Skip to main content

    Timog ng Gaza: Umaapaw ang mga ospital sa daan-daang pasyenteng sugatan dahil sa pagpapatindi ng pagbobomba

    Hallway at Al Aqsa hospital, Middle Area, Gaza. Palestinian Territories, November 2023. © Mohammed ABED

    Isang pasilyo sa Al Aqsa Hospital, Middle Area, Gaza. Palestinian Territories, Nobyembre 2023. © Mohammed ABED

    “Naririnig namin ang mga pagsabog at pagbobomba, araw man o gabi,” sabi ni Katrien Claeys, ang team leader ng Doctors Without Borders sa Middle Area ng Gaza, kung saan ang mga team ng Doctors Without Borders ay sumusuporta sa mga lokal na health worker sa paggamot ng mga taong nasaktan dahil sa mga pagsabog at pagkasunog. “Nitong huling 48 na oras, mahigit isandaang patay at apat na raang nasaktan ang dumating sa emergency room ng Al-Aqsa Hospital. Ang ilang pasyente ay ipinasok agad para maoperahan.”

    Kapag sobrassobra ang pumapasok na pasyente sa isang ospital, ang mga serbisyo para sa paggamot ng mga taong ang kondisyon ay hindi pa nakamamatay ay kinakailangang hindi gawing prayoridad.

    “Nakakita kami ng mga pasyenteng may impeksyon at necrotic tissue, dahil ilang araw o minsa’y ilang linggong hindi napapalitan ang mga dressing para sa kanilang sugat,” sabi ni Claeys.

    Nagtayo ang mga team ng Doctors Without Borders ng pansamantalang wound dressing unit sa Al-Aqsa Hospital upang makapagbigay ng pangangalaga para sa mga pasyenteng may talamak na sugat, o mga pinsalang natamo mula sa mga aksidente sa bahay, o mula sa mga dating pagsalakay.

    Ang Nasser Hospital, sa Khan Younis, kung saan ang mga team ng Doctors Without Borders ay nagbibigay ng surgical care para sa mga pasyenteng may trauma at burn injuries, ay nasasagad na dahil sa patuloy na pagdating ng mga bagong pasyente.

    “Halos oras-oras, nakatatanggap ang ospital ng ilang pasyenteng may malalang pinsala sa katawan,” sabi ni Chris Hook, ang medical coordinator ng Doctors Without Borders sa Khan Younis. “Sa sitwasyon namin sa ospital – wala nang lugar pa para sa karagdagang pasyente – ito ay talagang isang teribleng sitwasyon. Ang lahat ay nag-aalala kung ano ang susunod na mangyayari.”

    A patient waiting for surgery at Al Aqsa hospital, Middle Area, Gaza. Palestinian Territories, November 2023. © Mohammed ABED

    Isang pasyenteng naghihintay na maoperahan sa Al Aqsa Hospital, Middle Area, Gaza. Palestinian Territories, Nobyembre 2023. © Mohammed ABED

    “Halos dalawang milyong tao ang naiwan na walang magagawa ukol sa kanilang sitwasyon. Ang tanging solusyon ay isang agaran at matagal na ceasefire at ang pagtanggal ng mga paghihigpit sa pagpasok ng aid sa buong Gaza strip.”

    Ipinag-uutos na naman ng puwersang Israeli na lumikas ang mga sibilyan sa timog

    Habang ang mga pagsalakay ng mga Israeli sa himpapawid at sa lupa ay papunta na sa timog, ang mga tao sa ilang kapitbahayan sa Middle Area at Khan Younis ay inuutusan na lumikas na mas malayo pang bahagi ng timog ng bansa papuntang Rafah, sa may hangganan ng Ehepto. Kailangan naming isuspindi ang aming suportang medikal para sa mga klinika sa Martyrs at Beni Suhaila, dahil sa ang mga ito’y nasa mga lugar na kasali sa evacuation order.

    “Araw-araw, may bagong kapitbahayan na inutusan ng awtoridad na Israeli na lumikas sa ibang siyudad papunta na lalo sa timog,” sabi ng isang miyembro ng staff ng Doctors Without Borders sa Khan Younis na paalisin sa kanilang tirahan. “Kahit noong pansamantalang pagtigil ng labanan, ang mga tao ay hindi pinapayagang bumalik sa  kanilang mga tahanan. Mga tatlo o apat na kapitbahayan lang ang accessible pa rin at lahat sila ay siksikan sa dami ng tao.”

    Karamihan sa 1.8 milyon na taong internally displaced sa Strip ay naghanap ng masisilungan sa timog ng Gaza, kung saan kasalukuyang namumuhay sila sa mga kahindik-hindik na kondisyon. Maraming mga sibilyan ang ilang beses nang nakaranas ng displacement mula noong Oktubre 7. Wala silang mapuntahang ligtas na lugar.

    Ang pagkakaroon ng access sa mga pangunahing serbisyo, gaya ng pangangalagang pangkalusugan, ay i isang malaking hamon para sa mga tao na nasa timog ng Gaza. Ang mga paghihigpit sa paggalaw na ipinataw ng mga puwersang Israeli at ang kasalukuyang nagaganap na matinding pagbobomba at shelling ay nagiging sagabal upang makakuha ang mga tao ng tulong medikal kaagad, at naging sagabal din sa amin upang kami’y makatugon.

    Samantala, sa Nasser Hospital, ang bilang ng mga taong napilitang iwan ang kanilang mga tirahan ay umakyat na naman mula noong Sabado. May mga bagong shelter na itinatayo sa bawat sulok ng car park. Maraming tao ang natutulog sa sahig katabi ng pasilidad medikal. 

    Sa isang kampanyang militar na ilang linggo na ang itinatagal, at kung tumigil ma’y sandali lang, ang bilis at lawak ng pagbobomba ay napakabrutal. Halos dalawang milyong tao ang naiiwan na walang magawa. Ang tanging solusyon ay isang agaran at matagal na ceasefire at ang malayang pagpasok ng supply para sa buong Gaza strip.
    Chris Hook, medical coordinator

    Susuportahan mo ba ang aming emergency response?

    Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.

    Categories