Skip to main content

    Sudan: "Sa Jebel Marra, hinaharap namin ang mga di-tuwirang epekto ng pagtindi ng karahasan"

    On 12 May MSF succeeded to bring in fresh supplies from El-Fasher, North Darfur to MSF supported Rokero hospital. Sudan, May 2023. © MSF

    Noong Mayo 12, nagtagumpay ang Doctors Without Borders sa pagdala ng bagong supplies mula sa El-Fasher, North Darfur tungo sa Rokero Hospital, na sinusuportahan ng Doctors Without Borders.  Sudan, Mayo 2023. © MSF

    Noong 2020, malaking pagbabago ang ginawa ng Doctors Without Borders sa tinatawag na rural hospital sa bayan ng Rokero. Ito’y ginawang isang specialist healthcare facility na nagsisilbi sa populasyon na mahigit sa 250,000 sa dalawang lokalidad. Pinangasiwaan namin ang inpatient department, emergency room, therapeutic feeding centre, maternity at delivery wards at ang observation room. Ang aming mga team ay nakatulong sa mga sampung panganganak kada linggo at tumanggap kami ng mga pasyenteng galing sa bayan at sa mga karatig-barangay nito. Ang karaniwang bilang ng mga bagong pasyenteng tinatanggap namin kada araw ay 5-15, kasama na ang mga isinangguni ng aming sinusuportahang mga programa ng komunidad. Gumagawa rin kami ng emergency referrals sa tanging ospital na maari pang puntahan sa bayan ng Golo sa Jebel Marra na mayroong kaunting kapasidad para sa surgery. Noong 2021, nagpatakbo ang Doctors Without Borders ng emergency mobile nutrition programme para sa 20 na barangay at ginamot ang mahigit sa 500 malnourished na bata.

    Si Nkemju Rosevelt, ang project coordinator ng Doctors Without Borders, kasama ng kanyang mga katrabahong taga-Sudan at mga taga-iba’t ibang bahagi ng mundo, ay gumawa ng isang mahirap na desisyon: ang iwan ang proyekto. Pitong oras silang nasa daan, naglakbay sila mula sa Rokero patungong El Fasher, ang kabisera ng North Darfur, na lubhang naapektuhan ng mga labanan. Mula roon ay lumipat sila papuntang Chad at dumiretso sila sa Nairobi, Kenya. Habang pauwi sa Cameroon, pinagnilayan ni Nkemju, ang kanyang mga karanasan sa bansang may alitan. 

    “Nasa Rokero ako noong nag-iba ang sitwasyon sa buong Sudan. Hindi namin inaasahan ang ganito kagrabeng pagtindi ng karahasan. Bilang project coordinator, kasama ang aking team, kami’y gumawa ng mga contingency plan upang matiyak ang seguridad ng aming staff at mga pasyente, at makatulong pa rin sa mga panahon ng karahasan at kawalan ng seguridad.” 

    Ang nangyari ay higit sa aming inaasahan. Habang ang Rokero ay nananatiling matatag at kalmado, ang lahat ng pangunahing siyudad sa Darfur, gaya ng El Fasher, Nyala, El Geneina, Zalingei, Tawila at Kabila, at maging ang mga lugar sa paligid nila ay naging mga pugad ng  matitinding labanan, kung saan daan-daan ang namatay, at higit na marami pa ang mga nasaktan. 

    MSF community engagement PC Nkemju Rosevelt and team, meeting with elders/leaders in village in Jebel Marra. Sudan, March 2023. © MSF

    Nakipagpulong ang community engagement PC ng Doctors Without Borders na si Nkemju Rosevelt at ang kanyang team, sa mga nakatatanda at namumuno sa kanilang barangay sa Jebel Marra. Sudan, Marso 2023. © MSF

    Hindi naging madali ang aming desisyong ilipat o ilikas ang mga miyembro ng aming team. Bago kami dumating, karamihan sa mga lugar sa Jebel Marra ay mahigit isang dekada nang walang nakukuhang pangangalagang pangkalusugan at iba pang mga kinakailangang serbisyo. At mas malala sa mga lugar na kontrolado ng mga rebelde, halos dalawang dekada nang walang tumutulong sa kanila. 

    Nag-iwan kami ng skeleton team ng mga katrabaho naming mga taga-Sudan na may sapat na karanasan at kaalaman. Ang ilan sa kanila ay taga-Rokero, at ang iba naman ay galing sa Darfur. Patuloy ang kanilang mahusay na trabaho, at matiyaga silang nagsusumikap na mapanatili ang mga serbisyo ng ospital sa Rokero at ang mga aktibidad para sa pangunahing pangangalagang pangkalusugan sa Umo. Nagtatrabaho rin sila sa mga liblib na barangay sa pakikipagtulungan sa mga community health worker na dumaan sa pagsasanay na isinagawa ng Doctors Without Borders. 

    Sa Rokero, hinarap namin ang mga di-tuwirang epekto ng paglubha ng karahasan. Bagama’t walang kaguluhan sa lugar, kinakailangan pa rin naming humarap sa maraming hamon na resulta ng karahasan. Hindi madali ang magpasok ng pagkain, gamot, at gasolina para sa mga generator o mga sasakyan. Ang pagpasok at paglabas ng staff at ang pagsangguni ng mga pasyenteng nangangailangan ng mga operasyon ay napakahirap, lalo pa’t delikado ang daan palabas ng bayan.
    Nkemju Rosevelt, project coordinator

    Bilang isang project coordinator, mahirap harapin ang isang sitwasyong walang katiyakan at pabago-bago. Hindi namin alam kung ano ang susunod na mangyayari at kung paano kami magpaplano para sa aming team sa Rokero, para sa aming mga pasyente at para sa mga komunidad na tinutulungan namin.  

