Mensahe ng Doctors Without Borders sa mga pamahalaan: Kumilos na para sa pangmatagalang ceasefire sa Gaza
Ganap na pagkawasak ng Gaza. Palestinian Territories, 10 Oktubre 2023. © Mohammed Baba
Isang liham sa mga pamahalaan upang sila’y kumilos tungo sa pagkakaroon ng isang pangmatagalang ceasefire sa Gaza.
Ang Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ay nakikiusap sa mga pamahalaan na gawin ang kanilang makakaya upang tiyakin ang isang agaran at tuloy-tuloy na ceasefire sa Gaza Strip. Nagpapasalamat kami sa mga pamahalaan ng Malaysia at Indonesia sa pangunguna, kasama ng Brunei, sa paghingi ng matagal na pagtigil ng karahasan sa Gaza, at ng agarang pagbibigay ng para sa mga sibilyang naiipit sa alitan. Nanawagan kami sa pamahalaan ng Pilipinas na ganoon din ang gawin, at idagdag ang kanilang boses sa pakikipag-ugnayan sa kanilang mga karatig-bansa sa rehiyon, lalo pa’t malaki ang kapalit nito kapag buhay ng mga tao ang pinag-uusapan.
Bagama’t ang pansamantalang pagtigil ng labanan kamakailan lang ay ang unang tanda ng pagiging makatao matapos ang ilang linggo ng walang humpay na karahasan, ito’y hindi isang solusyon. Ang anumang pahinga mula sa digmaan para sa mga tao sa Gaza, lalo na kung ito’y makapagbibigay sa kanila ng access sa mga medical supply, pagkain at tubig, ay malugod na tinatanggap. Kaya lang, kung ating bibigyan ng pansin ang hindi masukat na pangangailangan, ang pansamantalang pagtigil ng labanan ay hindi sapat upang mag-organisa ng paghatid ng sapat na tulong upang tumugon sa mga pangangailangang ito.
Nagulat at nabahala ang Doctors Without Borders sa pagsalakay ng Hamas sa mga sibilyang Israeli. Pagkatapos ng pitong linggo, wala kaming maapuhap na mga salita upang ilarawan ang kahindik-hindik na karahasan na ginawa ng mga Israeli sa mga sibilyang Palestino, habang sila’y naghahasik ng walang humpay at walang habas na pakikidigma sa Gaza upang makita ng buong mundo.
Nagpakita ang Israel ng hayagang pagwawalang-bahala para sa proteksyon ng mga pasilidad medikal ng Gaza. Nasaksihan namin kung paanong ang mga ospital ay nagiging mga morgue, at minsa’y mga guho na lamang. Pinatamaan sila ng mga pasabog, mga tangke at mga baril, pinaligiran at sinugod. Ang mga ito’y naging sanhi ng pagkamatay ng ilang mga pasyente at medical staff. Ang World Health Organization (WHO) ay nakapagtala ng 178 na pagsalakay sa pangangalagang pangkalusugan, kasama sa mgaa apektado rito ang 22 na mga namatay at 48 na mga sugatang health worker na noo’y on duty. Ang mga medical staff, kasama ang amin, ay pagod na pagod at nawawalan na ng pag-asa. Kinailangan nilang putulan ng paa ang mga batang nagdurusa dahil sa mga matinding pagkasunog nang walang anaesthesia o mga sterilized na gamit pang-opera. Namamatay ang mga tao sa sobrang sakit na nadarama nila. Dahil sa pagpapalikas na puwesahang ipinapatupad ng mga sundalong Israeli, may mga ilang doktor na kainailangang iwan ang kanilang mga pasyente at napilitan silang mamili: ang kanilang mga buhay, o ang buhay ng kanilang mga pasyente. Walang katanggap-tanggap na paliwanag para sa karumal-dumal na mga gawaing ito.
Kamakailan lang ay nagpadala ang Doctors Without Borders ng isang international emergency team sa Gaza upang suportahan ang aming mga kasamahang Palestino sa paghatid ng kapasidad medikal at mga kakayahan sa pagoopera sa mga pasilidad pangkalusugan. Sayang nga lang at ang kanilang mga aktibidad ay naging lubhang limitado dahil sa dami ng namamatay, pagkasira ng mga imprastraktura, kakulangan ng mahahalagang supplies gaya ng gasolina, at ang kakulangan ng seguridad. Gusto natin—at dapat lang—na makagawa tayo ng higit sa ginagawa sa kasalukuyan. Ngayon, ito ay hindi pa posible, dahil sa pagkubkob, at sa walang humpay na generalized warfare na ginagawa ng Israel.
Tatlo sa aming mga staff sa Doctors Without Borders ang napatay, at marami ang nawalan ng kapamilya. Marami kaming kasamahang nasaktan. Ang ibang kapwa namin mga organisasyong humanitarian ay nag-ulat na dose-dosena ng kanilang staff ang pinaslang.
