Bangladesh: Pagbawas sa mga rasyong pagkain para sa mga refugee, makakaapekto sa kanilang kalusugan, babala ng Doctors Without Borders
Isang babaeng may dalang pagkain para sa kanyang pamilya sa refugee camp sa Cox's Bazar. Bangladesh, 2018. © Vincenzo Livieri
Ang pagbawas sa mga rasyong pagkain na tinatanggap ng mahigit isang milyong Rohingya refugees sa distrito ng Cox’s Bazar sa Bangladesh ay makakadagdag sa panganib ng malnutrisyon at maaaring magdulot ng seryosong epekto sa kanilang kalusugan, pahayag ng pandaigdigang organisasyong medikal na Médecins Sans Frontières/Doctors Without Borders (MSF). Dahil diumano sa kakulangan ng pondo, inanunsiyo ng World Food Programme (WFP) kahapon na babawasan nila ng 17% ang mga rasyon ng pagkain. Dahil dito, ang bilang ng calories para sa bawat isang tao ay magiging mas mababa sa tinatanggap na minimum standard na 2,100 calories kada araw.
Ang mga Rohingya na nasa pinakamalaking grupo ng mga refugee camp sa distrito ng Cox’s Bazar, ay halos ganap na umaasa lamang sa food assistance, dahil hindi sila maaaring lumabas sa kampo at pinagbabawalan silang maghanap ng trabaho. Kaya naman hindi nila mapupunan ang kakulangan ng rasyon ng pagkain na mas mababa na sa recommended daily calorie intake.
Ang reduced calorie intake ay maaaring mauwi sa malnutrisyon, anaemia, at nakapagpapahina rin ng immune system. Ang mahinang immune system ay maglalagay sa kanila sa panganib kapag may mga outbreak ng mga nakahahawang sakit tulad ng tigdas at cholera.
Ang mga ina na malnourished at anaemic ay mas nanganganib na makararanas ng kumplikasyon sa panganganak, habang ang kanilang mga sanggol naman ay malamang na magkakaproblema sa kalusugan. Kahit sa kasalukuyang rasyon ng pagkain, 28% na ng mga ipinanganak sa Kutupalong Hospital at Balukhali clinic ay may mababang timbang, isang indikasyon na maari silang maging sakitin at malnourished.
Marami sa mga refugee sa mga kampo ang may mga talamak na sakit tulad ng sakit sa puso, altapresyon at type II diabetes. Kasalukuyang nagbibigay ang Doctors Without Borders ng pangangalaga sa mahigit sa 4,500 na pasyente. Para sa mga pasyenteng may mga sakit na hindi nakahahawa, mahalaga ang masustansiyang pagkain para sa kanilang kalusugan. Ang pagbawas sa natatanggap nilang pagkain ay maaring mauwi sa pagdagdag ng pangangailangan nila para sa pangangalagang medikal. Ito’y makukuha lang nila sa mga serbisyong pangkalusugan sa kampo, na kasalukuyang sagad na ang kapasidad.
Ang outpatient department sa Kutupalong Hospital ng Doctors Without Borders. Bangladesh, 2022. © Saikat Mojumder/MSF
Ang mga serbisyong pangkalusugan sa mga kampo ay humaharap na sa mga hamong dala ng kapaligiran, tulad ng madalas na outbreak ng scabies, dengue at cholera – ang resulta ng hindi maayos na sanitasyon, ang pag-ipon ng hindi dumadaloy na tubig, at ang mga umaapaw na palikuran.
Inaalala ng Doctors Without Borders na ang pagbawas sa mga rasyon ng pagkain ay lalong magpapaigting ng pagiging desperado ng mga Rohingya. Ito’y maaaring magbunsod sa kanilang maglakbay muli upang makahanap ng mas magandang buhay at ng hinaharap na mas kakikitaan nila ng pag-asa.
Ang Doctors Without Borders ay naninindigan sa pagbibigay ng serbisyo sa mga Rohingya hanggang kinakailangan, ngunit kapag dumami ang mga pangangailangang medikal sa mga kampo ng Cox’s Bazar, mababawasan rin ang aming kapasidad sa pagtulong. Nabawasan ang pumapasok na pondo, at nabawasan din ang bilang ng mga aid organisation na nagtatrabaho sa Cox’s Bazar nang halos 80%. Kailangang gawing prayoridad muli ng mga nagbibigay ng donasyon ang mga Rohingya at muling manindigan ang mga nangakong tutulong.Claudio Miglietta,Country Representative
Ang Doctors Without Borders ay nagbibigay ng pangangalagang medikal sa mga refugee camp sa distrito ng Cox’s Bazar sa Bangladesh mula pa noong 1992. Nitong nakaraang taon, ang mga team ng Doctors Without Borders ay nagsagawa ng mahigit 750,000 na outpatient consultations at tumanggap ng mahigit 22,000 na pasyente para sa inpatient care.