Gaza: Isa pang ospital napuwersang magsara sa gitna ng matinding pagsalakay ng mga Israeli sa Rafah
Mga nasirang gusali sa Gaza. Palestine, 6 Mayo 2024. © MSF
Dahil sa tumitinding pagsalakay ng mga puwersang Israeli sa Rafah, Gaza, napilitan ang Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) na huminto sa pagbibigay ng makasagip-buhay na pangangalaga sa Rafah Indonesian Field Hospital noong Mayo 12.
Ang 22 na pasyenteng naiwan sa ospital ay isinangguni sa ibang mga pasilidad dahil hindi na namin magarantiyahan ang kanilang kaligtasan. Mula pa noong nag-umpisa pa lang ang digmaan, nasaksihan na ng Doctors Without Borders ng mga sistematikong pagsalakay sa mga pasilidad medikal at mga imprastukturang sibilyan. Dahil dito, at pati na rin dahil sa patuloy na pag-abante ng mga puwersang Israeli, nagdesisyon kaming lisanin na ang Rafah Indonesian Field Hospital.
“Kinailangan naming umalis mula sa labindalawang istrukturang pangkalusugan at nakaranas kami ng 26 na insidente ng karahasan. Kabilang sa mga insidenteng ito ang mga airstrike na naminsala ng mga ospital, mga tankeng sumalakay sa mga napagkasunduang deconflicted shelter, ang mga paglusob sa mga medical centre, at ang pamamaril sa mga convoy."Michel-Olivier Lacharité, Emergency Ops.
Nabubuwag na ang sistemang pangkalusugan, at ito’y may nakapanlulumong epekto sa mga taong di makaalis ng Gaza. Ayon sa OCHA, 24 sa 36 na ospital sa Gaza ay nagsara na. Sinisikap ng Doctors Without Borders na magtatag ng mga field hospital sa ibang mga bahagi ng Gaza Strip, ngunit di kakayanin ng iilang istrukturang ito ang pagdagsa ng mga sugatang sibilyan, bukod pa sa nakapupuspos na mga pangangailangang medikal. Hindi nito mapapantayan ang isang gumaganang sistemang pangkalusugan.
Bago lumikas mula sa ospital, ang Doctors Without Borders ay nagbibigay ng post-operative care para sa mga pasyenteng nasaktan sa digmaan mula noong gitna ng Disyembre 2023. Ang aming mga team ay nagsumikap na pangalagaan ang mga pasyente sa ospital na may 60 na kama, kung saan ang mga surgeon ay nagsasagawa ng 35 na operasyon kada linggo. Nagbibigay kami ng inpatient at outpatient care anim na araw kada linggo, at humigit-kumulang 130 na konsultasyon araw-araw, kung saan ang aming mga team ay nagsasagawa ng mga pagpapalit ng dressing para sa mga sugat, physiotherapy, at counselling. Napilitan na rin ang Ministry of Health na ilipat ang kanilang mga aktibidad mula sa Rafah Indonesian Field Hospital, at ito’y nagresulta sa pagsara ng buong ospital.
Kasabay ng pagsara ng ospital, ang mga tumatagal na pagharang sa pagpasok ng aid ay nakapipilay sa pagtugong humanitarian at inilalagay nito ang mga buhay ng mga taong di makaalis ng Gaza sa panganib. Pababa nang pababa na rin ang supply ng gasolina na kailangan upang patakbuhin ang halos lahat ng mga kinakailangan mula sa mga ospital hanggang sa mga panaderya, habang ang mga tao’y di maaaring lumabas o pumasok sa enclave.
Displaced Palestinians in Rafah in the southern Gaza Strip carry their belongings as they were forced to leave following an evacuation order by the Israeli army. Palestine, 6 May 2024. © MSF
Sinimulan muli ng Doctors Without Borders ang mga aktibidad sa Nasser hospital sa Khan Younis, kung saan kumikilos kami sa mga outpatient at inpatient department nang nakatutok sa orthopaedic surgery, pangangalaga sa mga pagkasunog, at occupational therapy service. Ang mga maternity service ay magbubukas sa mga darating na araw. Napilitan ang Doctors Without Borders staff na lisanin ang Nasser Hospital noong kalagitnaan ng Pebrero at iwan ang kanilang mga pasyente matapos tamaan ng isang shell ang orthopaedic department. Iniutos ng mga puwersang Israeli ang paglikas mula sa pasilidad bago nila lusubin ito.
Ngayong haharap na naman ang mga taga-Gaza sa mga pagbobomba, mga missile, pamamaril at karahasan, muli kaming nananawagan na tigilan na ang mga pagsalakay, na nagiging sanhi ng pagkawala ng tirahan ng daan-daang libo ng tao at pagkakait sa kanila ng kinakailangan nilang tulong. Ayon sa United Nations, hindi bababa sa 360,000 na Palestinian ang lumikas mula sa Rafah mula noong pinalawak ng mga puwersang Israeli ang kanilang mga pagsalakay at mga kautusang lumikas, na nagresulta sa pagiging imposible ng pagbibigay ng makasagip-buhay na pagtulong na humanitarian at medikal sa gitna ng kampanyang ito ng walang pinipiling kamatayan at pagkawasak.
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.