Skip to main content

    DRC: Naglabas ang Doctors Without Borders ng mga nakaaalarmang datos ukol sa mga natanggap nilang kaso ng karahasang sekswal

    DRC

    Sa mga kampo ng Bulengo at Lushagala, ang mga team ng Doctors Without Borders ay nagtayo ng dalawang klinika na pinangalanang Tumaini (ang salitang ito ay nangangahulugan ng "pag-asa" sa wikang Swahili). Ang mga klinikang ito ay nagbibigay ng libre at kung kinakailangan, mapagkakatiwalaang ililihim na suportang medikal at sikolohikal sa mga kababaihan. Ang mga klinika’y nakatatanggap ng mga pasyenteng iba’t iba ang edad, mga kababaihang survivor ng karahasang sekswal, mga nangangailangan ng access sa family planning, suportang sikolohikal, o ng paggamot para sa mga sexually transmitted disease. © Alexandre Marcou/ MSF

    Amsterdam/Barcelona/Brussels/Geneva/Paris, 30 Setyembre 2024 - Sa isang pagbabalik-tanaw na ulat na inilathala noong Lunes, ipinahayag ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) na kasama ang Ministry of Health, sila ay nakapaggamot ng di mapapantayang bilang ng mga biktima at survivor ng karahasang sekswal sa DRC noong taong 2023, at na nagpatuloy ang pagtaas ng bilang nito noong mga unang buwan ng 2024. Nananawagan ang medikal at humanitarian na organisasyong ito sa lahat ng mga stakeholder sa bansa at sa buong daigdig na kumilos agad upang mapigilan ang patuloy na pagdami ng mga kaso ng karahasang sekswal, at upang mapabuti ang pangangalaga sa mga survivor.

    Ang bilang na ito ay ang pinakamataas na naitala ng Doctors Without Borders sa DRC, batay sa datos mula sa 17 na mga proyektong isinagawa ng organisasyon bilang pagsuporta sa Ministry of Health sa limang probinsiya ng DRC—ang North Kivu, South Kivu, Ituri, Maniema at Central Kasai. Noong mga nakaraang taon (2020, 2021, 2022), ginamot ng Doctors Without Borders ang humigit kumulang 10,000 na biktima kada taon sa DRC. Kaya naman masasabi nating nagkaroon talaga ng malaking pagtaas ng bilang ng mga kaso sa taong 2023. 

    Ang pagtaas na ito ay lalong bumilis noong mga unang buwan ng 2024: sa probinsiya ng North Kivu lamang ay 17,363 na mga biktima at mga survivor na ang ginamot sa tulong ng Doctors Without Borders sa pagitan ng Enero at Mayo. Hindi pa man nangangalahati ang taon, ito’y umabot na sa 69% ng kabuuang bilang ng mga biktimang ginamot noong 2023 sa limang probinsiyang nabanggit.  

    Ang mga babaeng nawalan ng tirahan ang mga unang nabibiktima

    Matapos pag-aralan at siyasatin nang ilang buwan,  ang 2023 care data na nasa ulat na pinamagatang "Humihingi kami ng tulong” (We are calling for help) ay nagpapakita na 91% ng mga biktimang ginamot sa tulong ng Doctors Without Borders sa DRC ay nasa probinsiya ng North Kivu, kung saan ang mga labanan sa pagitan ng grupo ng M23, ng hukbong Congolese at ng kanilang mga kakampi ay umaatikabo na mula pa noong huling bahagi ng 2021, at naging sanhi ng sapilitang paglikas ng daan-daang libong sibilyan.

    Ang karamihan sa mga biktima (17,829) ay ginamot sa mga displacement site sa paligid ng Goma, at patuloy na umakyat ang bilang na ito sa kabuuan ng taong 2023. 

    Ayon sa mga patotoo ng aming mga pasyente, dalawang katlo sa kanila ay tinutukan ng baril. Ang mga pagsalakay na ito ay naganap sa mismong mga displacement site, ngunit mayroon ding mga nangyari sa paligid ng mga ito kung saan ang mga kababaihan– na nabibilang sa 98% na mga biktimang ginamot ng Doctors Without Borders sa DRC noong 2023– ay pumupunta upang manguha ng mga kahoy na panggatong, sumalok ng tubig, o di kaya’y upang magtrabaho sa mga bukid.
    Christopher Mambula, head of program

    Habang maipapaliwanag ng malaking bilang ng mga armadong kalalakihan sa loob at labas ng mga displacement site ang pagdami ng insidente ng karahasang sekswal, ang kakulangan ng pagtugong humanitarian sa suliraning ito at ang di makataong kondisyon ng pamumuhay sa mga kampo ay nagpapalala sa sitwasyon. Ang kakulangan ng pagkain, tubig, at ng mga gawaing mapagkakakitaan ay lalong naglalagay ng mga kababaihan sa panganib – bata man o matanda (isa sa bawat sampung biktima ang ginamot ng Doctors Without Borders noong 2023 ay mga menor de edad). Sila ay napipilitang pumunta sa mga kalapit na burol at mga bukid kung saan maraming armadong kalalakihan. Ang kakulangan ng sanitasyon at ligtas na masisilungan para sa mga kababaihan ay nagpapalala ng kanilang kahinaan laban sa karahasan. Ang iba naman ay nagiging biktima ng sexual exploitation sa kagustuhan nilang masuportahan ang kanilang mga pamilya.

