World Refugee Day 2023: #ImagineRohingya, Isang Kuwentong Isinalaysay sa Pamamagitan ng mga Larawan
© Olivier Malvoisin/MSF
Ngayong World Refugee Day 2023, ilulunsad ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ang unang kabanata ng isang buwanang photo essay na maglalarawan ng sitwasyon sa mga kampo ng Cox’s Bazar, Bangladesh, batay sa mga nararanasan ng mga Rohingya at sa nasasaksihan ng Doctors Without Borders.
‘Hindi ko alam kung ano ang buhay ng isang tao. Ang alam ko lang ay ang naririto.’ - Jamal, Camp 2W, 01/06/2023. © Olivier Malvoisin/MSF
Ang Rohingya ay isang grupong etniko ng mga taong walang estado. Karamihan sa kanila ay mga Muslim. Ilang siglo na silang namumuhay kasama ang mga Buddhist sa estado ng Rakhine sa Myanmar, ngunit matapos makaranas ng paulit-ulit na nakapuntiryang karahasan at ng patuloy na pagtanggal sa kanilang mga karapatan, halos isang milyong mga Rohingya ang lumikas patungo sa karatig-bansa na Bangladesh. Ang kampo sa Cox’s Bazar ay ang pinakamalaking kampo ng mga refugee sa mundo ngayon.
Gaya ng dati, ang taong 2023 ay puno pa rin ng mga hamon para sa mga Rohingyang nakatira sa kampo. Noong 2022, ang pondo para sa pagtugon sa Rohingya refugee crisis ay ang pinakamababang natanggap nila nitong nakaraang limang taon. Kaya naman sa taong kasulukuyan, dalawang beses nang binawasan ang kanilang rasyon ng pagkain. Dahil sa kakulangan ng mga kampo ng mga pasilidad para sa tubig at sanitasyon, hinaharap din nila ang banta ng mga nakahahawang sakit tulad ng scabies. Di nakontrol ang pagkalat nito sa mga kampo, kahit na mahigit isang taon nang naglabas ng babala ang Doctors Without Borders ukol dito. Ang scabies ay isang sakit sa balat kung saan ang mite, isang insektong makikita lamang sa ilalim ng mikroskopyo, ay namumugad sa balat ng tao at doon nangingitlog. Ito’y nagdudulot ng matindi at walang humpay na pangangati, at ang karamihan sa nagkakaroon nito ay magkakapantal ng tila mga tagihawat sa kanilang balat. Kadalasa’y mga bata ang nagkakaroon nito, ngunit kapag ito’y di binigyang-lunas, mabilis itong kakalat sa buong pamilya.
Noong Mayo 13, isang malakas na bagyo na pinangalanang ‘Mocha’, ang humagupit sa mga kampo. Libo-libong pamilya ang naapektuhan, at nasira ang mga istrukturang kawayan sa ilang mga lugar. Ilang araw matapos ang pananalanta ng bagyo, nakilala namin si Jamal sa Camp 2W, na katabi lang ng Kutupalong Hospital ng Doctors Without Borders. Ilang taon nang naninirahan si Jamal kasama ang kanyang asawa at dalawang anak sa isang pansamantalang bahay na gawa sa kawayan. Nang dumating ang bagyo, wala siyang ibang masisilungan kundi ang istrukturang iyon. Doon niya hinintay na humupa ang bagyo, at umasang makakalabas siya nang buhay. Si Jamal ay isang photographer. Kinukunan niya ng mga larawan ang buhay sa kampo, sa “pagnanais na iangat ang kamalayan ukol sa mga kondisyon ng pamumuhay ng mga Rohingya refugees”. Pagkatapos dumaan ng bagyo, naglakad-lakad siya sa mga kampo upang kunan ang mga iniwang pinsala ng bagyo, gamit ang kanyang mobile phone. Nais daw niyang “ipakita sa mundo kung paano hinaharap ng mga tao” ang ganitong pagsubok.
