Sa pagtindi ng pagsalakay ng mga Israeli at dahil sa pagharang sa mga aid na dumarating, libo-libo ang napilitang tumakas mula sa Rafah
Pitong buwan na ang nakararaan mula noong nag-umpisa ang digmaang ito. Ang opisina ng Doctors Without Borders ay gumuho na. © MSF
JERUSALEM/BARCELONA/PARIS/BRUSSELS, 8 Mayo 2024 – Sinimulan ng mga puwersang Israeli ang kanilang pagsalakay sa Rafah. Sila na ngayon ang may kontrol sa hangganan, at kanilang hinaharangan ang mga naghahatid ng makasagip-buhay na tulong sa Gaza Strip. Habang libo-libong Palestino ang napilitang tumakas mula sa Eastern Rafah matapos magbigay ang Israel na mga utos para lumikas, ang pandaigdigang medical humanitarian organization ng Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF) ay nananawagan para sa proteksyon ng mga sibilyan at sa muling pagbubukas ng Rafah border crossing.
Dahil sa pagsasara ng mahalagang entry point na ito sa Gaza, nalagay sa panganib ang pagtugong humanitarian. Ang mga stock ng gasolina, pagkain, gamot, at tubig ay kakaunti na, at ang mga tao’y hindi makalabas ng Gaza sa gitna ng bagong silakbo ng mga labanan.
“Ang Rafah Crossing, na isang mahalagang humanitarian access point, ay isinara nang tuluyan. Ito ay may nakapanlulumong epekto, sapagkat ang tulong na pumapasok dito ay isang lifeline para sa buong Gaza Strip,” sabi ni Aurelie Godard, Medical Team Leader sa Gaza.
“Matapos ang pitong buwan ng digmaan, kung saan 1.7 milyon na tao ang tumakas mula sa kanilang mga tahanan, ang desisyon na isara ang crossing ay nakapagpalala sa dati nang kahila-hilakbot na kondisyon ng pamumuhay ng mga taong hindi makalabas sa Gaza.”Aurelie Godard, Medical Team Leader
Noong Mayo 6, iniutos ng mga puwersang Israeli ang paglikas ng 100,000 na tao mula sa silangan ng Rafah patungo sa Al Mawasi, isang sona sa pagitan ng kanluran ng Rafah at Khan Younis, kung saan napakakaunti ng mga shelter at mapagkukunang-yaman. Dati nang itinalaga ng mga puwersang Israeli ang Rafah bilang ligtas na sona para sa mga sibilyan.
“Ang mga taong ito ay napilitang umalis sa kanilang mga tirahan, lumipat mula sa mga pansamantalang itinayong tolda patungo sa ibang lugar na walang sapat na masisilungan, pagkain, tubig at pangangalagang medikal,” sabi ni Godard. “Sila’y nasa panganib na mahulog pa lalo sa kailaliman ng isang malaking kapahamakan na nagiging tila isang bangungot.”
Ang pagsalakay at ang utos na lumikas ay lalong nakasagabal sa pagkuha ng pangangalagang pangkalusugan sa isang dati nang nanghihinang sistemang pangkulusugan, at naiwan ang mga tao na walang mapagkukunan ng kahit man lang pangunahing pangangalagang medikal.
Noong simula ng linggong ito, ang mga medical staff at mga pasyente ay kailangang ilikas mula sa Al-Najjar Hospital, habang ang European Gaza Hospital (EGH) naman ay hindi na magamit. Bagama’t may mga aktibidad pa rin kami sa Rafah Indonesian Field Hospital, kung saan sinuportahan namin ang pagbibigay ng post-operative care, ang aming mga team ay nagsisimula nang magbigay ng pahintulot sa mga pasyenteng lumabas mula sa ospital. Sinuspinde na rin namin ang aming mga aktibidad sa Al-Shaboura Clinic.
Ang pagsuspinde ng mga aktibidad sa isang health post kung saan ang aming mga team ay nagsagawa ng 8,269 na konsultasyon sa loob lamang ng buwan ng Abril, o di kaya’y gumawa ng 344 na dressing para sa mga sugatan nitong nakaraang linggo lang, ay nakapanghihina. Saan pupunta ang mga nagdadalang-tao, ang mga bata, mga taong may talamak na sakit upang maghanap ng pangangalaga at maipagpatuloy ang kanilang paggamot sa isang pinahinang lugar tulad ng Gaza? At huwag nating kalimutan ang epekto nito sa kalusugang pangkaisipan. Bago kami nagsara, nagsasagawa kami ng 130 na indibidwal na konsultasyon para sa kalusugang pangkaisipan kada linggo, at umakyat pa ang bilang na ito nitong mga nakaraang linggo.Paulo Milanesio, Emergency Coordinator
Ipinasa na rin ng Doctors Without Borders sa Ministry of Health ang mga aktibidad nito sa Emirati Hospital noong Mayo 8 at inilipat ang staff sa Nasser Hospital upang ipagpapatuloy ang pagsuporta sa maternity service sa mas ligtas na lugar.
“Ang bilang ng mga pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan sa Gaza na napilitan kaming iwan ay umabot na sa 11 sa loob lamang ng pitong buwan. Indikasyon ito ng kalupitan at kawalan ng paggalang sa batas ng digmaang ito,” sabi ni Milanesio.
Mula pa noong nag-umpisa ang digmaang ito, nasaksihan na ng Doctors Without Borders ang mga sistematikong pagsalakay sa mga pasilidad medikal at imprastrukturang sibilyan. Binubuwag ang sistemang pangkalusugan sa Gaza kung kailan sumasabog sa dami ang mga pangangailangan, at ito’y mauuwi sa nakapanghihinang kahihinatnan para sa mga Palestino.
Inuulit namin ang aming panawagan para sa agaran at tatagal na ceasefire upang mapigilan ang pagdami ng namamatay at nawawasak sa Gaza, at mapahintulutan ang pagdaloy ng makasagip-buhay na tulong papasok sa enclave.
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.