    "Kung tutuusin, tila maraming mga programa para sa pagpigil ng karahasang sekswal at para sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga biktima nito. Ngunit, ang totoo niyan,  araw-araw na hinaharap ng aming mga team na nasa mga displacement site  ang hamon kung paano matutugunan ang mga biktimang nangangailangan ng tulong," sabi ni Christopher Mambula. "Ang iilang programang mayroon dito ay ipinapatupad  lamang sa loob ng maikling panahon, at kulang na kulang ang mga ito sa mapagkukunang-yaman. Marami pa ang kinakailangan upang maprotektahan ang mga kababaihan at maibigay ang mga kagyat na pangangailangan ng mga biktima.”

    Mga panawagan para sa agarang pagkilos

    Batay sa mga pangangailangang inilahad ng mga biktima at sa mga nakaraang pagkilos upang malutas ang matagal nang suliranin na ito sa bansa, ang ulat ng Doctors Without Borders ay may listahan ng 20 na agarang pagkilos na kinakailangang isakatuparan ng mga partidong sangkot sa alitan, mga opisyales na Congolese – ng bansa, ng mga probinsiya, at ng mga lokal na pamahalaan– at pati na rin mga pandaigdigang donor at ang humanitarian sector. Ayon sa ulat ng Doctors Without Borders, mayroong tatlong pangunahing aspeto kung saan nangangailangan ng agarang pagkilos.

    Una, ang Doctors Without Borders ay nananawagan sa lahat ng mga partidong sangkot sa alitan na igalang ang international humanitarian law. Partikular rito ang ganap na pagbabawal sa karahasang sekswal, at ang pagrespeto sa pagiging lugar para sa mga sibiyan ng mga displacement site. Ang pagprotekta sa mga sibilyang naiipit sa mga labanan ay dapat bigyang halaga. Ang panawagan na protektahan ang mga sibilyan laban sa pang-aabuso ay ipinapaabot din sa mga sangkot sa mga programang humanitarian.

    DRC2

    Sa bandang kanluran ay may itinatag na kampo ng mga mandirigma, at pagdating ng gabi’y nakikipagbarilan sila, na lubhang ikinatatakot ng populasyong sibilyan na pansamantalang namamalagi roon. Sa katapat nitong burol sa bandang timog patungong Sake, patuloy ang umaatikabong sagupaan at putukan, at ang mga taong nawalan ng tirahan ay naiipit sa mga labanan. © Marion Molinari / MSF

    Ikalawa, nananawagan ang Doctors Without Borders sa pagpapabuti ng kondisyon ng pamumuhay sa mga lugar kung saan namamalagi ang mga nawalan ng tahanan sa bansa. Kabilang rito ang pagpapaunlad ng access sa mga pangunahing pangangailangan – pagkain, tubig, mga gawaing mapagkakakitaan – pati na rin ang mga ligtas na pasilidad para sa sanitasyon, at mga ligtas ding tirahan. Ang mga pinamumuhunanang ito ay dapat ding samahan ng karagdagang pagsusumikap na iangat ang kamalayan ukol sa karahasang sekswal. Bagama’t totoong ang pagpopondo para sa mga humanitarian na gawain ay dapat madaling ibagay sa mga lumilitaw na kagyat na pangangailangan, ang mga nagpapatupad ng mga programa ay dapat ding maging responsible, at panagutan ang kanilang paghahatid ng tulong.

    At ang huli, nananawagan ang Doctors Without Borders ng partikular na pamumuhunan upang mapabuti ang pangangalagang medikal, social, legal at sikolohikal para sa mga biktima ng karahasang sekswal. Kailangan dito ng pangmatagalang pagpopondo para sa pagpapaunlad ng pagsasanay na medikal, pagbibigay ng mga post-rape kit sa mga pasilidad para sa pangangalaga, suporta para sa mga legal na gawain, at ang pagbibigay ng tirahan sa mga survivor. Kailangan din ng pondo para sa mga aktibidad na mag-aangat sa kamalayan upang mapigilan ang stigmatisation o pagbubukod sa mga biktima, na kung minsa’y nakapipigil sa kanilang humingi ng tulong. Ang mataas na bilang ng mga nagdadalang-taong  biktima na humihiling ng pagpapalaglag ng kanilang dinadala, ang  Doctors Without Borders ay nananawagan din para sa pagkakaroon ng batas na magagarantiya na makakakuha ang mga nagpalaglag ng komprehensibong pangangalagang medikal para sa abortion.

    Ang karahasang sekswal ay isang pangunahing medikal at humanitarian emergency sa DRC. Ayon sa impormasyong nakuha mula sa pinakahuling Gender-Based Violence Area of Responsibility (GBV AoR) ng DRC, na nagtitipon ng datos mula sa iba’t ibang organisasyong humanitarian na nagbibigay ng serbisyong pangangalaga para sa mga nakaranas ng karahasan dahil sa kanilang kasarian sa 12 na probinsiya ng DRC, 55,500 na survivor ng karahasang sekswal ay nakatanggap ng pangangalagang medikal noong ikalawang sangkapat ng taong 2024.

     
    Categories