Mga bansang kabilang sa G7, kailangang manindigang pangangalagaan nila ang humanitarian assistance
Noong Mayo 1, 2023, kakatapos lang nila ng mga pagsasanay at kakapasok lang sa search and rescue region ng Malta nang inalerto ang Geo Barents ng kanilang Alarm Phone na may sasakyang pandagat na nangangailangan ng tulong sa international waters sa labas ng Malta. Mediterranean Sea, Mayo 2023. © MSF/Skye McKee
Bago pa man idaos ang G7 summit sa Hiroshima, Japan, inudyukan ni Dr. Christos Christou, International President ng pandaigdigang medical humanitarian organization na Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières, ang mga pinuno ng mga bansang kabilang sa G7 na mangako para sa pangmatagalan, na kanilang pangangalagaan ang humanitarian assistance sa kabila ng mga lubhang magkakaibang pananaw, di-pagkakaunawaan, at tensyon sa pagitan ng mga kontinente.
Ang Hiroshima ay patunay na ang digmaan ay higit na pinagbabayaran ng mga sibilyan. Bagama’t kakaunting kaganapan ang maikukumpara rito sa bilis ng pangyayari at dami ng mga nawalan ng buhay, walang dudang ang mga sibilyan ang pangunahing biktima ng mga digmaan at hidwaan. Mula noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, bumuo ng mga legal na instrumento tulad ng International Humanitarian Law (IHL) upang protektahan ang mga sibilyang naiipit sa mga tunggalian. Gayunpaman, madalas ay mas pinahahalagahan ng mga pamahalaan ang ibang mga hamon tulad ng pagsugpo sa terorismo, pagsasarili, at mga patakaran sa migrasyon kaysa ang pagprotekta sa mga indibidwal na nasa gitna ng mga alitan o tumatakas mula rito.
Araw-araw, nasasaksihan ng Doctors Without Borders kung paanong naaapektuhan ng mga digmaan at hidwaan ang buhay ng mga tao: mula sa mga pinsala sa katawan at isipan, hanggang sa malnutrisyon, karahasang sekswal, at ang pagkasira ng mga imprastrukturang medikal at mga sistema para sa pangangalagang pangkalusugan. Nakita rin namin na ang mabuhay sa gitna ng digmaan ngayong 2023 ay kasinghirap din sa gitna ng mga digmaan noon, limampu o pitumpung taon na ang nakalilipas.
Kitang-kita ito noong mga unang oras ng kaguluhan sa Sudan, kung kailan ang karamihan ng mga sugatang tinanggap ng aming mga medical team sa El Fasher ay mga sibilyan, at kabilang rito ang maraming bata. Kinailangang magsara ng mga ospital dahil masyadong malapit ang kaguluhan o di kaya nama’y hindi makarating ang mga medical staff sa mga pasilidad dahil sa karahasan. Dahil nauubusan na ng kapasidad para sa pagsasagawa ng operasyon at mga supply, mahigit sa apatnapung tao ang namatay mula sa mga tinamo nilang pinsala sa loob lamang ng tatlong araw.
Habang ang mga sibilyan ay nagdurusa dahil sa mga insidente ng karahasan, ang mga panukala ng IHL upang maprotektahan ang mga sibilyan, imprastruktura, at mga humanitarian worker ay binabalewala o itinatatwa. Noong unang bahagi ng taon, dalawa sa aking mga kasamahan ang pinatay sa isang kakila-kilabot na pagsalakay sa aming humanitarian team na nagtatrabaho sa Burkina Faso. Noong 2021, naging biktima ang tatlo sa aming mga kasamahan sa Tigray, Ethiopia ng brutal na pagpatay na hindi pa lubos na naipapaliwanag. Ang pagbibigay ng humanitarian assistance sa mga komunidad na nangangailangan nito ay di dapat mauwi sa pagkawala ng buhay.
Ang mga eksena sa South Hospital, El Fasher, North Darfur, kung saan maraming tao ang nasugatan dahil sa mga labanan. Sudan, Abril 2023. © MSF
Paghadlang sa Humanitarian Assistance at Pagtrato rito bilang Kriminal na Gawain
Ang mga team ng Doctors Without Borders ay patuloy nagbibigay ng pangangalagang medikal kung kailan at saan ito pinakakinakailangan. Ito ang aming layunin. Gayunpaman, nitong nakaraang sampung taon ang may prinsipyo at makasagip-buhay na humanitarian action ay hinahadlangan ng mga pamahalaan, maging ng mga bansang kabilang sa G7.
Sa Mediterranean Sea, isa sa mga nakamamatay na ruta para sa migrasyon ng mga taong tumatakas mula sa karahasan, kawalan ng seguridad, at pag-uusig, ang aming mga sasakyang pandagat na ginagamit para sa search and rescue ay ilang ulit nang pinipigilang umalis. Pinapabayad din kami ng multa, at pinagbabawalang magbaba ng mga pasahero sa ligtas na pantalan. Ngayong taong ito, ang bilang ng mga namamatay sa karagatan ay umaabot sa hindi mapapantayang antas. Ngunit nagpatupad pa rin ang pamahalaan ng Italy ng mga bagong batas na naging sanhi ng burukrasyang pumigil sa paglalayag ng aming barko, ang Geo Barents, ilang buwan na ang nakararaan.