Ang Gaza, na mula pa noong 2007 ay mayroon nang blockade na ipinataw ng Israel, ay maituturing na pinakamalaking open-air na kulungan sa mundo. Ang ganitong pagpataw sa buong populasyon ng collective punishment ay isang krimeng pandigmaan, alinsunod sa International Humanitarian Law (IHL)
Sa kabila ng mga pahayag ng Israel, ang pakikidigma nila ay hindi lang laban sa Hamas. Sinasalakay nila ang buong Gaza at ang lahat ng mga tao rito nang walang pagsaalang-alang sa kahihinatnan nito. Kahit naman ang mga digmaan ay may mga patakaran, ngunit malinaw na isinasantabi ito ng Israel at sa halip ay ginagamit nila ang kanilang sariling stratehiyang militar na nakabatay sa disproportionality. Noong mga unang araw ng kanilang pakikidigma, naglabas ng pahayag ang Israel’s Defense Forces (IDF) na ang pinagtutuunan ng kanilang sobra-sobrang paghihiganti ay ang pagwasak, kahit hindi sa mismong dapat wasakin. At mas nadama pa itong mga sinabi nila sa mga kasunod nitong aksyon.
Nabubura na ang Hilagang Gaza mula sa mapa. Hindi na gumagana ang kanilang sistemang pangkalusugan. Mahigit sa 14,000 na tao na ang napatay, kalahati sa kanila ay mga bata, ayon sa mga opisyal ng Gaza. Iyon ay isa kada 200 taong nakatira sa Gaza. Sampu-sampung libong tao na ang nasaktan. Hinuhukay ng mga pamilya ang kanilang mga mahal sa buhay mula sa mga gumuhong gusali. Ayon sa United Nations, may mga 1.7 milyong tao na ang napilitang lumikas mula sa kanilang mga tahanan. Pinuwersa ang mga sibilyang ito na lumikas sa timog na bahagi ng bansa, ngunit binobomba rin naman ito. Wala nang ligtas na lugar.
Ang aming emergency team sa Khan Younis sa timog na bahagi ng Gaza ay nag-ulat ng pagdating ng napakaraming sugatan matapos ang matinding pambobomba at mga airstrike, kabilang rito ang pagsalakay sa mga siksikan at naghihikahos na mga refugee camp kung saan nakasalalay ang buhay ng mga tao sa kakaunting humanitarian aid. Kung di man sila mapuruhan ng mga bomba, ang mga nakahahawang sakit at pagkagutom naman ang papatay sa kanila.
Ang isang matagal na ceasefire ang tanging paraan upang matigil ang pagpaslang sa libo-libo pang sibilyan at upang mabigyang-daan ang paghatid ng kailangang-kailangang humanitarian aid. Hinihingi rin ng Doctors Without Borders ang pagtatag ng isang mekanismong may kasarinlan upang mangasiwa sa pagpasok ng humanitarian supplies sa Gaza.
Ang walang habas at walang humpay na pagsalakay ay dapat nang itigil ngayon. Ang mga puwersahaang paglikas ay dapat nang itigil ngayon. Ang mga pagsalakay sa mga ospital at medical staff ay dapat nang itigil ngayon. Ang pagkubkob at mga paghihigpit sa pagpasok ng aid ay dapat nang itigil ngayon. Ang lahat ng ito ay dapat nang ITIGIL NGAYON.
Nakikiusap kami sa inyo ngayon na maging bahagi ng solusyon, at gawin ang lahat ng inyong makakaya upang mapigilan ang karagdagan pang mga pagpaslang.
Nag-ulat din ang aming mga medical team sa West Bank ng mga pagsalakay sa pangangalagang pangkalusugan na makikita sa pagdami ng insidente ng karahasan, pang-uusig at panliligalig. Ayon sa United Nations, mahigit 200 Palestino na ang napatay mula noong Oktubre 7. Sila’y namatay sa mga kamay ng Israeli Defense Forces (IDF) o di kaya nama’y pinaslang ng mga dayo.
Sa ngayon, sangkot dito ang mga pinuno ng mundo—maaaring sa pagbibigay ng pondo o ng mga sandata sa Israel, sa kawalan ng pagsusumikap na kumilos at sa halip ay nagbibitiw lang ng mga hungkag na salita kung kaya’t hindi nila napipigilan ang walang humpay na pagdanak ng dugo at mga kalupitang nagaganap sa Gaza.
Panahon na para palakasin ng mga pamahalaan ang mga tinig na nananawagan upang isaalang-alang ang pagprotekta sa mga sibilyan, o gamitin ang kanilang diplomasya upang kumbinshin ang estado ng Israel na ang pagpataw nito ng hatol ng kamatayan sa mga mamamayan ng Gaza ay di makatao at di makatwiran.
Hinihikayat namin kayong kumilos. Itaguyod natin ang ating sangkatauhan.
“Ginawa na namin ang aming makakaya. Huwag ninyo kaming kalilimutan.” Ito ang mga katagang isinulat ng isang emergency doctor ng Doctors Without Borders sa whiteboard na ginagamit para sa pagpaplano ng mga operasyon sa isang ospital sa Gaza. Kapag tumahimik na ang mga baril at tumambad na sa lahat kung gaano kalala ang pagkawasak na naidulot ng digmaan, ikaw at ang iyong pamahalaan, kaya niyo rin ba'ng sabihin iyon?
Larawan mula sa Limb Reconstructive Surgery unit ng Al-Awda Hospital, sa hilagang Gaza, pagkatapos pasabugin ang ospital noong Nobyembre 21, 2023. Dahil sa airstrike na ito, namatay ang tatlong doktor (ang dalawa sa kanila ay staff ng Doctors Without Borders), at nasaktan ang marami pang iba. Palestine, 21 Setyembre 2023. © MSF
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.