'Hindi namin ginustong umasa na lang sa humanitarian assistance. Tandaan ninyo, hindi kami pinapayagang magtrabaho rito, hindi namin pinili iyon.’ - Rahim, Kutupalong Hospital, 03/2023. © Olivier Malvoisin/MSF
Habang nabubuhay sila nang walang pag-asang makabalik sa kanilang mga tahanan sa Myanmar, ang mga Rohingya ay di pinahihintulutang maghanapbuhay, o tumanggap ng pormal na edukasyon. Wala silang magagawa kundi umasa sa humanitarian assistance para sa kanilang mga pangunahing pangangailangan. Nangangamba sila dahil sa walang katiyakan ang kinabukasan nila at ng kanilang mga anak. Noong 2022, ang pondo para sa pagtugon sa Rohingya refugee crisis ay ang pinakamababang natanggap nila nitong nakaraang limang taon. Naapektuhan nito ang pagbibigay ng kanilang mga pangunahing pangangailangan, tulad ng rasyon ng pagkain na dalawang beses nang binawasan ngayong taon.
“Isa na namang dagok ang pagbawas sa rasyon ng pagkain. Pero ang kadalasang maririnig mula sa mga tao rito ay 'tatanggapin namin ang anumang maibibigay sa amin'. Wala naman kaming magagawa. Mas tensyonado na ang sitwasyon dito ngayon, at hindi lang dahil sa nabawasang rasyon ng pagkain. Noong 2020, binakuran nila ang mga kampo. At dahil di kami pinapayagang magtrabaho nang legal sa Bangladesh, may mga nakikipagsapalarang suungin ang mapanganib na ruta papuntang Malaysia. Mas mabuting mamamatay nang may pag-asa, kaysa mamuhay rito nang wala. Dahil sa pagbawas sa rasyon, ang mga kumakalam na sikmura ay dahilan upang subukan ng mga taong gawin ang lahat ng makakaya nila, sa kahit anong paraan, sabi ng isa pang babaeng nakilala namin sa kampo noong ika-2 ng Marso ng taong ito.
‘Oo naman, natakot kami noong dumating ang bagyong Mocha. Nahulugan ng puno ang aming bahay, pero naayos ko naman na. Marupok talaga ang mga tirahan namin.' - Abul, Camp 2E, 31/05/2023. © Olivier Malvoisin/MSF
Ang buwan ng Mayo ay naging mapanghamon din para sa pinakamalaking kampo ng refugee sa buong mundo dito sa Bangladesh, kung saan halos isang milyong Rohingya ang nabubuhay sa likod ng alambreng bakod. Dahil sa maagang pagsimula ng panahon ng habagat, isang malakas na bagyo, ang ‘Mocha’ ang humampas as kampo noong Mayo 13. Pinalala ng mga pinsalang idinulot ng bagyo ang mga kondisyon sa pamumuhay ng mga Rohingya. Patuloy silang nalalantad sa mga panganib na dulot ng mga natural na kalamidad nang walang posibilidad na makalikas sila sa mas ligtas na lugar kung kinakailangan.
‘Kapag tinatanong sila kung ano ang mga pinakamasayang alaala nila sa Myanmar, ang tugon ng mga kababaihan ay laging may kaugnayan sa kanilang tahanan.’ - A Rohingya volunteer, Rohingya Cultural Center, Camp 18. © Olivier Malvoisin/MSF
Ang Rohingya ay isang grupong etniko ng mga taong walang estado. Karamihan sa kanila ay mga Muslim. Ilang siglo na silang namumuhay kasama ang mga Buddhist sa estado ng Rakhine sa Myanmar, ngunit matapos makaranas ng paulit-ulit na nakapuntiryang karahasan at ng patuloy na pagtanggal sa kanilang mga karapatan, halos isang milyong mga Rohingya ang lumikas patungo sa karatig-bansa na Bangladesh. Ang kampo sa Cox’s Bazar ay ang pinakamalaking kampo ng mga refugee sa mundo ngayon.
Bagama’t namumuhay nang walang inaasahang pagkakataong makabalik nang ligtas sa kanilang mga tahanan sa estado ng Rakhine, ang aming mga pasyente at ang komunidad ng mga Rohingya refugee ay madalas magkuwento sa amin ng kanilang pananabik para sa dati nilang buhay sa Myanmar.
