Gaza: Mga doktor ng Doctors Without Borders, namatay nang pinasabog ang Al Awda Hospital sa Northern Gaza
Palestinian Territories, Oktubre 2023. © MSF
Nasindak ang Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) sa pagkamatay ng dalawang doktor ng Doctors Without Borders, sina Dr Mahmoud Abu Nujaila at Dr Ahmad Al Sahar, pati na rin ng isa pang doktor na nagtatrabaho sa Al Awda, si Dr. Ziad Al-Tatari, matapos pasabugin ang Al Awda Hospital, isa sa iilang natitirang tumatakbong ospital sa Hilagang Gaza. Nakikiramay kami sa kanilang mga pamilya at mga kasamahan sa trabaho, na kasalukuyang nagdadalamhati sa kanilang pagkamatay.
Sina Dr. Abu Nujaila at Dr. Al Sahar ay nasa loob ng pasilidad nang pinasabog ang ikatlo at ika-apat na palapag nito. May mga iba ring medical staff, kabilang ang ilang mga staff ng Doctors Without Borders, na nagtamo ng malubhang pinsala. Ang Doctors Without Borders ay regular na nagbabahagi ng impormasyon sa magkabilang panig ng alitan ukol sa Al Awda bilang tumatakbong ospital, kung saan nagtatarabaho ang mga staff ng Doctors Without Borders. Ibinahagi rin ang GPS coordinates ng ospital sa mga opisyales na Israeli kahapon.
Habang sinusulat ito, mahigit 200 na pasyente ang nasa Al Awda pa rin, ngunit di na sila nakatatanggap ng kanilang kinakailangang antas ng pangangalaga. Ang mga pasyenteng ito’y dapat mailipat sa iba pang tumatakbong ospital sa lalong madaling panahon. Iyon nga lang, sagad na ang kapasidad ng lahat ng ospital sa Gaza mula pa noong Oktubre dahil sa kasalukuyang kakulangan sa mga supply, bunga ng mga pagsalakay, at ng sobrang dami ng mga kaso o pasyente.
Ito’y isa na namang insidente na bumabagabag sa Doctors Without Borders staff nitong mga nakaraang araw. Ang aming mga kasamahan, na tumutulong sa daan-daang mga pasyente ay nahaharap sa sobramg hirap upang makapagbigay sila ng kahit konting pangangalagang medikal. Ang masaksihan ang pagkamatay ng mga doktor katabi ng mga kama sa ospital ay higit pa sa isang trahedya, at kailangan nang wakasan.
Inuulit namin ang aming panawagan para sa isang agarang ceasefire sa Gaza, para sa pagtatapos ng pagkubkob, at para sa proteksyon ng mga pasilidad medikal at ng medical staff.
Ang Doctors Without Borders ay nagtatrabaho sa Al Awda mula noong 2018. Nagsasagawa kami ng mga reconstructive surgery para sa mga nakatatanda at mga trauma surgery para sa mga bata. nagbibigay-pugay kami sa katapangan ng aming mga kasamahan, at hinding-hindi namin sila malilimutan
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.