Sa loob ng Gaza: “Ang manatiling buhay ay suwertihan lang.”
Total destruction in some Gaza neighbourhoods. Palestinian Territories, October 2023. © Mohammed Baba
Noong Nobyembre, nagpadala ang Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ng isang team ng mga international staff upang sumuporta sa pagsasagawa ng surgical care at burns treatment. Kabilang rito si Ricardo Martinez, isang logistics coordinator na kababalik lang matapos ng apat na linggo sa Gaza. Ibinahagi niya ang kanyang mga nasaksihan.
Alam naman ng lahat na kahindik-hindik ang sitwasyong humanitarian sa Gaza. Ano ang personal mong nasaksihan?
“Una sa lahat, kailangan ng isang agaran at mapapanatiling ceasefire sa Gaza. Ngunit bibigyang-diin ko rin ang kakulangan ng tubig at sanitasyon sa Gaza. Sa puntong ito, halos nakatitiyak akong sa pangmatagalan, ang mga kakulangang ito ay magdadala ng panganib tulad ng dala ng pagbobomba at posibleng maging sanhi ng kamatayan ng ganoon din kadaming tao.
Ang sistema para sa water supply ay hindi na gumagana – tuluyan na itong gumuho. Nasasagad na ang mga tao, napupuno na sila dahil kailangan nilang makibaka para mabuhay. Pinakamaraming tubig na makukuha ng isang tao ay isang litro kada araw – para sa lahat-lahat na iyon: iinumin, panghugas at panluto. Isa lang ang shower kada 500 na tao. Ang mga nakakapagshower ay itinuturing na mapalad. Sa timog na bahagi ng Gaza, ang aming mga team ay namamahagi ng 50 hanggang 60 cubic meters na tubig kada araw, ngunit ito’y tila patak lang sa isang dagat ng mga pangangailangan.
Ang mga tao sa Gaza ay nag-iipon ng gasolina, na kulang na kulang sa buong Strip. Palestinian Territories, Nobyembre 2023. © Mohammed ABED
Sa timog na bahagi ng Gaza, sa sobrang siksikan ng mga lugar, pakiramdam mo ay para kang nasa isang punong-punong football stadium. Maraming mga taong gumagamit ng iilang palikuran, at dahil walang gasolina para sa water pump, nakita ko ang pagdaloy ng sewage sa mga kalsada kung saan may mga nagtitinda, may mga batang naglalaro at nagtatampisaw sa maruming tubig. Isipin niyo ang epekto nito sa kalusugan ng mga tao.
Anuman ang gustong gawin ng mga tao, kailangan nilang magplano nang maaga: kailangan mong mag-isip, magplano at mag-organisa, at pagkatapos ay malalaman mo na lang kung suwerte ka o hindi. Kailangan mong gumamit ng palikuran? Kailan at saan ka pupunta kung daan-daang mga tao ang nakapila sa iisang palikuran? Sa tingin ko, hindi ko na kailangang magbigay pa ng karagdagang detalye kung paano ito hinaharap ng mga tao araw-araw.”
May gasolina o kuryente ba ang mga tao sa Gaza?
“Sa ilang mga lugar, walang gasolina o kuryente. Nakakaapekto iyon sa lahat ng bagay. Kung wala kang gasolina, hindi rin gagana ang mga gilingan, kaya’t walang trigo – kung walang trigo, walang pagkain. Ang mga trak na galing sa Ehipto ay nagpapasa ng mga makatutulong na supplies sa mga trak sa Gaza, pero dahil walang gasolina, hindi rin makabiyahe ang mga trak upang mamahagi ng aid.
Nasaksihan namin ang pagkawala ng mga buhay dahil sa kakulangan ng gasolina sa mga ospital. Dahil hindi gumagana ang mga generator, hindi masagip ng mga doktor ang mga nasa kritikal na kalagayan. Nagmimistulang mga kapitbahayan ang mga ospital dahil ang mga tao’y halos nakatira na sa mga pasilyo nito.”