‘May nakahanda akong bag sakaling magkasunog man. Ang mga insidenteng gaya ng sunog, pagbawas sa rasyon ng pagkain, ito ang mga dahilan kung bakit di ako nakakatulog sa gabi. Nakikita ko ang epekto ng asal ko at ng paraan ng pakikipag-usap ko sa ibang tao.’ - Rihanna, Camp 09, 01/03/23. © Olivier Malvoisin/MSF
Nakatira si Rihanna sa pinakamalaking kampo para sa mga refugee sa buong mundo sa Cox’s Bazar, Bangladesh. Kasama niya sa isang pansamantalang tirahan na gawa sa kawayan ang pito pang tao: ang kanyang ina, ang kapatid niyang babae, at ang kanilang mga anak. Noong Marso 7, 2023, nagkaroon ng malaking sunog sa isang kampong malapit sa kanila. Daan-daang tirahan ang natupok. Nakilala namin si Rihanna ilang araw matapos ang insidente. Ibinahagi niya kung gaano kahina at kadelikado ang mga kondisyon ng pamumuhay sa kampo, at kung paanong sa pagiging lantad nila sa mga natural na elemento’y di ligtas ang kanilang pakiramdam.
Ang ilan sa mga karaniwang dahilan ng pagbisita sa aming mental health program sa mga pasilidad ng Doctors Without Borders ay ang pagkabalisa kaugnay ng kawalan ng pag-asa, kaligtasan, at katiyakan ukol sa hinaharap. Nitong taong ito, nakaranas na sila ng dalawang beses na pagbawas sa kanilang rasyon ng pagkain dahil sa pagbaba ng pondo para sa pagtugon sa krisis ng mga refugee na Rohingya.
Hangga’t ang mga Rohingya ay nakaasa lang sa food assistance, ang pagbawas sa rasyon nila ng pagkain ay maaaring mauwi sa malnutrisyon at iba pang nakamamatay na outbreak. Kamakailan lang ay nagkaroon na rin ng pagbawas sa rasyon ng sabon, kasabay nito ang paglabas ng resulta ng isang health survey kung saan napag-alamang 40% ang may scabies sa mga kampo.
‘Hindi katanggap-tanggap na ang isang outbreak ng scabies ay hinayaang tumagal nang ganito.’ - Karsten Noko, Doctors Without Borders Head of Programmes, Bangladesh, 06/2023. © Olivier Malvoisin/MSF
Halos 40 porsiyento ng mga tao sa kampo para sa mga Rohingya refugee sa Bangladesh ay may scabies. Ito ay ayon sa resulta ng prevalence survey na isinagawa ng health sector ng mga kampo ngayong taong ito. Sa ilang mga kampo, ang bilang ay umabot sa 70 porsiyento. Ito ay sumasang-ayon sa nasaksihan ng Doctors Without Borders sa aming mga klinika kung saan kami’y nagsagawa ng 200,000 na konsultasyon para sa scabies mula noong Marso nitong nakaraang taon. Ang scabies ay nagdudulot ng matindi at walang humpay na pangangati, at ang karamihan sa nagkakaroon nito’y nagkakapantal na tila mga tagihawat sa kanilang balat. Kadalasan, ang mga bata ang nagkakaroon nito, ngunit kapag ito’y di binigyang-lunas, mabilis itong kakalat sa buong pamilya.
Ito ang reaksyon ni Karsten Noko, Doctors Without Borders Head of Programmes sa Bangladesh, na kanyang ipinahayag noong Hunyo 7, 2023:
"Hindi katanggap-tanggap na ang isang outbreak ng scabies ay hinayaang tumagal nang ganito, at nagdulot ng sakit, pagdurusa at pagkawala ng dignidad ng marami. Ito’y mga taong napilitang lumikas mula sa kanilang mga tahanan dahil sa pang-uusig at karahasan. Nakatira sila sa mga kampong napapaligiran ng mga bakod. Wala silang estadong legal, at wala rin silang karapatang magtrabaho. Wala silang magagawa kundi umasa sa humanitarian aid. Ngunit ang patuloy na pagbawas sa kanilang pondo ay nangangahulugan din sa pagbawas ng pagtulong sa kanila.