    Kaya naman kinailangan naming ilikas ang aming mga kasamahan  na mula  pa sa iba’t ibang bansa, pati na rin ang mga kasamahan naming Sudanese na mula sa ibang bahagi ng Sudan. Ngunit ang iba sa mga kasamahan naming Sudanese ay piniling manatili at ipagpatuloy ang aming mga ginagawa.  

    Marami sa mga taong umiiwas sa kaguluhan ng mga siyudad tulad ng El Fasher, Zalingei, Khartoum, ay nagsisidatingan sa Jebel Marra. Lulan ng mga trak, dumarating sila nang walang dalang kahit ano, marahil ay dahil tumakas lang sila sa matinding karahasan. 

    Pinapatakbo namin ang tanging specialist healthcare facility para sa mga tao mula sa lokalidad ng Rokero at Umo, kung saan mahigit 250,000 na tao ang nakatira. Mahirap na desisyon para sa amin ang iwan iyon, at naging emosyonal ang mga tao sa komunidad habang nagpapahayag ng kanilang pagtutol sa pag-alis namin. Ayaw nilang mawala kami at ang serbisyong ibinibigay namin sa kanila. 

    MSF built new ER, maternity, paediatric wards, and observation room and ITFC ate the only secondary healthcare facility in the locality in north Jebel Marra, patients were moved there in late March early April 2023. Sudan, May 2023. © MSF

    Nagtayo ang Doctors Without Borders ng bagong emergency room, maternity, paediatric wards, isang observation room at Intensive Therapeutic Feeding Centre sa tanging pasilidad para sa secondary healthcare sa lokalidad ng Jebel Marra. Sudan, Mayo 2023. © MSF

    Naalala ng mga tao ang hirap na dinanas nila noon para makakuha ng pangangalagang medikal. Isinakay nila ang mga may sakit at sugatan sa mga asno, at naglakbay sila ng ilang araw patungong Tawila at El Fasher. Kahit na ang kondisyon ng mga pasyente ay magagamot naman, marami ang namatay dahil sa haba ng kailangan nilang lakbayin upang makakuha ng pangangalagang pangkalusugan.  

    Ang Rokero ay madalas na nakararanas ng pagputok ng mga labanan. Noong Nobyembre 2022, habang may kaguluhan sa bayan, nakapaggamot kami ng mahigit 50 na pasyenteng may trauma.  

    Ang mga babae, lalaki, ang mga namumuno sa komunidad, ang mga nakatatanda at ang mga dati naming pasyente – lahat sila’y nakiusap na huwag kaming umalis. May ilang pinuno ng komunidad na nilapitan ako upang sabihin na ginagarantiyahan nila ang aming kaligtasan. Dati nang hindi nagkakaisa ang mga iba’t ibang pangkat ng mga rebelde o mga armadong grupo sa Jebel Marra. Ngunit lahat sila’y nangako na isasantabi muna nila ang kanilang mga pagkakaiba. Ipinapakita nito ang kanilang pagkilala na ang hindi pagkakaroon ng access sa pangangalagang pangkalusugan ay mas delikado pa para sa isang komunidad kaysa anumang akto ng karahasan. 

    Ang bilang ng mga namamatay na buntis at mga bagong ina ay mataas sa Darfur. May mga babaeng nalalaglag ang nasa kanilang sinapupunan sa unang trimester ng kanilang pagbubuntis dahil sumakay sila sa asno o kaya nama’y grabe silang magtrabaho, at sabay nilang inaasikaso ang kanilang bukid at ang kanilang mga anak. Karamihan sa mga tao dito’y magsasaka. Ang mga tanim nila ay sorghum at millet, ngunit ang ilang taong alitan at matinding karahasan ay madalas na nakakaantala sa mga gawaing-bukid at naiiwan ang mga pamilya nang walang pananim o kakaunti ang ani. Karamihan sa kanila ay kumikita ng sapat lang para makakain ang buong pamilya nang dalawang beses sa isang araw. 

    Naaalala ko noong Hulyo 2022, nagkaroon ng matinding krisis ng malnutrisyon. Pinuntahan namin ang mga barangay sa bundok at doo’y nagpatakbo kami ng mga mobile clinic para gamutin ang mga batang napakaaba ng mga kondisyon. Dinala namin ang mga batang may pinakamalalang sakit sa anim na therapeutic feeding centre at madami rin kaming ginamot sa mga barangay. 

    Naging sobrang emosyonal at mahirap ang aming pag-alis. Gusto sana naming mamalagi, ngunit hindi namin matiyak ang kaligtasan ng buong team. Araw-araw kong kausap ang mga kasamahan naming Sudanese sa Rokero upang maintindihan ko ang nangyayari. Nakahinga ako nang maluwag noong nalaman ko na mahusay ang kanilang pagtrabaho at patuloy ang kanilang kapuri-puring pagsuporta sa mga komunidad doon.
    Nkemju Rosevelt, project coordinator

     

    Ang mga pasilidad na sinuportahan ng Doctors Without Borders ay patuloy na nagbibigay ng makaligtas-buhay na pangangalagang medikal sa mga kampo ng El Fasher at Zamzam, North Darfur, sa Kreinik, West Darfur, sa Rokero at Umo, Central Darfur, sa Khartoum, sa Al-Jazeera, sa Um Rakuba at Tinedba, El-Gedaref, at sa estado ng Ad-Damazin, Blue Nile. Unang nagtrabaho ang Doctors Without Borders sa Sudan noong 1978, at mula 2003 hanggang sa kasalukuyan ay tuloy-tuloy na ang pagbibigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga taong pinakanangangailangan nito.

    Categories