Al Aqsa hospital sa Middle Area, Gaza. Palestinian Territories, Nobyembre 2023. © Mohammed ABED
Ang mga puwersang Israeli ay ilang beses nang naglabas ng utos na lumikas ang mga tao mula sa ilang lugar sa Gaza. Noong Disyembre 3, kinailangan ng Doctors Without Borders na isara ang klinika sa siyudad ng Khan Younis sa timog ng Gaza dahil sa utos na lisanin ang lugar. Maaari mo bang ikuwento kung ano ang nangyari?
“Ang puwersang Israeli ay nag-aanunsiyo ng kanilang mga ipinag-uutos sa kanilang military website na inilunsad noong Disyembre 1. May mga araw na ang isang bahagi ng Gaza ay idedeklara bilang ‘red zone’ – ibig sabihin, pupuntiryahin ito. Wala halos kuryente sa Gaza, kaya’t wala ring Internet. Paano mong malalaman na kailangan mo nang umalis?
Alam naming sa kalaunan, ang lugar kung saan kami nagtatrabaho ay makatatanggap na rin ng evacuation order. Pinag-usapan namin iyon, dalawa o tatlong araw bago dumating ang pag-uutos. Noong Disyembre 3, napilitan na kaming isara ang klinika at lisanin ang Khan Younis. Noong umagang iyon, ako ang namamahala sa mga paghahanda para sa aming pagbiyahe ng ilang kilometro patungong kanluran. Para sa akin, ito ang pinakamasakit na araw na naranasan ko sa Gaza.
Ikinarga ko na sa mga sasakyan ang mga dadalhin, inasikaso ang lahat ng dapat ihanda. Nakadudurog ng puso ang tumakas sa sitwasyon, at makita ang aming mga kasamahang Palestino at mga kapitbahay na kasama namin noon pa at tumulong sa amin sa maraming bagay. Alam naming malamang ay hind na namin sila makikitang muli. Wala kaming pagkakataong mapasalamatan sila para sa lahat ng kabutihang ipinakita nila sa amin. Sa totoo lang, nahiya rin ako.
Ang realidad ay walang ligtas na lugar sa Gaza. Naalala ko noong binalikan ko ang isang lugar kasama si Omar, isang Palestinong logistics supervisor, na kasamahan ko sa trabaho. Isang araw pa lang ang nakalilipas mula noong una naming pagbisita, pero wasak na wasak na ang lugar na iyon. Matapos ang aming unang pagbisita, sabi ni Omar sa akin: “Tingnan mo ito, Ricardo. Kahapon lang ay nandito tayo, at ngayo’y bunton na lang siya ng mga durog na bato.” Sino ang makapagsasabi sa atin na huwag pumunta dito sapagkat ito’y bobombahin? Wala. Ang manatiling buhay ay suwertihan lang. Isa ito sa anim na magkakaibang lugar na nawasak matapos natin itong bisitahin – anim na lugar na ngayo’y mga durog na bato na lang. Ang mga paaralan: wala na. Ang mga opisina: wala na. Ang mga pribadong tahanan: wala na. Ang mga halaman sa tubig: wala na.”
Ang Limb Reconstructive Surgery unit ng Al-Awda hospital, sa hilagang Gaza, pagkatapos ng air strike nung 21 Nobyembre 2023. Namatay ang tatlong doktor. Dalawa dito ay staff ng Doctors Without Borders. Marami ding sugatan. Palestinian Territories, Nobyembre 2023. © Mohammed ABED
Ano ang reaksyon ng mga taga-Gaza sa pansamantalang pagtigil ng labanan mula Nobyembre 24 hanggang Nobyembre 30?
“Tandang-tanda ko pa noong nagsimula ang pagtigil ng labanan. Noong umagang iyon, pagpatak ng alas siyete, nakarinig ako ng mga umaawit at mga nagsisigawan sa tuwa. Noong araw na iyon, naiyak ako. Naiyak ako dahil nakita kong napakasaya ng mga tao. Pero ilang araw lang iyon tumagal. Noong huling araw ng truce, natapos ito ng alas siyete ng gabi, at pagdating ng 7.03, nagmala- impiyerno na naman sa lupa.
