Gaza: Sa pagsasara ng ospital sa Nasser, nauubusan ang mga tao sa timog ng mapagkukunan ng pangangalagang pangkalusugan
Nasser hospital. Palestinian Territories, November 2023. © MSF
Jerusalem, 26 Enero 2024 – Sa gitna ng matitinding labanan at pagbobomba sa Khan Younis, sa timog ng Gaza, Palestine/OPT, ang mga kinakailangang serbisyong medikal ay hindi na maibigay ng ospital sa Nasser, na sa kasalukuyan ay ang pinakamalaking pasilidad pangkalusugan sa enclave. Ikinalulungkot ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ang sitwasyon kung saan naiiwan ang mga tao na walang mapagkukunan ng serbisyong medikal sakaling marami ang masaktan dahil sa digmaan.
Karamihan sa mga staff ng ospital, kasama ang libo-ibong displaced na lumikas doon, ay tumakas noon pang mga araw bago inilabas ang pag-uutos ng mga puwersang Israeli. Ngayon, halos wala nang kapasidad ang ospital para mag-opera, at ang kakaunting medical staff na naiwan ay kinakailangang humarap sa hamon ng kakaunting supplies na hindi sapat upang magamit ng napakaraming sugatan.
Humigit-kumulang 300 hanggang 350 na pasyente ang nananatili sa ospital ng Nasser. Hindi sila makalikas dahil masyadong delikado at walang ambulansya. Ang mga pasyenteng ito ay may mga pinsalang natamo dahil sa digmaan gaya ng mga lantad na sugat, mga hiwa sa balat dahil sa pagsabog, mga nabaling buto, at pagkasunog. Noong Enero 24, may isa o higit pang mga pasyenteng namatay sa ospital dahil walang orthopaedic surgeon na makakapag-oopera sa kanila
“Nalalagay sa panganib ang buhay ng mga tao dahil sa kakulangan ng pangangalagang medikal. Sapagkat ang Nasser at European Gaza Hospital ay halos hindi na accessible, wala nang maituturing na sistema ng pangangalagang pangkalusugan sa Gaza,” sabi ni Guillemette Thomas, ang medical coordinator ng Doctors Without Borders sa Palestine
Hindi katanggap-tanggap ang sistematikong pagsalakay sa pangangalagang pangkalusugan at kinakailangan itong magwakas na ngayon upang ang mga nagtamo ng pinsala ay makakuha na ng kanilang kinakailangang pangangalaga. Hindi na gumagana ang buong sistemang pangkalusugan.Guillemette Thomas, Medical Coordinator
Inilarawan ni Rami*, isang nars ng Doctors Without Borders na hindi makaalis sa ospital ng Nasser, ang pakiramdam ng wala kang magawa sa isang kaganapan kung saan maraming namatay. Limampung nasugatan at limang patay ang dinala sa emergency room noong Enero 25.
“Walang staff na naiwan sa emergency room [ER] ng Nasser Hospital. Walang mga kama, mayroon lang iilang upuan. Wala ring staff, bukod sa iilang nars,” sabi ni Rami. “Dinala namin ang mga pasyente sa ER upang mabigyan sila ng first aid. Ginawa namin ang aming makakaya, nagsumikap kaming patigilin ang pagdurugo at isaayos ang mga pasyenteng pumapasok. Kahindik-hindik ang pangyayaring ito at talagang nakaapekto sa akin.”
Nauubusan na ang ospital ng mga pangunahing supply, gaya ng mga gauze pad.
Pumunta ako sa operating room (OR) ngayong araw na ito upang tumanggap ng pasyente sa aming departamento. Humingi ako sa natitirang staff ng abdominal gauze. Ngunit wala na raw silang maibibigay, at ang iilang piraso na mayroon sila ay ginagamit na sa ibang pasyente. Ginagamit nila sa isang pasyente, at pagkatapos ay pipigain ang dugo na nasipsip nito. Huhugasan nila ito, iisterilisahin, at pagkatapos ay gagamitin muli sa ibang pasyente. Ganyan ang sitwasyon sa OR ng Nasser, mantakin mo iyon?Rami*, nars
Isang mapa kung saan makikita ang mga ospital na pinagtatrabahuhan o binibigyan ng suporta ng Doctors Without Borders pagkatapos ng isandaang araw ng pagkubkob sa Gaza. © MSF/Jorge Montoya
Ang European Gaza Hospital ay pumapangalawa sa Nasser Hospital bilang pinakamalaking pasilidad sa timog ng Gaza. Sila ay may malaking kapasidad upang magsagawa ng mga operasyon. Ngunit ngayon, hindi na rin ito mapuntahan ng mga medical staff at ng mga pasyente, dahil ang mga karatig-lugar nito ay nasasaklaw ng evacuation order.
Ang mga ospital ay kinakailangang manatiling mga protektadong lugar na maaaring puntahan ng mga pasyente at ng mga medical worker, na magbibigay ng pangangalagang medikal. Ang International Court of Justice (ICJ) ay naglabas ng pansamantalang panukala na nag-uutos sa Israel na pigilan ang isinasagawang genocide sa mga Palestino at kumilos agad tungo sa pagpapabuti ng sitwasyong humanitarian sa Gaza. Bagama’t ito’y isang mahalagang hakbang, kailangan pa rin ng pananatiliing ceasefire upang mapigilan ang pagkawala ng mas maraming buhay, at bigyang-daan ang daloy ng humanitarian assistance at pagpasok ng kinakailangang supplies para sa 2.2 milyong taong nakatira sa enclave.
*Para sa kanyang seguridad, hiniling ni Rami na huwag gamitin ang tunay niyang pangalan.
Will you support our emergency response work?
Help us provide lifesaving medical care during emergencies by making a donation today.