Dapat tigilan na ng mga pamahalaang Italyano at EU ang kriminalisasyon ng migrasyon at humanitarian assistance, at sa halip ay isulong ang mga organisasyong tulad ng Doctors Without Borders upang maiipagpatuloy ang mga makasagip-buhay na mga gawain, na dapat naman talaga ay responsibilidad ng mga estado.
Samantala, sa Canada, ang dalawang dekada nang napagtibay na mga anti-terror law ay di pa rin lubos na binubukod ang humanitarian action. Ibig sabihin, hindi man kapani-paniwala’y maaaring maakusahan ang mga humanitarian sa Canada ng gawaing ilegal kahit na ang ginagawa lang nila ay sumuporta sa mga taong nasa krisis. Pinag-aaralan na ngayon ng Canada kung ano ang mga pagbabagong kailangang gawin sa kanilang anti-terror legislation upang mapadali ang pagpasok ng mga international assistance kung kinakailangan ito. Nananawagan ang Doctors Without Borders sa pamahalaan ng Canada na itaguyod ang IHL at gawan ng full humanitarian exemption ang kanilang mga batas laban sa terorismo. Ang humanitarian assistance ay hindi dapat pipigilan ng mga batas na ang layunin naman ay puksain ang terorismo.
Ang mga ito ay dalawang halimbawa lamang. Ang pagdami ng mga taong namamatay habang naglalakbay, ang mga pisikal at administratibong border walls, ang mga kalunos-lunos na kondisyon ng mga reception o detention centres sa maraming lugar ay dapat makita ng mga bansang G7 bilang mga kabiguang humanitarian sa panahong sila ang may kapangyarihan at kadalasa’y nangyayari pa sa kanilang mga sariling bakuran.
Mga tinitirhang gusali na winasak ng isang missile sa Zaporizhzhia noong Marso 2, 2023. Ukraine, Marso 2023. © MSF
Mga gawaing humanitarian na may prinsipyo
Ang humanitarian assistance ay kinakailangang ihatid sa mga pinakanangangailangan nito, kahit nasa anong panig pa sila. Ngunit ang pangunahing prinsipyong humanitarian na ito ay hinahamon ng mga legal na balangkas, mga delikadong pampublikong salaysay, at mga pagkilos na pinagkakaisahan ang kriminalisasyon ng mga nagsusumikap na magdala ng tulong.
May mga resolusyon ang UN (halimbawa, ang UN Security Council Resolution 2286 na pinagtibay noong 2016) na sinusuportahan ang IHL upang protektahan ang mga gawaing medikal at humanitarian, at may mga iba pang kasunod ito. Ngunit ang mga ito’y walang silbi kung ang mga pulitikal na interes at pagkilos ang uunahin ng mga kinauukulan.Patuloy na malalagay ang mga nagsusumikap na maghatid ng pangangalaga sa panganib ng mga banta, pisikal na pananakit at pagkulong. Maaaring masira nito ang tiwala ng mga komunidad sa mga humanitarian, at mabawasan ang access nila sa pangangalagang kinakailangan.
Sa kasamaang-palad, alam ng Doctors Without Borders kung anong mangyayari kapag pinagdudahan ang mga gawaing humanitarian. Nitong nakaraang taon lang, lima sa aming mga kasamahan ang nagdusa ng ilang buwan sa hindi makatwirang pagkulong sa Cameroon, isang rehiyong apektado ng mga hidwaan. Nakulong sila dahil sa mga walang pinagbabatayang akusasyon ng complicity with secession, o pakikipagsabwatan upang humiwalay. Mahigit isang taon bago napawalang-bisa ang kaso laban sa kanila. Hanggang ngayon, hindi kami makapagbigay ng humanitarian aid sa lugar na iyon dahil sinuspindi ng mga awtoridad ang aming mga aktibidad , at napagkaitan ang libu-libong tao ng kritikal na pangangalagang medikal.
Tinitingnan ng dalawang babae ang pinsalang ginawa sa delivery room ng health centre sa bayan ng Sebeya, sa hilagang rehiyon ng Ethiopia na Tigray. Ang mga tao sa Tigray ay naapektuhan ng krisis at ng humanitarian neglect. Ethiopia, Marso 2021. © Igor Barbero/MSF
Ang pagkakaisa ng mga humanitarian sa buong mundo
Sa kanilang inilabas na pahayag bago idaos ang summit, ang mga foreign minister ng G7 ay gumawa ng malinaw at determinadong pangako na susuportahan nila ang mga “mahihinang populasyon na lubos na naapektuhan ng iba’t ibang krisis,” katulad ng Afghanistan, Haiti, Ukraine at iba pa. Hindi ito nakakumbinsi lalo na kapag ito’y galing sa mga miyembro ng G7 na madalas ay humahadlang sa makasagip-buhay na humanitarian action sa loob at labas ng kanilang bansa.
Upang tuparin ang kanilang mga pangakong humanitarian, ang Doctors Without Borders ay nananawagan sa mga pinuno ng G7 na pangalagaan ang mga sibilyan at mga humanitarian worker, sa mga paraang gaya ng pagsulong at pagprotekta sa humanitarian action na may prinsipyo. Ito rin ay dapat gawin kapag nagbibigay ng suportang militar sa mga bansang third world. Kung ang trahedya ng Hiroshima ay may maibibigay na paalala, iyon ay na hindi dapat unahin ng mga pinuno ng mundo ang pulitika bago ang kapakanan ng sangkatauhan sapagkat ngayon, at ganoon din naman noon, masyadong malaki ang nakataya.