero 6, ang mga team ng Doctors Without Borders ay napilitan na namang lisanin ang isang ospital. Nilisan ng aming mga team ang Al-Aqsa Hospital sa Middle Area ng Gaza, matapos maglabas ang mga puwersang Israeli ng pag-uutos na lumikas mula sa mga kapitbahayan na nakapaligid sa ospital. Ang sapilitang paglikas na ito ay naging sanhi ng paghihigpit maging sa access sa sarili naming parmasya, na nagpapakita ng nasisirang kapaligiran para sa mga gawaing medikal.

    “Ang pag-alis namin sa Al-Aqsa Hospital at ang pag-iwan sa aming mga pasyente ay isang nakapanlulumong desisyon na ginawa lang namin noong wala na kaming ibang magagawa,” sabi ni Enrico Vallaperta, ang Project Medical Referent ng Doctors Without Borders sa Gaza. “Dahil sa mga drone strike, pamamaril ng sniper at ang mga pagbobomba sa paligid ng ospital, naging hindi ligtas ang lugar para kami’y makapagtrabaho. Ang delikadong sitwasyon ay nag-iiwan sa amin ng pakiramdam na wala kaming kakayahan at wala ring ligtas na lugar upang makapagbigay ng kahit na kaunting pangangalagang medikal para sa mga tao”.

    Nurses perform dressing changes and healings of wounds in the dressing room of Al-Shaboura clinic in Rafah, Gaza. Palestinian Territories, December 2023. © MSF

    Ang mga nars ay nagsagawa ng dressing changes at pagpapagaling ng mga sugat sa dressing room ng klinika ng Al-Shaboura sa Rafah, Gaza. Palestinian Territories, Disyembre 2023. © MSF

    Ang mga pasilidad medikal at ang mga lugar sa paligid nila ay ilang ulit nang tinamaan ng mga puwersang Israeli at ilang beses na ring nakatanggap ng pag-uutos na lisanin ang isang bahagi ng Gaza, partikular na sa hilaga, kung saan ang access, at ang pagbibigay ng pangangalagang pangkalusugan ay masyadong delikado. Ang ilang mga ospital kung saan nagtrabaho ang Doctors Without Borders ay dumaan na sa ganitong sitwasyon: ang Indonesian Hospital sa hilagang Gaza na kinailangang lisanin noong Oktubre. Ang pinakamalaking ospital naman sa Gaza, ang Al-Shifa, ay tinamaan din at ang mga staff nito ay napilitang lumikas noong Nobyembre. Pagkatapos, ang Al Awda Hospital na katuwang ng Doctors Without Borders mula pa noong 2018, ay tinamaan. Tatlong doktor, dalawa sa kanila’y galing sa aming staff, ang namatay.

    Ngayon, nauulit ang ganitong pangyayari sa timog kung saan limang ulit na bilang ng mga tao ang tinatanggap rito bago dumating ang digmaan, at mas kaunti ang lugar para mabigyan ang mga tao ng pangangalagang pangkalusugan. 

    Ang timog ng Gaza ay pinupuntirya para sa matinding pagbobomba mula pa noong natapos ang truce noong Nobyembre at napakalaki ng mga pangangailangan para sa emergency, surgical at post-operative care sa lugar. Ang kakulangan ng kapasidad sa mga ospital ay nagkakait sa mga pasyente ng sapat na paggamot at wastong mga kondisyon para sa hygiene na nagreresulta sa pagdami ng impeksyon at mga medical procedure na isinasagawa sa ilalim ng mga sukdulang kondisyon. Kung wala namang kritikal na pinsala, karamihan sa mga babaeng sumailalim sa c-section ay pinapauwi na, anim na oras pagkatapos nilang manganak upang maggamot ng ibang nagdadalang tao, samantalang ang iba ay pinapaalis lamang at walang magagawa kundi ang manganak na lang sa mga tolda.
     

    Medical activity manager talking to patients at the Al-Shaboura clinic, Rafah. Palestinian Territories, December 2023. © Mohammad Abed

    Kinakausap ng medical activity manager ang mga pasyente sa klinika ng Al-Shaboura sa Rafah. Palestinian Territories, Disyembre 2023. © Mohammad Abed

    Nananatiling nakatuon ang Doctors Without Borders sa pagbibigay ng pangangalagang medikal sa Gaza at nananawagan para sa proteksyon ng mga ospital, medical staff at mga pasyente. Ang aming mga team ay kasalukuyang nagbibigay ng pangangalagang pre- at postpartum sa Emirati Hospital ng Rafah, sinusuportahan ang mga Gazan sa pamamagitan ng physiotherapy at post-operative care sa Rafah Indonesian field hospital, at nagbibigay ng mga konsultasyon para sa pangunahing pangangalagang pangkalusugan, wound dressing at suporta para sa kalusugang pangkaisipan sa klinika ng Al-Shaboura, pati na rin sa Rafah. Sinusuportahan namin ang European Gaza Hospital sa maliliit na surgical capacity, at sa aming maliit na team ng mga nars upang matulungan ang mga pasyenteng nangangailangan ng wound dressing. Sa Al Awda, sa hilagang Gaza at Nasser Hospital sa Khan Younis, may kaunting Doctors Without Borders staff ang nagtatrabaho sa ilalim ng mahihirap na mga kondisyon, kabilang rito ang kakulangan ng pagkain at mga medical supply dahil sa mga airstrike at mga labanan sa di kalayuan.

    Inuulit ng Doctors Without Borders ang aming panawagan para sa agarang ceasefire na magliligtas sa buhay ng mga sibilyan at magbabalik sa daloy ng humanitarian assistance at muling itataguyod ang sistema ng pangangalagang pangkalusugan kung saan nakasalalay ang pagkabuhay ng mga tao sa Gaza.

    Susuportahan mo ba ang aming emergency response?

    Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.

    Categories