Sa maikling panahon na iyon, nagawa ng mga taong bisitahin ang kanilang mga pamilya. Ito ang pinakamahalaga para sa lahat. Ang iba’y pumunta pa ng hilagang bahagi ng Gaza at naglaan ng oras para sa kanilang mga mahal sa buhay.
Kasabay nito, hindi pa rin maiwasan ang realidad. Ang iba sa kanila’y ginamit ang panahon upang ilibing ang kanilang mga nasawing mahal sa buhay. Marami sa kanila ay kinolekta ang mga bangkay na naaagnas na sa mga kalye. Ang iba sa mga ito’y halos dalawang buwan nang nakatiwangwang roon. Kaya mo bang isipin ang amoy at ang sakit na dala nito?”
Ang mga team ng Doctors Without Borders ay nagbibigay ng emergency medical care at medical supplies sa sa mga ospital at klinika sa Gaza. Maaari mo bang ilarawan kung paanong nagagawa pa rin ng Doctors Without Borders ang pagbibigay ng tulong kahit na ganoon ang sitwasyon?
“Pagdating ko sa Gaza, naging malinaw sa akin na anumang buting naidudulot natin dito ay dahil sa dedikasyon ng ating mga Palestinong staff. Mula noong nag-umpisa ang lahat, ginagawa nila ang abot ng kanilang makakaya upang makasagip ng mga buhay. Nagdadala sila ng pag-asa sa gitna ng bangugngot na ito.
Karamihan sa aming mga staff ay nawalan ng tirahan at namatayan ng mga mahal sa buhay. Ang trahedya rito ay, hindi na ito bago sa kanila – naranasan na nila ito dati. Alam nilang maaari silang mamatay kahit na anong sandali pero nagagawa pa rin nilang batiin ka tuwing umaga nang nakangiti. At kapag kinumusta mo sila, ito ang isasagot nila: ‘Okay lang ako, buhay pa.’
Hinding-hindi ko malilimutan noong nagtatrabaho pa kami sa aming klinika sa Khan Younis. Gigising ako ng alas sais ng umaga at pupunta na ako sa klinika. Tuwing umaga, ang aming staff member na si Ishaq ang magbubukas ng pinto. Babatiin niya ako nang may malaking ngiti sa kanyang mukha. Hihingi ako ng paumanhin dahil nagising ko siya pero papapanatagin niya ang loob ko. ‘Hindi, hindi, Ricardo, kanina pa ako gising. Tara na! Kanina pa kita hinihintay.’
Tulad ni Ishaq, tinitiyak ng marami sa mga miyembro ng aming staff na kaming mga hindi taga-Gaza ay nabibigyan ng lahat ang aming kinakailangan. Tinutulungan nila kami sa maraming paraan: mula sa pagcharge ng aming mga flashlight hanggang sa pagtiyak na mayroon kaming kakainin, at na ang aming pakiramdam ay malugod kaming tinatanggap. Nagmamalasakit sila, hindi lang para sa kanilang mga pasyente, kundi para sa lahat ng tao sa paligid nila. Sasabihin nila: ‘Gusto kitang tulungan – kailangan kitang tulungan – dahil gusto kong tulungan ang aking mga kababayan.’
Kasabay nito, paulit-ulit nilang tinatanong: ‘Bakit? Anong ginawa namin para parusahan kami nang ganito? Bakit kami kinalimutan ng mundo?’”
******
Paulit-ulit na nananawagan ang Doctors Without Borders para sa agaran at mapapanatiling ceasefire upang mapigilan ang pagdami ng mga namamatay sa Gaza. Nananawagan din sila sa mga awtoridad ng Israel na wakasan na ang pagkubkob upang mapahintulutan ang walang kondisyon at tuloy-tuloy na pagpasok ng aid workers at humanitarian supplies sa Gaza, tulad ng mga mahahalagang pangangailangan gaya ng tubig at gasolina. Dapat tigilan na ngayon ang mga walang habas at walang humpay na pagsalakay. Dapat tigilan na ang puwersadong paglikas. Dapat tigilan na ang mga pagsalakay sa mga ospital at mga medical staff. Dapat tigilan na ang mga paghihigpit sa pagpasok ng tulong sa Gaza.
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.