Makikita rito ang mga maaaring kahinatnan nito. Nananawagan kami sa health sector, donors at sa iba pang maaaring tumulong, na bumuo at magpatupad ng komprehensibo at malawakang pagtugon sa scabies, at sa mga kahindik-hindik na kondisyon kaugnay ng tubig at sanitasyon, na siyang dahilan kung kaya’t hindi na makontrol ang outbreak na ito.”
‘Wala kaming sapat na lugar. Nagsusumikap akong manatiling malinis, pero mahirap itong gawin dahil iisa ang ginagamit naming mga gamit sa pagtulog, mga damit, at lahat-lahat na. Ngayon, pati scabies, mayroon kaming lahat.’ - Taher, Camp 15, 02/03/2023. © Olivier Malvoisin/MSF
Ang scabies na isang sakit sa balat ay kumakalat na sa mga Rohingya refugee na nakatira sa kampo sa Cox’s Bazar, sa Bangladesh. Ang biglaang pagdami ng kaso ng scabies ay maiuugnay sa kondisyon ng pamumuhay sa kampo, kung saan ang mga tao ay nagsisiksikan sa mga maliit na tirahan. Ang ilan sa kanila’y kulang ang nakukuhang tubig para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Kasabay pa nito ang pagputol ng kanilang rasyon ng sabon sa buwang ito.
Mahigit isang taon nang nagsusumikap ang Doctors Without Borders na solusyonan ang outbreak na ito, ngunit ang bilang ng mga pasyenteng may scabies ay hindi kayang tugunan ng Doctors Without Borders nang mag-isa.
Sinabi ni Ajmot Ullah, isa pang 26 taong gulang na pasyenteng nagdurusa dahil sa scabies, noong Marso 2023:
“Dalawang taon na ang nakalipas mula noong nagkaroon ng scabies ang asawa ko. Pumunta siya noon sa isang pasilidad ng Doctors Without Borders, kung saan binigyan siya ng gamot, at sa kalaunan ay gumaling. Ngayon, ang buong pamilya namin ay may scabies. Ang aming apat na taong gulang na anak ay mayroon na nito mula pa noong Disyembre. Una, nagkaroon siya ng mga pantal sa kanyang mga kamay. Tapos, kumalat ito sa kanyang buong katawan. Gumastos kami sa mga doktor at sa botika na malapit lang sa tinitirhan namin. Gumaling rin siya, ngunit hindi nagtagal ay muli siyang nagkaroon. Hindi siya makatulog; umiiyak siya sa sakit, at nangangati ang kanyang buong katawan, lalo na sa gabi. Ang dalawa pa naming anak ay may scabies na rin ngayon, at ako at ang aking asawa ay may mga sintomas na naman. Isa itong bangungot para sa aming pamilya.”
‘Walang espesyal na plano para sa susunod na taon. Wala. Magandang umasa pero ang pinakamainam ay makakuha ng edukasyon ang aking mga anak.’ - Jamal, Camp 2W, 01/06/2023. © Olivier Malvoisin/MSF
Ang mga Rohingya ay walang inaasahang pagkakataong makabalik sa kanilang mga tahanan sa Myanmar. Ni hindi sila makalabas sa mga kampo sa Cox’s Bazar. Hindi sila binibigyan ng pahintulot na magtrabaho o maglakbay at kakaunti ang access nila sa edukasyon. Kaya naman sila’y nakaasa lamang sa mga serbisyong ibinibigay ng mga organisasyong humanitarian sa mga kampo, kahit na mas gusto sana nilang managotpara sa kanilang sariling kinabukasan. Bilang isang komunidad na humanitarian, may responsibilidad tayo na tiyaking tuloy-tuloy ang pagbibigay ng pondo at ng mga mapagkukunang-yaman sa mga Rohingya upang makapamuhay sila nang may dignidad at ligtas, hanggang magbago ang kanilang sitwasyon at maaari na nilang pangasiwaan ang kanilang sariling buhay.